CHAPTER 5: ANG TAONG-GRASA

Nagsasalita kahit nag-iisa, damit ay butas-butas at katawan ay marumi o malibag, at sa sobrang haba ng buhok ang mukha ay natatakpan na, iyan ang taong-grasa. Palakad-lakad sa kalye na walang direksyon na pupuntahan. Minsan makikita ang taong-grasa nagkakalkal ng basura at doon naghahanap ng makakain. Mula Maynila napadpad siya sa isang probinsya hinahanap ang huling taong hihingan niya ng hustisya.

Umaraw man o umulan ang naging tirahan ng taong-grasa ay ang lansangan. Pinandidirihan at iniiwasan siya ng mga taong nakakasalubong at minsan ay makakarinig pa ng panlalait. Dumating ang araw na ang kaniyang plano ay isasakatuparan na. Araw ng lingo at maraming tao ang naglalakad papunta sa simbahan. Ang taong-grasa naman ay nakaupo lang sa tabi ng kalye at matinding nag-aabang. Hindi nagtagal ay nakita niya sa malayuan ang kotse ng taong kaniyang hinihintay. Magpapasagasa siya rito at suwerte na kung siya ay mabubuhay pa. Dumating ang kotse at mabilisang tumawdi sa gitna ng kalsada ang taong-grasa at nagtagumpay ito sa binabalak na pagpapabundol. Nagpagulong-gulong ang taong-grasa at namilipit ang katawan, samantalang ang lalaking nagmamaneho ng kotse ay bumaba para tingnan ang taong kaniyang nasagasaan.

"Kawawa naman yung taong-grasa." Sabi ng tindera ng sampaguita na narinig ng lalaking may-ari ng kotse.

"Sir tulungan niyo po." Sabi naman ng tindera ng kandila. Nakita ng lalaki na may tumutulong ng buhatin ang taong-grasa kaya nakitulong na rin siya.

"Dalhin niyo po siya sa kotse ko para maihatid sa hospital sa bayan." Sabi ng lalaki.

Inakay nila ang taong-grasa at pinahiga sa bandang likuran ng kotse ng lalaki. Nagmamadali namang pinaandar ng lalaki ang kaniyang makina para malapatan ng lunas agad ang nabundol na taong-grasa. Habang nagmamaneho napansin ng lalaki na pinipilit ng taong-grasa na tumayo mula sa pagkakahiga. Sinabihan niya itong humiga lang pero hindi ito nakinig.

"Pssst..." Sitsit ng taong-grasa.

"Anong sabi ..." Hindi na naituloy ng lalaki ang kaniyang sasabihin ng makitang may nakatutok na baril sa kaniyang ulo.

"Huwag mong ihihinto at huwag kang mag-iingay kung ayaw mong pasabugin ko ang ulo mo." Pambabanta ng taong-grasa.

"Anong kailangan mo sa akin? Pera ba?! Magkano ang kailangan mo?" Galit na tanong ng lalaki.

"Hustisya... Hustisya ang kailangan ko!" Sabi ng taong-grasa habang idinidiin nito ang dulo ng baril sa sintido ng lalaki.

"Anong pinagsasabi mo?.... baliw ka ba?" naguguluhang tanong ng lalaki.

"Oo baliw ako, kaya kung ayaw mong topakin ako sumunod ka na lang sa mga sasabihin ko!." Galit na ring sabi ng taong-grasa

Walang nagawa ang lalaki kundi sumunod sa mga pinag-uutos nito. Halos Tatlong oras na silang bumibiyahe ng mapansin ng lalaki ang daan kung saan sila papunta. Ang kaniyang hinala ay nakumpirma ng ipahinto ng taong-grasa ang kotse sa bukana ng isang gubat. Pinababa siya ng taong-grasa at pinaluhod, ang kaniyang mga kamay ay nilagay sa bandang likuran at parehas na tinali.

"Bakit tayo nandito?... Sino ka?" Tanong ng lalaki. Gulong-gulo na ang kaniyang isip.

"Bakit may naaalala ka ba sa gubat na ito?" Balik-tanong naman ng taong-grasa.

"Wala akong alam sa sinasabi mo!" Singhal ng lalaki.

"Wala ba?... Sige ipapaala ko sa iyo. Tayo!" Sigaw ng taong-grasa habang pinapatayo ang lalaki.

Pina-abante ng taong-grasa ang lalaki papasok sa masukal na gubat na iyon. Ang baril ay nakatutok pa rin sa likod ng lalaki habang naglalakad. Halos kalahating oras din ang ginawa nilang paggalugad sa gubat hanggang sa narating nila ang isang malaking puno. Humarap ang lalaki sa taong-grasa at nagsalita.

"Sino ka?" Tanong muli ng lalaki.

"Naaalala mo na ba?" Sabay tutok ng baril sa mismong noo nito.

"Wala akong naaalala!" Sigaw ng lalaki.

Hinawi ng taong-grasa ang kaniyang mahabang buhok upang lumantad sa lalaki ang kaniyang itsura. Napaatras ang lalaki sa kaniyang nakita. "Ngayon, naaalala mo na ba ako?" Nakangising sabi ng taong-grasa.

"Imposible!!" Sa kaka-atras ng lalaki ay napasandal siya sa malaking puno.

"Ang punong iyan... Naaalala mo ba ang mga katawan na iniwan niyo sa punong iyan?!!!" Bakas na ang galit sa mukha ng taong-grasa habang siya ay nagsasalita. "Dalawang katawan ang iniwan niyo na parang hayop lang na tinabunan ng dahon at mga sanga at hinayaang mabulok sa punong iyan!"

"Patay ka na!... Hindi ikaw si Marco!" Umiiling na sabi ng lalaki.

Parang nagpanting ang tenga ng taong-grasa matapos bigkasin ng lalaki ang pangalan ni Marco. Ang mga mata niya ay nagdilim at gamit ang baril ay pinukpok niya ito sa mukha. Nabitawan ng taong-grasa ang baril at sunod-sunod na suntok ang ibinigay niya rito. Sa Pagod ay parehas silang napaluhod, duguan sa suntok ang lalaki samantalang ang mga kamao ng taong grasa ay duguan na rin.

"Sino ka?!... Hindi ikaw si Marco!" Nahihirapan na tanong ng lalaki sa taong-grasa. Tumingin ito sa kaniya. "Patay na si Marco!" Sigaw niyang muli.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top