Chapter 2
Dinala ako ni Boboy sa abandonadong gusali. Hindi lang naman kami dahil may nakita kaming mga babae. Hindi naman sa pagiging judgmental, pero para silang adik sa paningin ko at hindi ninyo ako masisisi. Hindi ko alam kung ano'ng klaseng raket ito pero may tiwala naman ako kay Boboy dahil marami na akong naging raket kasama siya.
"Sino iyan, Boboy?"
Naibaling ko ang tingin sa babaeng nagtanong na may tattoo sa kanyang kaliwang braso. Nakaupo siya sa isang sirang upuan habang may lollipop sa kanyang bibig. Buhok niya ay kasing kulay ng mais at kasing kulay ng kape naman ang kanyang balat. Suot niya ay isang ripped denim shorts at red crop top.
Tumawa si Boboy at inakbayan ako. "Si Katkat, kaibigan ko," pakilala ni Boboy sa akin.
Sa inis ko, agad kong inalis ang kamay niya sa balikat ko at dumistansya.
Tiningnan naman ako ng babae mula ulo hanggang paa. Kita ko ang pag-irap niya bago ibinaling kay Boboy ang tingin na ngayon ay nakangisi na.
"Seryoso ka ba, Boboy?" hindi makapaniwala niyang tanong at natawa. "Nag-recruit ka pa talaga ng isang lampa? Madadamay tayo kapag nabuking iyan!"
Napasinghap ako sa narinig. Ano? Mabuking? Hindi ko tuloy maiwasan ang magduda. Ano ang ibig niyang sabihin?
Actually, may bigla agad pumasok sa isip ko pero agad ko itong inalis dahil baka nagkakamali lang ako ng dinig. Hindi naman siguro magagawa ni Boboy ang bagay na nasa isip ko. Matagal na kaming magkakilala at ni minsan, legal naman lahat ng raket namin. At isa pa, malaki ang tiwala ko sa kanya kaya sumama ako.
Ang isang babae naman na katabi niya ay tumayo at naglakad patungo sa akin. Parang buntot ng manok ang buhok niya dahil sa kulay. Straight ang kanyang maikling buhok na may bangs. May hikaw siya sa ilong at may tattoo rin siya sa balat na bumagay sa puting balat niya. Nang nakalapit, naaninag ko sa ilaw ang brown niyang mata.
Pinagkrus niya ang kanyang braso at tinaasan ako ng kilay. "Itsura pa lang nito, hindi yata ito marunong magnakaw, Boboy!"
Namilog ang mata ko at nagulat sa sinabi niya. Bumilis ang tibok ng puso ko at binalingan si Boboy na ngayon ay hindi na makatingin sa akin. Binalik ko ang tingin ko sa babae na ngayon ay malaki na ang ngisi.
"M-Magnakaw?" hindi makapaniwala kong sambit. "Ano ang ibig mong sabihin?"
Tumawa ang babae na nakaupo sa upuan bago tumayo at lumapit na rin sa amin. "Yes, magnakaw! As in akyat bahay! Bakit?" Niliitan niya ako ng mata. "Isusumbong mo ba kami? Wala ka nang magagawa dahil automatic kasabwat ka na namin!"
Bigla akong namutla.
Ano ba itong pinasok ko? Kahit sobrang dami kong problema, ni minsan, hindi ko naisip ang ganitong klaseng raket.
Tiningnan ko muli si Boboy na hindi pa rin makatingin sa akin. Unti-unti kong ikinuyom ang kamao ko.
Bastard!
Umiling ako at hinarap ang dalawa. "Hindi. Hindi ako sasali sa inyo. Uuwi na ako."
Akmang tatalikod na sana ako nang bigla nila akong pinigilan sa paraang paghawak sa tela ng damit ko. Napatingin ako sa kanila.
"Walang atrasan!" asik ng babaeng may mala-mais na buhokm "Damay ka na! Kung ano man ang mangyari sa amin, pati ikaw kasali! Kapag aatras ka, patay ka sa amin!" banta niya pa.
Bigla akong natakot lalo na't walang halong biro ang pagkasabi nila.
"H-Hindi naman ako magsusumbong," ani ko at saka ngumiti pa para sure.
Umiling lang si mais girl at inakbayan ako. Mas lalo tuloy akong kinabahan lalo na nang hinaplos niya ang buhok ko.
Nang tumingin na rin sa wakas si Boboy, galit na galit ko na siyang tiningnan. Nakakainis dahil ginagamitan na niya ako ng puppy eyes. Mukha talaga siyang aso sa totoo lang. Mas lalo ko siyang sinamaan ng tingin.
"Putangina mo!" mura ko. "Hindi ganitong raket ang ibig kong sabihin. Yawa ka ba?"
"Sorry na, Kat!" aniya at nag-peace sign. "Pero watcher ka lang naman. Hindi naman ikaw ang magnakaw kundi kami." Tinuro niya ang kasama niyang babae. "Kami ang gagawa no'n!"
"At proud pa kayo?"
"Tumigil ka nga!" Tinulak ni mais girl ang ulo ko kaya nilingon ko siya at sinamaan ng tingin.
"Oh, ano?" taas-noo niyang hamon sa akin.
Hindi ako nagsalita at binalik ang tingin kay Boboy.
"Sige na, Kat," ani Boboy. "Alam ko rin na nangangailangan ka ng pera. Hindi ka naman namin pababayaan."
"Nangangailangan ako pero hindi sa ganitong paraan," naiinis kong sambit. "At pinagkatiwalaan kita. Hindi ko akalain na darating ang panahon na gagawin mo na ang ganitong bagay, Boboy. Nakaka-disappoint."
***
Wala na akong nagawa dahil hindi na rin naman nila ako pakakawalan. Ang plano nila ay nakawan ang isang bahay na may bagong lipat pa lamang. Hindi ko alam pero masyado akong natatangahan sa kanila dahil wala silang masyadong kagamitan. Bukod doon, malaki ang bahay at sigurado ako na may k9 diyan at mga guard. Sa laki ba naman ng bahay, sinong tanga ang titira mag-isa na walang bantay?
"Kat, ang gagawin mo lang ay ang tingnan kung ano ang nasa loob. Pinainom ko na ang tangang mga tauhan nila. Nagpauto sa libreng buko juice kaya paniguradong tulog na iyon," ani Boboy at isinuot na sa akin ang burglar mask.
Alas onse na ng gabi at sigurado ako na hinahanap na ako ni Ate. Hindi pa ako kumakain at kumukulo na ang tiyan ko. Siguraduhin lang nila na may makukuha ako. Kung hibdi, isusumpa ko talaga sila hanggang sa huling hininga ko.
Mahina akong tinulak ni mais girl kaya inis ko siyang tiningnan.
Nilakihan niya ako ng mata. "Huwag kang tanga-tanga, ah? Remember, damay ka na rito."
Inirapan ko na lamang siya at nilakasan na lamang ang loob. Hindi ko akalain na gagawin ko ito.
***
Itinulak ako ni Boboy sa bakuran ng bahay. Medyo nagulat ako dahil bukas na ang gate sa likod. Akala ko pa naman ay mahihirapan ako ngunit parang hindi na dahil mukhang planado yata nila Boboy.
Akmang aapak na ako sa bermuda grass nang bigla akong may naapakan. Nang nagbaba ako ng tingin, mahina akong napatili nang natapakan ko ang palad ng isang lalaking nakahiga sa sahig. Agad kong tinakpan ang bibig ko at nagpalinga-linga.
Shit. Humihinga pa ba ito?
Napalunok ako at nagpatuloy na lamang sa paglalakad at halos gusto kong murahin si Boboy nang nakitang maraming guards ng bahay ang nauto niya. Lahat sila ay tulog na tulog at kasama na roon ang isang ginang na nakahandusay sa tiles na sahig malapit sa back door.
Tangina mo, Boboy. Pati matanda, hindi pinalagpas. Akmang magpapatuloy na sana ako sa paglalakad nang napansin ko ang pagkinang ng isang bagay sa may palad ng ginang. Umawang ang labi ko nang nakitang susi ito.
Kahit nanginginig na sa takot at kaba, unti-unti ko pa ring kinuha ang susi mula sa palad ng ginang.
"Sorry, Manang. Tangina, sorry!" paulit-ulit ko na sambit bago lumapit sa back door sabay bukas ng pinto gamit ang susi.
Dilim na kusina ang unang bumungad sa akin at kinailangan ko pang palakihin ang mata ko para lang may makita kahit kaunti. Buwisit na Boboy. Bobo ba siya? Bakit hindi niya ako binigyan ng flashlight? Paano ko makikita ang nasa loob?
Maingat akong naglakad palabas ng kusina ng bahay at dining area. Mabuti at may phone akong dala, kaya may pang-flashlight ako. Habang papalapit sa living room, minumura ko na si Boboy sa isip ko. Tangina niya talaga.
Nang nakarating sa living room, umawang ang labi ko at naibaba ang phone sa sobrang mangha. Dim light sa labas ang nakita ko at kitang-kita ko ang mga mamahaling gamit. Mula sa kurtina na sobrang haba hanggang sa carpeted floor na mukhang mas mahal pa sa skin products ko.
Shit! Ang dami ninyong nanakawin Boboy! Tangina niyo!
Iginala ko ang tingin ko sa ibang bagay na nasa living room. Malawak kasi at tingin ko ay malinis din. Organize kasi ang mga gamit at tingin ko sobrang perfectionist ng may-ari nito.
Nang gumala ang paningin ko sa pader, namangha ako dahil sa magagandang paintings at frames na nakita ko. Mahilig yata sa arts ang may-ari nito. Kita ko kasi ay—Parang biglang lumabas ang kaluluwa ko nang may nahagip na frame. Napakurap ako at namilog ang mata sa nakita. At para makasiguro, itinutok ko ang flashlight ko sa naturang frame at nalaglag ang panga ko sa nakita
"Ako iyan!" Agad kong tinakpan ang bibig ko sa lakas ng pagkasabi ko.
Bigla akong kinabahan at rinig na rinig ko na ang mabilis na pagtibok ng puso ko. Kaninong bahay ito at bakit may litrato ko noong college? Hindi ako nagkakamali! Hindi ko kamukha dahil ako talaga ang nasa picture!
Akmang lalapitan ko na sana ang frame nang aksidente kong nasagi ang mamahaling vase at gumawa ng ingay sa buong bahay. Nanigas ako sa kinatatayuan ko at natigilan sa paglapit. Sinapo ko ulit ang bibig ko at unti-unting nagbaba ng tingin sa basag na vase.
"Omg!" mahinang tili ko at agad umupo para pulutin ang mga basag na vase.
Ngunit hindi ko iyon nagawa dahil biglang tumunog ang isang fire alarm kasabay ng pagbukas ng mga ilaw sa buong bahay.
Namilog ang mata ko at biglang nag-panic. Agad akong tumayo at tumakbo patungo sa kung saan ako dumaan kanina. Kailangan kong makaalis dito or else...
Napatili ako nang biglang may yumakap sa akin mula sa likuran at marahas na isinandal ako sa pader. Pinikit ko ang mata ko sa takot at ininda ang sakit sa likod.
I'm dead. I'm dead!
"Sino ka?" malamig at makulog na boses ang namuo sa buong silid. Ramdam na ramda ko ang kanyang hininga sa balat ko na nagpanindig ng balahibo ko.
Hindi ako umimik. Natatakot ako.
"Sino ka?" pag-uulit niya.
Hindi muli ako umikit at umamba pa na itulak siya ngunit hindi niya ako hinayaan. Mas lalo niya lang akong inipit sa pader at napasinghap ako sa takot nang naramdaman ko ang kanyang hininga sa leeg ko.
"Hindi ka sasagot?" pagbabanta na tanong niya.
Wala na talaga...Makukulong na talaga ako nito. Mas lalo pa akong dadagdag sa problema ni Ate.
"Alright..."
Halos napatili ako nang marahas niyang hinubad ang burglar mask ko. Mas lalo kong pinikit ang mata ko sa kahihiyan at naiiyak na sa totoo lang.
Ano ang gagawin ko? Magmamakaawa sa lalaking ito na huwag akong ipakulong? Imposible iyon. Siguro alam na nila Boboy na nadakip ako at baka umalis na sila. Hindi ko alam...
Narinig ko ang marahas na pagsinghap ng lalaki sa harapan ko.
"Baby?"
Gulat na nagmulat ako ng tingin sa narinig. Nang nagmulat ako, nanlamig ako nang bumungad sa akin ang lalaking hindi ko akalain na makikita ko ulit.
Gulat na gulat ang kanyang mata habang nakatingin sa akin. Umatras pa siya at hindi makapaniwala sa nakita. Ako rin. Hindi ako makapaniwala. Hindi ko akalain na nasa harapan ko na ngayon si Ashton, ang ex-boyfriend ko.
Saglit lang ang pagkagulat niya dahil napalitan ito ng nakalolokong ngisi, pero kahit nakangisi siya, iba naman ang ipinapakita ng mata niya. Galit.
Lumapit siya sa akin at kinorner ako. Mas lalo akong nanlamig.
"Ano ang sadya mo rito? How did you know my place? At hindi ko akalain na magnanakaw ka na pala ngayon." Inangat niya ang burglar mask. "Bakit ka nakasuot nito?"
Kaysa sagutin ang kanyang tanong na hindi ko magawang sagutin, pinatid ko ang kanyang tuhod at agad siyang itinulak palayo sa akin para makatakbo ako. Narinig ko ang malutong niyang mura at sigaw. I don't mind. Ang tanging nasa isip ko lang ay ang makaalis sa bahay na ito.
Lord, sorry sa kasalanan ko! Sana hindi na kami magkita ulit kasi kahihiyan iyon! Papayag na ako na ibenta ang lupa, basta huwag lang kaming magkita ulit.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top