Kabanata 5

Nasa loob ako ngayon ng kuwarto. Nagpa-practice ako kung paano mag-ayos ng neck tie at ilang ulit ko iyon ginawa. Hangga't nagpapagaling pa si Ate Solana, gagawin ko ang responsibilidad ko bilang asawa ni Amadeus. Hindi ko man makukuha ang loob niya, kahit sa ganitong paraan ay magkaroon din ako ng silbi.

"Ma'am..."

Naibaba ko ang neck tie at napalingon sa pintuan. Nakita ko ang isang dalagitang kasambahay na nakahawak sa pinto. Kita ko ang kaba sa kanyang mukha.

Ngumiti ako. "Bakit?"

"Nandito po si Ma'am Diane, Ma'am. Hinahanap ka po."

Kumunot ang noo ko. "Ako?"

Tumango siya. "Opo, Ma'am."

Ngumuso ako at saka bumuntonghininga. "Sige. Bababa ako. Puwede mo ba siyang paghandaan ng meryenda?"

"Sige po, Ma'am."

Nang umalis ang dalagitang kasambahay, tiningnan ko ang mannequin at saka napailing.

"Mukhang mamaya ulit kita maasikaso. May bisita ako." Bumuga ako ng hangin at saka tumayo na.

Hindi ko alam kung ano ang ginagawa ni Tita Diane dito pero hindi ko maiwasan ang kabahan.

***

"Magandang umaga po, Tita Diane," bati ko sa kanya nang makarating ako sa sala.

Nadatnan ko siyang nakatingin sa magazine at nang makita ako, binaba niya ito at saka tinaasan ako ng kilay.

"Ang tagal mo namang bumaba. Hindi ka reyna dito, Ciara."

Napalunok ako. "Pasensya na po."

Humalukipkip siya. "Well, nandito lang naman ako para makita kung ano na ang nangyari sa inyong dalawa ng anak ko. Sa pagkakaalam ko, hinahanap hanggang ngayon ng anak ko ang kapatid mo."

Hindi na ako nagulat sa sinabi niya.

Ngumisi siya. "Hindi ka man lang ba nasasaktan?"

Sumikip ang dibdib ko sa tanong niya pero hindi ako nagpatinag. Bumuntonghininga ako at saka tiningnan si Tita.

"Normal lang naman siguro na hahanapin ni Amadeus ang kapatid ko dahil mahal niya ito, Tita Diane."

Natawa siya sa sagot ko. "Nagpapatawa ka ba? So, ayos lang sa iyo? How pathetic!" Tumayo siya at saka kumalawa sa pagkahalukipkip. "Kaya ka siguro hindi ka kailanman nagugustuhan ng mga tao sa paligid mo dahil nakakaawa kang tingnan."

"Ayan lang po ba ang ipinunta niyo rito?" tanong ko.

Lumapit siya sa akin at nang nakalapit, hinawakan niya ang mahaba at ginger ko na buhok.

"Hindi. Nandito ako dahil curious ako sa kung ano ba talaga ang nangyari sa kapatid mo, Ciara," aniya at saka mariin akong tiningnan. "Hindi kasi ako naniniwala na basta-basta na lang tatakbo palayo si Solana sa kasunduan lalo na't mahal na mahal niya ang anak ko, Ciara. At sa totoo lang, mas gusto ko pang makita ang isang kagaya niya kaysa sa iyo."

Napasinghap ako. Nang tingnan ko ang kanyang mga mata. Nagulat ako sa aking nakita. Galit. Iyon ang nakita ko at hindi ko alam kung bakit.

"Galit ang inyong mga mata," wala sa sariling sabi ko habang nakatingin sa kanyang mga mata. Namilog ang mata niya sa sinabi ko at nabitiwan pa ang buhok ko. "Gusto kong malaman kung bakit ka galit sa isang katulad ko na wala namang ginagawang masama sa inyo, Tita Diane."

Nagsalubong ang kilay niya. "Kamukhang-kamukha at ugaling-ugali mo talaga ang nanay mo."

Umawang ang labi ko sa narinig.

"Hinding-hindi ko makakalimutan ang mukhang iyan," aniya at umatras na. "Siya ang dahilan kung bakit miserable ang buhay ko ngayon."

At nakita ko na nangilid ang luha sa kanyang mga mata. Bago pa man ako makapagsalita, kinuha na niya ang bag niya na nasa sofa at saka umalis.

Naiwan naman ako na tulala at gulong-gulo sa nangyari.

***

Obvious na ayaw talaga sa akin ni Tita Diane dahil kamukha ko ang namayapa ko na ina. Ano ba ang ginawa ng aking ina kaya siya galit na galit?

At bakit mas pabor siya kay Solana kahit pareho naman kaming anak ng nanay ko?

Binuhay lang ba talaga ako sa mundong ito para pagbuntungan ng galit?

Simula bata pa ako, ramdam ko na talaga na ayaw ng lahat sa akin lalo na ang mga kapatid at kaanak ng aking namayapa na ina. Sa tuwing may gathering ang pamilya, galit ang nasa kanilang mga mata.

They blamed me. Sinisisi nila ako sa pagkawala ni Mommy. Na sana, pinili na lang ni Mommy na mabuhay kaysa ang piliin ang isang katulad ko.

Nawalan sila ng kapatid at kaanak. Nawalan si Ate Solana ng nanay at si Daddy ng asawa.

Ako. Kung ako ang pinili na mawala sa mundong ito, iiyak lang sila at puwede na ulit mabuhay nang payapa.

Hindi ko alam kung bakit ako ang pinili ni Mommy na mabuhay. Sana...sana ako na lang nawala sa mundong ito. Hindi ko na sana naranasan ang mga bagay na ito.

Hindi ako kumain ng pananghalian. Inubos ko na lang ang oras ko sa pag-e-ensayo kung paano mag-ayos ng neck tie upang mawala sa isip ko ang nangyari kanina.

Sa sobrang pagod, nakatulugan ko ang ginagawa ko sa desk at nagising na lang na nasa malambot na kama na.

"Gising ka na pala."

Unti-unti akong bumangon mula sa pagkakahiga at saka napatingin sa paligid. Tiningnan ko ang orasan at namilog ang mata ko nang makita ko ang oras.

Alas syete na pala!

Napatingin ako kay Amadeus na ngayon ay nakatingin sa mannequin malapit lang sa vanity. Uminit ang pisngi ko sa hiya at saka tumikhim.

"N-Nandito ka na pala."

"You're weird."

Bumaba ako sa kama at saka nagmamadaling lumapit sa kanya.

"H-Huwag mo na lang tingnan iyan," ani ko at saka iniharang ang sarili sa mannequin na ikinagulat niya. "Wala lang ito."

Tiningnan niya ako. "Bakit bumili ka pa ng mannequin? Puwede naman na ako mismo ang practice-an mo."

Napalunok ako. "W-Wala ka naman dito palagi at saka mas gusto ko na practice-an iyan."

"Tsk."

"Totoo!" sabi ko nang makita ko na parang hindi siya naniniwala. "Gusto kong practice-an ang mannequin na iyan para madali na lang pagdating sa iyo. At saka-"

Hindi ko natapos ang aking sasabihin dahil biglang kumalam ang sikmura ko. Pareho kaming natigilan at napatingin sa isa't isa.

Namula ang buong mukha ko at saka nag-iwas ng tingin.

"Kumain na tayo," aniya kaya gulat akong napatingin sa kanya.

"Ha?"

"Kumain na tayo. May niluto ako," aniya at saka tumalikod na sa akin at naglakad patungo sa pinto.

Unti-unting sumilay ang ngiti sa aking labi dahil sa narinig.

"Sige."

At saka sumunod na kanya palabas ng kuwarto.

Naging maganda ang pagsasama namin ni Amadeus ng ilang linggo. Hindi na rin siya naging malamig sa akin. Parang sinubukan niyang pakisamahan ako kaysa pagbuntungan ako ng galit.

Masaya na ako na gano'n. Masaya na sana, eh, kaso hindi nagtagal ang gano'ng pakikitungo niya sa akin.

Dahil nang umuwi siya mula sa meeting kasama ng Daddy ko sa labas, bigla na lang siyang nagwala at nagbasag ng mga gamit sa sala at nang tingnan niya ako sa mata, galit ang aking nakita.

At hindi ko alam kung bakit.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top