Kabanata III: Si Nanay Melda
Kabanata III: Si Nanay Melda
--
"Huwag po—" ani nanay Melda.
"Nay! Hayaan mo sila kung ipatanggal ako—" atsaka 'ko bumaling sa guro ko sa Agham, at sa nanay ni Venus na pinagmanahan niya.
"Ang lakas ng loob mong tingnan—" mabilis kong pinutol ang sasabihin ng nanay ng muse namin.
"Para lamang po sa kabatiran niyo, ang anak niyo ho ang unang gumawa ng kalokohan! Ganti ko lang ho 'yan sa kanila, dahil sinabotahe nila ang eksperimento ng pangkat kong mga nerd!"
"Totoo ba 'yon Venus?" Tanong ni Ma'am Felipe.
Parang naging maamong tupa naman ang grupo niya, at hindi naka-imik. Akala niyo ah! Nagkamali kayo ng binangga niyo! Maangas yata 'to!.
"Totoo ba 'yon anak?" Tanong rin niya sa anak niyang mahadera. At ngayon hindi na makatingin nang diretso.
Akala siguro ng guro ko sa Agham, eh! Papanigan sila ng guidance kung dadalhin niya kami rito. Paborito niya kasi 'yang maarteng si Venus.
"Silence means YES!" Wika ni ma'am Felipe.
"Anong ibigsabihin nito ma'am na hindi maparurusahan ang batang 'yan?" Tukoy sa'kin ng nanay ni Venus.
"Oo, nanay. Hindi ho maparurusahan si Mercado, dahil ang anak niyo ho ang unang gumawa ng kasalanan," ani ma'am Felipe.
Tiningnan ako ni Venus at nag belat ako sa kanya. Belat ka!
"Halika na, anak! Umuwi na tayo—"
"Sandali lang po, humingi ho muna kayo ng sorry sa nanay ko," sabi ko. Napatingin naman sa'kin si ma'am Felipe, habang ang nanay ko naman eh tahimik lang. Hindi ako papayag na magmukhang kaawa-awa ang nanay Melda ko.
"Anong sinabi mo? Inuutusan mo ba 'ko!?" Singhal nito sa'kin.
"Hindi ho iyon utos, kundi iyon ang dapat ninyong gawin," sabi ko.
"Anak, huwag na—" bulong ni nanay Melda, at hawak sa braso ko.
"Bakit ako hihingi ng dispensa sa tulad ng nanay mong pobre—"
Pobre?
"Mag sorry ho kayo, dahil may nasabi ho kayong mali iyon lamang ho iyon. Matanda na ho kayo, alam niyo na dapat ang tama at mali," sabi ko. Mahirap bang mag sorry?
"Tama ho si Mercado, mag sorry na ho kayo sa nanay niya," ani Ma'am Felipe, dahilan para lihim ako matuwa.
"Pasensya na— tara na, anak!" Sabay layas nila.
--
Naglalakad kami ni Nanay Melda pauwi nang bahay at tahimik lang ito. Galit kaya siya? Pero sa ginawa ko wala 'kong pinagsisisihan. Dapat lang sa kanila 'yon! Dahil sa kanila walang naipasang eksperimento ang pangkat ko.
"Nay Melda, galit po ba kayo sa akin?"
"At bakit naman ako magagalit sa'yo ha? Eh, bilib nga ako sa'yo kanina dahil naipagtanggol mo ang sarili mo," tugon niya.
Hindi siya galit? Ang bait talaga ni nanay Melda kaya mahal na mahal ko 'to eh!.
"Pero nay, mukha naman labag sa loob ng nanay ni Venus na humingi ng pasensya eh—"
"Hayaan mo na, anak, may mga ganoon talagang tao— at ngayon pa lang dapat ay masanay ka na," aniya.
Umuwi kami ng bahay at nadatnan kong walang ulam sa mesa. Binuksan ko ang nangingitim na kaldero ni nanay Melda at puno pa ito ng kanin, mukhang hindi pa nagsikain sila nanay. Hindi pa rin nakakauwi si Crispin dahil wala pa ang bag niya rito. Lumabas ako ng bahay at kinuha sa gilid ng pinto ang isang nakatuping sako.
"Nay, labas muna ko ah!"
"Saan ka pupunta Pina? Hindi ka pa nanananghalian—"
"Diyan lang, nay!"
At kumaripas na 'ko ng takbo, sigurado kasi pipigilan ako no'n mangalakal.
Natapos ang maghapon na iilang bote lang ang nakalakal ko. Hindi pwede 'to, kailangan may maiuwi akong pera para bukas may pagkain kami. Alam ko na!
Third Person's PoV
Magkakagat nang dilim, nang isang dalagita ang pumasok sa bahay ng magkakapatid na Mercado. Sukbit ang isang sako, at amoy araw dahil sa maghapong paglalakad upang maghanap ng bakal at bote sa daan.
"Woi! Anong ginagawa mo diyan!"
"Ay! Bisugong palaka!"
"MC? MC! Ikaw nga!" Anito, at dali-daling nilapitan ang dalagita.
--
"Anong ginagawa mo rito?" Tanong ni Jude.
"Ano pa ba? Eh di nangangalakal, bakal at bote lang naman eh," sagot ng dalagita.
"Bakit? Wala ka na ba makalakal sa inyo?" Tanong pa ni Jude.
"Eh, mahina kalakal ngayon! Marami kasi kakumpitensya," sagot pa nito.
"Paliguan niyo nga 'yang babaeng 'yan, amoy araw na hindi ko maintindihan!" Ani James.
"Hindi ako maliligo! Uuwi ako sa'min 'no! Pumunta lang ako rito para maghanap ng bakal' bote," ani pa ng kanilang bunso.
"If you are struggling with your current situation, you can go home," ani Jin, na may paglalambing.
"Hindi 'no, hindi ako uuwi rito— masaya 'ko sa pamilya ko," anito.
Napailing naman ang mga nakatatanda niyang kapatid.
"Ikaw, Jersey! May atraso ka sa'kin!" Mabilis niya'ng nilapitan ang kapatid at—
"H-hehehehe, MC— aray! Aray ko!" At mayamaya lamang ay may mga pasa na ito sa mukha.
"G-grabe! W-wala 'ko masabi," wika ni Jade, nang makita ang hitsura ng kapatid niyang bunsong lalaki.
"Do you want to eat, my princess?" Tanong ni Jin sa kapatid.
"Ayoko! Makaalis na nga," anito, at akmang tatayo na sana.
"Meron nga pala 'ko mga tanso sa kwarto, balak ko talaga 'yon ibigay sa'yo," wika ni Jade, at dali-daling umakyat nang hagdan upang kunin ang tanso na sinasabi nito. Pagkababa nga nito ay agad niya itong ibinigay sa kapatid.
"Woah! Ang dami naman nito, Jade!"
"Inipon ko 'yan, tsaka nagpalit kasi ako ng mga wire rito."
"Salamat, Jade. Malaki-laki rin 'to pag naibenta, payakap nga!" Anito, at bigla nitong niyakap ang kapatid niya dahilan para matumba ito.
"Langya! Maligo ka muna!" Ani Jade.
At natawa naman ang kanilang mga kapatid.
--
Papauwi nang bahay si Josephina habang may napakalapad na ngiti sa mga labi niya, dahil malaki-laki niya'ng naibenta ang tanso na ibinigay ni Jade.
"Nay Melda, andito na po ako— hehe may dala rin akong balat ng manok!" Masayang bungad nito.
Nang marinig nila iyon, ay masayang naglapitan ang mga kapatid niya.
"Jayibi!" Ani Minchi.
"Mukhang nakarami ka Sis, ah!"
"Buti, ate nakarami ka—"
Waring hinaplos ng lungkot ang puso ni Aling Melda, nang makita na may dungis ang mga mumunting pisngi ng dalagita niyang anak-anakan. Iniisip niyang siguro nga'y tama kung hayaan na lamang niya ito sa totoong pamilya nito, sa kanyang mga kapatid. Kaysa sa kanilang piling na naghihikahos sa buhay, na kung hindi magpulot ng kalakal ng buong araw ay hindi makakain.
Naalala niya noong magawi ang tatlo nitong mga kapatid sa kanilang bahay.
*Pagbabalik-tanaw*
Nagwawalis si Aling Melda sa bakuran ng kanyang bahay, nang may magawi sa kanila na tatlong binata.
"Aling Melda..."
Napalingon siya sa kanyang likuran, at nagtataka ito dahil kilala siya ng isang lalaki.
"Oh! Ano iyon? At bakit mo ako kilala, iho?"
"Pwede ho ba namin kayo makausap?" Tanong ng isa pang binata na may magandang ngiti.
--
"Ang ibig ninyong sabihin, ay kapatid niyo si Josephina?" Tanong ng ale sa tatlong binata.
Hindi pa rin makapaniwala si Aling Melda dahil ang tanging nalalaman lamang niya, ay wala na itong pamilya at ngayon ay mayroong tatlong binata sa kanyang harapan na nagsasabi na kapatid niya ang mga ito. Sa kanyang nakikita ay hindi naman ito maikakaila.
"Oho, madam... Gusto lang ho sana namin na kunin si Josephina pansamantala para po pag-aralin, kung pahihintulutan niyo po," ani Jin.
"Nag-aaral naman si Josephina rito, bakit kailangan niyo pa siyang ilayo?"
"Alam po namin na napamahal na sa inyo si Josephina, kaya ho nagpapaalam kami sa inyo dahil kayo ang kinikilala niyang ina, at para rin ho ito sa kanya," tugon ni Jin.
"Jin, iho. Tama ba Jin ang pangalan mo? Nalilito kasi ako sa pangalan niyong tatlo halos magkakamukha kayo eh," anito.
"Tama po, ako po si Jin. At 'yong dalawa naman po ay sina James at Jade."
"Batid niyo naman siguro ang katigasan ng ulo ng anak ko ano? Tiyak, ay sasama ang loob no'n kapag pinayagan ko kayo na kunin siya, iisipin niyang ipinamimigay ko siya. At Hindi ko ibig mangyari iyon," ani Aling Melda.
"Nauunawaan ho namin," ani Jin.
"Aling Melda, tanggapin niyo ho ito," ani Jade sa ale, at iniabot ang isang sobre.
"Ano ito?"
"Para ho sa mga anak niyo iyan," ani Jade.
Nang gabing rin iyon ay nakapagluto siya ng tinolang manok.
*Pagtatapos ng balik-tanaw*
"Pina, maligo ka muna bago ka kumain," aniya.
"Opo, nay. Oh! Hinay hinay lang, tirhan niyo ko ah—"
--
Isang magandang gabi, na waring magiging bangungot sa bawat mga panaginip sa pagtulog ng isang bata.
"Smile, maglalaro tayo ng tagu-taguan ah, at dapat hindi kita makita," aniya, na nakangiti.
"Oo sige, Ate'mama Silver!"
Masayang nagkubli ang bata sa kung saan-saan. Ngunit napansin niya na tila hindi siya sinusundan ni Silver, ni wala siyang naririnig na kahit na ano. Sa mura niyang edad naiisip niya na isang surpresa ang naghihintay sa kanya sa labas.
Masaya niyang pinihit ang seradora ng pinto, at naiisip ang isang nakatutuwang surpresa. Ngunit pagbukas nito ng pinto, ay isang nakakikilabot ang tumambad sa bata— mga walang buhay na tao. May iilang tao na nakatindig at sila'y may mga hawak na baril.
"Silver..."
"Smile! Takbo!" Hiyaw niya sa batang babae.
Pero sa halip na ito'y tumakbo palayo, ay tumakbo ito patungo sa kanya.
"Smile, sabi ko magtago ka di ba?" Tanong niya sa bata.
"A-kala ko p-po ba nagl-lalaro tayo?" Nangangatal nitong tanong.
"Oo, kaya nga sinabi ko magtago ka lang hindi ba? Di ba?"
Naghahalo ang emosyon ni Silver, hindi niya nais madamay ang batang nasa kanyang harapan at hindi niya matiyak sa kung paanong paraan niya ito maililigtas mula sa dalang panganib ng mga taong nasa kanilang harapan.
"Silver, g-galit k-ka ba?" Tanong ng bata habang umiiyak.
"Hindi ako galit, pero sana nakinig ka sa'kin—"
"What a beautiful scenario. Hindi ko alam na mahilig ka pala sa bata, Silver..." Wika ng isang malaking lalaki. At mabilis itinago ni Silver ang bata sa likuran niya.
"Ate'm-mama S-Silver, s-sino siya? B-bakit siya m-may hawak na baril?"
"Gusto niya lang sumali sa laro natin, Smile. Kaso ayaw ko siyang payagan dahil boy siya, pang girls lang ang laro natin hindi ba?" Nakangiti niyang tanong, upang hindi maramdaman ng bata na may tensyong nagaganap.
"O-opo." Atsaka ito nagpunas ng kanyang luha at ngumiti.
"Stop playing with us Silver. The game is over," sabi ng lalaki.
"Hindi niyo makukuha ang pinaghirapan ko," ani Silver.
At mabilis na ikinarga ang bata at tumakbo palayo.
"Silver, bad guys ba sila?"
"Oo, mga bad guys— pero huwag kang matakot dahil andito ako."
Nang mga oras na iyon hindi nakaramdam ng takot ang bata, iniisip niyang kasama niya si Silver at wala siyang dapat katakutan.
Napansin ng batang babae na maraming nagtatago sa paligid, na may mga hawak na matataas na kalibre ng baril.
"Silver, marami sila..."
"Alam ko, huwag kang matakot— lamang pa rin tayo sa kanila kahit marami ang bilang nila—" at inilabas niya ang isang baril, at nag-umpisang magpaputok sa bawat madaanan nilang kalaban.
Ilang beses silang nakailag sa mga bala, at humanga ang bata sa kanya.
"Ang galing mo, Silver!" Atsaka niya ibinaba ang bata, nang matiyak na wala na ang mga kalaban.
"Syempre naman, si Silver yata 'to!"
Pero biglang isang bala ang tumagos sa katawan niya, at nasundan pa ito.
"SILVER!" Hiyaw ng bata.
"S-Smile... Smile..." Tawag nito sa munting paslit, at siya'y natumba sa madamong lupa.
"S-Silver..."
"K-kunin mo 'to," sabi niya, at inilagay ang dalawang baril sa maliliit na palad ng batang babae.
"M-may dugo ka— kailangan natin ng tulong—"
"S-Smile, makinig ka— g-gamitin mo 'yan p-para protektahan ang s-sarili mo—"
Sa kanyang mga huling sandali ay siya'y naiinis sa kanyang sarili, dahil hindi niya gustong makita siya ng batang babae sa ganitong sitwasyon.
"Pero ate'mama Silver, hindi ko magagawa 'yon nang wala ka—" ani ng bata, at nag-umpisang umagos ang mga luha nito.
"Smile, Smile- tumingin ka sa'kin, p-parating na s-sila at kailangan mong manatiling buhay naiintindihan mo? N-naaalala mo kung p-paano kita tinuruan gumamit ng baril na 'to?" Tumango naman ang bata. "M-mabuti, tandaan mo na habang hawak mo ang mga baril na 'to ay kasama mo a-ako," anito.
"B-bakit ka n-nagsalita ng ganyan?" Tanong ng bata habang humihikbi. Ngayon ay nakararamdam na ito ng pangamba at takot.
"Dahil mahal kita, t-tandaan mo m-mahal kita, Smile..." Niyakap siya ng batang babae, dahilan upang madungisan ng dugo ang mumunti nitong kulay rosas na bistida.
"M-mahal din k-kita, Silver..." Napangiti si Silver sa itinugon ng batang babae, pakiramdam niya'y may silbi siyang mamamatay dahil kapiling niya sa huling sandali ang pinaka paborito niyang tao sa mundo.
Hinawi niya ang mga mumunting butil ng luha sa pisngi ng bata, at nabahiran na rin ang malinis na mukha nito nang mantsa ng dugo.
"Gusto kong m-makita ang mga ngiti mo, munting Joey..." Nagulat ang batang babae nang tawagin siya ni Silver sa kinaiinisan niyang taguri sa kanya nito, ngunit sa halip na mainis ay ngumiti ito gaya ng gusto ng kanyang ina-inahan.
Matapos niyon, ay tuluyang binawian nang buhay si Silver. At nang mapagtanto ito ng bata ay labis na pighati ang kanyang naramdaman, at ang kanyang palahaw ang namayani sa lugar na iyon.
"Silver... Silver... S-Silver..."
"SILVEEEEER!!!"
Habang siya'y tumatangis, ay unti-unting lumalapit sa kanya ang isang malaking lalaki. Ang kulog at kidlat ng langit ay waring nakikiayon sa napakapait na gabi ng batang babae.
Nakatutok ang baril ng lalaki sa batang babae, at habang ang batang babae naman ay ikinasa ang hawak niyang baril. Ang mga mata nito ay nag-aalab waring nais maghiganti, ngunit paano? Siya'y isang paslit lamang, habang ang kanyang kaharap ay eksperto sa paghawak ng baril.
Habang unti-unting pumapatak ang ulan ay isang putok ng baril ang narinig.
Ang lahat ng mga tao na nasa paligid ay napaisip na patay na ang batang babae.
Ngunit isang sampung taong gulang na batang lalaki ang nakasaksi sa pangyayari, at labis na nanlumo sa kanyang nasaksihan.
"UUUUNCLE!!!"
Sapagitan nang dulot ng liwanag ng kidlat, ay nakita niya ang mga mata ng isang batang babae na nangangalit na kanyang matatandaan hanggang sa kanyang paglaki.
--
Josephina's PoV
Halos mapabalikwas ako mula sa paghimbing dahil sa isang masamang panaginip.
"Putya, panaginip na naman!"
"Ate, maaga pa? Tsaka ba't pawis na pawis ka? Nanaginip ka na naman 'no?" Tanong ni Crispin.
"Oo eh."
"Magdasal ka ate, para hindi ka managinip nang masama," sabi niya.
May punto naman siya, tumayo ako para uminom ng tubig. Hay! Bakit ko ba lagi 'yon napapanaginipan?
-------
Itutuloy...
-Papel📝
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top