Chapter 1

“Hija, pasensya ka na ngunit kailangan ko na ang pera na inutang ninyo sa akin na pinagamot sa Papa ninyo. Ilang buwan na rin kasi ang nakalipas at alam ko ang pakiramdam na mawalan ng mahal sa buhay. Pero sana maintindihan niyo na kailangan ko na rin ang pera na iyon lalo na’t may negosyo akong pinapatakbo. Pinautang ko lang naman kayo kasi nangako kayo na babayaran niyo ang utang bago matapos ang taon.”

Mula sa loob ng aming bahay, nakita ko si Ate na kausap si Aling Marites at alam ko kung bakit siya narito. Nangutang kasi kami ng pera sa kanya six months ago at ngayon, sinisingil na niya kami. Ang totoo niyan, pangatlong beses na niya itong balik. Sobrang desperada na kasi namin no’n na mapagamot si Papa kaya kahit malaki ang halaga, nangutang kami.

But money didn't save his life. It was too late for us to save him. Sumuko ang katawan niya at kahit gusto ko man siyang sisihin dahil nilihim niya ang sakit niya, wala pa rin namang silbi dahil wala na siya sa mundong ito. Saka lang namin nalaman ang sakit niya nang mawalan siya ng malay at dinala siya sa ospital. 

We were desperate to save him because he was our only family left in this world. Ngunit sa huli, bumitaw pa rin siya. At kaming natira, siningil na ang perang inutang namin. 

Humigpit ang kapit ko sa kurtina at napalunok na napatingin sa kanila sa labas. 

"A-Aling Marites." Nanginig ang boses ni Ate Kalla at kitang-kita sa mukha niya ang kaba. "W-Wala pa kasi kaming sapat na pera para mabayaran ang utang. Pero—"

Napatalon ako sa gulat at napaatras nang biglang nagtaas ng boses si Aling Marites. 

"Ilang beses na akong pabalik-balik dito!" sigaw niya habang sobrang kulubot na ang kanyang noo sa iritasyon. "Hanggang ngayon, pareho pa ring rason ang binibigay mo sa akin. Ginagago mo ba ako?"

Alam ko na may utang kami sa kanya, ngunit hindi naman yata tama na sigaw-sigawan niya ang ate ko sa gano'ng paraan. Naiintindihan naman namin ang inis niya ngunit hindi naman puwede na ganito. 

Naikuyom ko ang kamao ko nang naka-recover. Bumalik ako sa puwesto at tiningnan sila ulit. If I was just brave enough to handle things, baka ako na ang humarap ka Aling Marites at hindi ang Ate Kalla ko na mukhang naiiyak na.

"P-Pero, I promise, we will pay—"

"Puro na lang kayo pangako!" Nailagay niya ang kanyang parehong kamay sa bewang niya. "Naiinis na ako, Kalla. Magkita na lang tayo sa presinto!"

Namilog ang mata ko at agad naibaling ang tingin sa Ate ko na ngayon ay tarantang-taranta na. Nakita ko na hinawakan niya ang braso ni Aling Marites na agad namang nitong iwinakli. 

Mas lalo lang akong naawa sa Ate ko. 

"Sige..." Huminahon na ang kanyang boses at sinapo ang noo. Tiningnan niya si Ate at saka tumango-tango. "Sige...Isang linggo. May isang linggo pa kayo, Kalla, at kapag hindi pa kayo magbabayad, sa presinto na lang tayo magkita!"

Iyon ang huling sinabi ni Aling Marites bago padabog na tumalikod paalis. Nagawa niya pang hampasin ang gate namin. Nangilid ang luha sa mata ko nang nailipat ko ang tingin ko kay Ate Kalla. Mas lalo akong nanlumo nang makitang bumagsak ang balikat niya na nagpapahiwatig na siya ay pagod na. I saw her wiping her tears before biting her lower lip. Nag-iwas agad ako ng tingin at saka umupo sa sofa na may bigat na nararamdaman sa dibdib. Sumikip ang puso ko at naiiyak sa sitwasyon namin ngayon. 

Kung sana ay nabuhay si Papa, worth it sana ang pagbayad. Wala siguro kaming paki kahit malaki ang halaga, basta buhay si Papa. 

Nang pumasok si Ate sa loob ng bahay, agad ko siyang dinaluhan at niyakap. Umiyak siya nang niyakap ko siya. Kumirot ang puso ko at tahimik na nagdasal na sana matapos na ang problemang ito. Ginawa na namin ang lahat pero hindi pa rin sapat. Halos naubos na ang savings niya para sa pag-iipon ngunit hindi pa rin talaga sapat. At ako, wala akong kuwenta. Pabigat lang ako sa buhay niya at wala akong masyadong naitulong. Hinaplos ko ang kanyang buhok at mas lalong hinigpitan ang yakap sa kanya. 

"Ate," mahina kong sambit habang patuloy pa rin sa paghaplos sa kanyang buhok. "Mababayaran din natin si Aling Marites. Huwag ka nang umiyak..."

Kinagat ko ang ibabang labi ko at pinigilan ang sarili na maiyak. Hindi ito ang tamang panahon para umiyak ako. Kailangan naming magpalakas lalo na't kami na lang dalawa ang nandito. Alam ko na masosolusyonan namin ang problemang ito. 

Napahagulgol siya sa sinabi ko. "Paano natin mababayaran? Ang laki ng halaga no'n at wala pa sa kalahati ang nabayaran natin."

Sumikip lalo ang dibdib ko sa sinabi niya. Sa itsura ng Ate ko, alam ko na pagod na pagod na siya sa problemang ito. Dumagdag pa ako na walang masyadong naitulong. Marami na akong raket na napasukan at hindi pa rin iyon sapat para mabayaran ang utang namin. 

Tahimik lang kaming nagyakapan ng ilang minuto. Ang tanging narinig ko lang ay ang mahinang hikbi ni Ate Kalla na mas lalong nagpabigat ng loob ko. Sa katunayan, malakas si Ate Kalla kumpara sa akin. Kahit marami na kaming problema, hindi niya naisip na sukuan at taguan ito. 

Hinarap niya ang problema namin na walang halong takot at iyon ang isa sa kinaiinggitan ko sa kanya. Habang magaling si Ate sa mga gano'ng bagay, ako naman ay walang direksyon sa buhay. I mean, may pangarap naman ako, pero hindi gaano katayog. Hindi ako seryoso sa gusto ko simula nang bumagsak ako. 

Sa gitna ng aming yakapan, nagulantang ako nang bigla siyang kumalas sa yakap. Kumunot ang noo ko nang umatras siya na parang may na-realize siya. Kumunot lalo ang noo ko nang namilog ang mata niya at hindi makapaniwala na tiningnan ako.

Hindi ko tuloy maiwasan ang kabahan dahil kilalang-kilala ko si Ate. Sobrang practical niya sa buhay at natatakot ako na baka tama itong nasa isip ko. 

Umawang ang labi ko nang bigla niyang hinawakan ang magkabilang braso ko at napangiti. "Ibenta natin ang lupain!"

Namilog ang mata ko at napasinghap. Agad niya akong binitiwan at naglakad na patungong hagdan. Bumilis ang tibok ng puso ko at biglang nataranta kaya agad ko siyang sinundan. Bago pa man makaapak si Ate Kalla sa hagdanan, inunahan ko siya at hinarangan. I even spread my arms to stop her. 

Kinabahan ako sa narinig ko kanina mula sa kanya. Ibebenta niya ang lupa? 

"Ate..." Umiling ako. Nagulat siya sa ginawa ko. "Hindi mo puwedeng ibenta ang lupa. Mahalaga iyon kay Papa!" rason ko. 

Kumunot ang noo niya at mariin akong tiningnan. "What are you saying? At saka bakit mo ba ako hinaharangan? Tumabi ka nga! Kailangan nating ibenta ang lupa nang matapos na ang problema natin!"

Nang akmang maglalakad na sana siya, hinarangan ko ulit siya. Napaatras siya sa ginawa ko at napahalukipkip. 

"Ate, mahalaga kay Papa ang lupa na iyon!" ani ko at umiling sa kanya. "Mababayaran naman siguro natin ang lupa without selling his properties!"

Nagbago ang ekspresyon niya. Galing sa pagkakunot ang noo, naging salubong na ang kanyang kilay at madilim na akong tiningnan. 

"Mahalaga?" sarkastiko niyang ani sabay tawa. "Wala na si Papa at dahil wala na siya, hindi na mahalaga iyon! Ibebenta natin ang lupa para tapos na ang paghihirap natin!" Umigting ang panga niya at sarkastikong tumawa. "Bakit ngayon ko lang ito naisip? Puwede naman pala nating ibenta ang lupa. Sigurado ako na marami ang magkakagusto sa lupain na iyon dahil malapit sa dagat."

Umiling ako muli. "Ate," ani ko sa pagmamakaawa na boses. "Huwag ang lupa. Mahalaga kay Papa—"

"Shut up!" pagputol niya sa akin. "Ayoko na ulit marinig iyan!" galit niyang sambit. "Wala kang magawa kundi ang sumang-ayon sa akin, Katarina. May isang linggo na lang tayo at sa tingin mo ba ay mababayaran natin ang utang natin sa loob ng isang linggo? Hindi!" Dinuro niya ako. "Gamitin mo ang utak mo, Katarina! At bakit? May iba pa bang paraan para mabayaran ang utang na hindi binibenta ang lupa?"

Natahimik ako. Wala akong ideya sa totoo lang. Pero kahit nalulong si Papa sa sugal, kailanman, hindi niya naisip na ibenta ang lupa.

Nang wala siyang nakuhang sagot mula sa akin, natawa na lang siya at saka naglakad palapit sa akin. Tinulak niya ang kaliwang balikat ko gamit ang hintuturo niya.

"Hindi ba at wala?" Tiningnan niya ako ng masama. "Kaya wala kang choice, Katarina. Ilagay mo sa kokote mo na wala na si Papa at wala na siyang magagawa kung ibenta ko ang lupa niya! Hindi ba at inilipat na niya sa akin? Hindi na siya ang nagmamay-ari, Katarina. Kaya huwag mo na ipaalala sa akin ang kahalagahan dahil mas lalo ko lang gustuhing ibenta!"

Malakas niya akong tinulak kaya napaupo ako sa hagdanan. Padabog siyang umakyat at wala na akong magawa kundi ang tingnan na lang siya. 

***

Kinaumagahan, tulala ako sa trabaho. Isang taon na ako sa trabahong ito bilang sales lady at sa totoo lang, kung wala lang kaming utang, baka naging kontento na ako sa trabahong ito. Pero dahil baon kami sa utang, uhaw na uhaw ako sa mga raket. 

"Okay ka lang?" tanong ni Cheska, kaibigan ko at katrabaho ko rin. 

Naka-assign kami ngayon sa toy station ng mall. Masuwerte ako dahil siya ang nakasama ko. Kaibigan ko kasi siya simula nang mag-graduate kami sa college. Pareho rin kaming bagsak sa first board exam namin at doon ko rin siya nakilala. Since then, halos magkapareho na kami ng mga plano sa buhay. 

Tamad ko siyang binalingan. "Okay lang."

It was a lie. Kailangan kong magsinungaling para hindi na siya magtanong. Ayoko na problemahin niya pa problema ko. 

Umirap siya sa akin sabay tapik sa kanang balikat ko. "You're lying..." Niliitan niya ako ng mata. "Alam ko na may problema ka at sabihin mo naman sa akin. Malay mo ay baka makatulong pala ako."

Natawa ako. "Bakit? May milyones ka ba riyan?"

Namilog ang mata niya at agad umiling sa akin. "Wala!"

Mahina akong natawa at nag-iwas ng tingin. Sa gilid ng mata ko, kita ko ang kuryoso niyang tingin sa akin. Ichusira talaga ang babaeng ito, eh. 

"Pero hoy! Milyones ba ang problema mo? " usisa niya sa akin sabay nguso. "Grabe naman, ang laki."

Nagkibit-balikat na lamang ako at iniwan na siya. "Utang namin iyon."

*** 

Nang mag-uwian, hindi ako sumabay kay Cheska. Kailangan kong maghanap ng raket para hindi naman ako pabigat at may maiambag. 

Iyon ang nasa isip ko habang naglalakad patungo sa waiting area. Kailangan ko ng malaking pera para hindi mabenta ang lupa kahit nakapangalan na iyon sa kanya. 

Laking pasasalamat ko nang makita na walang tao sa waiting area. Mas mabuti dahil gusto kong mapag-isa. Nang nakarating ako, bumungad sa akin ang mga flyer. Agad akong lumapit at saka nang nakita na may nakasulat na "wanted" at "hiring" biglang lumiwanag ang mata ko. 

Binasa ko ang nakasulat. 

"For hire..." Tumikhim ako. "Sexy dancer," basa ko at medyo lumapit dahil medyo malabo ang mga letra. "Requirements: Matangkad, sexy, magaling gumiling, at may—"

Natigil ako sa pagbasa nang makita ko ang huling requirements. Bigla akong napangiwi at wala sa sariling binaba ang tingin sa sarili ko. Nanlumo ako nang makitang walang masyadong laman. 

Bakit malaking boobs at puwet pa? Hindi ba sapat ang gumiling? Marunong naman ako no'n, ah? Baka tatayo pa ang sundalo nila sa sobrang galing ko!

"Tsk, hindi ka qualified."

Natigilan muli ako at agad binalingan ang kung sino man ang epal sa buhay ko. Nang nakita ko kung sino, napangiti ako. 

"Boboy!" Kumaway ako sa kanya.

Ngumisi siya at saka lumapit. Si Boboy ay isang raketero sa lugar namin. Madiskarte at matalino. May hitsura naman siya, hindi lang talaga maalaga sa katawan kaya na-basted siya ng mga babaeng natitipuhan niya. Weird siyang manamit pati na rin ang hairstyle na uso sa mga tambay ngayon. Mukha siyang hindi naka-move on sa jejemon era. Payat siya na maputi. Muntik na nga siyang mapagkamalan na nagpaturok ng gluta kung hindi niya sinabi na may lahi pala siya. 

"So..." Tumikhim siya sabay tingin sa tinitingnan ko. "Bakit ka pala narito?"

Nakanguso siya habang binabasa ang mga nakapaskil sa pader. Tumawa siya nang nabasa niya ang binasa ko kanina kaya napasimangot ako. Nilingon niya ako at pinasadahan ng tingin. 

"Mag-a-apply ka?" natatawa niyang tanong. "Hindi ka qualified, uy!"

Bigla akong nairita kaya tinalikuran ko siya. Wala akong panahon para makipagbiruan sa lalaking ito. Seryosong-seryoso ako dahil sa problema namin ngayon at kung puwede lang, papatusin ko kahit ang mga nakakababang dignidad na trabaho. 

Naglakad na ako paalis dahil wala na akong oras para makipagbiruan. Kung wala siyang raket na ibibigay sa akin, huwag na siyang lumapit. 

"Hoy! Hintay!" narinig kong sigaw niya. 

Hindi ko siya pinansin. 

"Teka, may raket ako!" sigaw niya na nagpahinto sa akin. 

Humalukipkip ako at saka nilingon siya. Hindi ko namalayan na mabilis pala ang paglakad ko dahil hinihingal siya. Tinaasan ko siya ng kilay nang nakalapit. 

"May raket ka?" paniniguro ko na tanong. 

Tumango siya at saka huminga nang malalim. "Oo, may raket ako kaya nga kita nilapitan. Actually, hinanap nga kita at sa waiting area nga kita naabutan."

Kumunot ang noo ko. "Ano'ng klaseng raket ba? Gusto kong malaman. Mapili ako sa raket lalo na't nangangailangan ako ng pera."

Tumango siya at hinawakan ang kamay ko. Bigla akong nandiri kaya hinila ko agad palayo. 

He cleared his throat. "Sorry, pero seryoso." Ngumisi siya sa akin. "Malaki ang kikitain natin sa raket ngayon! Bigatin!"

"Talaga?" bigla akong nabuhayan. 

"Oo, kaya sumama ka sa akin."

Hindi na ako masyadong nag-isip at sumama na lamang sa kanya. 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top