Chapter 61
Chapter 61
Ilang linggo ang nakalipas, naging maganda at payapa naman ang pag-stay ko rito sa Cebu. Kung ano ang trato nila sa akin noon ay iyon pa rin ngayon. Sobrang saya ko dahil tanggap nila ako nang buong-buo pati ang anak ko na mas nag-enjoy makasama ang lolo at lola niya.
Nagkita na rin kami ni Cheska sa kasal ni Sabrina noong nakaraan. Sobrang saya ko para sa kaibigan ko kasi nahanap na niya ang lalaki na para sa kaniya. Pero nawala ang pokus ko sa ginagawa ko ngayon nang maalala ko ang Mama ko na sobrang saya na maikasal si Sabrina sa taong mahal niya at mahal siya. Hindi ko maiwasan ang mainggit. Kita ko na palagi siyang tumitingin sa akin pero nahihiya akong lumapit.
Kapag ikakasal kaya ulit ako, magiging ganon din ba ang ngiti niya? Iyon ang tanong na nasa isip ko. Sobrang swerte pa rin naman ni Sabrina dahil ang mismong Mama ko na siyang kumupkop sa kaniya ang naghatid sa kaniya sa Altar.
Mahina akong napasinghap nang naramdaman ko ang kamay ni Ashton na yumakap sa maliit kong bewang. Ramdam na ramdam ko rin ang kaniyang hininga sa likuran ko.
"Kat..." bulong niya.
Napapikit ako habang dinarama ang hangin na sumampal sa pagmumukha ko. Nasa veranda kami ng kanilang mansyon, malalim ang gabi at tanging buwan at mga bituin ang nagniningning sa kalangitan. Tanging ang kalangitan ang saksi sa aming posisyon ngayon.
"Bakit?"
"Hindi ka ba busy?" tanong niya.
Napanguso ako. Bakit naman ako magiging busy? Halos wala na nga akong ginagawa sa pamamahay na ito, eh.
"Hindi." Nilingon ko siya at nginusuhan. "Bakit?"
Malalim ang kaniyang matang nakatingin sa akin, parang may malalim na iniisip. Ibinalik ko ang tingin ko sa harapan ko kung saan maraming mga halaman ang nakatanim at iyon ang mas nagpasariwa sa hangin.
"Let's date..."
Bumilis ang tibok ng puso ko sa sinabi niya. Hindi ko magawang lumingon dahil naramdaman ko na lamang ang kaniyang labi sa aking pisngi.
"Let's travel around...you and me."
Napalunok ako at ramdam ko ang kuryenteng dumaloy sa akin nang hinawakan niya ang nanlalamig kong kamay. Inangat niya ang kamay ko at inilapit sa kaniyang malambot na labi. Hinalikan niya ang kamay nang matagal.
Mahilig siyang humalik sa aking kamay at para akin, romantic na iyon.
"Sige..." pagsang-ayon ko.
Pero nang maalala ko na kailangan ko pa bumisita sa Papa ko ay nilingon ko muli siya.
"Pero pupunta pa ako sa sementeryo bukas," ani ko. "Gusto kong dalawin si Papa."
"Sasama ako-"
Agad kong inilagay ang hintuturo ko sa kaniyang labi upang pigilan siya sa pagsasalita. Nagulat siya sa ginawa ko.
"Hindi, ako lang dapat!" Sinamaan ko siya ng tingin. "Kailangan ko ng masinsinan na pag-uusap ni Papa. Baka mumultuhin ako kapag hindi ko siya nabisita kaya dapat ako lang!"
Hinawakan niya ang palapulsuhan ko at ibinaba ang kamay ko. Seryoso na ang kaniyang mga mata at nagliliyab na ito, hindi dahil sa galit kundi dahil sa sabik. Napalunok tuloy ako nang pinaharap niya ako at hinapit ang bewang ko palapit sa kaniyang mainit na katawan.
"Alright, you can. But first, let me kiss you."
At bago pa man ako makaalma at sinugod na niya ako ng isang malalim at marahan na halik. Napapikit ako at nailagay ko ang magkabilang kamay ko sa likod ng leeg niya at sinuklian ang kaniyang matamis na halik.
***
"Mama, pupunta tayo kay Lolo?" nagtatakang tanong ni Jacky nang binihisan ko siya at inayusan.
Plano kong dalhin si Jacky para makilala rin siya ni Papa. Sigurado ako kapag buhay iyon ay baka sasaya iyon dahil may mga apo na siya. Sana pala nandito sila Ate, pero asa pa ako na aapak pa iyon sa Cebu.
"Oo anak, miss na miss ko na kasi si Papa." Nang maayos ko na ang damit niya ay buhok ko naman ang inayos niya.
"Patay na po si Lolo, 'di ba?" inosenteng tanong ng anak ko.
"Oo," matipid kong sagot.
"Oh, paano ko siya kakausapin? Hukayin natin puntod, Mama?"
Napatiim-bagang ako at hindi alam kung ano ang isasagot sa kuryosong anak ko.
Bumuntonghininga ako at nilagyan ng hairpin ang buhok niya na hanggang balikat.
"Hindi," sagot ko at kinuha ang bulaklak na dadalhin ko at ibinigay sa kanya ang bulaklak. "Ikaw magdala, sigurado akong sasaya si Papa na makita ka."
"Paano niya ako makita, Mama? Patay na po si Lolo e, paano ako magmano?"
Hindi ko na lamang sinagot ang anak ko at lumabas na kami sa kwarto. Nakasalubong namin si Ashley na may dalang video camera. Mukha iyon pa rin yata ang hobby niya sa buhay.
"Oh, saan punta niyo, Ate?" tanong ni Ashley sabay baba ng tingin kay Jacky na ngayon ay nakasimangot na.
"Why naman ganiyan ang tingin mo sa akin, baby girl? Same ba kami ng face ng kaaway mo?" natatawang tanong ni Ashley.
Tumango si Jacky at hinila na ako pababa ng hagdan. Nanghingi ako ng pasensya kay Ashley na ngayon ay nagulat sa biglang pagtalikod ni Jacky.
"Pasensya na," nahihiya kong sambit at nagpahila na sa anak ko.
***
Hinatid kami ng driver ng mga Monteverde sa cemetery kung saan nakalibing si Papa. Mabuti at walang masyadong tao at may dala na rin akong kandila at si Jacky naman ay may dalang bulaklak.
"Dito lang kayo," pagpigil ko sa isa sa mga bodyguards na mukhang balak pa yatang sumama sa amin. "Hindi naman kami magtatagal."
Mabuti na lang at masunurin ang bodyguard na ito kaya nakahinga ako nang maluwag at nagtungo na sa puntod ni Papa. Ngunit natigilan kami ng anak ko nang makita ko ang isang tao na nakaharap sa puntod ng Papa ko. May bulaklak na nakalagay at papaubos na kandila. Bumilis ang tibok ng puso ko nang humarap siya sa amin at nakumpira na si Mama ito.
"Anak..."
Kumirot ang puso ko nang tinawag niya akong anak. Sinilip ko ang puntod at napansin ko na alagang-alaga ito. Huminga ako nang malalim at saka dumiretso sa tabi niya para ilagay ang kandila at bulaklak naming dala.
Tiningnan ko ang puntod ni Papa at tipid na ngumiti.
"Nandito ka po pala," panimula ko. Ang anak ko ay nakatingala lang sa Lola niya.
"Oo," sagot niya kaya napalingon ako sa kanya. "Palagi kong pinalinis at binisita ang puntod ng Papa mo. Iyon na lamang ang magagawa ko para sa kaniya."
"Kahit kailan ba...may katiting na pagmamahal kayo sa amin?" tanong ko.
Nagulat siya sa tinanong ko.
"M-may l-lugar pa rin ba kami sa p-puso mo...Mama?"
Tumulo ang luha sa mata ni Mama. First time ko siyang tawagin na Mama. At tingin ko ay nahaplos ko ang kanyang puso kaya naluha siya.
"O-Of c-course," nauutal at naluluha niyang wika. Nadala ako sa kaniyang mga luha kaya tumulo rin ang luha ko at napapikit.
"M-mahal na m-mahal ko kayo, anak. Sobrang pagsisisi ko nang iwan ko kayo at hindi ipinaglaban...ako na yata ang pinakamasamang ina sa buong mundo. Iniwan ko ang magaganda kong anak..."
Napatingin sa amin si Jacky. “Mama, inaway niyo po ba siya?”
"Hindi niyo man ramdam ang pagmamahal ko..." Itinapat niya ang kamao niya sa puso niya at lumuluha akong tingnan. "Pero gusto ko lang sabihin sa inyo na mahal na mahal ko kayo ng kapatid mo, na kahit iniwan ko kayo...na kahit magdusa ako...okay lang...basta hindi lang magdusa ang mga taong mahal ko."
"Pero nagdusa kami..."sagot ko agad. "Alam mo ba iyong feeling na walang ina na gumagabay sa 'yo? Alam mo ba ang feeling na palagi kang inaasar ng mga kaklase mo, mga kalaro mo na kulang na kulang ako. Naiinggit ako na wala akong ina habang ang mga kaklase ko ay meron. Kapag may medalya, sila ang sumasabit, proud na proud at kompleto ang pamilya."
Hindi ko na makilala ang boses ko sa sobrang panginginig.
"Kahit gaano pa kabuti ang Papa namin na siyang tumayong ina at ama, sobrang sakit pa rin na hanggang sa paglaki ko ay hindi ko man lang nasilayan ang ina ko kahit isang beses man lang! Kahit isang beses, kahit sa mga kaarawan namin, umaasa kami na magpapakita ka, babalikan kami at mamahalin ulit ang nangungulila kong ama na walang ginawa kundi ang hintayin ka!"
Humagulhol na si Mama sa harapan ko. Paulit-ulit na sinasambit ang salitang 'sorry'
"I'm sorry, anak...sobrang sorry sa lahat ng pagkukulang ko sa inyo. Alam kong hindi niyo ako mapapatawad...alam ko na...hindi iyon gaano kadali...pero gusto ko lang sabihin sa inyo na hindi ako susuko. Sobrang saya ko na bumalik ka ulit dito...sobrang saya ko nang ibinalita iyon sa akin...na kahit sa huling hininga ko sa mundong ito...may pagkakataon na akong makasama kayo..."
Napapikit ako at nalamayan ko na lang na hinila na ni Jacky ang laylayan ng damit ko.
"Anak..." Nagmulat ako at saka umupo ako para magka-level ang mukha namin ng anak ko.
"Siya ang Lola mo..." Ngumiti ako sa kaniya pagkatapos.
"Talaga, Mama?" Nilingon niya ang Mama ko na nakangiti na ngunit ibinalik ni Jacky ang tingin niya sa akin at kunot-noo akong tiningnan. "Mama, bakit kayo umiiyak?"
Umiling ako at hinaplos ang buhok ng anak ko bago tumayo at hinarap muli ang luhaan na si Mama sa harapan ko. Sa harap mismo ng puntod ni Papa ko ay nakilala ko ang Mama ko, at sa harap din mismo ng puntod ng Papa ko, gusto ko lang sabihin na may pagpapatawad din naman sa puso ko.
"Gusto ko lang sabihin sa 'yo na kahit baliktarin man ang mundo...kahit saang lupalop man tayo makarating...ikaw pa rin naman ang Mama namin,” sambit ko at ngumiti sa kaniya sa unang pagkakatapon. "Hindi man gano'n kadali...pero gusto kong malaman mo na kahit hindi man kita nakakasama simula bata...mahal na mahal din kita...M-mama.”
"Anak..."
"Gusto kong bigyan ng pagkakataon ang sarili ko na kahit malaki na ako at may sariling pamilya, gusto ko rin maramdaman ang magkaroon ng isang ina...kaya Ma..."
Hindi ko na natapos ang aking sasabihin dahil bigla akong niyakap ni Mama. Napahagulhol ako sa sobrang tuwa. Ito ang unang pagkakataon na niyakap ako ng Mama ko. Ito ang una at sana hindi na matapos pa dahil sobrang sarap sa pakiramdam. Hindi pa naman huli ang lahat, kaya sa puntong ito, bibigyan ko ng pagkakataon si Mama at ang sarili ko.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top