Chapter 10: Strange Phenomena
Thursday of November
'Hindi pa tapos ang lahat. Nagsisimula pa lamang ito.'
Alam kong hindi pa tapos ang lahat dahil sa nangyari sa akin kahapon. Tahimik na natapos ang sinagawang dasal noong Recollection day sa buwan ng Septyembre, pero hindi pa rin mawala sa isipan ko ang sinabi ng batang iyon. Simula nang magpakita siya, pinahiwatig niyang may darating pang hindi inaasahan.
Nagising ako sa realidad nang ilang beses akong tinawag ni Rue, ang aming class president. Ibig sabihin, panaginip lang ba iyon? Nagtaka ako dahil nangyari iyon habang papunta ako sa storage room para ibalik ang mga materials na hiniram ng class sa paghanda sa Foundation day at Intrams event next week.
Lumakas ang ihip ng hangin at mistulang nagbabadya sa mga bagay-bagay na maaari pang dumating. Napalinga ako sa labas, sa mga puno at halamang sumasabay sa hangin, at nakalimutan ang taong nanggising sa akin. Kakaiba daw ang kilos ko, matagal na nakatulala at hindi kumikibo.
Sa kakaisip kagabi sa nangyari, hindi ko namalayan ang oras at napuyat. Kaya ngayon, kasalukuyang tumatakbo ako papunta sa school. Yup! Masarap matulog kapag malamig isama pang mas mahaba ang gabi ngayong taglamig kaya late akong nabangon.
Hinihingal ako nang marating ang nakabukas na gate ng school, saka napatigil dahil sa naramdamang pagod resulta ng mahaba-haba at dere-deretsong pagtakbo. Hindi pa ako late. Hindi pa nakalinya ang mga estudyante habang makikitang abala ang karamihan dahil sa darating na Intramural events.
"Anong nangyari sa buhok mo? Lumangoy lang ba sa kung anong tubig diyan?" mapanglait pero natatawang komento ni Janet nang makasalubong ko siya papunta sa linyahan nang mag ring ang bell. Dahil sa kamamadali, basang-basa pa pala. Hindi ko maibalik ang lait dahil sa napakaayos nitong itsura. Mature, maayos at ang straight ng buhok ni Janet.
Pasensya na, medyo magulo at basang-basa pa buhok ko. Tinuluyan din ito ni Remy ng tawa nang madaanan ko siya sa linyahan. "Kulang ata ang pagsuklay mo, Phoebe."
Siya ang friend naming kinamumuhian ang horror. I-kwento ko kaya ang nangyari sa akin kahapon. "Remy, kahapon, may nangyaring kakaiba habang papunta ako sa storage room..."
Nawala ang tuwa sa mukha ni Remy, napatikom ang bibig at agad lumipat ng pwesto. Balak kong maghanap ng mali sa itsura ni Remy dahil may pagka-kulot ang buhok niya, pero nagawa niyang gawing maayos.
"Anong kakaibang nangyari?" curious na tanong ni Flam na nasa likod ko dahil sa narining nang maka-pwesto na ako sa linyahan.
"May kakaiba akong naging panaginip kahapon habang papunta sa storage room." May pagka-wavy daw ang buhok ko, na dahil sa mahanging umaga at basang-basa, mukhang naging messy ata. Masyado bang magulo? Sinubukan kong suklayan gamit ng kamay, na hindi natapos ng suklay kanina habang kalahati lang ata ng buhok ko ang naabot nito.
"Hoy, anong nangyari kahapon?" pilit na pangungulit ni Flam pero di ko pinansin.
Teka, ang hirap. Nagkabuhol-buhol yung mga hibla. Paano ba 'toh? Dahil sa pangungulit ni Flam at nakisabay din si Janet na nasa likod niya nang marinig, sinabi ko na sa kanila ang kakaibang nangyari kahapon habang inaayos ang buhok matapos ang flag ceremony.
Busy ang lahat ngayon dahil sa paghanda sa darating na school foundation day kasabay ng Intramural's na magaganap next week. Naglakad ako sa likod ng school, sa bandang may hardin, na pwedeng daanan bago pumunta sa storage room, dahil may inutos sa akin na mahihiram na gamit. I took the long detour para ma-enjoy ang scenery ng garden, nang hindi ko namalayang mapalayo at makitang nasa harapan ko na ang proposed building. Ba't ako andito?
Dahil napatigil ang pagpapagawa sa building at dumaan ang ilang linggo na hindi ito nagalaw, parang abandoned tuloy ang itsura. Nagawa na ang foundation ng building at parang malapit nang matapos ang first floor pero sa second at third, kahit may hagdan nang paakyat, hindi pa rin kompleto ang mga pader nito. Kalahating hindi pa tapos ang building at dahil nasa likod ito ng school at medyo malayo, halos walang bumibisita dito.
Naamoy ko ang hindi tuyong semento at bakal habang kita na kalahating basa ang buong building- basa ang ibang semento, may mga naipong tubig sa loob at labas nito habang ang bubong ay may mga tumutulo pa ding tubig. Sunod-sunod ang pag-ulan ngayong buwan at umulan din ng malakas kagabi kaya hindi na nakapagtataka.
Dahil maraming puno dito banda at matataas din ang ibang puno, medyo hirap abutin ng araw mas lalo at taglamig na ngayon, kaya talagang mahihirapang matuyo ang mga nabasa, isama pang hindi pa tapos ang building para madepensahang mabuti ang sarili sa mga panahon. Medyo creepy ang itsura ng building at nakapagtatakang mukhang madilim kahit na maaraw ngayong umaga. Dahil ba sa mga nakapaligid na puno at halaman?
Tinalikuran ko ang building para bumalik at dumeretso papunta sa storage room, dahil muntikan ko nang makalimutan ang pakay. Nakapaglakad na ako ng ilang hakbang habang malapit ko na ding madaanan ang bench ng garden nang biglang nakaramdam ako ng panlalamig. May kakaiba.
Napatigil ako habang napalingon sa paligid. Walang tao sa garden, ako lang, maliban sa mga puno at halaman, habang sa likod ko ay ang creepy na building na parang pinapanood ako sa pag-alis. May mga metro nang distansya ang layo ko pagitan sa building pero parang nasa likod ko lang ito at napaka-lapit, habang ramdam ang bigat na dala nitong pakiramdam na parang hinihila ang likod ko.
Nakarinig ako ng ingay na parang agos ng tubig at nanggagaling sa ibaba. Pagbaba ko ng tingin sa lupa, may namumuong tubig, kumalat, umangat at binaha ang paligid. Umabot ang tubig sa sapatos ko at umangat pa lalo. Napaatras ako nang maramdaman ang malamig na dampi nito sa aking balat. Naiwan akong gulat habang umabot na ito sa tuhod, umangat sa baywang, balikat at hanggang sa ulo ko.
Mabilisan ang pag-apaw, na mas mabilis pa sa utak ko para marehistro kung ano na lang ang nangyayari. Nahatak ako at napaloob sa katawan ng tubig sabay natakpan ang paningin ko ng malabo nitong kulay. Bago ko pa intindihin ang pangyayari, pumaloob ako sa ilalim ng tubig.
Umangat ang dalawa kong paa mula sa lupa habang pumailalim ako sa namumuong tubig. Hindi ko alam kung lalo lamang ba akong lumulubog sa kailaliman o kaya dahil lalo lamang tumataas ang tubig. Nakita ko ang lupang sahig sa ibaba kasama ang mga halamang nakapaligid at nakikisabay sa galaw ng tubig, saka napansing hindi ito mga halaman sa hardin.
Nilinga ko ang paligid. Nasaan... ako? Anlamig. Anlamig ng tubig, kaya napayakap ako sa sarili. Siguradong wala ako ngayon sa hardin.
May liwanag na nanggagaling mula sa itaas at nagsilbing munting liwanag sa madilim na katawan ng tubig. Muli kong inikot ng tingin ang buong paligid. Nasa kung anong... lawa lang ba ako? Paano ako na-punta dito? Nasa hardin lang-
Naputol ang pag-iisip ko nang may narinig akong ingay mula sa itaas. Pagkatingala ay may nakita akong kamay na lumubog sa tubig. Isa iyong maputing kamay ng bata na parang inaabot ako. Ginalaw ko ang aking paa para umahon at abutin ang kamay pero napatigil ako. Hindi ako makaangat. May nakaharang sa paa ko.
Sadyang pumunta ang tingin ko sa ibaba. Akala ko mga halaman lamang na nagkumpulan at nadawit ang suot kong sapatos, pero nagkamali ako. Isa itong puting kamay ng tao na humawak sa paa kong iyon at pinipigilan akong makaangat. Hindi ko iyon napansin nung una, pero nang sundan ko ng tingin ang kamay, isang hawig ng nakapikit na tao ang sumalubong sa mga mata ko.
Akala ko mga nagkumpol-kumpol lamang na halaman sa isang banda pero kung titingnang mabuti, may isang katawan ng babae. May mga halamang nakapalibot sa katawan nito at pinipigilan siyang makaalis. Sobrang haba ng kanyang buhok na nakikisabay sa galaw ng tubig at tinatakpan ang mukha nito. Nakasuot siya ng bistida na mukang puti ang dating kulay, luma na, madumi, at parang pinagdaanan ng panahon,.
Nakaramdam ako ng agarang lamig, kahit na maaaring dulot lamang iyon ng malamig na tubig, dahil hindi lang iyon simpleng katawan. Alam ko mula pa sa kulay ng kutis nito. Pati na rin sa lamig at tigas ng pagkakapit ng kamay nito sa paa ko. Ito siguro ang sinasabi nilang 'rigor mortis' kung saan nag-iiba ang kulay ng laman at ang pagtigas ng katawan matapos mamatay.
Pilit kong kumawala sa pagkakahawak at abutin ang kamay ng bata sa itaas pero hindi ko magawa. Ang kamay na humahawak sa akin ay matigas, isang lakas ng nanigas nang bangkay!
Nagulat ako nang hilain ako nito pababa at nakaramdam ng mabilisang takot. Agad pang napunta ang tingin ko sa malamig nitong katawan. Sadyang napaangat ang tingin ko sa kanyang mukha at nasilip sa nakaharang nitong buhok ang unti-unting pagmulat ng kanyang mga mata. Halos parang maramdaman ko din ang pagbubukas ng naninigas na kutis ng mga mata nito.
Sa puntong iyon, madilim na pares ng mata ang namulat, na sino mang makakita nito ay makakaramdam ng kilabot. Tingin ito ng isang patay na parang may diwa.
Hindi ako makagalaw. Hindi ako makakibo. Ang tingin na iyon ay papunta sa akin. Hindi ko maramdaman ang lamig ng tubig na parang namanhid na ang pakiramdam ko. Bago pa mapunta ang walang-hangganang kadiliman at itim nitong titig sa akin, may narinig akong malakas na muling lumubog sa tubig mula sa itaas at mabilisang hinila ang kamay ko.
Kung hindi ako nagkakamali, iyon ba ang kamay ng bata? Pero bago pa ako makaahon... nahuli ko ang madidilim na mga matang iyon na tumitig sa akin.
Napahinga ako ng malalim nang makawala sa tubig. Hirap ako sa paghinga habang may katanungang umiikot sa isipan ko. "Ano lang ang nangyari?!"
Napansin kong nakaapak na ako sa matigas na lupa. Muntikan akong matumba kung hindi ko pa nahuli ang sarili dahil sa paninibago sa inaapakan. Lumingon ako sa paligid at nakitang... Nasa hardin... ako? Ito yung... nilalakaran ko... kanina lang? Pero nasa tubig- nanaginip lang ba ako ng gising?! Nanaman?!
"Whoah whoah whoah, saang lupalop ka lang lumangoy, Phoebe? Binigyan mo lang kami ng hangad na magkaroon ng pool ang school!"
Napatingin ako sa nagsalita at nakita ko ang napadaang si Kevin at Harvey, ang dalawang kaklase ko, na tumatawa nang makita ako at mukang galing sa direksyon ng comfort room na medyo di kalayuan.
"Ang lakas naman ng ulan, Phoebe," natatawang sabi ni Kevin habang tiningala ang maaliwalas na kalangitan.
Napatingin rin ako sa mayamang kulay-asul at may isang ulap ring nangtatakip sa maliwanag na araw. Maaliwalas nga ang kalangitan.
Nang makaalis ang dalawang nakakairitang lalaki, na pinagpatuloy pa ang pagtawa sa akin, ay saka ko napansin ang sitwasyon ko. Basang-basa ako. Bakiiiit?! Naglakad lang naman ako sa garden! P-Panaginip lang naman iyon. N-Nadala ko ba sa realidad?
Basang-basa ako at tumutulo ang tubig mula sa buhok at damit ko. I was standing dumbstruck habang sinubukan ng utak kong humanap ng katanggap-tanggap na paliwanag sa kakaibang pangyayari. Kung panaginip lang talaga iyon, bakit basang-basa ako?
"HaAchii!"
Dumaan ang malamig na hangin at napayakap ako sa sarili, nagpasalamat na naka-long sleeve, pero sa tingin ko ay hindi rin lang nakatulong dahil... basang-basa talaga ako! Kailangan kong humingi ng tulong kina Flam at Janet. Hindi maganda ang kutob ko sa babaeng nakita kanina lang. Mas lalo na ang mga mata niyang sobrang itim at napakadilim... Nanginig ako kahit na hindi lang ito dahil sa lamig.
~~~~~
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top