Chapter 13: Swallowing Darkness
Friday of November
Sa madilim na gabi at napapalibutan ng hamog, nakita ko ang sariling nakatayo sa harap ng isang magara ngunit makalumang bahay. Isa itong manor mula pa sa disenyo at laki nito.
Hindi ko maintindihan pero may kakaiba sa malaking bahay na aking tinitingala. Na para bang may mabigat na kasaysayang naipinta dito, na ni sino mang makakita ay makakaramdam ng kilabot at puot. Ngunit hindi lang iyon, mistulang may lungkot at kawalang pumapalibot sa buong paligid.
Naagaw ang atensyon ko nang may humawak sa damit ko mula sa likuran. Pagtingin ay isang batang lalaking nakatayo sa tabi ko. Kung hindi ako nagkakamali, mga around 9 years old or younger ang kanyang taon. Hindi ko maintindihan pero wala akong maramdamang takot mula sa kanya hindi tulad sa kakaibang pakiramdam na nilalabas ng paligid.
Kahit papapano, ang presensya niya sa tabi ko ay nagbigay kalma at nagsaad na hindi ako nag-iisa. Maganda siyang bata para sa isang lalaki. Mula sa tindig at pananamit nito ay masasabing pinalaki siya sa mayamang pamilya.
Nakasuot siya ng formal attire at bumabagay sa kanya na parang natural lang niya itong suot. Pero sa panahon ngayon ay bihira lang ako makakita ng magsusuot ng ganitong damit, maliban lamang kung may tanghalan tungkol sa nakaraan.
Nakahawak pa rin ang bata sa damit ko habang ang kanyang mga mata ay nakatingala lamang sa kanyang harapan. De ja vu. Parang nangyari na ito.
Sinundan ko kung saan nakapako ang kanyang tingin at napansing nakatayo na kami ngayon sa harap ng isang malaking gate ng manor. Ang nakasarang gate, katulad ng manor, ay napakaluma rin ng disenyo, ngunit hindi mapagkakaila ang magara at mala-engkantada nitong disenyo.
May lumang kadena, na katulad ng mga rehas ng gate, ay napakaluma at nangangalawang na rin. Nakaikot ito sa pagbukasan at mistulang mabigatang pinagbabawal na makapasok o makalabas ang kahit na sino man.
Katahimikan ang nanaig sa buong paligid. Kakaiba rin ang pakiramdam na pinaparating nito. Nagulat ako nang biglang gumalaw ang gate at pinutol ang namamayaning katahimikan.
May pwersang nagbubukas nito mula sa kabila pero walang makita kung sino man o ano man iyon dahil sa pagkakaalam ko, ako lamang at ang batang nasa tabi ko ang andirito. Ang kabila ay madilim at hamog lang ang maaninag kasama ang malaking bahay.
Napaatras ako dahil sa lumalakas na kalangkang ng kadena kasabay ang ingay sa bawat pagtama nito sa mga rehas. Napatakip ako sa tainga dahil sa nananakit na ingay. May kung anong pumipilit buksan ito pero hindi magawa dahil sa kadenang nakapaikot at sa mabigat na pagkaka-kandado nito.
Nagpatuloy ang kaingayan ng lumang gate at lalo pa itong lumalakas. Unti-unting nabubuksan ang gate at mistulang bumabati ng masamang pangitain, kung hindi lamang sa mabigat na kadenang pinipigilan ang buong pagbubukas nito.
Humigpit ang paghawak ng batang lalaki sa tela ng damit ko. Pagbalik ko ng tingin sa kanya, hindi na siya nakatingala sa malaking gate kundi nakatingin sa ibaba, na sinundan ko ng tingin. Sa ibaba ng lumang gate ay may itim at mistulang malagkit na likidong lumalabas, nagpatuloy ang pagdaloy nito hanggang sa umabot sa aming inaapakan.
Napaatras ako at nandiri nang maramdaman ang pagkakapit ng malagkit na likido sa hubad kong paa. Umatras ako pero kumakapit pa rin ito sa balat.
Hindi ko ito gusto, sumasabay sa kakaibang pakiramdam na pinaparating ng lugar na parang tatangayin kami sa walang-hangganang kadilim ng likido. Sa puntong iyon, biglang pinaalala nito ang mga mata ng babaeng nakita ko sa ilalim ng tubig. Katulad sa makapal at maitim na likidong lumabas mula sa gate, ganoon din kadiliman ang mga matang iyon, na mistulang lulunurin sa kadiliman ang sino mang madala nito.
Kailangan naming lumayo. Kailangan naming umalis dito. Agad kong nilingon ang bata para hilain siya pero napatigil ako sa nakitang itsura nito. Kalmado siya at walang imik na pinapanood ang malagkit na likidong unti-unting umaakyat sa kanya.
"Hindi ako maaaring lumisan sa aking kinakatayuan." Narinig kong tugon niya na parang nalaman niya lang ang katanungan sa isipan ko.
"Delikado kung mananatili pa tayo!" Unti-unti siyang kinakain ng maitim na likido, tuloy sa pag-akyat at balak siyang lamunin.
Kailangan ko siyang mailayo. Hinawakan ko ang kamay niya para hilain pero hindi siya gumalaw at pansin kong wala siyang balak sumama sa akin.
"Kapag umalis ako dito, tuluyang magbubukas ang harang."
Ano'ng pinagsasabi niya? Sinasabi niya lang bang siya ang huling depensa sa lugar? Na kapag umalis siya ay tuluyan itong magbubukas at lalabas ang itim na likido? Isa ba itong... masamang pangitain?
Tumingala ang magandang mala-manikang mukha ng batang lalaki sa akin. Naramdaman ko ang kamay nitong hinawakan ang kamay ko, na kanina lang ay nakahawak sa kanya para hilain siya.
Bumukas ang kanyang bibig at gumalaw ang kanyang labi. Unti-unti nang nilalamon ng kadiliman ang paligid. Ang mga huli niyang sinabi ay natanggap kong parang isang bulong na pumalibot sa nagigising kong diwa.
"Unti-unti nang nabibiyak ang harang. Ang sumpa ay babalik at lalamunin ang mga buhay na muli nitong makikitil."
Nagising akong pinagpapawisan ng malamig habang dumaan sa isipan ko ang naging panaginip. Mga alas-tres ng madaling araw nang makita ko ang oras kaya at hindi ko na matulog ang pagtulog isama pang sariwa ang mga detalye ng panaginip.
Matagal nang hindi ito nangyari sa akin. Simula pagkabata, kung ano-ano na lang napapanaginipan ko.
Ang ayoko pa ay sumasabay ang bangungot sa masamang panaginip, at kapag nagigising, palaging nakatutok ang orasan sa bandang alas-dos at alas-tres ng umaga. Kapag tinuloy ko ang pagtulog, natutuloy din ang bangungot at mga 4:00 am lang ako nakakatulog ng mahimbing.
Pero ang panaginip ngayon ay may pinaparating at konektado ito sa nangyayaring kakaiba sa school. Pumasok sa isipan ko ang anyo ng batang nasa panaginip, nakatayo lamang mag-isa sa malaking gate ng nakakakilabot na manor at nag-iisang binabantayan ito... Dahil dito, hindi ko maiwasang mapaisip ng matagal at mag-alala habang lungkot na ang namayani sa pagkagising ko ng madaling araw.
Pagdating ng alas-kwatro, sinubukan kong bumalik sa pagkaka-idlip na nagtagumpay namang magawa ng katawan ko, hanggang sa gisingin na ako ng liwanag ng umagang araw. Bumangon ako at walang ganang kumuha ng tissue mula sa lamesang nasa tabi at ginamit sa ilong kong barado.
Kung bakit nga ba ako nagkasakit ngayon? Ngayon na Friday at wala pa man ding gagawin sa school kundi ang maglinis at mag-ayos para sa next week na Intramural's Week at Foundation day. Ito ang araw na isa sa mga pinakamasaya sa school dahil walang academic studies, pero andito ako sa bahay. Gusto ko ring magsukat ng mga costume o kaya mag-design sa classroom.
Kung bakit nga ba ako basang-basa kahapon? Ayoko ring maalala dahil may nakita akong nakakatakot na babae. May iniwan pang pasa sa paa ko.
Nanginig ako. Isang ebidensyang hindi iyon simpleng panaginip. Nakakatakot pero hindi ko na nakita yung marka nang maligo ako pagkauwi kahapon. Nakakuha tuloy ako ng sipon at lagnat, pero bakit pati katawan kailangang bumigat o paa ko lang iyon? Mukhang lutang pa ako...
Siguro dala lang ito ng lagnat at nagbabasa na rin mga mata ko. Sinubukan kong hindi alalahanin ang nangyari kahapon at ang panaginip kagabi, pero bigo ako.
Ang sabi ng bata, hindi siya pwedeng umalis sa kanyang kinaroroonan. Ano bang meron sa manor at bakit niya binabantayan? Sa pagkaka-alam ko, siya din ang nagmamay-ari ng kamay na lumubog sa tubig at nagawa akong hilain para makaangat.
Hindi kaya... nakaalis ako sa misteryoso at kakaibang sitwasyon- kung hindi man panaginip- dahil sa kanya? Hindi rin matanggal ang kutob ko na siya mismo ang pumoprotekta sa lugar at pati na rin sa amin para mailayo sa peligro.
~~~~~
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top