Kabanata 13

"A-Amadeus..."

Nanginginig na ang aking tuhod sa sobrang gulat at kaba na nararamdaman. Hindi ako namamalik-mata. Si Amadeus nga ito. Bumalik siya.

"M-May sakit si Solana?" tanong niya, bilog pa rin ang kanyang mga mata. "Kaya hindi niya ako magawang pakasalan?"

"Amadeus..."

Hindi ko alam kung ano ang sasabihin ko. Hindi pa ito ang tamang oras. Hindi pa isang buwan.

Lumapit siya sa akin at hinawakan ako sa balikat nang mahigpit. Bigla akong natakot.

"Sabihin mo sa akin..." aniya na ngayon ay punong-puno na ng takot ang kanyang mga mata. "M-May sakit ang Ate mo? Tama ang narinig ko?"

Bumuhos ang luha sa aking mata kaya niyugyog niya ako.

"Sabihin mo sa akin, Ciara! Sabihin mo sa akin ang totoo!"

Tumango ako kaya binitiwan niya ako. Napatakip ako sa aking bibig upang pigilan ang sarili sa paghikbi. Napaatras siya at natulala.

Hindi ko akalain na dito na matatapos ang lahat. Tapos na ang maliligayang araw dahil nalaman niya na sa hindi tamang panahon.

"Ayaw kong magalit sa iyo, Ciara," aniya at pilit kinalma ang sarili. "You are a good girl and I can see it."

Kinagat ko ang ibabang labi ko.

"Now..." Tiningnan niya ako. "Tell me. Nasaan ang kapatid mo?"

"Wala pang isang buwan-"

"KAILANGAN MO PA BANG PAABUTIN NG ISANG BUWAN?"

Tumaas ang boses niya kaya napaatras ako sa gulat. Nakita niya ang reaksyon ko kaya napasuklay siya sa kanyang buhok at maya-maya ay ginulo niya ito.

"We don't need that anymore, Ciara..."

Kumirot ang puso ko.

"Matagal ko nang hinahanap ang kapatid mo. Pinakisamahan kita gaya ng gusto mo," sambit niya sa akin. "Ngayong sinabi mo sa akin na may sakit ang Ate mo. Sabihin mo na lang sa akin, Ciara, kung nasaan siya."

Namutla ako. Kung sasabihin ko ay pagagalitan ako ni Daddy. Kung malaman ng lahat ang tungkol sa sakit ng Ate ko, ako ang pagbubuntungan ng galit ni Daddy dahil may posibilidad na aatras na ang mga Rodriguez sa kasunduan nila.

Ako ang totoong kawawa.

Umiling-iling ako at umiyak na. "H-Huwag muna ngayon-"

"Bullshit!" sigaw niya at napasigaw ako nang sinuntok niya ang pader. "Bakit hindi mo kayang sabihin? May pumipigil ba sa iyo?"

Nanginginig na ang buong katawan ko sa takot na nararamdaman. Ayaw ko na pati siya ay magalit sa akin. Ayaw ko na pati siya ay kamumuhian din ako.

All my life, iyon lang ang naramdaman ko sa paligid ko. Tanging si Ate Solana lang ang nagparamdam sa akin ng totoong pagmamahal. The rest of my family, they hate me.

"Sabihin mo sa akin..." desperado niyang sabi at namula ang mga mata niya. Nang tingnan ko ang kanyang kamay, may dugo na ito kaya bigla akong nag-alala.

"Ang kamay mo-"

"Just tell me where your sister is!"

"N-Nasa States siya, nagpapagaling."

Pagkatapos kong sabihin iyon ay agad-agad siyang umalis at saka iniwan ako na mag-isa. Bumuhos lalo ang luha sa aking mata at tahimik na humikbi.

Sorry, Ate Solana.

***

Hindi na bumalik si Amadeus sa araw na iyon. Siguro ay pupuntahan na niya si Ate Solana.

Nandito ako ngayon sa kuwarto, balisa at pabalik-balik ang tingin ko sa selpon. Inabangan ko kasi na tatawag si Daddy sa akin dahil baka nalaman na niya ang katangahang ginawa ko ngayon.

Gusto ko rin makita si Ate Solana. Gusto ko rin malaman kung ano na ang kalagayan niya.

Napatalon ako sa gulat nang may kumatok sa pinto. Napalunok ako at nakaramdam muli ng kaba sa dibdib dahil baka si Amadeus ito. Pero nang binuksan ko, si Manang Rosana ito.

"Manang..."

"Ayos ka lang ba, hija?" tanong niya.

Parang biglang tinusok ang puso ko sa tanong niya.

"Manang," tawag ko sa kanya at saka umiling. "H-Hindi po ako okay."

Bumigay na ako at saka yumakap kay Manang. Ang nag-iisang kakampi ko sa bahay na ito.

***

Sa pangatlong araw na bumalik si Amadeus sa bahay pero sa pagbalik niya, parang nag-iba na siyang tao. Halos hindi na nga niya ako matingnan at sobrang lamig na ng trato niya sa akin. Bukod doon, hindi na rin siya sumabay sa akin sa hapag.

Napayuko ako dahil sa lungkot. Parang nawalan na rin ako ng ganang kumain.

"Hija," ani Manang at umupo na sa tabi ko. Nandito pa rin ako sa hapagkainan. "Kumain ka na. Sayang naman ang niluto mo. Masarap pa naman."

Binalingan ko si Manang Rosana. "S-Sayang po ng niluto ko, Manang, kasi hindi niya kakainin. Hindi na rin po siya sumabay sa akin sa pagkain."

Nakita ko ang awa sa mga mata ni Manang Rosana. Nakita ko rin na nasasaktan siya para sa akin.

"Sasabayan kita sa pagkain, hija," aniya sabay ngiti. "First time ko itong gawin kasi hindi naman tayo puwedeng magsabay pero sasabay ako sa iyo, ah?"

Tumango ako at pilit na ngumiti.

"Tandaan mo na hindi ka mag-isa. Nandito naman ako," aniya at saka siya na mismo ang naglagay ng ulam sa pinggan ko. "Kaya kumain ka na at kausapin ang asawa mo kapag hindi na mainit ang ulo niya."

Tumango ako at saka sinunod ang sinabi niya.

Hindi ako sanay na hindi na ako pinapansin ni Amadeus. Parang kailan lang ay masaya kami. Tapos ngayon, balik sa unang trato niya sa akin.

Halos hindi na ako makatulog kakaisip kung ano ang dapat kong gawin para lang pansinin niya ulit ako. Sinabi ko na sa kanya kung nasaan si Ate Solana.

Ano pa ang problema niya?

Kaya nang mag-isang linggo, nagulat na lamang ako nang kinausap niya ako. Hindi para makipag-ayos.

"Sumama ka sa akin," malamig niyang sabi sa akin sa kuwarto.

"S-Saan?"

"Pupunta tayong States," sagot niya sa akin. "Pupuntahan natin ang Ate Solana mo."

"H-Hindi ka pa ba nakapunta?" tanong ko sa kanya.

"Hindi. Ayaw kong malaman ng pamilya ko na hinahanap ko pa rin ang babaeng mahal ko," aniya at saka tumawa pagkatapos. "Ano ba ang tinatago ninyo? Bakit ayaw ninyong malaman ko na may sakit si Solana?"

Hindi ko siya sinagot kaya bumuntonghininga siya.

"Sinabi ko sa pamilya ko at daddy mo na magbabakasyon tayo sa Hong Kong," aniya at saka naglakad patungo sa drawer. May kinuha siya roon at saka ibinigay sa akin. Isang plane ticket. "Pero isang araw lang tayo sa Hong Kong at ang totoong pupuntahan natin ay ang States."

Napasinghap ako sa sinabi niya.

Gagamitin niya ako para makita niya ang Ate ko. Kumirot ang puso ko sa nalaman.

Pero sa huli, gusto ko rin naman ang makatulong. Gusto ko rin namang makita si Ate Solana.

Sa huli, sumang-ayon ako at saka nag-impake na para sa paglipad namin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top