Kabanata 1

"Nasaan si Solana? Bakit ikaw ang kinasal sa akin? Ha? Sagutin mo ako!" gigil na tanong niya habang mahigpit ang hawak niya sa palapulsuhan ko. Kita ko ang lito at inis sa kanyang mukha ngayon.

"A-Amadeus, nasasaktan ako!" sabi ko habang pilit hablutin ang palapulsuhan ko mula sa kanya.

Pagkatapos ng kasal, hinila na ako ni Amadeus na ngayon ay galit na galit. Hindi niya kasi matanggap na ako ang ikinasal sa kanya. Hindi niya tanggap na hindi si Solana ang nahalikan niya sa harap ng altar.

"Masasaktan ka talaga kung hindi mo sasabihin sa akin!" aniya at nagtagis ang kanyang bagang. "Now, tell me. Bakit ikaw ang sumipot? What is the meaning of this?"

Nang hindi ako sumagot ay hinawakan niya ang baba ko at napapikit ako nang hinawakan niya ito nang mahigpit.

"Nasaan ang kapatid mo!" sigaw niya.

Tumulo ang luha sa aking mata at saka nagmulat para masalubong lang ang nag-aapoy na mata ni Amadeus.

"A-Ayaw ka niyang pakasalan," sambit ko na ikinaluwag ng pagkahawak niya sa akin. Nakita ko na nasaktan siya. "A-Ayaw na niya sa iyo."

Binitiwan niya ang baba ko at saka napaatras.

"Hindi ako naniniwala. Solana loves me, Ciara. Hindi niya gawain ang tumakas."

"M-Maniwala ka sa akin-"

"Baka naman ay pinilit mo ang daddy mo na ikaw ang ipakasal sa akin," aniya at saka mas lalong dumilim ang tingin. "May gusto ka sa akin, hindi ba?"

Napasinghap ako sa sinabi niya.

"At dahil sobrang mabait ang kapatid mo, baka pinagbigyan ka sa gusto niya. Kaya wala siya ngayon dahil baka nagmakaawa ka na ikaw ang ikakasal sa akin. Akala mo ba ay magugustuhan kita?"

Nasaktan ako sa sinabi niya kahit ang iba sa kanyang sinabi ay hindi totoo. Nasasaktan ako dahil sa huli niyang sinabi.

"Hindi totoo ang sinabi mo-"

"Shut up!" sigaw niya at ginulo ang buhok ko. "Kapag nalaman ko na kagagawan mo ang lahat ng ito, magiging miserable ang buhay mo sa kamay ko, Ciara. Ang kapatid mo ang mahal ko at alam mo iyon. Alam ng lahat ng iyon at ikaw..."

Huwag mo nang ituloy please. Nasasaktan ako, Amadeus. Ginagawa ko lang ito para sa kapatid ko. Huwag mo naman akong saktan ng ganito.

"Sampid ka lang sa relasyon namin," dagdag niya at saka tumalikod na sa akin.

Iniwan niya ako sa loob ng hotel room. Sa sobrang panghihina, napaupo na lamang ako sa carpeted floor at sunod-sunod na tumulo ang luha sa aking mata.

Bakit ang sakit?

Ang sakit naman nitong pinasukan ko. Bakit ako na lang palagi ang may kasalanan? Binuhay ba ako sa mundong ito para lang maging makasalanan?

Napahagulhol ako at bigla kong naalala ang sinabi ni Daddy sa akin bago ko pinakasalan si Amadeus.

"This is just temporary, Ciara. Don't tell Amadeus about Solana's whereabouts. Huwag mo ring sabihin ang dinadala niyang sakit," ani Daddy sa akin matapos kong makausap si Ate Solana.

Mukhang plano nila ito at ako ang naiipit.

"Bakit, Daddy? Kailangang malaman ni Amadeus-"

"Ayaw ng mga Rodriguez na magkapamilya ng sakitin na babae," pagputol sa akin ni Daddy. "Kapag nalaman nila ang kalagayan ni Solana, puputulin ni Stephan ang kasunduan."

"H-Hindi naman siguro iyon mangyayari lalo na't nagmamahalan naman po sila Solana at Amadeus, Dad."

Umiling si Dad sa akin. "Hindi mo alam ang patakaran ng pamilya nila, Ciara. Hindi welcome sa kanila ang babaeng sakitin. Kahit mahal pa ito ni Amadeus. Wala silang pakialam. Iitsapwerain nila at papalitan ng bago."

Nagulat ako sa sinabi ni Dad.

"Kaya para sa kapatid mo at sa kapakanan ng pamilya natin, pakasalan mo si Amadeus. Alam na ng pamilya ni Amadeus na ikaw ang ipapalit dahil umayaw si Solana sa kasunduan. Ikaw na ang bahalang magpaliwanag kay Amadeus. Kahit magsinungaling ka pa sa kanya. Gawin mo, hindi lang malalaman ang nangyari sa Ate mo."

Iyak lang ako nang iyak. Mag-isa lang naman ako sa hotel room na ito kaya malaya akong umiyak.

Nasasaktan ako para sa kanilang dalawa. Nasasaktan ako para kay Amadeus dahil hindi niya alam ang nangyari sa girlfriend niya. Nasasaktan ako kay Ate dahil sa sakit niya at nasasaktan ako para sa sarili ko dahil kailanman, hindi ako magugustuhan ni Amadeus.

Sana ako na lang ang may sakit. Sana sa akin na lang ibinigay ang sakit ni Ate para maging masaya sila ni Amadeus.

Kung ako ang magkakasakit, wala namang iiyak sa akin. Baka nga magiging masaya pa ang lahat kapag wala ako. Kasi simula bata pa ako, lahat ng tao na nasa paligid ako ay sinisisi ako sa pagkawala ng aking ina na hindi ko man lang nakilala.

Ate Solana is the sunshine in our family. She is very cheerful and energetic kaya nga ipinangalan sa kanya ang Solana dahil gano'n siyang tao. Samantalang ako, wala man lang kahulugan ang pangalan ko dahil napilit na lamang sila na buhayin ako.

Malamig ang pakikitungo sa akin ni Amadeus simula nang ikinasal kami. Nasa iisa na kaming bubong pero isang imik man lang galing sa kanya ay wala akong matanggap. Busy siya sa paghahanap sa Ate ko. At ako, narito lang mag-isa sa hapagkainan, binibiyak ang puso ko.

Ate, hindi ko yata kaya ito. Hindi ko siya kayang mahalin nang higit pa sa pagmamahal mo kung ang sinisigaw ng puso niya ay ikaw.

Bigla akong nabuhayan ng loob nang makita ko si Amadeus patungo sa hapagkainan. Napangiti ako at saka tumayo.

"Amadeus, sabay na tayong kumain-"

"Tapusin mo na ang kinain mo dahil ako ang susunod. Hindi ko kayang makita ang pagmumukha mo," malamig niyang sabi.

"A-Amadeus..." Napalunok ako. "H-Hindi mo naman kailangang tumingin sa mukha ko."

"Umalis ka sa hapagkainan, Ciara. Ayaw kitang makita," malamig niyang sambit at naghila ng upuan. Umupo siya at nang napansin na nakatayo pa rin ako, nagsalubong ang kilay niya. "Ano pa ang hinihintay mo? Umalis ka sa harapan ko."

Kinagat ko ang ibabang labi ko at tumango.

"O-Oo. Hindi mo naman kailangang magalit," ani ko at kahit masakit na ay nagawa ko pang ngumiti na siyang ikinatigil niya. "K-Kumain ka na. Aalis na ako."

Pagkatapos kong sabihin ay umalis na ako sa hapagkainan na may bigat na dinadala sa dibdib.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top