Prologo: Si Magwayen, si Madanihon, at ang Gintong Kabibe

Prologo: Si Magwayen, si Madanihon, at ang Gintong Kabibe

DUMANGUYNGOY ang isang kalag—o kaluluwa—habang nakasakay sa itim na balangay na minamanipula ni Magwayen, ang Diyosa ng Karagatan at Kasakitan (o underworld sa wikang Ingles). Siya ay nakasuot ng itim na damit na simbolo ng panaghoy at lumbay, ang mga braso ay  napapalamutian ng mga patik, at may nakaupong itim na korona sa ulo niya. Siya ang tagahatid ng mga kalag ng namahinga sa lupain ng mga patay na tinatawag na Sulad. Banayad lamang ang kanilang paglayag, at marahan ang paghampas ng alon sapagkat kakampi ng diyosa ang tubig.

Lingid sa kaalaman ng diwata, may isang babaeng lumalangoy habang nakakapit ang isang kamay sa bangka. Bagaman nasa dagat, nag-aalab ang kaniyang pagnanais na mapasakamay ang mahiwagang kabibe ni Kaptan, ang Diyos ng Kahilwayan (na sa Ingles ay skyworld), na iniregalo naman nito kay Magwayen. Iyon lamang ang paraang naisip ng babae upang iligtas ang kanilang tribo laban sa dambuhalang pandagat na ahas na kumakain ng buwan—ang Bakunawa.

Ilan pang sandali, naglakbay ang kilabot sa katawan ng babae nang matunghayan ang mistulang abuhing ulap na umiikot sa gitna ng karagatan; lumundag siya sa isang konklusyon na iyon ay lagusan. Mariin siyang napahawak sa balangay nang maramdaman niyang para silang hinihigop. Isinara niya ang kaniyang mga mata habang naghuhuramentado ang puso. Para sa aming tribo, ang nasa isip niya na nasundan ng buntonghininga.

Nagmulat siya ng mata nang bumagsak siya sa isang matigas na sahig. Dagli niyang iginala ang paningin sa kabuoan ng silid. Nadedekurasyunan ito ng mga bungo na nakasabit sa pader at mga sulo na may berdeng apoy na nakalagay sa apat na sulok. Dumungaw siya sa bintana at naaninaw ang mga kalag na lumulutang sa labas. Bagaman tinambangan ng pangamba, kasisilayan pa rin ng pagkamangha ang kaniyang itsura. “Marahil nandito na ako sa lupain ng mga nangamatay,” ang naibulong niya sa sarili.

Maya-maya pa, naghiwalay ang kaniyang mga labi at nanlaki ang mga mata nang dumapo ang kaniyang paningin sa gintong kabibe na nakapatong sa maliit na lamesa. Kaagad siyang humakbang palapit sa mahiwagang bagay na iyon, at saka niya iyon kinuha. Pumalakpak ang kaniyang mga tainga at nagningning ang mga mata nang mahawakan niya ito.

“Ano ang iyong pangalan? Batid kong hindi ka pa patay. Ano ang sadya mo rito sa Sulad?” Walang ano-ano’y umarangkada papasok sa butas ng magkabila niyang tainga ang tinig ng diyosa. Mababanaag ang pagtataka sa mukha nito. Nakatatawag naman ng pansin ang korona nitong yari sa itim na buto ng tao.

Kapagkuwa’y ipinihit niya ang kaniyang atensyon kay Magwayen—itinago niya ang gintong kabibe sa kaniyang likod—at saka siya nagwikang: “Ang aking pangalan ay Madanihon. Ako’y nagmula sa tribo na naninirahan malapit sa dagat. Nais kong humingi ng paumanhin sapagkat ako’y nangahas na sumunod sa inyo. Nais ko lamang—”

“Ibalik mo sa akin ang gintong kabibe. Hindi iyan maaaring mapasakamay ng isang sakim na mababang nilalang,” mariing wika ni Magwayen, ang mga mata ay nanlilisik. Mahihinuhang batid na ng diyosa ang kaniyang masamang balak. Ilang sandali lamang ay nagtawag ito ng mga kalag na napalilibutan ng abuhing usok ang kanilang mga katawan.

Sa halip na ibigay sa diyosa ang gintong kabibe, isinubo ito ni Madanihon at mabilisang nilunok. Napakalayo na ng narating niya, kung kaya’t hindi siya makapapayag na uuwi siya nang walang dalang pag-asa. Sa isang kisapmata, ginaya niya ang itsura ng isa sa mga kaluluwang palutang-lutang sa ere, dahilan upang mahirapan ang diwata na hanapin siya.

Umalingawngaw ang nakatutulig na sigaw ni Magwayen sa buong Sulad sanhi ng labis na poot. Dahil doon ay naging kulay-abo ang mga ulap at kasunod niyon ang pagguhit ng kulay-uling na kidlat na mistulang sanga ng patay na punongkahoy. “Ibinibigay ko na sa iyo ang ginintuang kabibe ni Kaptan! Mananalaytay sa magiging kadugo mo ang kakayahang magbalatkayo! Subalit may kapalit . . . kapag higit na marami kayong nagawang kasamaan kaysa sa kabutihan, kukunin ko ang inyong mga kalag!”

* * * * *

A/N: Thanks so much for reading! Please feel free to let me know what you think! Paalala lang, sarili ko pong interpretation ang itsura at kasuotan ni Magwayen sa story na ’to.

Before you leave, I have a question for you: Let’s say you can also imitate someone else’s appearance, sino ang gagayahin mo? At bakit?

Looking forward to your comments. Next chapter, makikilala na natin ang modernong “Magwayen”—stay tuned for Kabanata 1!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top