m a l a y a
m a l a y a
sa panulat ni
zyronzester
▂▂▂▂▂▂▂
A n g l i l i m.
Pero dahil tag-araw, eksaktong huling araw ng Mayo, sumilip muli ang mga banaag sa pagitan ng mga bungkos ng dahon mula sa katabi kong puno rito sa UP Diliman. Umusog ako nang konti palayo sa dilim upang makita ako ng kasintahan ko.
Kasintahan.
Si Aaron.
Aktibista. Intelektwal. Bakla. Kasama ang kanyang mga kaibigan sa huling baitang ng hagdan sa Palma Hall. Ang saya nila. Matapang. May pinaglalaban. Ilang talampakan paitaas, isang mahaba at makulay na katsa, sumisigaw ng protesta. Maliwanag siya—dilaw, puti, masigasig na tindig at masiglang ngiti.
Ang gwapo niya.
Sobrang swerte ko sa kanya.
May humaplos na panglaw sa aking puso kaya napakapit ako sa dibdib. Ang direktang sinag ng araw ay tumagos sa mga maliliit na butil ng tubig sa aking pilikmata—bumuo ng linya ng bahaghari.
Ang kulay.
Ang laya.
Hindi ko namalayan, nakababa na pala siya. Siya, kumaway; ako, maliit ang ngiti at pinipigilang humikbi. Ilang segundo ng maligalig na hakbang, tuluyan na siyang nakalapit.
Nabalisa siya nang makita ang ekspresyon ko.
"Oh, mahal, anong nangyari?"
Tumulo ang luha ko.
Gusto ko na siyang palayain.
"Ayoko na, Ron. . ."
Tila habambuhay ang bawat segundong pagtitig sa isa't isa. Bagsak ang balikat, umupo siya sa tabi ko, nagbigay ng karampot na distansyang dati ay hindi nababakante dahil pinupuno ng lambing. Tumakip ang araw sa ulap. Nawala ang aliwalas. . .ang init. Ang kaninang ambon ng lungkot at takot, tuluyang naging bagyo.
Kinagat ko ang labi ko. "May nagugustuhan akong babae—"
"Hindi lalaki. Ayos." Agad siyang tumayo. "Oh, ano, gusto mo na bang mapag-isa agad ngayon?"
"Ron naman. . ."
Lumakas ang hangin. Umaraw. Ngunit mas mabilis ang muling pagtakip ng ulap. Lahat ng inipong lakas ng loob, naghingalo. Sa oras na nanghihina, sa kanya lang naman ako tumutungo. Gaano niya ba ako kamahal para hayaan niya akong haplusin ng hinlalaki ang palad niya at unti-unti siyang hawakan?
Bakit ayaw ko nang lumaban?
"Tangina, Ian," bulong niya. "Limang taon, eh. . ."
"Sorry. . . Mahal talaga kita." Nagawa ko siyang paupuin sa marahang paghigit. "Alam mo naman, 'di ba? Matagal na akong may gusto sa mga lalaki—sa 'yo. Bata pa lang, ito na 'yong kinamulatan kong moral. At wala akong problema do'n. Sobrang masaya ako sa 'yo. Pero itong babae. . .si Aila. . .hindi siya basta-basta."
Umiwas siya ng tingin.
Nanginginig rin ang labi.
"Si Aila, 'yong kaibigan mo. . ." Natawa siya. Umiling-iling. Umalog ang balikat. Saka dahan-dahang tumingin sa akin. "Kailan pa 'yan?"
Haplos ulit. "Isang linggo. . ."
"Masaya ka sa kanya?"
"Sa 'yo ako masaya."
"Wag mo akong gaguhin, Ian."
Panibagong luha ang dumaloy.
"Mahal din kita, pero hindi naman ako tanga. . ." Suminghal siya, nagpipigil ng emosyon. "Pinipili mo siya. At ano? Bakit? Dahil may kaya siyang ibigay na hindi ko kailanman maibibigay? Dahil pasok siya sa normal—kayo, kayong dalawa?"
"Hindi naman sa gano'n. . ." Sinubukan ko siyang hawakan sa pisngi pero pinalis niya ang kamay ko. "Napagod lang akong matakot sa iba't ibang bagay."
Nalilito ang mga mata niya.
"Napagod na akong kumbinsihin 'yong sarili ko na katulad lang nila tayo—mga naghangad ng pag-ibig at nakatagpo. Napagod na akong indahin ang mga magulang natin, ang sasabihin ng Diyos, ng lipunan, pati 'tong mismong katawan natin." Mas maigi ko siyang tinitigan, nagsusumamo. "Gusto ko lang ng naman ng katulad ng lahat. Gusto ko. . .ng normal."
Umiling-iling siya. "Bakla ka nga talaga."
"Gusto kong subukan, mahal. . ." Hinaplos ko ang pisngi niya at sinubukang patinginin siyang muli sa akin. Ngunit pinipigil niya ang sarili. "Please, hintayin mo ako. . ."
Tumingin na siya sa akin.
"Hindi mo ako mesias, Ian."
Napapikit ako.
"Kailangan mong mamili. Dahil ako? Pinili kita. May duda rin naman ako noon. Natakot din akong hindi ka sapat para patunayan lahat ng paglihis na 'to. Pero naniwala ako sa 'yo. . ." Narinig ko siyang humikbi. "Hindi tulad mo, kahit no'ng mga panahong hindi pa ako sigurado sa ganitong pagkakakilanlan, handa na akong sumugal hanggang kamatayan, suungin lahat ng bawat takot at ipaalala sa sariling kung sinumang diyos ang bahala kung ano sa tingin niya ang tama."
"Ron. . ."
Dumilat ako.
Tuluyan na rin siyang lumuha.
Unti-unti niyang inalis ang higpit ng kapit ko sa matapang niyang kamay. "Gawin mo na kung anong gusto mong gawin."
Patuloy na umaagos ang luha at umaalog ang balikat, sinulit kong tingnan siyang maglakad sa kahabaan ng Diliman. Lumalabo siya sa paningin. . .pati sa damdamin.
Si Aaron.
Aktibista. Intelektwal. Bakla.
Gusto ko lang naman maging tulad niya.
Malaya.
Sa 'di mabilang na beses, muling umaraw.
Dahil sa init, nabuhay ang lahat. Ang mga bulaklak. Ang daloy ng dugo. Ang lugmok na puso. Ang mga pasikot-sikot na daan at walang hanggang pagpipilian.
Nagsalo ang lungkot at ligaya.
Ang gunita at pag-asa.
Ang kulay.
A n g l a y a. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top