Chapter 18: Vanilla
Saturday of November
Sinara ni kuya guard ang pintuan sa gate pagkalabas namin sa school. Sa tingin ko, kaming dalawa na lang ni Rue ang naiwan at huling pinalabas ni kuya guard.
Taglamig na at ramdam ang parating na Christmas season kahit November pa lang.
Napatingala ako sa madilim na kalangitan habang ramdam ko ang lamig na dala ng gabi. Mas malamig dito sa labas kaysa sa silid.
At naninibago ako sa paligid. Lagpas alas-syete na, isama pang mas mahaba ang gabi ngayon kaya parang late-na-late akong umuwi. Tahimik at madilim ang buong paligid maliban sa street lights at mga ilaw ng bahay na nagbigay liwanag sa daan. Natakpan naman ng isang makapal na ulap ang buwan.
"Rue, ayos ka lang ba talaga?" tanong ko habang pinasok ang nilalamig kong mga daliri sa puting long-sleeves na damit ko. Napansin kong mas masigla na ang kulay ng kutis niya ngayon kaysa kanina bago siya nakaidlip. Buti at nakatulong ang maikling pahinga.
"Ayos lang ako. Ihatid na kita sa inyo," sambit niya. Parehas kami ng kalsada pauwi kaso maghihiwalay kami sa bandang intersection.
"Okay lang. Kahit hanggang intersection lang." pag-ngiti ko, saka nag-alanganing sinulyapan siya. "Umm... tungkol sa binanggit mo kanina, sino si 'Collin?'"
"Vague," ang tugon niya sa magaan niyang boses. May dumaang ilang segundong katahimikan bago siya nagsalita muli. "Kung bibigyan ko ng salita ang panaginip, 'vague' ang description ko. Naaalala kong may kausap akong bata pero..."
Sumunod akong napatigil nang tumigil siya sa paglalakad. Napahawak siya sa kanyang noo at halatang sinu-subukan niyang alalahaning mabuti.
"...May pinag-uusapan kami at alam ko ang detalye pero ngayong nagising ako... hindi ko maalala."
Naka-relate ako sa sinabi niya dahil ilang beses ko na ring naranasan ito. Alam kong madami akong napapa-naginipan, pero may araw na ni isa wala akong maalala pagkagising. Maaalala ko lang kung may nakita akong bagay o tao na kapareho o pamilyar sa naging panaginip, pero malabo pa din sa huli.
Nagpatuloy kami sa paglalakad pababa sa kalsada habang tinanong niya kung bakit ako bumalik sa school. Sinabi ko sa kanya ang patungkol sa batang napapanaginipan ko at nakita ko kaninang umaga, hanggang sa doon na napunta ang usapan.
"Rue, siya kaya si Collin De la Teguirre? Ang batang palaging nakikita ko, na halos ako lang ata ang nakakakita?"
"Baka," tanging sagot niya habang napaisip. "Siya rin ang batang nakita ko kanina sa main hallway."
Agad akong lumingon sa kanya. "Naka 18th century siya na formal clothes, naka leather shoes at hanggang ankle ang medyas niya! Maganda siyang batang lalaki na mukang hindi lalagpas sa walo o siyam na taon, tama ba?"
Tumitig siya sa akin ng ilang maikling segundo bago sumagot, saka siya nagpatuloy sa paglalakad. "Mukang parehas nga tayo ng description at iisa lang sila. Kaya pala naisip mong pag-suspetshan ako."
Nakaramdam ako ng pagka-guilty, pero sa paraan ng pagsabi niya, mukang wala siyang sama ng loob at napaisip lang sa dahilan kung bakit ko nasabing may kinalaman siya sa bata.
Unti na lang ang tao sa paligid at malapit na kami sa intersection. Dumaan ang tingin ko sa isang store na malapit naming malagpasan at agad kong hinablot ang tela ng sleeves ni Rue mula sa likod nang makalapit kami. "Saglit. Saglit."
Daglian akong pumasok sa store at pagkalabas ay nginitian ko siya ng malawak habang may hawak na dalawang cup of ice cream sa magkabila kong kamay. Inabot ko sa kanya ang isa. Ito na lang muna ang kabayaran ko. "Hindi ko alam kung anong gusto mo pero vanilla ang kinuha kong flavor."
Matagal niya itong tinitigan bago niya kinuha at nag-"thanks."
"Ice cream," narinig kong sambit ni Rue sa tonong may pagdududa, kaya napatingin ako sa kanya.
"Ang weird mo, Phoebe," sabi niya sabay subo ng isang spoon ng ice cream. Nahuli ko ang pag-ngiti niya bago siya tumalikod sa akin at nagpatuloy sa paglalakad.
Weird? Ako? Hinabol ko siya habang napasimangot, pero napangiti ako nang malasahan ang sarap ng ice cream matapos masubo ang isang spoon.
Lumingon ako sa paligid at may mga nahuli akong mga tindera na napapatingin sa amin at parang pinipigilan nilang ngumiti. Napa-thumbs up naman ang isa sa akin, pero nag-aalala ako sa niluluto niyang fishballs at kikyam kapag hindi niya pa ibalik ang tingin sa niluluto.
Nagulat ako bigla nang agad akong mapagilid sa tabi ng kalsada sabay may dumaang mabilis na sasakyan sa tabi ko. Nalaman kong si Rue ang humawak sa balikat ko at iniwas niya agad ako sa sasakyang dumaan.
"Phoebe."
Makakarinig ba ako ng sermon? Hinintay ko, pero kinuha niya lang ang cup ng ubos ko nang ice cream at pinatong sa cup niyang ubos na din, saka binasura sa malapit na trash bin. Pagbalik niya, pinagilid niya ako para siya ang malapit sa kalsada ng mga sasakyan at hindi ako.
Nagsalita si Rue sa natural niyang tono na parang hinahambing ang panahon. "Bilib ako kung paano ka nakakauwi ng maayos sa kalahating atensyon mo."
Compliment ba iyon o lait? Ah. Palagpas na kami sa intersection pero nakasunod pa rin siya sa tabi ko. Ilang beses lumipat-lipat ang tingin ko sa kanya at sa intersection. "Rue... Ummm... okay lang. Hindi mo 'ko kailangang ihatid. Kaya ko naman."
Tumingin siya sa akin na may halong pagdududa, saka walang imik na pinagpatuloy ang paglalakad kaya wala akong nagawa kundi sumunod.
Pagkarating sa harap ng gate ng bahay namin, tumigil si Rue na hinintay niya muna akong makapasok bago siya umalis. Napaka-gentleman niya talaga. Nag-pasalamat ako sa kanya bago pumasok ng gate.
Buti gabi na at walang tao sa paligid. Ayokong maging usap-usapan ng mga kapitbahay sa paghatid ng isang lalaki sa akin sa ganitong oras ng gabi.
Bago ko pa isara ang gate ay agad sumilip ang ulo ko. "Rue!"
Nasa harap pa rin siya ng gate at patalikod pa lang para umalis, nang tinawag ko siya. Tumigil siya at lumingon sa akin habang nagtatanong ang kanyang mga mata.
Umm.. Anong sasabihin ko? Pinatigil ko siya kaya kailangang may sasabihin ako. "A-anong favourite flavour mo?" Sana hindi niya makita pamumula ko. Marami na akong pasasalamat sa gabi.
Tumitig lang siya sa akin, hanggang sa napansin ko ang dumaang pagkasurpresa sa mga mata niya. Kahit hindi madaling mabasa ang mukha ni Rue dahil palaging walang-imik ang mukha nito, parang napansin ko ang munting pagka-expressive ng kanyang mga mata kung tititigang mabuti.
"Nothing... in particular," bigla niyang sambit sa English habang nandun pa rin ang gaan ng kanyang tono. Napansin kong hindi niya inasahan ang tanong ko at agad siyang nahuli sa pagsabi sa parang... normal na palagi niya nang sagot?
"Plain... siguro." Pero napapa-isip siya. Natahimik siya saglitan saka nagsalita, "vanilla."
"Vanilla?"
"Vanilla," sagot niya muli.
"Vanilla," pag-sigurado ko habang tumango siya. Hindi nga mali pagkarinig ko.
"Vanilla." Napangiti ako habang naglaro sa isipan ko ang mga baking delicacies na gagawin bukas, sa Sunday, sa kitchen nila Remy. Bilang kapalit sa pag-ako ng workload dahil sa pagka-absent ko, gagawahan ko ng pastries si class pres at vice pres.
Masayang umangat ang tingin ko kay Rue. "Salamat ulit, Rue. Iyon lang itatanong ko. Bye!" pagyuko ko pabalik sa loob ng gate sabay sara nito dahil sa naghalong pagka-galak at medyo nahihiya.
~~~~~
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top