Chapter 16: De la Teguirre Family
Saturday of November
Andirito na kami sa SSC office matapos ang school hours, nakaupo sa isang pahabang sofa, habang nasa magkabilang tabi ko si Flam at Janet. Nasaan si Remy? Hindi na ako nagtaka na wala siya dahil iniiwasan niya ang mga horror stuffs at siguradong nauna na siyang umuwi para makatakas. Madaya.
"Anong pag-uusapan natin?" direktang tanong ni Janet kay Steve nang makita ang pagpasok nito.
"Hintayin mo naman akong makaupo," sagot ng aming class vice pres pagkatingin nito sa amin. Pumunta muna siya sa lockers na nasa tabi ng dingding at may kinuha doon na file case bago pumunta sa amin. Kailan pa siya naging member ng SSC? Mula sa mga narinig ko, naging errand boy siya ng SSC president, si kuya Hue dahil sa kasipagan nito.
Kahit halata ang inis sa mukha ni Steve, ginagawa pa rin niya ang mga tungkuling nakalaan sa kanya. Minsan, glaring ang mga mata niya at ramdam na bad mood siya kapag things or work doesn't go smoothly. Nakasimangot na siya palagi kapag malala habang palangiti at malaro naman kapag maganda ang mood niya.
Siya yung tipo ng taong matatawag na honest, deeply dedicated at responsible. Kaya siguro nahuli siya sa kamay ni kuya Hue. Kuya Hue talaga.
Nilagay ni Steve ang file case sa lamesang nasa gitna, saka siya umupo sa sofa na kaharap namin. Binuksan niya ang file case. Ang nasa loob nito ay mga papel na naglalaman ng mga sulat at mga larawang black and white pa ang kulay. Nilabas niya ang mga 'yun at nilinyang pinatong sa lamesa.
Agad namang nakuha ang atensyon namin at tinitigan ang mga ito. Ang mga 'encoded words' sa papel ay patungkol sa history ng school. May mga scanned pictures din mula sa mga pahina ng old newspapers.
"Bago pa maipatayo ang paaralan noong 1959, may pamilya nang nagpatayo ng pamamahay sa lupang ito, sa mga taong early 1800's. Sila ay kilala bilang De la Teguirre family."
Napatango kami sa kanyang sanaysay habang nakapunto ang dalawang daliri nito sa isang papel na ang pamagat nito ay; 'Information Collected about the De la Teguirre Family.' Lumipat ang kanyang punto sa katabi nitong papel. May litrato iyon ng isang pahinang na-scan at na-print galing sa mistulang lumang diyaryo.
"More on foreign trade business sila. Umatras ang company ng pamilyang ito noong mga late 1800's, siguro dahil sa problemang nangyayari sa bansa, at bumalik sa Europe. Matapos iyon, wala na kaming mahalungkat pa patungkol sa pamilyang De la Teguirre. Saka lang nagpakita muli ang pangalang ito nang pumasok dito ang pangalan ng unang director ng school natin."
Ang galing. Marami na pala silang na-research. "Kaya pala pina-research niyo si Anne patungkol sa first director ng school," saad ko saka lumingon kay Janet. Kasalukuyang nakatingin siya sa kanyang phone, kinalkal ang laman nito hanggang sa marating niya ang notes patungkol sa pinag-uusapan namin ngayon.
"Siya si Father Nicholas Santiago De la Teguirre. Naipanganak siya sa taong 1897, tumayong director sa taong 1959, ang panahong naitayo ang paaralan. Year 1972 ang huli niyang paglilingkod bilang director sa school," pagbasa nito sa kanyang flip-phone na ang nilalaman ay mga research ni Anne.
"1959-1972. Thirteen years siya nagtagal bilang school director?" tanong niya matapos mabasa.
Hanggang dito lang naabot ng research namin. Hindi rin namin matanto kung ano ang koneksyon ni father Nicholas sa pamilyang 'De la Teguirre,' kung direkta ba o kamag-anak siya, na nagkataong binalikan ang lupang naiwan ng pamilya sa bansa at nagpatayo ng paaralan.
"1897-1972, kung ganon, 75 years old siya? Siya kaya ang matandang may tungkod mula sa mga kwentong kababalaghan sa school?" tanong ni Flam habang nakatingin din sa kanyang notes sa phone.
"Hindi... siya," pagsalungat ni Janet sabay binaba ang kanyang phone. "Nakita... ko ang matandang iyon dati habang napadaan sa proposed building."
Gulat kaming napatingin sa kanya dahil ngayon lang niya ito nasabi sa amin.
"Alam niyo namang nakakaramdam ako at minsan may nakikita. Saglit lang siyang napadaan sa gilid ng paningin ko pero alam kong hindi siya tao. Matanda siya, may tungkod, nakasimangot, maasim ang mukha at nakatingin sa malayo. Kaya masasabi kong hindi niya kahawig ang nasa litrato ng first director ng school."
"Kung ganon, sino siya?" napapaisip na tanong ni Steve saka nagsalita muli. "At ibig sabihin may mga katotohan ang mga kwento sa school."
"Ano pala ang cause of death?" bigla kong natanong sabay napatingin silang tatlo sa akin. "Usually, cause of death ang dahilan kung bakit hindi sila mapanatili. Baka nandun 'yung kasagutan. At sabi nga ni Rue, missing person ang unang school director, na isang araw, bigla siyang nawala."
Lumipat ang tingin ni Steve mula sa akin papunta sa mga papel na nakapatong sa lamesa. "Nahirapan kaming hanapin ang patungkol sa first director at sa huling pamilyang nanirahan sa bahay na naipatayo dito."
Napadaan pa ang kamay ni Steve sa kanyang buhok, napahawak sa ulo at halata ang kanyang pagkakaproblema. "Darating talaga ang dead-end. Hinahanap namin ang connection ng first director sa pamilyang iyon maliban sa apelyido nito pero naiwan kaming blanko. Nagkukulang ng records patungkol sa kanila."
Walang nagsalita sa amin sa mga saglitang iyon dahil mukhang wala ring maitulong ang mga impormasyong nasa amin. Nasabi na ang lahat ng nalalaman at kung pagsasamahin ang mga nakalap na detalye, nagkukulang pa rin ito. Saka may pamilyar na boses ang pumutol sa namumuong katahimikan.
"Galing ang pamilya sa Europe at nagpatayo ng kanilang pamamahay sa Pilipinas. Sinubukan naming halungkatin ang pangalang 'De la Teguirre' sa mga old newspaper at nagkataong nahanap namin ang 'Juan Anthon De la Teguirre' sa Obituaries section, sa diyaryo ng taong 1902."
Mukhang kanina pa nakikinig si Rue nang hindi namin nahahalata dahil sa pagka-occupied sa paliwanag ni Steve. Ngayon ay sumali siya sa usapan, saka tinuro sa amin ang isang paragraph sa mga papel na pinatong niya sa lamesa. "Ito ang summary."
Ang nakasulat doon ay;
'Juan Anthon De la Teguirre. (1815-1902)
Spouse: Gabriella (1821-1889)
Child: Lorenzo
Grandchildren: Collin & Nicholas
Cause of Death: Died from a neck injury, a fall down the stairs in one of their main residences located in Luzon.'
"Bihira lang ang pangalang 'De la Teguirre' kaya nahanapan ito ng mabilisan."
"Kinalkal mo lang ba ang buong old newspapers sa municipal library?" hindi makapaniwalang tanong ni Steve.
"Si Wain at Craig. Sila ang pinapunta ko para magkalkal, at inayos ko lang para ma-summarize," tugon naman ni Rue, sa paraan na sinabi lang ang katotohanan.
Nagtinginan kami ni Flam at Janet dahil hindi namin inaasahang umabot pa sila sa pagkalkal sa newspapers sa library, at sa municipal library pa, kung hindi pa namin napakinggan mula sa bibig ni Steve. Hanggang internet lang kami.
"Nanatili lang muna kami sa mga taong late 1800's pataas, ang bandang taong tumigil ang kanilang business dito sa bansa."
"De la Teguirre family," napa-isip na banggit ni Steve sa pangalan. "Ang lolo ay si Juan Anton, tatay si Lorenzo, ang apo ay si Nicholas at Collin. Habang ang pangalan ng first director ng school ay Nicholas Santiago De la Teguirre."
"Iisa lang kaya sila?" napahawak sa baba si Janet sa pag-iisip dahil sa kaparehong tanong nila ni Steve. "Ang apo ni Juan Anton De la Teguirre na si Nicholas ay ang first school director?"
Nabalutan kami ng katahimikan habang napaloob sa mga impormasyong pilit pagtagpi-tagpihin.
"Rue, kung tama sila..." mahinang sambit ni Steve pero hindi niya natuloy. "Ughh! Bwisit! Naguguluhan ako!" bigla niyang pagsandal sa sofa habang napahawak ang isang kamay sa ulo. "Paano tayo nakakasigurong nasa pamilyang 'yun ang sagot?"
"Kanina pa ako nagtataka pero... paano niyo nasabing ang pamilyang De la Teguirre ang may kinalaman sa mga kakaibang nangyayari sa school?" tanong ni Janet. "Imposibleng dahil lang ito sa magkaparehong surname ng unang director at ang unang pamilyang nagpatayo ng bahay bago ang school."
Ngayong sinabi ni Janet, napaisip din ako, saka napatanong nang may sumagi sa isipan. "Paano niyo rin alam ang patungkol sa unang director na 'missing person' siya? Sa article ba sa old newspapers or... may nagsabi sa inyo?"
Napabuntong-hininga si Steve saka nagsalita. "Si father Louis Ducheuven. Siya ang nagsabi." Lumingon siya sa amin. "Hindi ba kayo nagtataka kung bakit hindi niya nakakaligtaang bisitahin ang school?"
Sinundan naman ito ni Rue. "Si father Louis at ang unang director na si father Nicholas ay magkakilala. Kaya palagi siyang bumibisita dito sa school ay dahil sa huling habilin ng first director sa kanya."
Napatahimik kaming tatlong babae dahil ngayon lang namin ito narinig. Kaya pala si father Louis ang nilapitan nila at sinabihan ng mga kakaibang pangyayari sa school, dahil may idea siya na may katotohanan ang mga pinagsasabi namin.
~~~~~
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top