MALIGNO: The Unwanted Visitor

Pasado alas singko ng hapon nang makauwi sa boarding house sa Laguna si Armie. Malapit lamang ito sa UPLB kung saan siya nag-aaral. Ibinaba niya ang backpack sa sahig at saka pabagsak na umupo sa sofa.

"Hay! Nakakapagod!" aniya habang hinihilot ang noo. "Sabagay, sulit naman." Gumuhit ang magandang ngiti sa mga labi niya.

Iginala niya ang paningin sa buong paligid. Wala siyang nakitang bakas ng kanyang pinsan. Sabagay, nag-text pala ito sa kanya na uuwi muna sa Cavite. Sembreak naman kaya ilang araw din silang walang pasok.

Isang buntong hininga ang pinakawalan niya. Masyadong nakabibingi ang katahimikan sa buong bahay, medyo madilim na rin dahil palubog na ang araw sa labas. Hindi na siya nag-aksayang buksan pa ang ilaw.

Inihiga na lamang niya ang pagod na katawan sa mahabang sofa. Iidlip muna siya at saglit na magpapahinga bago magluto ng hapunan. Mariin niyang ipinikit ang mga mata, at hinayaang tangayin siya ng antok.

Kung kailan nahihimbing na, saka naman siya binulahaw nang sunod-sunod na katok sa pinto.

"Sino 'yan?"

Walang sumagot mula sa labas.

Lumipas ang ilang minutong katahimikan, muli siyang pumikit, at akmang babalik na sa pagtulog nang bigla na namang nasundan ang mga katok sa pinto. Wala siyang nagawa kundi ang bumangon.

Napakamot na lamang siya sa ulo, at nakabusangot na tinungo ang pintuan para tingnan kung sinong pangahas ang nasa labas. Inuna niyang buksan ang ilaw bago ang pinto.

Isang matangkad na lalaki ang bumungad kay Armie, lalong nangunot ang noo niya habang sinusuri ang kaharap. Nakasuot ito ng ternong itim na jacket at pantalon. Malapad ang pagkakangiti nito, ngunit agad itong nag-iwas ng tingin kaya hindi niya gaanong nabistahan ang buong mukha nito.

"S-sino ho kayo?"

"Ah, pasensya na sa abala. Ako nga pala si Kasmer. Bagong lipat kami sa kabilang bahay-ipinabibigay nga pala ito ni Ina... tanda raw ng pakikipagkaibigan."

Nagdadalawang-isip siya kung tatanggapin ang iniaabot nito.

"S-salamat," aniya.

Bagama't nahihiya ay tinanggap na rin niya. Baka kasi kung ano ang isipin. Sabagay, wala namang masama sa pakikipagkaibigan sa bagong kapitbahay. Mukhang mabait naman ang lalaki, ang nakapagtataka nga lang ay ang pagtungo nito. Animo'y ayaw ipakita sa kanya ang mukha.

"Walang anuman," tugon ng lalaki, pagkatapos ay tinalikuran na siya.

Kunot-noong sinundan niya ito ng tingin hangang sa maglaho ito sa dilim. Alas otso y medya na pala nang gabi nang sipatin niya ang relong pambisig.

Umihip ang malamig na hangin, tila nagbabadya ang malakas na pag-ulan dahil wala ni isang bituin sa langit. May mga mumunting liwanag din ang gumuguhit sa kalangitan. Nagkibit-balikat siya bago tuluyang isara ang pinto. Mabuti na lang pala at nakauwi na siya.

Habang patungo sa kusina ay biglang tumunog ang tiyan niya. Nang idako ang tingin sa hawak na pinggang puno ng pagkain, at sa supot na hindi niya alam kung ano ang laman ay napangiti siya. Ang bango ng amoy nito dahilan para lalong humilab ang sikmura niya.

Solve na. Hindi na niya kailangang magluto ng hapunan. Inilapag niya ang pagkain sa lamesa at kaagad na kumuha ng tinidor. Ganado siya habang nilalantakan ang pancit itim, pati ang putong kakulay rin nito. Lalo siyang napangiti nang masilip ang supot, naglalaman iyon ng tatlong pirasong Mangosteen.

****

Umalingawngaw ang malakas na kulog dahilan para mapabalikwas ng bangon si Armie. Dahil sa sobrang kabusugan ay nakatulog na pala siya sa mahabang sofa, hindi na rin siya nakapagpalit ng damit.

"Pambihira naman talaga!" sambit niya.

Mabilis siyang bumangon at tumakbo palapit sa nakabukas na bintana. Humampas pa sa mukha niya ang kulay kremang kurtina, inililipad ito ng malakas na hangin. Nabasa rin ang sahig dahil pumasok na ang tubig ulan. Muntik pa siyang madulas, mabuti't nakahawak agad siya sa grills ng bintana.

Matapos maisara ang mga bintana ay may nahagip ang kanyang paningin. Kusang huminto ang kanyang mga paa sa paghakbang. Pinakatitigan ang tila isang pigurang nakatayo sa gitna ng daanan patungo sa kusina. Sapat ang liwanag mula sa poste sa labas upang maaninag niya ang pigura. Ilang beses siyang kumurap-kurap.

"S-sino ka? Paano kang nakapasok dito?"

Walang sumagot.

Kahit nanginginig ang mga kamay, dinampot niya ang vase na nakapatong sa eskaparate. Naglakas loob na rin siyang buksan ang ilaw.

Nang kumalat ang liwanag sa loob ng bahay, nawala na rin ang pigura sa mismong kinatatayuan nito.

Guni-guni ko lang ba iyon?

"P-paanong?"

Nagkalat ang mga putik sa sahig na hugis malaking paa. Galing sa may pinto ang mga bakas patungo sa lugar kung saan niya naaninag ang pigura.

Agad na kumabog ang dibdib niya. Kasabay nang pangangatog ng mga tuhod, ay bigla rin siyang pinagpawisan nang malapot.

Nakaramdam siya ng malamig na hangin. Imposibleng galing iyon sa labas dahil naisara na niya ang lahat ng bintana. Binalot siya ng panghihilakbot habang hinahawi ang ilang hibla ng buhok na kumalat sa kanyang mukha.

Kasabay ng malamig na hangin ay ang mga tuyong dahon na unti-unting inililipad sa kanyang paanan. Hindi niya alam kung saan galing ang mga ito.

Nangangatal ang buo niyang katawan habang dahan-dahang humahakbang paurong. Ngunit, napahinto siya nang sumayad ang kanyang likod sa magaspang at matigas na bagay. Tila nanigas ang kanyang kalamnan, ni hindi siya makagalaw. Tanging ang mga mata lang ang naigagalaw niya, tumingin siya sa kaliwa't kanan. Malayo pa siya sa pader kaya siguradong hindi iyon ang nasa likuran niya.

Mayamaya ay may gumapang sa magkabilang braso niya, paakyat sa kanyang mga balikat. Sinundan niya ito ng tingin at... isang malakas na sigaw ang kumawala sa lalamunan niya. Nabitiwan niya ang hawak na vase, gumawa ito ng ingay ngunit balewala iyon dahil sinabayan ito ng malakas na kulog mula sa labas.

Nagtatakbo siya papasok sa kanyang kwarto at ini-lock ang pinto. Hindi mawala sa isip niya ang mga kamay na nakitang humahaplos sa kanyang mga balikat. Tuyo ito't parang balat ng kahoy, may mahahabang daliri, at mga kuko.

Hindi niya alam kung saan siya sisiksik. Hindi naman siya makalalabas sa bintana ng silid na iyon dahil may grills ito. Sinubukan niyang sumigaw, at humingi ng tulong. Pero, parang may bumara sa lalamunan niya na hindi niya mawari.

Ilang sandali lang ay kumalabog nang malakas ang pinto. Doon na tumulo ang luha niya. Pinilit niyang magsumiksik sa ilalim ng kama.

God... tulungan n'yo po ako. Kung nananaginip man ako, please lang, gusto ko nang magising.

Pabalyang bumukas ang pinto. Wala siyang nagawa kundi ang pumikit habang pinakikiramdaman ang paligid. Hilam sa luha ang kanyang mga mata, pigil-hininga para hindi makagawa ng ingay.

Mayamaya ay may kung ano ang biglang gumulong sa kinaroroonan niya. Tumama pa ito sa noo niyang halos dumikit na sa sahig. Muntik na siyang mapasigaw kaya kinagat na lamang niya ang kanyang nangangatal na labi. Nang magmulat siya ng mga mata, tumambad sa kanya ang isang piraso ng Mangosteen.

Mabilis ang sumunod na pangyayari. Hindi niya alam kung paanong biglang umusog ang kama na siyang nagkukubli sa kanya. Muli siyang napasigaw, at nanginiginig na nagtakip ng mukha.

Armie! Gumising ka! Gising!

"Hindi ito isang panaginip. Tinanggap mo ang handog ko-akin ka na!" ani ng boses na animo galing sa ilalim ng lupa. Kasunod ay ang nakabibingi nitong pagtawa.

"Hindi! Hindi mo ako pag-aari!" Nagmamadali siyang gumapang patungo sa pintuan. Hindi pa siya nakalalayo nang may mabigat na kamay ang pumigil sa kanyang mga paa. "Bitiwan mo 'ko! Maawa ka!" palahaw niya, at sinubukang pumiglas.

Tumihaya siya at pinagsisipa ang nasa kanyang paanan. Saka lang niya napagmasdan ang kabuuan nito. Tila nabato-balani siya habang nakatitig sa nakatatakot na kaharap, hindi niya inakala na sa buong buhay niya ay makakikita ng ganitong nilalang.

Isang nilalang na malaki ang bulas, parang natuyong puno ang balat, at ang buhok ay parang mga mahahabang ugat ng kahoy. Kakaiba rin ang malaki at kulay berdeng mga mata nito. Nakangisi ito kaya kitang-kita niya ang mahahaba't maiitim na ngipin.

"Sa ayaw at sa gusto mo, mapapasaakin ka, babae," anito, habang titig na titig sa kanya.

"'W-wag kang lalapit..."

Tinawanan lang siya nito. Dahan-dahan itong lumapit at pagkatapos ay lumuhod sa tabi niya.

Wala siyang nagawa dahil may mga ugat ng puno na bigla na lang lumitaw at pumulupot sa kanyang katawan.

"M-maawa k-ka,'wag kang lala-"

Tila kinakapos na siya ng hininga. Namamanhid na rin ang katawan niya. Nanlaki ang mga mata niya nang biglang dumukwang ang taong puno at hinuli ang bibig niya. Tumulo ang luha ang kanyang luha. Pakiramdam niya ay hinihigop nito ang kanyang kaluluwa. Wala na siyang lakas para magprotista pa. Ilang sandali pa'y tuluyan ng lumabo ang paningin niya.

****

Hindi mapakali si Rosie habang nakatitig sa cellphone niya. Dalawang araw nang wala siyang natatanggap na text mula kay Armie na kaibigan niya. Nakailang tawag na rin siya pero hindi ito sumasagot. Kinakabahan siya.

Umupo siya sa kanyang kama. Muling inisa-isa ang mga larawang kuha noong isang araw habang nasa Mt. Cristobal sila. Nag-hike sila roon at nanatili ng dalawang araw kasama ang iba pa nilang kaibigan.

Ang ipinag-aalala niya. Lahat ng larawang kasama si Armie, wala itong ulo at para bang may maitim na usok sa tabi nito. Habang nakatitig sa larawan ay tumatayo ang mga balahibo niya.

Muntik na niyang mabitiwan ang cellphone nang bigla itong tumunog.

"Peste!" bulong niya at sinagot ang tumatawag.

"N-nabalitaan mo na ba?" bungad ng nasa kabilang linya.

"Alin? Ang ano?" Napakunot ang noo niya.

"Si A-armie, wala na siya," pahayag ni Andy. Kasama rin ito sa tropa nila. Hindi niya maintindihan kung ano ang ibig nitong sabihin.

"Sandali! Anong wala na ang sinasabi mo?"

"Patay na siya."

Parang may bombang sumabog sa dibdib niya. Naging mabagal ang pagproseso ng utak niya.

"Hoy! Rosie, nand'yan ka pa ba?" rinig niya ang boses ni Andy, pero hindi siya makapagsalita. Mayamaya at naputol na ang tawag.

Palaisipan pa rin sa mga pulis ang pagkamatay ng kaibigan nilang si Armie. Hindi kasi matukoy ng mga ito kung bakit ito namatay. Maliban sa mga tuyong dahon at basag na vase, walang iba pang kakaibang bahay ang natagpuan sa loob ng bahay.

Hindi rin maipaliwanag kung bakit naging kulubot ang balat ni Armie, animo natuyong halaman ang buong katawan nito.

Ngunit siya. Malakas ang kutob niya na isang maligno ang may gawa noon sa kanyang kaibigan. Ayon sa kanyang Ama na isang albularyo, ang masamang maligno raw ay nangunguha ng kaluluwa ng tao. Lalo na kung nabighani ito. Binibihag nito ang kaluluwa at kalaunay ginagawang asawa o hindi naman kaya ay alipin.

"Kunin mo 'to." Iniabot niya ang isang pirasong tuyong dahon kay Armie. Kinuha naman ito ng kaibigan.

"Ano'ng gagawin ko rito? Pampasalubong?" anito, at saka tumawa.

"Seryoso ako. Dalhin mo 'yan at pag-uwi mo, sunugin mo."

"Hay naku! Umiiral na naman ang pagka- psychic mo." Inirapan pa siya nito.

"Armie, hindi ako nagbibiro. Makatutulong iyan para hindi ka masundan ng mga maligno rito sa bundok."

Tumawa lang ito. "Tumigil ka na, besh. Baka may makarinig sa 'yo, isipin nilang..." Suminyas ito sa may gilid ng tainga, pinaikot-ikot ang hintuturo at saka muling tumawa.

"Bahala ka nga! Basta sinabihan kita, ha?"

Inakbayan lang siya nito habang pababa sa Mt. Cristobal. Lihim siyang napailing. Ipagdarasal na lamang niya ang kaibigan. Sanay walang masamang hatid ang nakita niya sa mga larawan nitong kuha niya. Hindi naman niya ito mapipilit. Alam niyang hindi ito naniniwala sa multo, at mga maligno.

End!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top