Kabanata 3: Si Amber: Kakampi o Kalaban?
Kabanata 3: Si Amber: Kakampi o Kalaban?
ANG Goddess of Sea and Underworld ay isang Facebook page na nilikha ni Magwayen upang mang-akit ng potensyal na kliyente. Doon siya nakipag-ugnayan sa mga taong nangangailangan ng kaniyang tulong—ng kaniyang kakayahan. Gayunpaman, hindi siya tumatanggap ng pera; sa katunayan, hindi siya humihingi ng anumang kapalit. Hindi rin niya ibinunyag sa publiko ang tunay niyang pagkakakilanlan.
Nagkaisa ang mga salita sa utak niya sa mga oras na iyon, at muntik na niyang masabing, Ba’t mo ’ko sinusundan? Ano’ng kailangan mo sa ’kin? subalit hindi niya ginawa. Wala siyang ibang salitang binitiwan kundi, “’Oy, sana . . . wala kang ibang pagsasabihan tungkol sa sikreto ko.” Mariin siyang napalunok ng laway. Sa likod niya, makikita ang pagkuyom ng kaniyang palad.
“And why would I do that?” patanong na sambit ng dalaga, may ngiting nakapaskil sa mukha nito. “You see, interesado ako sa ’yo kaya kita hinahanap, hindi para ibunyag sa buong mundo na nag-e-exist ang tulad mo. I’m fascinated with”—humalukipkip ito at hinagod siya ng tingin—“your odd ability. Nagpapasalamat din ako sa ’yo kasi niligtas mo ang pinsan ko sa ex-boyfriend mong playboy. Ikaw na nga itong biktima, ikaw pa ang pinagmukha niyang masama. I hate the likes of him.”
Namilog ang mga mata ni Magwayen. “Pinsan mo . . .” Inayos niya ang kaniyang sarili nang mapagtantong sumobra ang naging reaksyon niya, bumagsak ang mga balikat sabay buntonghininga, at saka siya nagpatuloy: “. . . ’yong ginaya ko?”
Tumango-tango lamang ang kausap niya.
“Ano’ng pangalan mo?”
Gumuhit ang ngisi sa labi ng dalaga. “Why? Gusto mo akong maging kaibigan? Gusto mong mapalapit sa ’kin para makasiguro na hindi ko ikakalat ang nalaman ko tungkol sa pagkatao mo?”
Pilit niyang ininat ang mga labi niya. Ang tumatakbo sa kaniyang isipan, True the rain, subalit iba ang lumabas sa bibig niya: “’Di naman sa gano’n.”
“My name’s Amber. Amber Isaguerre. I hope one day, matutulungan mo rin ako. Pleased to know you, Goddess of Sea and Underworld.”
* * * * *
NALUNOD sa malalim na pag-iisip si Magwayen noong gabing iyon. Hindi niya sukat akalaing may makatutuklas sa lihim niya. Kabilin-bilinan ng kaniyang lola noon na mag-ingat siya sa ibang tao sa dahilang may posibilidad na gagamitin ng mga ito ang kaniyang sikreto; maaaring pasayawin siya sa kanilang kanta o kabitan ng sinulid ang kaniyang katawan upang pagalawin siya ayon sa kanilang kagustuhan.
Isang kuwestiyon ang bumagabag sa isipan niya sa mga oras na iyon: Kakampi ka ba talaga, Amber . . . o kaaway?
“Maria! Maria, kain na!” sigaw ng kaniyang ina na si Maria Magdalena Solon. Ngunit hindi siya tumugon. Ilan pang sandali, bigla na lamang bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang nanay niya. “Bingi ka ba, ’nakshie? Handa na ang hapunan. Bumangon ka na riyan sa kama mo, maliwanag?”
“E, Momshie, marami kasing ‘Maria’ sa bahay na ’to. Sana, Magwayen o ’di kaya’y Eyay ang isinigaw mo,” pabirong saad niya, pinipigilan ang mga labi na uminat. Batid naman niyang siya ang tinutukoy nito sa umpisa pa lamang. (Sa kabilang banda, habang Magwayen ang tawag sa kaniya ng mga kamag-aral o kakilala niya sa unibersidad, Eyay naman ang kaniyang palayaw sa bahay.)
Rumolyo ang mga mata ng nanay niya at nasapo ang noo. “Alangan namang tawagin ko ang Lola Maria Margarita mo, e, nasa langit na nga.” Tumingala ito sa itaas at nagkrus. “Alangan namang aayain ko ang sarili kong kumain, ano ako, buang?” Matapos sambitin iyon, sabay silang bumunghalit sa katatawa.
“Nasa’n po sina Kuya Marcel, Ate Hilda, at Baby Maximo?” pag-iiba ni Magwayen ng usapan nang marating ng mga paa nila ang hapag-kainan. Sumungkit siya ng isang bakanteng upuan at pagkatapos ay inilapat niya roon ang puwet niya.
Habang hindi siya tinatapunan ng tingin, mabilis itong sumagot, “Umalis. Kanina pa. Susunduin daw nila ang nakababatang kapatid ni Hilda galing sa kabilang lungsod, kasi dito na raw mag-aaral at lilipat ng ibang kurso. Sa pinapasukan mo—sa Unibersidad ng La Promesa.”
“Si Horrace Abrigo?!” nanlaki ang mga matang tanong niya. Tinanguan siya ng kaniyang ina habang nagsasandok ito ng kanin na umuusok pa sa init. Inayos niya ang kaniyang sarili, klinaro ang lalamunan, at hininaan ang boses nang sabihin niyang, “Dito na siya titira sa ’tin, Momshie?”
“Hindi. Base sa narinig ko, sa dormitoryo raw malapit sa ULP ’yon magste-stay. Bakit, may atraso ba ’yon sa ’yo? O naging kayo ba ng binatang ’yon, ’nakshie?” Doon ay ipinihit ng ina niya ang atensyon nito sa kaniyang direksiyon, naniningkit ang mausisang mga mata na animo’y nag-aabang ng madaliang tugon.
Iniling-iling niya kaagad ang kaniyang ulo. “W-wala po. H-hindi po. Si Momshie talaga . . . kung ano-ano na lang naiisip na istorya. Ba’t ’di ka po mag-writer?” biro pa niya sabay tulak ng ibabang labi pasulong. Kung anuman ang itinatago niya, iyon ay kuwento para sa mga susunod na araw.
* * * * *
LUNES ng hapon, dahil may iuulat siya sa Organizational Behavior and Work Ethics, maagang pumasok si Magwayen upang maghanda. Alas-sais pa ng gabi ang klase niya. Tumambay muna siya sa tuktok ng gusali ng College of Technology. Ang haring-araw ay nag-aagaw-buhay na sa kaitaasan, kung kaya’t ang langit ay napipinturahan ng itim at dalandan. Mapapansin ding hinihimok ng hangin ang kulot niyang buhok para sumayaw.
Habang nag-eensayo sa iuulat niya, bigla na lamang naglakbay sa hangin ang reklamo ng binata at bumulusok sa magkabila niyang tainga. “Ano ba ’yan! Ang ingay mo naman! Ba’t dito ka nagre-report? Wala naman dito ang prof at mga kaklase mo, a! ’Wag kasing gawing oxygen ang katangahan!” anito habang kinukusot ang dalawang mata. Pahikab-hikab itong bumangon sa magaspang na semento sa isang sulok.
Halos magdugtong na ang mga kilay ni Magwayen nang tapunan ng tingin ang binatang bagsak ang kulay-kapeng buhok at nakasuot ng puting polo na may mahabang manggas at kulay-uling na pantalon. “Ikaw na naman, Basil? Umalis ka nga rito! Sisirain mo na naman ang araw ko gaya no’ng nangyari last week!” agarang sikmat niya rito, nagngangalit ang mga ngipin. Kulang na lamang ay may lumabas na usok mula sa mga butas ng kaniyang ilong.
Tumakas sa bibig ni Basil ang malakas na tawa. “Wow! Bakit”—idinikit nito ang palad sa dibdib—“bakit parang kasalanan ko pa? E, ikaw nga ’tong sumira sa tulog ko. Ang ingay mo. ’Tapos ngayon, ikaw pa’ng galit sa ’kin?” Ipinilig nito ang ulo, suot ang pekeng ngiti, at saka mabagal na pumalakpak. “Grabe ka talaga, Magwayen. Victim blaming ’yang ginagawa mo, a.”
“Anong victim blaming pinagsasabi mo?” di-makapaniwalang saad ni Magwayen. “Hoy, naka-discover lang ng bagong term, ginagamit mo na kahit saan. For your information—mukhang nagka-amnesia ka kasi—kaya ako galit sa ’yo dahil binangga mo ’ko last week, ’tapos nahulog ang paper ko! Nakiusap ako sa ’yo, pero hindi mo kinuha!”
“Hoy ka rin!” ganti naman ni Basil, parang isang tsikiting na nakikipag-away. “Sa pagkakatanda ko, ikaw ang bumangga sa ’kin. Isa pa, hindi ka nakiusap no’n. Tinarayan mo ako na parang ikaw ang prinsesa rito. Ang taas din talaga ng tingin mo sa sarili mo, e, hanggang balikat lang kita!”
Marami pang mga salitang lumabas sa bibig ng binata, ngunit hindi na iyon nasundan ni Magwayen sapagkat pumukaw ng atensyon niya ang dalawang dalaga sa ibaba. Biglang kumulo ang dugo niya na agarang umakyat sa kaniyang ulo. Ang dalawang babaeng pinanonood niyang naglalakad ay sina Deshauna Lopez at Emilienne Alferez. Maya-maya pa, walang ano-ano’y nagbago ang lugar na kinatatayuan niya; mula sa pinakaitaas na bahagi ng gusali, dinala siya ng alaala niya sa abandonadong silid na namumutiktik ng sapot ng gagamba at ginawang tahanan ng mga alikabok.
“Shona, Emy, para saan ’yang cake na ’yan?” ang tanong na ibinato ng batang bersyon ni Magwayen. Hayskul siya noon at naging tampulan siya ng tukso dahil sa kaniyang itsura. Pangit ba ang magkaroon ng kayumangging balat? Kapag ba kulot ang buhok, may lahi na agad na aswang? Ilan lamang iyon sa mga tanong na tumubo sa isipan niya.
Bunga noon, nais niyang sumali sa sikat na grupo nina Deshauna at Emilienne para kahit papaano ay mabawasan ang mga nanggugulo sa kaniya. Noong una, maayos naman ang pakikitungo ng dalawa sa kaniya, subalit hindi naglaon ay natanggal din ang kanilang mga maskara at lumabas ang tunay na kulay.
“This is for you, Mags. Para kanino pa ba?” sagot ni Deshauna, at pagkatapos ay nagpakawala ito ng halakhak. “’Di ba gusto mong sumali sa group namin?” Kaagad na tinanguan ni Magwayen ang dalaga, walang-kamukta-mukta na mayroong masamang balak ang dalawa sa kaniya.
“Pwes, kailangan mo ito para pumuti ka!” si Emilienne na dali-daling itinapon ang keyk sa mukha ni Magwayen. Pumailanlang sa abandonadong silid-aralan ang tawa ng dalawa. “Do you really think tatanggapin ka namin? Girl, wake up! Hindi ka bagay sa group namin. Ano na lang ang sasabihin ng ibang students? Ang puti namin, and then makikipagkaibigan lang kami sa anak ng kapre?” Muling tumakas sa bibig nila ang malakas na halakhak.
Sumuko ang mga tuhod ni Magwayen at humalik sa maalikabok na sahig. Maingat niyang tinanggal ang dumikit na keyk sa mukha niya. May likidong nangingilid sa kaniyang mga mata. Gusto niyang sumagot, gusto niyang lumaban, ngunit sa palagay niya ay mas lalo lamang siyang sasaktan ng mga ito. Gusto niyang tumakbo na lamang, subalit ayaw makisabay ng kaniyang mga binti.
Ilan pang sandali, laking gulat nilang lahat nang bumukas ang pinto at iniluwa niyon ang lalaking nakasuot ng salamin sa mata na nagngangalang Horrace Abrigo. “Quit it, Deshauna, Emilienne!” bulalas nito habang nanlilisik ang mga mata. Nag-aapura itong humakbang palapit sa kinalulugaran ni Magwayen. Hinigit nito ang kaniyang palapulsuhan, tinulungang makatayo, at dinala siya sa ibang lugar na malayo sa dalawang dalaga.
Matapos maghilamos ni Magwayen sa banyo, pumuwesto sila ni Horrace sa upuang gawa sa bato. Sa kauna-unahang pagkakataon, may nagligtas sa kaniya laban sa mapang-api. Nilunok niya ang namumuong takot sa lalamunan, at saka niya sinabing, “Salamat. Maraming salamat, Horrace. Kung hindi ka dumating, siguro—” Hindi niya nakompleto ang sinasabi nang magsalita ang binata.
“’Wag ka nang makipagkaibigan sa mga ’yon, Magwayen. Hindi ka bagay sa grupo nila.”
“Dahil ba pangit ako? Dahil ganito ang balat ko?”
“No,” kagyat na sambit ni Horrace na may kasamang pag-iling ng ulo. “You’re not ugly. At walang problema sa balat mo. Hindi dahil iba ka at ang kulay ng balat mo sa kanila, pangit ka na agad. What I’m trying to say is that hindi mo kailangang ipagsiksikan ang sarili mo sa kanila. Hindi ka bagay sa grupo nila kasi hindi ka masamang tao tulad nila. Maganda ka, Magwayen, at maganda ang puso mo. Wala sila nito”—itinuro nito ang sariling dibdib, pagtukoy sa puso—“kaya naiinis sila sa ’yo at nile-label kang ‘pangit’ para sa ikagagaan ng pakiramdam nila.”
Nabalik sa realidad si Magwayen, ngunit walang ano-ano’y nawalan siya ng balanse, kaya muntikan na siyang mahulog sa ibaba. Mabuti na lamang at dali-daling hinuli ni Basil ang kaniyang palapulsuhan at inilapit siya sa dibdib ng binata. Doon ay tumakas sa bibig niya ang mahihinang hikbi kasabay ng pagragasa ng kaniyang mga luha. Samantala, walang maapuhap na salita ang binata, kaya tinapik-tapik na lamang nito ang likod ni Magwayen.
Ilang sandali lamang ay tinamaan siya ng realisasyon at nilamon ng hiya, kung kaya’t tuluyan siyang kumalas at pinahid niya ang kaniyang mga luha. Itinuon niya ang atensyon sa selpon upang pag-aralan ang iuulat mamaya. Bagaman pilit niyang inililibing sa limot ang mga alaalang iyon, ngunit hinuhukay pa rin ng suwail niyang utak sa tuwing nakikita ang dalawang babae. Magsisinungaling siya kung sasabihin niyang hindi siya nasasaktan.
“’Oy, Magwayen, ayos ka na ba?” iyon ang paulit-ulit na usisa ni Basil. Napansin nitong nag-iba ang timpla niya noong bumagsak ang tingin niya sa ibaba ng gusali. “Parang mas nakakatakot ka ngayon na hindi ka na nagsasalita. Parang mas okey pa ’yong galit ka sa ’kin.”
Maya-maya pa, may biglang dumating sa tuktok ng gusaling kinaroroonan nila, walang iba kundi si Amber. Nagdudumali itong lumapit kay Magwayen. “Can I have a word with you, Magwayen? Totoo bang nilapitan ka ng pinsan ko? Does she know your identity?” sunod-sunod itong nagbato ng tanong sa dalaga. Mapapansing tagaktak ang pawis nito habang nagtaas-baba ang dibdib at naghahabol ng hininga.
Matatandaang gumanti si Magwayen sa dati niyang kasintahan sa pamamagitan ng pagkopya sa mukha ng pinsan ni Amber. Pero bago iyon, nagpadala ng mensahe sa Goddess of Sea and Underworld ang pinsan ni Amber, humihingi ng tulong na putulin ang koneksyon nila ni Zeus. Sinabi ng huli na matagal na silang wala ni Magwayen, kaya pinatulan ito ng babae, ngunit lumipad ang balitang kahihiwalay lamang pala nito kay Magwayen. Dahil doon, gusto ng pinsan ni Amber na makipaghiwalay rin kay Zeus sapagkat marami itong naririnig na hindi maganda tungkol sa binata. Sa madaling salita, planado ang kumprontasyon.
“Hindi pa maayos ang pakiramdam ni Magwayen. Isa pa, may pinag-aaralan siya kasi may reporting ’ata sila mamaya. Kaya puwede ba, ’wag mo siyang istorbuhin,” matigas na wika ni Basil sabay hawak sa palapulsuhan ni Magwayen.
Hinigit naman ni Amber ang kabilang palapulsuhan ni Magwayen at marahang hinila nito ang dalaga. “Who are you? Wala kang alam dito, kaya ’wag kang sumabat,” nakatiim-bagang na angal nito saka gumuhit ng linya sa hangin gamit ang libreng kamay. Nakipagpaligsahan ito ng titigan sa binata, walang umiwas, walang nagpatinag. Para silang nasa tindahan at nag-aagawan sa parehong napupusuang laruan.
Ilan pang sandali, umilaw ang selpon ni Magwayen, kaya marahas niyang tinabig ang mga kamay nina Amber at Basil. Lumayo siya nang kaunti sa dalawa, at pagkatapos ay sinuri niya ang kaniyang Facebook page. Halos lumuwa na ang mga mata niya nang mabasa ang natanggap na mensahe:
Goddess of Sea and Underworld, I need your help. Please, magpanggap ka bilang kakambal ko. Susunduin kita sa plaza. 7 PM.
* * * * *
A/N: Maraming salamat sa patuloy na suporta! After reading this chapter, sino sa tingin n’yo ang mapupunta sa Kasakitan?
A. Magwayen
B. Deshauna
C. Emilienne
’Di, joke lang. Excited na ’kong ipaalam sa inyo kung sino ’yong nag-message sa kaniya, at kung ano ang magiging papel niya—nila actually—sa buhay ni Magwayen. Looking forward to sharing the next chapter with you!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top