Chapter 1: Peculiar Dream
Wednesday of November
Tahimik ang walang katao-taong pasilyo na mistulang kinain ng katahimikan ang kung ano mang kaingayan sa paligid. Ang maririnig lamang ay ang yapak ng pares ng paang naglalakad.
Malapit nang magdilim at palubog na ang araw. Ang liwanag nito sa pagitan ng dilaw at nagdidilim na asul mula sa kalangitan ay sinusubukang abutin ang dilim ng gabing parating. Sa kalagitnaan nito, ang katahimikan ay naputol mula sa hindi inaasahang nakabibinging ingay.
Napatigil ako sa paglakad.
Matinis ang ingay. Mistulang matulis na hanging mabilis na dumaan, na sino mang maabot nitong nilalang ay makakatanggap ng naniningkit na sakit sa kanilang tainga at mapapapikit sa hapding dala nito.
Napapikit ako at tumambad ang agarang kadiliman habang unti-unti naman nang naglaho ang nakabibinging ingay. Pagkawala nito, minulat ko ang aking mga mata at natigilan sa harapang bumungad.
....nasa kabundukan... ako?
May mali sa paligid. Hindi ko maipunto kung ano man, na para bang hindi dapat ako naririto.
Napapaligiran ako ng mga puno at halaman at parang nasa kailaliman ako ng kabundukan. Nakatayo ako sa malambot na lupa, ngunit sa parehong kadahilanan, ay mistulang hindi. Dumaan ang malumanay na hangin habang sumabay ang lagaslas ng mga nalantang dahon. Nakarinig ako ng pagtakbo sa likuran- mga yapak ng isang bata.
Paglingon sa likod, binati lamang ako ng mga nagsisitaasang-puno kalakip ng kani-kanilang sariling katahimikan. Narinig ko muli ang munting pagtakbo, pero kahit ilang lingon sa paligid ay bigo kong mahuli kung sino man iyon.
Umalingaw-ngaw ang masayang tawa ng bata at mistulang nakikipaglaro. Nilinga ko kung saan nanggagaling ang ingay pero hindi ko mahagilap, ni kahit ang anyo o anino man lang nito, hanggang sa biglang nanahimik ang buong paligid na para bang may bumagsak na isang bombang katahimikan.
Tumigil ang pagtawa at wala na rin ang naririnig kong pagtakbo. Ni katiting na ingay o galaw ay wala akong mapakinggan. Kinabahan ako sa kakaibang dala ng kabundukan kasabay nu'n ay ang kumakapal na hamog sa paligid.
Naputol ang katahimikan nang may narinig muli akong mga yapak. Ngunit hindi ito katulad sa ingay ng yapak kanina. Hindi ito galing sa isang bata kundi yapak ng maraming tao. Sa una ay mahina pero lumalakas ang ingay papunta sa kinaroroonan ko.
Papalapit sila... Andami nila...
Sa kumakapal na hamog, naaninag ko ang anino ng maraming tao. Hindi ako makagalaw, mistulang napako sa kinakatayuan habang ramdam ang takot na pumapalibot sa aking katawan.
Papalapit sila. Hindi ko magawang igalaw ang katawan. Kailangan kong tumakbo. Kailangan kong lumayo.
"Naliligaw ka po ba?"
Daglian akong napatalikod sa nagmamay-ari ng boses. Isang batang lalaki ang humawak sa manggas ng damit ko. Ang biglaang pagkuha niya sa aking atensyon ay mistulang pagbasag ng namamayaning kabang namumuo sa akong kalooban.
Hindi ko alam kung paano siya napunta sa likuran, ang importante ay nakaramdam ako ng gaan ng loob nang malamang hindi ako nag-iisa sa nakakatakot na kailaliman ng kabundukan. Isa ring kadahilanan sa agarang pagkakuha ng batang lalaki sa atenyson ko ay dahil sa maganda nitong itsura at sa kakaiba nitong pananamit.
Naka-formal attire siya at pang-nakaraan na disenyo. Para siyang human-sized doll na gawa pa mula sa 18th o kaya 19th century dahil sa kanyang itsura at pamamaraan ng pananamit.
Tumitig siya sa akin, nagtagal ng ilang segundo, saka bumitaw sa pagkakahawak sa damit ko at diretsong naglakad palampas sa akin.
"Marami ang naliligaw dito, sumakatwid kailangan mong lumisan."
Narinig kong sambit niya sa kalmadong boses habang pinagpatuloy ang paglakad. Malinaw ang kanyang boses at magaan pakinggan, na ang pananalita at pagpapahiwatig ng kanyang mensahe ay napaka-ayos para sa isang batang katulad niya.
Sinundan ko siya kung saan man siya patungo, na mistulang balak niya akong dalhin sa tamang lugar, habang napansing unti-unting nang naglalaho ang makapal na hamog. Wala na rin ang mga yapak at anino ng maraming tao.
Habang pinapanood ang likod ng bata at nakasunod sa kanya, hindi ko mapigilang mapaisip sa unang taong sumagi sa isipan. Kahit sa ugali at paglalakad ay mistulang magkapareho sila.
Tumigil siya matapos ang ilang minutong lakad kaya napatigil din ako.
Sa harapan namin ay ang nakatayong gusali ng school. Malapit lang pala ito. Kung iisipin ang sitwasyon kanina, siguradong hindi ko ito agad mahahagilap.
Daglian akong napatakbo at lumapit sa gusaling napalibutan ng mga harang at pader, na tumatakip sa bawat gilid ng paaralan. Saka ko lamang naunawaang nasa bandang likuran kami ng school, dahil kabundukan nga naman pala ang likod nito.
Kung hindi sa kanya...
"Hindi pa tapos ang lahat. Nagsisimula pa lamang ito."
Tumalikod ako para magpasalamat sa batang lalaki dahil sa pagbigay nito ng gaan ng loob na samahan ako at ginabayan papuntang school, pero hindi ko na siya nakita, at binati lamang muli ako ng katahimikan mula sa mga puno at halamang nakapaligid.
"...Phoebe"
..huh?
"Phoebe!"
Agad akong nagising sa pagtawag sa akin. Pagmulat, napansin kong nakatayo ako ngayon sa main corridor ng school at may hawak na mga kagamitan. Ito yung mga nagamit sa event... ngayon..?
..huh?
Wala nang katao-tao sa paaralan dahil nagsi-uwian ang halos lahat, maliban sa mga unting bilang ng estudyanteng naiwan, at isa ako doon, upang mag-impake at ibalik ang mga kagamitang hiniram ng klase namin sa paghanda sa darating na Foundation at Intramural's next week.
Naglalakad ako sa corridor dala-dala ang mga kagamitan... para dalhin sa... storage room...
"Phoebe, ayos ka lang ba?"
Bago umangat ang aking tingin sa lalaking nagsalita sa harapan ko, biglang may malakas na hanging dumaan. Nakuha ang aking atensyon at napatingala sa labas, sa mga puno at halamang nakikisabay sa galaw ng hangin at mistulang may pinapahiwatig.
'Hindi pa tapos ang lahat. Nagsisimula pa lamang ito.'
Naalala ko ang mga iniwang kataga ng bata.
~~~~~
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top