Mahal Kita. Totoo 'Yan.
"Hoy, nag-aaway na naman kayo!" Nagulat si Ella nang akbayan siya ng kaniyang tropa na si Gab na kakapasok lang ng classroom nila. "Inaaway ka ba ulit ni Justin?"
Humaba ang nguso niya at magsusumbong sana rito pero nakita niya kung gaano kasama ang tingin sa kaniya ng isa pang kaibigan na si Justin.
"Hindi ko inaaway 'yan kaya bumitaw ka!" Hinatak ni Justin si Gab palayo sa kaniya. "Hoy, Ella! Crush mo 'tong si Gab?! Hindi pa 'to tuli!"
"Manahimik ka nga!"
Hinampas ni Gab si Justin at naroon lang siya sa gilid habang pinapanood ang dalawa. Mabuti na lang at dumating na ang isa pa nilang tropa na si Mika.
"Baka nakakalimutan n'yong may P.E tayo ngayon."
"Tara na nga!" Inakbayan ni Justin si Gab at hinatak palabas ng classroom nila.
"Ella, tara na," aya ni Mika sa kaniya nang sila na lang dalawa ang natira sa room.
Tumango siya bilang sagot at naglakad na rin para sumunod kanila Justin, pero napatingin siya sa sahig kung saan naroon ang pamilyar na makapal na notebook.
Nagkatinginan silang dalawa ni Mika dahil pareho nilang alam na palagi iyong dala ni Justin magmula pa noong first year high school sila. At dahil likas na masikreto ang lalake ay hindi nito pinapakita sa kanila kung anong laman niyon.
Pupulutin niya sana ang notebook pero naunahan siya ni Mika at itinago iyon sa likod nito.
"Huwag mong pakialaman 'to." Naging mailap ang mga mata ng kaibigan niya nang bigyan niya ito ng nagtatakang tingin.
"Titingnan ko lang naman, eh!" Sinubukan niyang agawin sa kaibigan ang notebook ngunit nabigo siya lalo na nang itulak siya nito palayo.
"Bakit ba ang kulit mo? Bawal mo ngang basahin ang nasa loob nito!" sigaw ni Mika sa kaniya. "Masyado kang pakialamera!"
Napaawang ang bibig niya sa gulat. Matagal na niya itong kaibigan at hindi niya maiwasang hindi magtaka sa ikinilos nito. Madalas kasi ay kalmado lang si Mika at hindi pa ito sumigaw—ngayon lang talaga.
"M-Mika—"
"Hoy, anong nangyayari sa inyo?"
Napatingin siya sa likod ni Mika nang marinig ang boses ni Justin. Bumalik pala ito at si Gab nang marinig ang sigawan nilang dalawa.
"Nag-aaway ba kayo?" takang tanong ni Gab habang nakatingin sa kanilang dalawa.
"Pagsabihan n'yo nga 'yan si Ella," salubong ang kilay na sambit ni Mika. "Masyadong pakialamera."
Tumingin ito kay Justin at inabot ang hawak na notebook. "Gusto niyang basahin ang laman ng notebook mo. Buti na lang at nakita ko." Bago pa makasagot si Justin ay naglakad na paalis si Mika nang hindi man lang siya nilingon.
"May toyo?" natatawang tanong ni Gab habang sinusundan ng tingin si Mika.
Tumingin sa kaniya si Justin bago binalingan ang notebook na hawak nito.
"M-May nabasa ka rito?" tanong nito sa kaniya.
Kaagad siyang umiling bilang sagot. "Paano naman ako may mababasa riyan? Nakita mo naman 'yong reaksyon ni Mika."
Tila nakahinga ito nang maluwag sa sinabi niya. Tinapik nito ang balikat ni Gab at mabilis na tumakbo para habulin si Mika.
Sa pagkakataong iyon, naramdaman niya ang pagkapunit ng kaniyang dibdib habang pinapanood ang pagtakbo ni Justin para habulin si Mika.
"Tingin mo, may something sa dalawa?" tanong ni Gab sa kaniya.
"Bakit ako ang tinatanong mo? Google ba ako, ha?" pagsusungit niya.
"Ouch! Bakit ka galit? Nagtatanong lang ako!"
Hindi niya na ito pinansin at nilampasan na. Tila nakalimutan niya na may P.E class nga pala sila dahil sinubukan niyang hanapin si Justin at Mika sa left wing ng hallway. Hindi naman siya nabigo dahil nakita niya ang dalawa na nag-uusap sa may hagdan.
Napahawak siya sa kaniyang dibdib nang makita mismo ng dalawa niyang mga mata na yakap-yakap ni Justin ang umiiyak na si Mika. Parang napako ang mga paa niya sa kaniyang kinatatayuan at hindi na nakagalaw.
"S-Sorry. Hindi ko talaga kaya. Huwag ka nang umiyak," malumanay na sambit ni Justin kay Mika habang hinahagod ang likod nito.
"O-Okay lang. Wala na akong magagawa pa. Hindi mo kasalanan na hindi mo ako gusto," nakangiting sagot ni Mika bagama't mahihimigan sa boses ang sakit.
Natutop niya ang kaniyang sariling bibig nang mapagtanto niya ang isang bagay: May gusto si Mika kay Justin!
Napahakbang siya paatras nang mapatingin sa direksyon niya si Mika. Umiwas kaagad ito ng tingin at mabilis na tumakbo pababa ng hagdan. Naiwan silang dalawa ni Justin at nagtama ang kanilang paningin.
Aalis na sana siya pero bigla itong sumigaw.
"Ella!"
Napatigil siya sa paglalakad at naestatuwa mula sa kinatatayuan. Hinintay niya ang paglapit ni Justin sa kaniyang likod.
"G-Gusto mo bang malaman ang laman ng notebook ko?" tanong nito.
Lumingon siya rito at napatingin sa notebook na inaabot nito sa kaniya.
"Pero bago mo basahin 'yan, gusto ko munang ipaliwanag ang nakita mo," dagdag nito. "Matagal nang nabasa ni Mika ang nasa loob ng notebook ko. Nasaktan siya nang malaman niya 'yon. Kanina, inamin niya na gusto niya ako pero sinabi kong may iba akong gusto."
Napalunok siya bago sumagot. "S-Sinong gusto mo?"
Ngumiti ito nang tipid bago inabot muli ang notebook sa kaniya.
"Basahin mo nang malaman mo."
Naguguluhan man, kinuha niya ang notebook at dahan-dahang binuklat para basahin.
"Unang pahina: Ang pagkikita nating dalawa noong first year tayo. Nakasulat diyan kung paano ako nagkagusto sa'yo, Ella."
Nanlaki ang mga mata niya nang mabasa ang mga sulat ni Justin. Sa bawat pahina niyon ay naroon ang kaniyang pangalan. Sa huling pahina ay naroon nakasulat ang araw ngayon at ang maikling sulat nito.
Dear Diary,
Malapit na ang graduation namin. Aamin na ako kay Ella.
Dahan-dahang nag-angat siya ng tingin kay Justin para lang makita ang maganda nitong ngiti.
"A-Alam kong naduwag akong aminin sa'yo ang totoo, Ella. Pero hayaan mo akong—"
Natigil ito sa pagsasalita nang yakapin niya nang mahigpit. Tumulo ang mga luha niya dahil sa saya.
"Sira ka talaga! Ang tagal na kitang gusto tapos natotorpe ka lang pala umamin!" Binatukan niya ito. "Mahal kita, sira!"
"Mahal din kita, Ella. Totoo 'yan. Walang halong biro."
"Ligawan mo na 'ko!"
Kumalas ito mula sa pagkakayakap niya habang tumatawa. "Desisyon ka?!"
"Oo! Ang tagal mo 'kong pinaghintay!"
THE END
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top