CHAPTER 19

Chapter 19: Florence discovered

THIRD PERSON’S POV

“MAGIGING okay lang po ba si Florence, Mommy?” inosenteng tanong ni Zaidyx sa kaniyang ina at sinilip pa niya ang nakababatang kapatid niya, na ngayon ay mahimbing na rin ang tulog sa kanilang kama.

Pinupunusan ito ng daddy nila para bumaba kahit papaano ang lagnat. Kitang-kita niya ang maputlang mukha nito at talagang hindi siya sanay na makitang nasa ganoong kalagayan ang kaniyang kapatid.

Napaka-hyper pa naman nito at talagang hindi boring ang araw niya kapag kasama niya ang nakababata niyang kapatid. Kahit kakuwentuhan niya lang ito ay buo na ang araw niya.

“She will be fine, son,” pag-aalo sa kaniya ng daddy niya at naglahad ito ng kamay. Humakbang siya palapit dito at inayos ng kaniyang ama ang suot niyang uniporme.

“Let’s go, kuya. Naghihintay na sa baba ang lolo daddy mo,” tawag ng mommy niya at tumango lang siya. Hinalikan siya sa noo ng daddy niya. Nakangiting gumanti siya ng halik sa pisngi. Sinulyapan pa niya si Florence.

“Susunduin kita mamaya kung tulog pa ang kapatid mo, okay son?”

“Sure po, Daddy. See you later,” paalam niya at nilapitan na niya ang mommy niya. Humawak siya sa kamay nito. “Mommy, ako na lang po ang mag-i-excuse kay Florence, ha?”

“Okay, ikaw ang bahala, Zai,” nakangiting tugon nito sa kaniya.

Ang lolo at lola nga niya ang naghatid sa kaniya sa school. Babantayan pa sana siya roon ng lola mommy niya nang tumanggi na siya.

Bago siya nagtungo sa classroom nila ay pinuntahan na muna niya ang teacher ng kaniyang kapatid.

’Saktong makasasalubong pala niya ito sa corridor, kaya naman nang makita niya ito ay mabilis siyang naglakad.

“Teacher!” tawag niya rito at agad namang huminto ang babae.

“Oh, Zaidyx. Ikaw pala,” nakangiting sambit nito sa kaniya.

Humihingal pa si Zaidyx nang huminto na siya sa harapan ng guro. “Hindi po pala makapapasok ngayon ang kapatid ko, teacher. May sakit po kasi siya, e,” agaran na inporma niya. May bahid na lungkot pa ang boses niya.

Gumuhit naman sa magandang mukha ng babae ang pag-aalala. Estudyante nito si Florence at natural na mag-aalala talaga ito.

“Ganoon ba? Sige, excuse na sa lahat ng classes namin si Florence. Gagaling din siya, Zaidyx.” Hinawakan nito ang kaniyang ulo at tumango-tango pa.

“Opo salamat, teacher. Sige po aalis na ako.” Ngunit bago pa man makaalis si Zaidyx nang nagsalita ang guro.

“Sandali lang, Zaidyx,” wika nito at marahan na hinawakan ang kaniyang braso. Kaya muli niya itong hinarap.

“Ano po iyon, Teacher?” tanong ni Zaidyx.

“Noong isang araw ay nilapitan ako ni Florence. May pinabasa siya sa akin. Akala ko noong una ay letters lang, pero hindi. Zaidyx, huwag mo sanang masamain ito, ha? Alam kong matalinong bata ka. Concern din kasi ako sa behavior ng kapatid mo, dahil lang sa pinabasa niya sa ’kin last time.” Nagtaka naman si Zaidyx sa sinasabi nito, dahil talagang hindi niya agad naintindihan. Ngunit interesado naman siyang malaman ang tinutukoy nito. Dahil involved ang kaniyang kapatid. Baka nga ay may kinalaman din kaya ito nagkasakit.

“What is it, teacher?” curious niyang tanong.

“Si Florence ba ay ang biological father niya ay ang daddy mong si Mr. Alkhairro? Kasi ayon sa DNA test result ay 99.99 percent ang lumabas. So, I assume na magkapatid talaga kayo sa both parents niyo? Nandoon ang pangalan nilang dalawa.” Nanlaki ang mga mata niya sa tanong nito at kahit bata pa siya ay kung talagang may paliwanag na ay mabilis niyang naiintindihan.

“H-Hindi ko po alam ’yan, teacher,” iyon lang ang katagang sinabi niya.

“Oh siya. Kausapin ko na lang next time ang mommy mo. Sige na, pasok ka na sa classroom mo, Zaidyx. Thank you sa pagsabi sa akin tungkol sa kapatid mo, ha?”

Tumango lang siya at saka niya iniwan doon ang guro, subalit nahulog lang siyang malalim na pag-iisip. Hindi niya inakala na ganoon ang gagawin ng kapatid niya. Na mukhang wala ring kamalay-malay ang mommy at daddy nila.

Kaya naman hindi na makapaghintay pa si Zaidyx kundi ang umuwi sa bahay nila upang matingnan ang papel na tinutukoy ng teacher nito at para na rin masabi sa parents niya ang kaniyang nalaman ngayon. Nang matapos din ang klase nila ay ang lolo daddy niya mismo ang nagsundo sa kaniya. Tahimik lang siya buong biyahe, nagsasalita lang siya kung tinatanong siya ng Lolo Storm niya.

KHAI’s POV

HINDI sumabay sa akin kanina si Francine kumain ng agahan at wala pang isang oras nang pumasok sa school ang anak ko ay dumating na si Calizar. Malamang tinawagan na naman niya.

Agad nitong dinaluhan si Florence. Hinayaan ko na siya kasi doctor siya. Masusuri niya ang kondisyon ng anak kong babae. Kaya lang ang nakaiinis ay ang makitang masyadong malapit sa kaniya si Francine. Eh, ako nga ay hindi masyadong makalapit.

Tapos ay ayaw na yatang umalis kaya hindi na ako nakalapit pa kay Florence. Kung hindi lang ito naalimpungatan at hinanap ako ay talagang hindi na ako makalalapit pa sa kaniya.

“Daddy.” Kahit halatang nahihirapan siya ay nagawa pa rin niya akong ngitian.

“Hey, love. How are you feeling?” I asked her as I planted a kiss on her nose.

“Just don’t leave me, daddy. I’ll be fine,” sagot nito sa akin. Ngumiti na lang ako sa kaniya at hinaplos ang pisngi niya. Of course, dito lang ako sa tabi niya. Kahit paalisin pa ako ng mommy niya ay talagang mananatili ako.

Mas pinagtuunan ko nang pansin si Florence, lumabas na rin ang dalawa at hinayaan ko na. Muling nakatulog ang anak ko. Hindi naman ako umalis sa tabi niya. Pinagmamasdan ko lang siya habang natutulog.

Ngayon pa lang ako bumabawi sa kanila ng kuya niya ay nagkasakit pa siya.

“Get well soon, anak,” I uttered.

Mayamaya lang ay dumating sina mommy at daddy para tingnan ang kalagayan ng kanilang apo. Dala pa ni mom ang cell phone ko, dahil kanina pa raw ito nagri-ring sa center table. Naiwan ko kasi roon kanina.

“Si Calystharia ang tumatawag, son. May communication pa pala kayo?” Tumango lang ako. Hindi naman iyon mawawala.

Dahil sa pagdating ng grandparents niya ay nagising na naman siya. Nakikita ko rin na nag-aalala sila, kahit lagnat lang naman iyon. Well, I can’t blame them. Ang tamlay masyado ng bata.

“Where is Zaidyx, son?” tanong naman ni daddy.

“Nasa school na po, Dad. Hinatid siya ng grandparents niya,” sagot ko.

Naiwan din kaming dalawa ni Florence at maski ang mommy niya ay hindi na rin bumalik sa kuwarto nila. Saka lang noong pakakainin na naman siya.

“D-Daddy?”

“I’m here, love,” I replied. Ngumiti siya nang makita akong nasa tabi niya. Ilang beses kong idinikit ang noo ko sa kaniya para lang matingnan kung bumaba na ba ang lagnat niya.

Mukhang hindi na rin mainit katulad nang kanina. “D-Daddy, sino po si...” Inilapit ko ang aking tainga sa munting bibig niya, para lang marinig ko ang kaniyang boses.

“Hmm?”

“Sino po si Calystharia, daddy?” tanong nito at nasa boses niya ang kuryusidad.

Narinig niya siguro iyon sa lola niya, nang ibigay sa akin ni mommy ang cell phone ko. Akala ko nga ay hindi na niya mapapansin pa iyon.

“Makikilala mo rin siya soon, Florence. At sa tingin ko ay magiging close kayo ni Calyselle.” Halos kaedad lang niya ang anak nina Sage at Calystharia. Pero alam ko na mas matanda siguro ng tatlong buwan ang batang babae na iyon.

“Who was it, Dad?” seryosong tanong niya at nabigla ako sa pagbabago ng mood niya. Salubong na ang manipis niyang kilay.

“Soon magkikita rin kayo, anak.” Hindi na siya kumibo at ilang sandali pa niya akong tinitigan. Hanggang sa makatulog na naman siya.

Narinig ko ang pagbukas ng pinto at lumingon ako roon. Pumasok si Francine sa loob at kasama pa rin niya ang asawa niya raw.

“Kami na muna ang magbabantay sa kaniya. Bumaba ka na at kumain,” walang emosyon na saad niya. Ayoko sana, gusto ko na rito na muna. Hindi pa naman ako nagugutom. “Kapag nagising iyang anak mo ay hindi ka na makalalabas. Walang magdadala sa iyo ng lunch mo rito.”

Napanguso ako, dahil ang sungit-sungit na niya ngayon. “Mamaya na. Tatawag na lang ako sa bahay kung magugutom ako.” Pinagtaasan niya ako ng kilay sa sinabi ko, pero hindi ko siya sinunod sa kagustuhan niyang umalis muna.

Dito na lang ako at babantayan ang anak namin. Hindi ko sila hahayaan na maiwan sila rito kasama ang lalaki niya.

“Hon, you’re so harsh. That’s bad,” narinig kong sambit nito.

“Tss, bahala siya riyan.” Nang mapatingin ako sa kaniya ay nagawa na naman niya akong irapan. Nang lumabas na silang dalawa ay hindi na sila bumalik pa sa loob.

Hanggang sa makauwi na nga si Zaidyx. Natuwa pa ako nang magtungo agad siya rito.

“Son.”

“Hi daddy,” bati niya sa akin, pero hindi naman siya lumapit. Nagtaka pa ako nang makita ko na kinuha niya ang backpack ng kapatid niya.

“What are you doing, Zai?” I asked him.

“I’m just checking something, dad,” sagot niya at nakatutok na siya sa mga gamit ni Florence na isa-isa niyang inilabas.

Hinintay ko lang siya na mahanap ang kung ano man ang hinahanap niya. Nagtagal ang tingin niya sa isang nakayuping papel at kitang-kita ko ang pagkunot ng kaniyang noo.

“What is it, son?” Bababa na sana ako mula sa kama nang tumayo na siya mula sa pagkakaupo niya sa sahig at nilapitan na niya ako, dala-dala ang papel na iyon.

“Look at this, Daddy,” sabi niya sabay bigay sa akin ng papel. Kinuha ko naman iyon nang hindi ako nagdadalawang isip.

Ngunit ganoon na lamang ang gulat ko nang makita ko na kopya iyon ng DNA test result namin ng nakababata niyang kapatid.

“P-Paanong napunta ito sa backpack ng kapatid mo, Zai?” nagtatakang tanong ko at nagkibit-balikat siya. Na parang sinasabi niya na wala rin siyang idea.

Sa pagkakaalala ko ay tinapon na ito ng mommy niya. Pinag-awayan pa nga namin, e. Pero nasa condo ko dapat ito.

“I talked to Florence’s teacher, dad. Pinabasa niya po iyan sa teacher niya.  Totoo po ba ang nakasulat diyan na ikaw ang biological father ng kapatid ko, Daddy?” tanong nito at tinitigan talaga ako nang diretso sa mga mata ko. Na parang gusto niya na magsabi ako ng totoo sa kaniya. I don’t know what to say.

Ano naman kasi ang alam ni Florence sa bagay na ito? At bakit naman niya ito ipapabasa sa teacher niya?

“Ano ang pinag-uusapan niyo?” Napaigtad pa ako nang marinig ko ang boses ni Francine.

Hindi ko rin alam kung ano ang sasabihin ko sa kaniya, sa ginawa ng aming anak.

“Mommy, si Florence po. Hawak niya ito, oh.” Tinuro ni Zaidyx ang DNA test result at nang agawin iyon sa akin ng mommy niya para tingnan ay marahas na tumingin ito sa ’kin.

Naitaas ko nang wala sa oras ang mga kamay ko. Wala akong kasalanan at hindi ko iisipin na ibigay ito sa bata. Kasi hindi naman ito maiintindihan ni Florence. “Hindi ko ibinigay ’yan sa anak natin, Francine. I swear,” sabi ko. Dahil kinakabahan ako sa magiging reaksyon niya.

“Wala akong sinabi. Parang ang defensive mo masyado,” kunot-noong sabi niya at napatingin siya kay Florence na natutulog pa rin hanggang ngayon. Parang may naalala rin siya, dahilan na napapikit siya nang mariin. “Kaya naman pala ganoon siya, dahil kinuha niya ito.”

“What?” tanong ko naman. Hindi ko naintindihan ang sinabi niya.

“Nakuha niya ito nang araw na ipinakita mo sa akin ang DNA test result. Lumabas ako nang araw na iyon para ipagtimpla siya ng gatas niya, pagbalik ko nga ay nakita ko na siyang may tinutuping papel at nagulat pa siya nang dumating ako. Nagmamadali siyang ipasok ito sa backpack niya sa takot na baka makita ko.” Mas lalo akong naguluhan sa kinikilos ng anak namin.

“Pero bakit? Bakit naman iyan itatago ni Florence?” I asked her in confused.

“Ipinakita niya po ito sa teacher niya, Mommy,” sabi naman ni Zaidyx. “Mom, totoo po ba na si Daddy Khai rin ang daddy ni Florence?” Ngayon sa mommy naman siya nagtanong, kasi hindi ko siya nagawang sagutin kanina.

Tumingin pa sa akin ang kaniyang ina. Masama pa rin ang tingin niya sa akin. Eh, wala naman talaga akong kasalanan. Muli siyang kinulit ng panganay namin.

“Yes, he is,” sambit niya.

Maagang umuwi ang parents namin at pinag-uusapan namin ang tungkol sa DNA test result, na napunta kay Florence. Ngayon ko mas napansin ang ibinibigay na atensyon sa akin ng anak ko.

“Kung ganoon ay alam na rin ni Florence na si Khai ang daddy niya. That’s it, honey?” tanong ni Mommy Z kay Francine.

Nasa kuwarto kaming lahat at kaming mga lalaki ay nakatayo naman sa paanan ng kama. Si Seth lang ang nandito. Si Cody ay nasa baba, nandoon din ang mga kapatid ko.

“Siguro po, Mommy. Hula ko nga ay kaya niya naisipan na damputin ang papel na iyon ay dahil naabutan niya kaming nagtatalo. Itinapon ko na po kasi iyon at kaya siya nagmamadaling itago sa backpack niya ay takot siya na kunin ko iyon,” paliwanag ni Francine. Na kung iisipin ko na ganoon nga ang nangyari ay bakit naman pag-i-interesan ni Florence?

“Narinig niya marahil ang pinag-uusapan nila.” Si Daddy Storm naman ang nagsalita at nagkatinginan pa sila ni dad.

“Kilala niyo po ang apo niyo. Curious masyado sa lahat ng bagay.” Si Francine.

“Kung itatanong niya po iyon sa parents niya ay sure ako na walang sasagot. Maski si Kuya Khai, ide-deny nila pareho. Kaya mas pinili niyang ipabasa iyon sa teacher niya. Tingnan niyo si Zaidyx. Nang malaman niya ang tungkol doon ay sinabi niya agad sa daddy niya,” singit naman ni Seth kaya napatingin kami lahat sa kaniya.

Nang makuha ang pinupunto niya ay napatulala na lang ako. Tama nga siya na kapag ipinakita iyon sa amin ng bata ay walang magpapaliwanag sa kaniya. Maski ako ay tatanggi sa takot na magalit na naman ang kanilang ina.

“But still, I wanna know the reason,” sambit naman ni mommy.

Ilang sandali kaming natahimik hanggang sa marinig namin ang boses ni Florence.

“It was true.”

“Baby,” her mom uttered. Naglahad ito ng kamay sa mommy niya kaya mabilis siyang kinandong. Tumingin pa siya sa amin.

“Why did you do that, sweetheart?” my mother asked her.

“Naabutan ko po si mommy at daddy na nag-aaway. I saw mommy na nilukumos niya po ang papel. She looks mad po. Kinuha ko po iyon and then nabasa ko po ang name ko, and yes. Kapag po ipapakita ko iyon kay mommy ay baka po kukunin niya ulit. Same lang din po kay Daddy Khai. So, I decided na ipakita ko na lang po iyon sa teacher ko. At saka po.” Huminto naman siya sa pagpapaliwanag niya at tumingin sa Tito Seth niya.

Tiningnan ko naman ang kapatid ko at umiling siya. Akala niya ay pagagalitan ko, dahil may kinalaman siya.

“Labas ako riyan, kuya,” nakangiwing sabi niya. Sinulyapan na rin siya ni dad.

“Si Tito Seth po ay palagi niya akong binibigyan ng clues, and heto po oh.” Itinuro naman niya ang bagay na nasa magkabilang pisngi niya. Kumunot naman ang noo ko.

“Come on, continue.”

“Ah, she asked me once po kung saan ko nakuha ang dimple ko. I told her po na kay daddy ko,” paliwanag naman ni Zai.

“Palagi po akong binubuhat ni Tito Seth, because may dimple po ako. Wala pong ganito si Daddy Calizar. Si mommy rin ay wala, kaya po.” Ako na ang tiningnan niya at tumutulis na ang mapula niyang labi. “Kaya po ba may ganito ako ay dahil daddy ko po talaga ang daddy ng kuya ko? Ha, Mommy?”

Nag-iwas nang tingin si Francine sa anak namin at totoo nga na hindi niya magagawang sagutin iyon.

“No wonder na magagawa nga ito ng apo natin. Matalinong bata lang naman ang gumagawa nito,” naiiling na sabi ni dad at dahil ako ang katabi niya ay nagawa niyang tapikin ang balikat ko. “Akala ko ay si Zai lang ang matalino.”

“But Daddy Ry, gusto ko pong malaman kung daddy ko po ba talaga si Daddy Khai,” parang maiiyak na sambit ng anak ko. Palipat-lipat na nga ang tingin sa amin, ni isa ay wala pang sumasagot.

“What do you think, sweetheart?” tanong ni mommy. Nang hindi makakuha ng tamang sagot ay umiyak na lang siya.

“Tell me, please. I have the right to know the truth, Mommy.” Gamit ang maliit niyang palad ay tinakpan niya ang mukha niya at umaalog na ang balikat niya.

Hindi ko na napigilan pa na lapitan siya. Nang akma ko na siyang bubuhatin ay hinampas niya ang kamay ko.

“Florence,” I uttered her name.

“Sabihin niyo na po sa akin, Daddy. Please! Or else, magagalit na talaga ako sa inyo!” Nagdadabog na siya. Napatingin ako sa mommy niya na ngayon ay hindi na maipinta pa ang mukha niya.

“Baka mabinat lalo ang anak niyo, Francine. Lalabas na muna kami,” paalam ni Mommy Ninang.

Isa-isa na nga silang lumabas at bago pa man makasunod si Seth sa parents namin ay tinawag na siya ng pamangkin niya.

“Tito Seth.” Sumisinghot pa nga siya.

Mabilis naman siyang nikingon ng tito niya at nagawa pang ngumiti ang isang ito.

“Yes, baby? May gusto ka ba, Florence?” malambing na tanong pa ng kapatid ko.

“Please, call Lolo Barjo. Doon muna ako matutulog sa house niya.”

Pareho kaming napasinghap sa sinabi nito. Kahit ang mga magulang namin ay napasilip pa sa pinto.

“What did you say, Florence?” Francine asked our daughter. Hindi naman tunog na nagagalit siya. Mahinahon lang ang kaniyang boses.

“Doon po ako magpapagaling sa house ng daddy ni Lolo Daddy Ry, Mommy. Hindi ko po kayo bati ni Daddy Khai!” sagot nito at basta na lamang siyang bumaba sa kama. Kahit pilit namin siyang hinahawakan ay umiiwas siya. Dala-dala pa niya ang maliit niyang unan.

“Love, sasabihin na namin ang totoo. Please, don’t do this. May sakit ka pa nga,” pag-aalo ko sa kaniya.

“Okay, Florence. Tatawagan ko si lolo. Sigurado akong matutuwa iyon.” Sinamaan ko nang tingin si Seth at ipinakita na niya ang cell phone niya. Ang lapad-lapad pa nang ngisi ng isang ito.

“Seth.”

Tumayo na rin si Francine. “Fine. Gusto mong tulungan pa kitang mag-impake ng mga gamit mo, Florence?”

“Baby, stop.” Pinigilan ko siya, dahil talagang makikipagsagutan pa siya sa bata.

“Pabayaan mo siya. Gusto niya roon ay sige. Bahala siya.” Napahilamos na lang ako sa sentido ko. Nang napaupo ito sa sahig at malakas na umiyak na naman ay nilapitan ko na ito. Hindi naman siya nagpumiglas nang buhatin ko siya.

“I’m sorry, love. Hindi sinabi ni daddy kasi ayokong pangunahan ang mommy mo.”

“What? Parang lumalabas na kasalanan ko? Ganoon?” Napangiwi ako nang hinampas ako nito sa likuran ko.

“Put me down, Daddy!” Ibinaba ko naman agad siya at nilapitan na niya ang kuya niya. “Let’s go, Kuya Zai. Iwan na po natin sina mommy at daddy.”

Si Zai naman ay pasimple kaming tiningnan at hinihila na siya ng kapatid niya.

“Uhm, Florence. May fever ka pa, oh. Dito ka muna sa house natin.” Hinipo pa niya ang noo nito, pero talagang iyakin ang anak namin.

“Go on, kuya. Sumama ka sa kapatid mo. Mag-iimpake ako ng mga gamit niyo.” Napatitig ako kay Francine nang dumiretso na siya sa walk-in closet nila.

Nagpahila na nga ang panganay namin, pero sa halip na sundan ko silang dalawa ay ang mommy nila ang sinundan ko.

“Francine, baby,” tawag ko sa kaniya. May hila-hila na siyang maleta. “Seryoso ka ba riyan? Palalayasin mo ang mga anak natin?”

“Eh, sa gustong maglayas ang mga anak mo. Ano ang magagawa ko?”

“Si Florence lang. Dinadamay mo naman pati si Zai.”

“Hindi naman matigas ang ulo ko. Sa ’yo yata nagmana ang anak mo,” naiiling na sabi niya at nakita ko na hindi naman mga damit ni Florence ang iniimpake niya.

“Bakit mga damit mo na ang pinapasok mo riyan?” naguguluhan na tanong ko.

“Stupíd. Alangang magpapaiwan ako rito? Of course, susundan ko ang suwail na batang iyon!” sigaw niya.

Umawang lang ang labi ko at sinusundan ko lang siya nang tingin. Hindi ko alam kung ano pa ang sasabihin ko.

“Nakatatakot ang lolo mo. Hindi ka ba sasama sa amin?” Mas nagulat ako sa sinabi niya. Ewan ko kung magandang senyales na ba ito o ano. But gusto ko ang idea niya.

“I-Inaaya mo ba akong samahan kayo?” nauutal na tanong ko.

“Hindi naman kita pinipilit at saka, ipaalala ko lang sa ’yo na hindi pa tayo bati. Huwag kang umasta na parang close pa rin tayo.” Tumaas na lang ang sulok ng mga labi ko.

This is a good sign, I guess. Sana lang ay hindi na magbabago ang isip niya. Mukhang pabor nga ang ginawa ng bunso namin. Dahil mas mapapalapit ako lalo sa mommy nila. Alam ko kasi na takot si Francine sa lolo ko, kaya kailangan talagang sumama ako sa kanila.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top