Maltrato

Dear Diary,

Maliliit pa lang kami nina Hashi at Kishi, parati na akong sinasaktan ni Mommy. Hindi ko alam kung bakit madalas n'ya akong hatawin ng matigas na pamalo sa iba't-ibang parte ng katawan ko na nagdudulot sa akin ng maraming pasa't sugat.

Sa t'wing may nagagawa akong pagkakamali kuno, ako ang sisisihin n'ya. Pagod na pagod na ako. Sawang-sawa na ako sa buhay na ganito. Gusto kong umalis, ngunit saan ako titira? Saan ako matutulog at anong kakainin ko? Mas makabubuti sigurong tiisin ko na lang ang pananakit sa akin ni Mommy kaysa maging palaboy ako sa kalsada.

Paparating na ang bruha kong kapatid na si Hashi! Kailangan na kitang itago at baka sirain ka pa n'ya.

Mabilis kong tinago ang kwaderno ko sa drawer. Magmula nang magkaisip ako, ito na ang kasa-kasama ko-ang diary ko.

"Illya!" Agad na nagbukas ang pinto at bumungad sa akin si Hashi. Nanlilisik ang mga nito habang nagkikiskis ang mga ngipin. Sa aming tatlo, ito ang nakamana sa ugali ni Mommy.

"Halika nga rito! Ligpitin mo ang mga kalat mo ro'n! Wala ka talagang pakinabang! Palamunin ka na nga lang dito, puro pa pagkakalat ang ginagawa mo!" Hinaklit ako nito at kinaladkad patungong sala.

"Hashi, ano ba? Bitiwan mo'ko! Nasasaktan ako!" Pagpupumiglas ko.

"Mas lalo kang masasaktan kapag isinumbong kita kay Mommy!" Ihinagis ako nito sa mga papel na nagkalat sa sahig.

"Pero Hashi, hindi ako ang nagkalat nito. Si Kishi ang nakita kong gumugupit ng mga ito kanina."

"Huwag ka nang magpalusot pa! Ligpitin mo 'yan!"

Tiningnan ko si Kishi na nakangisi lamang sa isang tabi.

"Kishi, sabihin mo na ikaw ang may kagagawan nito, hindi ba?" Nagsusumamong pakiusap ko sa kan'ya.

"Illya, huwag mo nga akong pagbintangan. Ikaw ang nakita kong gumugupit n'yan kanina."

"See? Kung kani-kanino mo pa isisisi ang katangahan mo. Halika na, Kishi. Hayaan na natin s'ya r'yan." Lumabas ang dalawa at naiwan akong tumutulo ang mga luha.

Araw-araw na lang ganito ang eksena sa bahay na ito. Gusto ko na lang maglaho.

Tumayo ako at sinimulang ligpitin ang mga kalat na si Kishi naman parati ang gumagawa. Nang matapos ko ang pagliligpit, lumabas na ako ng kwarto.

Hindi pa ako nahihimasmasan sa galit ni Hashi, naririnig ko na ang dumadagundong na boses ni Mommy, patungo sa direksyon ko. Nakabihis pa ito at halatang kagagaling lang sa trabaho.

"Illya! Bakit puro harina at mantika ang hagdanan ha?! Alam mo bang muntik na akong madulas dahil sa katangahan mong bata ka! Ganito na ba ang igaganti mo sa akin matapos ng lahat ng ginawa ko para sa'yo?!"

"Mommy, hindi po. Hindi po ako ang gumawa ng bagay na sinasabi mo."

"At sino? Sinong gagawa?! E ikaw lang naman ang naririto sa bahay." Nanlalaki ang mga mata nito sa akin habang mahigpit na hawak ang braso ko.

"Bakit hindi n'yo po tanungin sina Hashi at Kishi?" Alam kong sila na naman ang may pakana ng bagay na ibinibintang sa akin ni Mommy.

"Nahihibang ka na ba, Illya? Linisin mo 'yon!"

"Mommy, hindi ko po magagawa 'yon sa inyo." Umiiyak na sabi ko.

"Tigilan mo'ko, Illya!" Hinila ako nito ngunit nagmatigas ako.

"Illya, ano ba?!"

"Mommy, nagsasabi po ako ng totoo. Maniwala po kayo sa'kin."

Sa labis na inis nito ay kinuha nito ang mahabang pamalo na madalas n'yang ihataw sa akin.

"Punong-puno na ako sa'yo, Illya!" Pinalo ako nito sa kaliwang hita ko na s'yang ikinapalahaw ko.

Mahapdi. Masakit.

"Mommy, tama na po! Bakit n'yo po ba ito ginagawa sa akin?"

"Sasagot ka pa ah!" Muli akong hinataw nito ngunit sa likod naman. Pakiramdam ko ay mababali ang buto sa aking likuran.

Ilang hampas pa ang ginawa nito bago ako tigilan. Hinang-hina na ako at hindi ko na magawang kumilos pa. Namamanhid na ang lupa kong katawan.

"Tumayo ka r'yan!" Hinila nito ang buhok ko at itinapon ako sa bungad ng hagdanan.

"Linisin mo 'yan! Bwisit kang bata ka!" Matapos n'yang sabihin ang mga salitang 'yon, tinalikuran n'ya na ako.

Tiningnan ko ang repleksyon ko sa salaming katapat lamang ng hagdanan. Panibagong sugat at pasa na naman ang natamo ng mahina kong pangangatawan.

Umiyak ako nang umiyak dahil sa labis na sakit. Hindi lamang sa pisikal kundi pati na rin sa emosyonal.

Nilingon ko ang bumubungisngis na sina Hashi at Kishi.

"Bakit n'yo ba ginagawa sa'kin 'to?" Mahinang bigkas ko.

"Buti nga sa'yo!" Humagalpak ang dalawa at tinalikuran din ako.

Nanghihina man ay pinilit kong kumilos dahil baka lalo lang akong pagmalupitan ni Mommy kung maaabutan n'ya akong ganito pa rin.

Tumutulo ang mga luha't sipon ko habang pinupunasan ang bawat baitang ng hagdan.
Masagana nga ang aming pamumuhay ngunit hindi ko maramdaman ang kalinga at pagmamahal ng aking ina.

Natapos na ako sa aking ginagawa. Bumalik ako sa aking silid at kinuha muli ang aking kwaderno.

Dear Diary,
Sinaktan ako ngayon ni Mommy at ni Hashi. Pinagbibintangan nila ako sa mga bagay na hindi ko naman ginawa.

Pero ang labis na gumugulo sa isipan ko ay kung bakit palagi akong sinasaktan ni Mommy? Kapag tinatanong ko s'ya, bigla n'ya akong pagagalitan o kaya ay papaluin. Matagal ko nang gustong malaman ang kasagutan sa aking katanungan ngunit hindi ko mahanap-hanap.

Ano kaya ang magandang gawin upang matuwa sa akin si Mommy? Alam ko na! Ipagbe-bake ko s'ya bukas ng umaga. Paborito n'ya ang dark chocolate cake kaya sigurado akong matutuwa s'ya kapag ginawan ko s'ya no'n.

Isinara ko nang muli ang kwaderno. Hindi na ako lumabas pa ng kwarto upang saluhan si Mommy sa hapunan dahil alam kong mainit pa rin ang dugo nito sa akin. Pinili ko na lang matulog at indahin ang mga sakit sa aking kalamnan.

Maaga akong nagising upang igawa si Mommy ng paborito n'ya. Inihanda ko na ang lahat ng aking kakailanganin bago nagsimula sa procedure. Hindi naman ako lubos na nahirapan dahil kinahiligan ko na ang bagay na ito.

Sa wakas, natapos na rin ako! Tiyak na magugustuhan ito ni Mommy dahil perfect ang pagkakagawa ko nito.

Kumuha ako ng isang slice nito at inilagay sa platito. Nakangiti akong naglalakad sa pasilyo nang may malawak na ngiti sa labi habang bitbit ang piraso ng cake.

Tumapat ako sa pintuan nito at akmang kakatok nang may marinig akong tila ikaguguho ng mundo ko.

Nanginginig ang buong katawan ko sa nalaman ko. Kaya ba gano'n ang trato sa akin ni Mommy? Kaya ba sa t'wing makikita n'ya ako ay pinagmamalupitan n'ya ako? Kaya ba hindi n'ya ako kayang mahalin dahil bunga ako ng panghahalay sa kan'ya ng dati nilang hardinero?

"Anong ginagawa mo rito?" Bumalik ako sa aking katauhan nang lumuwa ito sa pinto.

"Mommy, t-totoo po ba 'yong narinig ko?" Nanginginig na tanong ko. Ngumisi ito bago nagsalita.

"Oo, totoo ang lahat ng narinig mo. Siguro naman, may idea ka na ngayon kung bakit iba ang trato ko sa'yo. Kung bakit, hindi kita matanggap bilang anak ko dahil sa t'wing nakikita kita, naaalala ko ang kahayupang ginawa ng ama mo sa akin! Hindi mo alam kung anong mga paghihirap ang pinagdaanan ko!" Nagtubig ang kan'yang mga mata.

"Sinira n'yo ang mga pangarap ko! Nagdusa ako nang dahil sa inyo! Itinakwil ako ng mga magulang ko dahil akala nila, maaga akong lumandi. Sinabi ko sa kanila ang katotohanan ngunit hindi sila naniwala sa akin. Mabuti na lang dahil may mag-asawang nakapulot sa akin habang palaboy-laboy ako sa kalsada." Patuloy sa pagluha ang kan'yang mga mata gaya ng sa akin.

"Tinulungan nila akong ipakulong ang demonyo mong ama. Akala ko, doon na matatapos ang kalbaryo ko sa buhay ngunit nang maisilang ka, araw-araw lang sa akin ipinapaalala kung gaano ako karuming babae."

Binitiwan ko ang hawak ko at mabilis s'yang niyakap.

"Mommy, sorry po." Umiiyak na saad ko.

"Bitiwan mo'ko!" Itinulak ako nito palayo sa kan'ya.

"Mommy, bakit kailangan n'yo po akong kamuhian? Wala naman po akong kasalanan, 'di ba?" Tiningala ko s'ya at halos manlabo na s'ya sa paningin ko.

"Hindi mo ba naiintindihan, Illya?! Ayoko sa'yo! Hindi kita itinuturing na anak! At ngayong alam mo na ang buong katotohanan, umalis ka na sa pamamahay ko!"

"Mommy, huwag ka naman pong gan'yan. I love you, Mommy. Gagawin ko po ang lahat para hindi na kayo magalit sa akin. Susundin ko po ang lahat ng sasabihin n'yo, huwag n'yo lang po akong paalisin dito, please." Niyakap ko ang binti n'ya ngunit sinipa n'ya ako.

"Umalis ka na, Illya. Hindi kita kailangan."

Muli kong kinuha ang cake at ibinigay ito sa kan'ya.

"Paborito mo ito, Mommy, hindi ba? Ginawa ko po ito. Tanggapin n'yo na po, sige na po." Pilit akong ngumingiti sa harapan nito.

"Illya, hindi ko kailangan ng suhol mo. Ang gusto kong gawin mo ay umalis ka na." Muling bumalik ang nakakatakot n'yang awra.

"Mommy, huwag n'yo pong gawin 'to sa akin, please!" Muli ko s'yang niyakap sa binti n'ya ngunit patuloy naman n'ya akong sinisipa.

"Mommy, mahal po kita! Please, huwag po!"

"Bitiwan mo'ko, Illya!"

Naramdaman ko na lamang ang pagdampi ng kung anong matigas na bagay sa likuran ko. Paulit-ulit ako nitong hinampas hanggang sa bumigay ang katawan ko.

Tanging malamig na sahig na lamang ang aking nararamdaman. Hinanap ng mga mata ko ang cake na para kay Mommy. Muling pumatak ang mga luhang namumuo sa gilid ng aking mga mata nang makitang sira na ito't nakakalat sa sahig.

Nasayang lang ang pinagpaguran ko. Kahit anong gawin ko, hinding-hindi ako matatanggap ni Mommy. Dahil para sa kan'ya, isa lamang akong pagkakamali.

Ito ba? Ito ba talaga ang gusto ng Mommy ko? Ang mawala ako nang tuluyan sa paningin n'ya. Kung gano'n, mas mabuti pa ngang umalis na lang ako rito kaysa araw-araw n'ya akong kamuhian.

Laylay ang mga balikat kong bumalik sa kwarto at nagsimulang mag-impake. Sa kalagitnaan ng pag-aayos ko, biglang may sumulpot na batang babae sa bintana ng kwarto ko.

"Sino ka?" tanong ko.

"Ako si Yuji at ako ang tutulong sa'yo upang matapos na ang paghihirap mo," nakangiting saad nito.

"Anong ibig mong sabihin?"

Ipinakita nito ang hawak n'ya-isang kutsilyo. Nanlaki ang mga mata ko sa naiisip ko.

"Huwag! Huwag mo s'yang papatayin!"

"Pero sumusobra na s'ya. Nararapat lang sa kan'ya ang mamatay. Aminin mo, ayaw mo rin sa kan'ya, hindi ba? Gusto mo rin naman s'yang mawala, hindi ba?"

"Tumahimik ka! Hindi totoo 'yan!"

"Alam kong kahit hindi mo sabihin, Illya, gusto mo rin s'yang mamamatay." Ngumisi ito na nagbigay ng kilabot sa akin.

Matapos iyon ay nagmartsa s'ya patungong kwarto ni Mommy. Hinabol ko s'ya at pinigilan ngunit malakas n'ya akong itinulak.

"Yuji!" Hinaklit ko ang kan'yang braso ngunit walang epekto.

Hindi ko na s'ya napigilan pa at tuluyan nang pumasok sa kwarto ni Mommy.

Huli na bago ko pa s'ya mapigilan dahil wala nang buhay ang pinakamamahal kong Mommy.

Tumulo ang masaganang luha sa aking mga mata.

"M-Mommy..." Napaluhod ako at pilit na inaabot ang katawan n'ya.

"Mommyyyy!" Nanlalaki ang mga mata ko habang pinagmamasdang dumanak ang mapupulang likido na nagmumula sa kan'yang katawan.

"Pinatay mo s'ya!" galit na sigaw ko kay Yuji.

"Tinapos ko lang ang paghihirap mo, Illya."

"Demonyo ka!"

"Ikaw ng demonyo, Illya." Ngumisi ito.

Nakita ko ang repleksyon ko sa salamin na puro dugo ang buo kong katawan. Dahan-dahan kong tiningnan ang mga kamay ko at punong-puno rin ito ng dugo.

"Pinatay mo s'ya, Illya," nakangising saad ni Hashi.

"H-hindi... Hindiiii!" Nagtatakbo ako patungong kwarto ko.

Mabilis kong kinuha ang diary ko at muling nagsulat.

Dear Diary,
Patay na si Mommy. Pinatay s'ya ni Yuji. Pero bakit puno ng dugo ang katawan ko?

Hindi, hindi ito maaari. Hindi ako ang pumatay sa Mommy ko. Plinano nila ito para palabasing ako na naman ang masama sa aming apat.

Pero tama lang naman na mamamatay si Mommy, 'di ba? Buong buhay ko, puro pananakit ang naranasan ko sa kan'ya at ngayong patay na s'ya, wala nang mananakit sa akin. Malaya na ako! Tama lang na kunin ko ang puso n'ya dahil naging malupit s'ya sa akin.

Hindi totoong umiiral sina Yuji, Hashi, at Kishi dahil lahat sila ay ako.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top