Chapter 46
Chapter 46
Hinatid ako ni Art sa mansiyon ng mga Monteverde matapos niya akong dinala sa parke. Doon ko inilabas ang lahat ng hinanakit ko at sobrang malaking tulong ang pakikinig ni Art sa akin kasi nabawasan ang bigat na nararamdaman ko.
Sa paghatid ni Art sa akin ay naaninag ko ang presensya ni Ashton. Nakahalukipkip siya habang nasa tapat ng gate kasama ang isang security guard.
Humigpit ang hawak ko sa phone ko at sumikip ang dibdib ko. Nang huminto ang kotse ni Art sa may gate ay tinanggal ko na ang seatbelt ko.
Akmang lalabas sana si Art pero pinigilan ko siya.
“Huwag ka nang lumabas,” matamlay ko na sambit at tipid siyang nginitian. “Maraming salamat.”
Hindi niya sinuklian ang ngiti ko dahil alam niya na peke lang iyon. Kaya ang ginawa niya, hinawakan niya ang kamay ko na siyang ikinagulat ko.
“Puwede mo akong mapaglabasan ng sama ng loob, Katarina,” seryosong aniya. “Kung may sama kang loob na hindi mo masasabi sa iba, I am one call away.”
Tumango ako at saka lumabas na ng kotse niya. Tiningnan ko siya ulit at kita ko ang tipid ng kanyang ngiti bago ko sinara ang pinto.
Nanlamig ako nang sinalubong ako ni Ashton. Kita ko ang pagsalubong ng kanyang kilay habang nakatingin sa kotse ni Art na umaatras na. Nang bumaling siya sa akin ay nawala ang salubong ng kanyang kilay.
Nag-iwas ako ng tingin kay Ashton. Hindi ko maiwasan ang magtampo sa kanya. Kailangan na kailangan ko siya pero sa ibang tao ko nailabas. Pilit kong ipinasok sa kokote ko na busy siya kaya hindi niya nasagot ang mga tawag ko.
“Katarina,” tawag niya sa akin.
Hindi ko siya pinansin at nilagpasan siya.
“Bakit mo kasama si Art?”
Natigilan ako sa paglalakad at napapikit. Sa lahat pa talaga ng napansin niya ay iyon pa talaga? Hindi niya man lang ba itatanong sa akin kung maayos lang ako? Hindi niya man lang ba ako kukumustahin at tanungin kung saan ako galing? Kumuyom ang nanginginig kong kamay.
“Oo…” Dumilat ako. “Hinatid niya ako pauwi.”
Maglalakad na muli sana ako pero naharangan niya ako. Napasinghap ako at napaatras sa gulat.
“Sinabi ko na sa iyo na lumayo ka sa kanya,” ani Ashton sa kalmadong boses ngunit ramdam ko ang pagkadiin. “Sinabi ko naman sa iyo iyon, hindi ba?”
Walang gana akong tumango at akmang maglalakad na sana nang hawakan niya ang braso ko kaya natigilan ako at napatingin sa kanya.
“Ash…”
Matalim niya akong tiningnan. Parang piniga ang puso ko sa kanyang klaseng tingin. Para niya akong pinagdududahan.
“Mag-usap muna tayo, Katarina. Pagod ako sa trabaho at iyon ang madadatnan ko.”
Nangilid ang luha sa aking mata. “W-Wala ka bang tiwala sa akin?”
Nagulat siya sa tanong ko at lumuwag ang pagkahawak niya sa braso ko.
“Bakit ganiyan ka magtanong? Kung talagang may tiwala ka sa akin ay hindi mo dapat ako pinagdududahan, Ashton.”
Lumambot ang ekspresyon niya at para siyang na-guilty.
“Hindi mo man lang ba itatanong sa akin kung okay lang ako ngayong araw? Hindi mo man lang ba ako kukumustahin? Hindi mo man lang itatanong sa akin kung bakit ako tawag nang tawag sa iyo?”
Umawang ang labi niya. “Kat, busy ako—”
“Oo!” pagputol ko sa kanya. “Alam ko na busy ka! Alam ko iyon! Alam ko ang pakiramdam na iyon dahil nangyari na iyon noon!”
Namutla siya. “K-Kat…”
“Naalala mob a? Kung paano mo ako inignora ng ilang buwan?” tanong ko, pinaalala sa kanya ang noon. “Ayaw ko nang maranasan iyon! Pero feel ko, ipaparanas mo na iyon ulit sa akin! Kasi parang bumalik ang sakit, Ash…” Tinuro ko ang puso ko. “Nasasaktan ako sa tuwing ganiyan ka…”
Nanatili lang siyang nakatingin sa akin, naninimbang.
Nag-iwas ako ng tingin at pinunasan ang luha na tumulo na.
“P-Pagod na pagod na ako,” pag-amin ko sa kanya. “Pagod na pagod na.”
Nataranta siya at nang akma niya akong lalapitan ay lumayo ako.
“Hindi ko alam kung bakit ganiyan ka. Isipin mo kung ano ang gusto mong isipin. Tutal ganiyan ka naman. Ngayon ko lang napagtanto na sana sa una pa lang ay hindi na ako nagpauto sa iyo. Sana una pa lang ay nilayuan na kita para hindi na tayo nagkita ulit at para hindi na ako masaktan ng ganito! Sa puntong ito, alam ko na hindi sapat ang pagmamahal mo—”
“How can you say that?” Biglang sumabog si Ashton na ikinatakot ko. Kita ko ang frustration sa kanya. “Paano mo nasabi iyan, Katarina? Hindi sapat ang pagmamahal ko? Busy ako kaya hindi ko masagot ang tawag mo kung ganiyan ang ikinagalit mo. Sadyang pagod lang ako at hindi ko nagustuhan ang paghahatid ni Art sa iyo. Iyon lang iyon!”
Natahimik ako. Napasabunot si Ashton sa kanyang buhok.
“What do you want me to do, Kat? Leave my business and be with you? Kaya nga ako naging busy para sa iyo na ako pagkatapos! Inasikaso ko ang mga kailangan kong asikasuhin para may oras na ako palagi sa iyo, Kat. At ganito ang makikita ko. Kasama mo ang Art na iyon na trip ka! Sino ang hindi maiinis?”
Hindi ko man lang maipaliwanag sa kanya ang lahat. Pagod ako at ang daming bumagabag sa akin ngayon. Nagpataasan kami ni Ashton ng pride.
“Isipin mo kung ano ang gusto mong isipin, Ashton.” Tiningnan ko siya. “Ang unfair lang kasi kapag si Sabrina ang tumatawag, parang kahit busy ka pupuntahan mo siya. May oras ka sa kanya.”
Panibagong luha ang tumulo sa aking mata.
“Tapos kapag ako, pag-aawayan pa natin na busy ka at wala kang oras. May oras ka naman, eh!” Napaiyak na ako. “Pero huwag mo nang isipin iyon. Tutal, alam na ni Sabrina ang totoong dahilan ng pagpapakasal nating dalawa.”
Namilog ang mata niya.
Mahina akong natawa at napatingala sa kalangitan. “Ang galing, no? Gagawa talaga siya ng paraan para masira lang tayo. Siguro hindi talaga tayo ang para sa isa’t isa.”
“Kat…”
Nagbaba ako ng tingin sa kanya nang hinawakan niya ang kamay ko. Malamig ito at ramdam na ramdam ko ang kanyang panginginig.
“I’m sorry…” Umiling siya at halata na talaga ang takot sa kanyang mukha. “Hindi ko sinasadya. Huwag ka nang magalit. Huwag kang gagawa ng desisyon habang galit, Kat.”
Hindi ko na kaya ang lahat ng nalaman ko. Sa puntong ito, gusto ko na lang muna magpakalayo. Tama si Sabrina, hindi ako ang first choice ni Ashton. Hindi niya ako priority. Gusto ko mang intindihin ang pagiging busy niya pero nakita ko na rin noon na kahit busy siya ay pupuntahan niya talaga kung tungkol kay Sabrina ang tawag.
Mas lalo akong nabaliw sa nalaman ko. Na ang mommy ni Sabrina ay nanay ko rin at ang mahal ni Papa.
“Kat, please…”
Hindi na ako nagsalita at napapikit na lamang. Nanlambot ako nang naramdaman ko ang kanyang yakap at ang paghalik niya sa noo ko.
“Mahal na mahal kita, Katarina. Hindi ko sinasadya.”
At paulit-ulit niya iyon sinabi hanggang sa pagtulog ko.
***
“Magdiwang ka bunso. Hindi pupunta si Tita Kelly ngayon dito sa mansiyon dahil masama raw ang pakiramdam. Ibig sabihin, hindi mo makikita si Sabrina,” ani Ashvon habang hawak-hawak ang isang libro.
Ilang linggo ang lumipas at pilit kong intindihin si Ashton at ang kanyang pagiging busy. Iniisip ko na lang na pagkatapos ng pagiging busy niya ay akin na siya. May oras na siya sa akin. At dahil din sa kanyang pagka-busy, na-extend ang pamamalagi ko sa bahay ng mga Monteverde.
Bilyonaryo ang asawa ko at hindi ibig sabihin no’n ay wala siyang ginagawa. Kaya napagtanto ko rin ang kamalian ko nang natauhan ako sa pagiging immature ko.
“Ewan ko sa iyo Kuya Ashvon!” inis na sambit ni Ashley na halatang naiinis sa presensya ng kanyang Kuya na palangiti. “Napapadalas na yata ang pagtambay mo sa mansion. Hindi ka man lang ba tumutulong kay Kuya Ashton?”
Natigil ako sa pagsubo ng kanin nang marinig ko ang pangalan ni Ashton. Pati ang mga kapatid ni Ashton ay ramdam na rin ang ka-busy-han ng kapatid. Sobrang busy ni Ashton na pati paggising ko ay wala na siya sa tabi ko. Pilit ko rin iyon iniintindi kahit mabigat na sa dibdib.
“Bakit ko tutulungan si Ashton, Ashley?” Umayos ng upo si Ashvon at inilapag ang libro sa lamesa. “Kaya na niya iyon and I have my own business.”
Nagpatuloy na lamang ako sa pagsubo at saka ininom ang natirang juice sa baso ko.
Tiningnan ako ni Ashvon. “Hindi ka kumikibo ngayon, Katarina. Mukhang masama yata ang gising mo.” Ngumisi siya. “My brother is really busy, huh? Wala na siyang oras sa iyo?”
Hindi na siya muli nagtanong pa dahil sinaway na siya ni Ashley na mukhang ramdam din ang pananahimik ko.
Silang dalawa lang ang kasama ko bukod sa mga kasambahay dahil umalis si Tita Amore kasama ang kanyang asawa.
Pagkatapos kong kumain ay dumiretso na ako sa sala at naisipan ko na magbasa ng libro. Nang sumilip ako sa may bintana ay nadatnan ko si Lucy na nagbabasa ng libro habang nagwawalis. Napangiti na lamang ako. Determinado talaga siya.
Nang gumabi ay gaya ng dati ay hinintay ko si Ashton na umuwi. Pabalik-balik ang lakad ko sa kuwarto, nagbabakasakali na makauwi siya ngayon.
Hindi ko maiwasan ang kabahan lalo na’t hindi pa kami masyadong okay. Sinubukan kong tawagan ang kanyang numero pero nag-ring lang at hindi sumagot.
Umusbong ang kaba sa dibdib ko. Napatingin ako sa orasan at napanganga ako nang makita na alas 12 na ng madaling araw.
Nasaan na si Ashton? Bakit hindi pa rin siya umuuwi?
Napaupo ako sa kama at maraming ideya agad ang pumasok sa utak ko. Pero pilit ko iyon nilaban dahil ayaw ko mag-isip ng advance. Ayaw ko na mag-away ulit kami. Gusto ko na tuluyan na kaming magkabati at intindihin siya kahit labag sa loob ko.
Sa gitna ng pag-iisip ko, biglang nag-beep ang phone ko. Sign ito na may nag-message sa akin mula messenger.
Kunot-noo ko itong sinilip at nawalan ng gana nang makita ang pangalan ni Sabrina. Ano naman kaya ang kailangan ng babaeng ito? Sa pagkakaalam ko, hindi kami friends sa Facebook kaya siguro nasa message request ang kanyang message.
Ayaw ko sanang buksan pero curious ako kung ano ang message niya. Kung mang-aaway lang siya ay block ko agad.
Ngunit nang mabuksan ko ang mensahe niya ay gumuho ang mundo ko sa nakita. Nabitiwan ko ang phone ko at natulala.
Ano iyon? Nanginig ang kamay ko at napasapo sa bibig upang pigilan ang sarili sa pag-iyak.
Ang mensahe ni Sabrina sa akin ay walang iba kundi ang picture nilang dalawa ni Ashton. Payapang natutulog si Ashton sa kama at magkatabi sila. Nakahubad pa ng pang-ibabaw si Ashton habang may kumot na nakatabon sa kanilang katawan.
Sinubukan kong pakalmahin ang sarili ko ngunit hindi ko kaya.
Paano mo nagawa sa akin ito, Ashton? Kaya ka ba hindi makauwi nang maaga sa akin kasi kay Sabrina ka nakikitulog?
Wala na bang mas masakit pa?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top