Kabanata 2
Isang linggo simula nang ikinasal ako kay Amadeus, bumisita ang pamilya niya at si Daddy. Gusto kong lapitan si Daddy upang manghingi sana ng impormasyon tungkol sa kalagayan ni Ate pero sinamaan niya ako ng tingin kaya nanatili lang ako sa puwesto ko ngayon.
"Hindi naman pala masama na si Ciara ang pinakasalan mo, Amadeus," sambit ng Mommy ni Amadeus na si Tita Diane na ngayon ay nakataas na ang kilay sa akin. "Magkamukha naman sila ni Solana. Well, except nga lang sa buhok. What's that, hija? Ginger?"
Napahawak ako sa buhok ko dahil sa tanong ni Tita Diane.
"Dad, Mom, and Tito. Can you explain this to me?" tanong ni Amadeus na ngayon ay salubong na ang kilay. "Where the hell is Solana? Siya ang pakakasalan ko, hindi ba? Mahal ko si Solana! Hindi ko akalain na pinakasal mo ako kay Ciara! I don't love her!"
Nabitiwan ko ang buhok ko at napayuko dahil sa narinig. Kailangan pa talaga niyang sabihin sa kanila? Baka mas lalo lamang akong maging kaawa-awa.
"Nagback-out si Solana sa kasunduan," wika ni Daddy na ikinaangat ko ng tingin. "She doesn't want to marry you anymore kaya si Ciara ang ipinakasal sa iyo."
"No!" hindi makapaniwalang sambit ni Amadeus. "You are lying, Tito Manolo. Mahal ako ni Solana at mahal ko rin siya. Kaya lang naman ako sumang-ayon sa gusto ninyo at ng pamilya ko dahil si Solana iyon. Si Solana lang at wala ng iba."
"Son."
Ang maotoridad na boses ni Tito Stephan ang nagpatigil kay Amadeus. Kung nakakatakot si Amadeus, mas nakakatakot ang kanyang Daddy. Sa tingin pa lang, para ka na niyang pinatay dahil sa kanyang nakakamatay na tingin.
"Dad-"
"Whether you like it or not, kasal ka na at si Ciara ang asawa mo. You should treat her better dahil habang buhay mo na siyang makakasama. Your beloved Solana chose to run away. Isa lang ang ibig sabihin no'n. Hindi ka niya mahal. Now, set aside your feelings dahil hindi kayo pinagkasundo para magmahalan. This is business, hijo. Kapag ikaw na ang nasa posisyon ko, maiintindihan mo rin."
Lumapit si Tita Diane sa akin at saka hinawakan ang mahaba at kulay ginger ko na buhok. Sa gilid ng mata ko, nakita ko ang nanlilisik na mata ni Amadeus habang nakatingin sa amin. Napalunok ako.
Tita Diane smirked. "Kung gusto mong makuha ang puso ni Amadeus, act like your sister, Ciara. Change your hair color nang magmukha kang si Solana."
Umawang ang labi ko sa sinabi niya.
Binitiwan na niya ang buhok ko at saka lumapit na sa asawa niya. Natulala ako saglit at nang nag-sink in sa akin ang ibig niyang sabihin, sumikip ang dibdib ko.
Parang kahit sa kasalang ito, bawal na rin maging ako.
***
"Aalis ako."
Nagulat ako at napalingon dahil sa boses na iyon. Paglingon ko, nakita ko si Amadeus na bihis na bihis. Mukhang may lakad siya.
"S-Saan ka pupunta?" tanong ko.
Tiningnan niya ako. "Hahanapin ko ang kapatid mo."
Natigilan ako sa sinabi niya.
"Amadeus..."
"Ikaw ang naglagay sa sarili mo sa sitwasyon na ito kaya magdusa ka," walang awa niyang sabi. "Hindi ko kayang makita ang pagmumukha mo. Hindi ko kaya na ikaw ang makakasama ko habang buhay. Kung may kakayahan lang ako, gagawin ko ang lahat, maialis ka lang sa buhay ko at hilain si Solana pabalik sa akin."
Nang akmang tatalikod na sana siya, bigla akong nagsalita.
"Kapag nahila mo si Ate Solana pabalik dito, huwag kang mag-alala, aalis ako sa buhay mo Amadeus," sabi ko na ikinatigil niya.
Nang hindi siya nagsalita at tiningnan lang ako na may lito na sa kanya, nagpatuloy ako.
"Hindi naman ako nandito para buwisitin ang buhay mo," sabi ko at tinatagan ko ang sarili ko. Ngumiti ako sa kanya. "Malaya ka sa mga gagawin mo. Hindi kita pakikialaman. Hindi mo na kailangang magpaalam sa akin."
Pagkatapos kong sabihin iyon ay nag-iwas na ako ng tingin at saka napakagat na lamang sa ibabang labi.
Mahal ko si Amadeus, pero hindi ako obsess sa kanya. Hindi ako ang babaeng magmamakaawa ng atensyon dahil mula bata pa ako, nasanay na ako na hindi binibigyan ng atensyon. Kaya nga hanggang tingin lang sa malayo ang pagmamahal ko kay Amadeus. Hindi ko kailanman nasabi ito sa kanya dahil para siya sa Ate Solana ko. At kahit ako ang ikinasal sa kanya, wala akong planong agawin siya sa Ate kong nagpapagamot sa ibang bansa.
Umalis nga si Amadeus gaya ng aking inaasahan. Kailanman ay hindi naman talaga kami nagkaroon ng matinong pag-uusap kaya nasanay na ako sa kanya. Kahit masakit sa dibdib ay kinakaya ko.
Sa gitna ng aking pag-aayos ng bulaklak sa vase sa kuwarto ko, biglang tumunog ang phone ko. Kinuha ko ito at saka tiningnan kong sino ang tumawag.
Napangiti ako nang makita ang pangalan ni Ryan. Tinigil ko ang pag-aayos ko sa mga bulaklak at saka sinagot ang tawag. Umupo ako sa sofa at saka sumandal.
"Ryan! Tumawag ka!"
"Hello, Ciara! Brokenhearted ako ngayon," sambit ng malambing na boses ni Ryan sa kabilang linya.
Bigla akong nag-alala. "Hala, bakit?"
Matagal bago siya nakasagot. "Kasi ikinasal ka na sa iba."
Natawa ako. "Akala ko pa naman kung ano na."
"Akala ko ba ay boyfriend iyan ng Ate mo? Bakit ikaw ang ikinasal?" tanong agad ni Ryan. "May gusto ka ba sa kanya?"
Namilog ang mata ko. "W-Wala, ah! Paano mo naman nasabi iyan?"
"Nasabi ko lang. By the way, paano tayo makakagala niyan? Baka strikto pala iyang asawa mo. Hindi ka na palalabasin."
Mapait ako na napangiti at saka napabuntonghininga. "Mahal ng asawa ko ang Ate Solana ko, Ryan. Wala siyang pakialam sa akin."
"Edi gala tayo! Kailan ka ba libre?" tanong agad niya. "Marami kang ikukuwento sa amin! Every single detail dapat ang ikuwento mo!"
Napangiti ako. "Grabe ka naman! Hindi pa naman ako madaldal!"
Humalakhak ang bakla sa kabilang linya. "Sige! Sige! Basta, ah! Magkuwento ka! Kitakits tayo. Love you!"
"I love you too!"
At nang ibinaba ko ang tawag, biglang bumukas ang pinto ng aking kuwarto at nang binalingan ko, kumunot ang noo ko nang makita ko ang inis na inis na si Amadeus.
Napatayo ako. "Amadeus. Ang dali mo yata?"
Padabog na sinara niya ang pinto at saka hinubad ang kanyang coat.
"Sino iyang katawagan mo?" tanong niya at saka sunod na hinubad ang kanyang sapatos.
"Si Ry-"
"Wala akong pakialam," pagputol niya sa akin at humarap sa akin matapos mahubad ang kanyang sapatos. "Wala akong pakialam kung sino pa ang kalandian mo basta huwag mo lang ipamukha sa harapan ko."
At pagkatapos niyang sabihin iyon, dumiretso na siya sa banyo at hindi man lang ako binigyan ng pagkakataon na magsalita.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top