Kabanata 2: Mata sa Mata, Ngipin sa Ngipin
Kabanata 2: Mata sa Mata, Ngipin sa Ngipin
ILANG araw nang nabagabag si Magwayen dahil sa sinabi noon ng diyos ng kamatayan na si Sidapa. Ang tanging alam niya ay kailangan nilang gumawa ng kabutihan sa mundo nang sa gayon ay tuluyan silang mapatawad ni Magwayen—ang diyosang tagahatid ng mga kalag sa lupain ng mga nangamatay. Kamakailan lamang niya natuklasan na nanganganib pala ang kaniyang buhay; sa tuwing gagawa siya ng masama, para na rin niyang ibinabaon ang sariling paa sa hukay.
Napatanong tuloy siya sa sarili, ’Yon kaya ang dahilan kung ba’t maagang pumanaw si Tita Madelina? ’Di nila alam o ’di lang nila sinabi sa ’kin?
Hindi naman siya likas na mabuti lamang. Inaamin niya na minsan ay nagigising din ang natutulog niyang kasamaan kapag puno na ang salop, nagpatangay sa pagragasa ng emosyon, o kung iyon na lamang talaga ang maiisip niyang paraan para sa ikabubuti niya. Tao lamang siya, nagkakamali rin, sabi nga nila. Kung kaya’t hindi madispatsa sa isipan niya ang mga salitang binitiwan ni Sidapa.
Subalit, hindi maaaring tumigil ang mundo niya dahil lamang doon. Kailangan pa rin niyang pumasok sa Unibersidad ng La Promesa, suot ang puting blusa at itim na palda. Isang hapon, pasado alas-singko, matapos ang klase nila sa unang asignatura, may namataan siyang isang lalaki na nakaupo sa hagdan. Nagtaas-baba ang mga balikat nito at panaka-nakang sumisinghot. Walang kagatol-gatol na nilapitan niya ito.
“Hi.” Biglang nagkagulo ang mga salita sa isipan niya, hindi maapuhap ang angkop na sasabihin. Okay ka lang? Cliche. Ayokong magmukha na naman akong tanga. Ano’ng problema mo? Ekis. Tunog naghahanap ng away. How about: “May problema ka ba? May maitutulong ba ’ko sa ’yo?” ’Yon! Tunog mabait. Mukhang anghel. ’Di makabasag ng pinggan ang atake, dugtong niya sa isipan.
Ipinihit ng lalaki ang atensyon sa kaniya, magang-maga na ang mga mata kaiiyak. Dagli itong nag-iwas ng tingin nang makilala siya. Pinahid nito ang mga luha at sinabing, “’Wag mo akong tingnan.”
“Sus, 2024 na. Walang problema kung iiyak ang isang lalaki. May damdamin ka rin. ’Di mo kailangang itago ang emosyon mo. Isa pa, nasa public ka naman. Nahiya ka pa sa ’kin.” Tumabi si Magwayen sa lalaki. Mamayang alas-siyete ng gabi pa naman ang susunod niyang klase, kaya marami pa siyang oras upang pakinggan ang suliranin nito (kung papayag man itong magbahagi).
Panandalian silang nilamon ng katahimikan. Ilan pang sandali, tuluyang nagsalita ang lalaki: “Ano kasi . . . ayaw kasi ng mga magulang ko sa course ko ngayon. Gusto nila akong mag-shift sa Engineering. Pero . . . ito ang gusto ko, e.” Maya’t maya pa rin ang pagsinghot nito.
Bumuntonghininga si Magwayen at tipid na ngumiti. “E ’di, ipaglaban mo. Gusto mo naman pala ang course mo ngayon, e. Ipakita mo sa kanila na hindi ka nagkamali, na may mararating ka riyan.” Palibhasa mayroon siyang main character syndrome, patuloy niya, “Masuwerte ka kasi alam mo kung ano ang gusto mo. Truth be told—truth be told? ’Di, ako kasi, ’di ko talaga first choice ang course ko ngayon, e. ’Di ko na matandaan kung ba’t dito ako napadpad. Pero kalaunan, nagustuhan ko naman ito, mas naintindihan ko, at nalamang maraming opportunities lalo na’t nagre-rely na ang mundo ngayon sa technology. Trust me, mahirap sa college, pero at least gusto mo ang course na paghihirapan mo, ’di ba? Kaya ilaban mo ’yan, beh. Fighting!” Iniangat niya ang kaniyang kamao.
Tanging pagtango lamang ang isinukli ng kausap niya.
Walang ano-ano’y sumulpot sa harapan nila ang matangkad na lalaki, ang nobyo ni Magwayen na si Zeus. “Kaya pala ’di mo na sinasagot ang tawag ko, Magwayen, kasi may ibang lalaki ka na! Ito ba? Ito ba ang ipinalit mo sa ’kin?!” bulyaw nito habang dinuduro ang katabi ng dalaga, ang mga bagang ay nagtatangis.
Iniling-iling ni Magwayen ang ulo niya. “Teka lang! ’Wag kang mag-iskandalo rito, Zeus! Kung anuman ’yang iniisip mo, nagkakamali ka,” sambit niya at kaagad na pinigilan ang nobyo upang hindi makalapit sa kausap niya kanina. Saglit niyang naibaon ang mga ngipin sa ibabang labi. Nais lamang niyang makatulong o magbigay ng payo, hindi naman niya inaasahan na ganoon pala ang mangyayari. Nagmukha pa siyang masama.
“Ha! Ano’ng nagkakamali? Kitang-kita ko, Magwayen! Nakikipaglandian ka rito!” ani Zeus sabay turo sa lalaki na mistulang hindi maapuhap ang sasabihin. “No’ng isang araw, may nakakita rin sa ’yo na nakipaglandian ka kay Basil Topaz! Ano, Magwayen, laro lang ba sa ’yo ang pag-ibig?! Pinaglalaruan mo lang ba ako, ha?!”
Dahil sa komosyon, nakahakot sila ng maraming atensyon. Nagkumpulan ang mga estudyante at umugong ang bulungan. May ibang naniwala kay Zeus, habang ang ilan naman ay kumakampi kay Magwayen. Mapapansin din ang ibang mag-aaral na dagling naghagis ng isang kamay papunta sa bibig dahil sa natunghayan. Bagaman may susunod pang klase, masyado silang tutok sa sagutan ng dalawa, kung kaya’t panandalian nila itong nakalimutan.
“Ano ang pinagsasabi mo, Zeus?” di-makapaniwalang saad ni Magwayen. “Ako”—idinikit niya ang hintuturo sa kaniyang dibdib—“nakipaglandian kay Basil? Sino’ng nakakita? At naniwala ka naman sa nagsabi sa ’yo n’on? E, may kasalanan nga sa ’kin ’yong mokong na ’yon! Dapat kinausap mo muna ako—”
“Kaya nga kita tinawagan nang ilang beses!” putol nito sa sasabihin niya. Kulang na lamang ay may lumabas na usok sa butas ng ilong nito. “Pero ’di ka sumasagot! ’Yon pala, abala ka sa pakikipaglandian sa iba! Niloloko mo lang ako! Pinagmukha mo ’kong tanga!”
Sa puntong iyon, tuluyang naputol ang pisi ng pasensiya ni Magwayen, nagpanting ang tainga niya, at sa isang iglap ay dumapo ang palad niya sa kaliwang pisngi ng kaniyang nobyo, dahilan upang mamula iyon. Dahil doon, sabay na napasinghap ang mga taong nanonood sa kanila. Habang tumatagal ay mas lalong nadadagdagan ang mga estudyante na makakati rin ang dila.
Ibinuka niya ang kaniyang bibig, muntik na niyang masabing, No’ng una kang tumawag sa ’kin, may ginagawa akong assignment. ’Tapos, ilang araw akong hindi makapag-isip nang maayos dahil sa nadiskubre ko tungkol sa sumpa ng pamilya namin. Subalit, hindi niya maaaring ibunyag sa lahat ang tungkol sa pagkakaroon niya ng kakaibang abilidad, kung kaya’t inilibing na lamang niya iyon sa kaniyang lalamunan. At sa halip na sabihin iyon, iba na lamang ang lumabas sa bibig niya: “Kailanman, ’di ko magagawa ’yang mga ibinibintang mo sa ’kin!”
Umangat ang sulok ng mga labi ni Zeus. “Ayoko na sa ’yo, Magwayen! Tapos na tayo! Break na tayo!” anunsyo nito na ikinasinghap ng mga manonood. Pagkatapos niyon, tinalikuran siya nito at dahan-dahang humakbang palayo sa kaniya.
Kahit na pinangingiliran ng luha at nangangatal ang mga labi, nagawa pa rin niyang sumigaw, “Ayoko rin sa ’yo! Gago!” Mapapansing ikinuyom niya ang mga palad sa dahilang kinakain siya ng kahihiyan at poot. Ramdam niya ang matalim na titig ng mga mag-aaral na tila bumabaon sa balat niya. Ang iba naman ay parang nagdiwang sapagkat nakipaghiwalay sa kaniya si Zeus. Tila pinahiran ng asin ang sariwa niyang sugat dahil sa masasakit na salitang dumaan sa paligid ng magkabila niyang tainga.
Hindi pumasok si Magwayen sa susunod nilang klase, bagkus dumiretso na siya sa kanilang bahay. Nagkulong siya sa silid niya, at doon niya ibinuhos lahat—lungkot, inis, at galit. Nagbatis ang mga mata niya dahil sa luha. Parang paulit-ulit na sinasaksak ng kutsilyo ang kaniyang puso. Ilang oras din siyang humagulgol bago siya tuluyang huminto. Maraming beses na kumatok sa pinto ang kaniyang ina na si Magdalena, ngunit hindi niya ito pinagbuksan. Ayaw niyang makita nito ang namumugto niyang mga mata.
* * * * *
PAGKAPASOK niya sa unibersidad kinabukasan, naging tampulan ng usap-usapan ng mga estudyante ang hiwalayan nila ng kaniyang kasintahan. Marami siyang narinig na masasakit na salita; gayunpaman, katulad ng palagi niyang ginagawa, pasok sa isang tainga, labas sa kabila. Ngunit magsisinungaling siya kung sasabihin niyang hindi siya naapektuhan.
“Magwayen, nabalitaan ko ang nangyari kahapon,” umpisa ni Imani. Kasalukuyan silang nakaupo sa kanilang tambayan, hinihintay na pumatak ang alas-kuwatro. “Kung nando’n lang sana ako, e ’di sana, nasuntok ko ’yong kumag na ’yon. Kung ano-ano na lang ang pinagsasabi sa ’yo.” Naningkit ang mga mata nitong nakatitig sa kaniya. “What if . . . siya ang nagloko? Kaya atat na atat siyang hiwalayan ka kasi . . . may kinakausap na siyang iba?”
Biglang napaisip si Magwayen sa sinabi ng kaibigan niya. Makikitang naikuyom niya ang kaniyang mga palad. Kapagkuwa’y ikinulong siya ni Imani gamit ang mga bisig nito sa dahilang naniniwala ang huli na nakagagaan ng pakiramdam ang yakap.
Nakumpirma niyang tama ang hinala ng kaniyang kaibigan nang makita niya si Zeus na may kasamang babae kinagabihan. Tila umakyat lahat ng dugo niya sa ulo habang pinagmamasdan silang nakainat ang mga labi na halos umabot na hanggang tainga. Kaya pala nakipag-break ka, a. Totoo ngang may iba ka na. Ginawa mo pa ’kong kontrabida sa paningin ng lahat. Mata sa mata, ngipin sa ngipin, isip-isip niya. Habang pinanonood ang dalawa, pinag-aralan niya nang maigi ang itsura ng babae.
Nang magpaalam ang babae kay Zeus, dinala siya ng kaniyang mga paa sa banyo. Laking pasasalamat niya dahil walang ibang tao sa loob. Ilang sandali pa, kamukha na niya ang babae paglabas niya—maputi at hanggang leeg lamang ang itim na buhok. Ipinihit niya ang leeg sa kaliwa’t kanan, sinisigurong hindi pa nakababalik ang nagmamay-ari ng mukha na kasalukuyan niyang ginagaya. Mabuti na lamang at hindi rin umalis ang dati niyang kasintahan sa kinatatayuan nito.
“Zeus,” tawag niya rito nang makalapit siya, suot ang pekeng ngiti.
“Babe,” sambit ng binata, “ang bilis mo naman. Sabi mo, may kukunin—” Hindi na nito nakompleto ang sinasabi nang walang ano-ano’y muli itong nakatikim ng malutong na sampal. Bumaling ulit ito sa kaniya, ang itsura ay halos hindi na maipinta sanhi ng labis na sorpresa. “P-para saan ’yon?”
Kagaya ng inaasahan, ang mga mag-aaral na dumaraan ay bigla na lamang napahinto. Mahihinuhang naglaho ang naramdaman nilang gutom at mas piniling makitsismis. Lahat ay nakaantabay; nakararamdam sila na hindi nila maaaring laktawan ang palabas na iyon.
“Para sa panloloko mo kay Magwayen!” singhal ni Magwayen (na kasalukuyang hiniram ang itsura ng bagong kalandian ni Zeus). “Kaya ka naghanap ng rason para hiwalayan si Magwayen ay dahil sa ’kin! Pinagmukha mo siyang kontrabida sa mata ng karamihan, pero ang totoo, ikaw ang nagloko! Ikaw ang pumatol sa iba habang kayo pa! Pinagsabay mo kami ni Magwayen! O baka meron pang iba? Marami ka pang reserba, tama ba ’ko? Aminin mo na!”
Halos sumayad sa sahig ang panga ng mga manonood, at saka natutop nila ang kanilang bibig. Bunga nito, tuluyang bumaligtad ang lamesa; dahil sa kanilang nasaksihan, si Zeus na ang masamang tao sa paningin nila. Sa huli, natikman din ng binata ang sarili nitong medisina.
Ipinilig ng binata ang ulo nito. “Ano’ng pinagsasabi mo, babe? Saan mo nakuha ’yan? Sino’ng nagsabi sa ’yo niyan? Si Magwayen ba? Hindi totoo ’yang sinasabi mo—”
“Tapos na tayo! Break na tayo! Ayoko na sa ’yo!” matigas na wika ni Magwayen. Kailangan na niyang ibagsak ang pulang kurtina. Nagpalinga-linga siya sa paligid. Anumang oras ay baka babalik na ang totoong nagmamay-ari sa mukha niya ngayon. “Maliit ’yang ano mo”—muling napasinghap ang mga estudyante at halos lumuwa na ang mga mata—“’yang puso mo! ’Di ako kasya riyan kasi marami nang babae riyan!” Pagkatapos niyon, dali-dali siyang humakbang palayo. Hanggang sa ang lakad niya ay unti-unting naging takbo habang tinatakpan ang mukha sapagkat may posibilidad na makasalubong niya ang babaeng ginagaya.
Tinalunton niya ang landas pabalik sa banyo habang tumatahip-tahip ang kaniyang puso. Nang matiyak niyang walang ibang tao sa loob, walang kagatol-gatol siyang pumasok. Sinarado niya ang pinto at tiningnan ang repleksiyon sa salamin. Ilan pang sandali, unti-unting bumalik ang orihinal niyang itsura: kayumangging balat at kulot na buhok. Pagkatapos, naihilamos niya ang kaniyang mga palad sa mukha.
“Tama ba ’yong ginawa ko?” pagsaboy niya ng kuwestiyon sa sarili habang nakatitig sa salamin. Sagot naman ng utak niya, Tama lang ’yon, Magwayen. Ibinalik mo lang ang sakit na ibinigay niya sa ’yo. Mas lalo siyang kinabahan nang sumagi sa isipan niya ang babala ng diyos ng kamatayan. “Pa’no kung . . . pa’no kung kukunin na nila ang kaluluwa ko dahil sa ginawa ko?” Kaagad niyang iginala ang paningin sa apat na sulok ng banyo. Kapansin-pansing namumutla ang kaniyang mga labi.
Makalipas ang ilang minuto ay walang nangyari, kung kaya’t napahinga siya nang maluwag at napagpasyahan niyang lumabas na lamang. Subalit, parang sinabuyan ng tubig na may kasamang yelo ang buo niyang katawan nang tumambad sa paningin niya ang isang babaeng nakasandig sa pader, bagsak ang tingin sa sahig, at nakakubli ang dalawang kamay sa magkabilang kilikili. “I knew it. You’re the counterpart of Poseidon and Hades. Ikaw ang admin ng Goddess of Sea and Underworld Facebook page,” walang kaemo-emosyong saad nito.
Sanhi ng labis na sorpresa, muntik na niyang masabing, Pa’no mo nalaman? ngunit mabuti na lamang at nakapagpigil siya at naibaon niya kaagad iyon sa lalamunan niya. Sa halip na isatinig iyon, nagbato na lamang siya ng ibang tanong: “H-ha? Ano’ng . . . ano’ng gusto mong sabihin? Tumatahol ka ’ata sa maling puno.” Pasimple niyang ipinaling ang mukha palayo sa babae. Nais niyang sampalin ang kaniyang sarili. Dahil sa ikinikilos niya, para na rin niyang kinukumpirma na tama ang dalaga. Pakiramdam niya, tuluyang nahubad ang suot niyang maskara.
Parang nilayasan na nga ng dugo ang mga labi niya nang maalala ang banta ni Sidapa, pagdaragdag ng pampaningas sa apoy, may nakadiskubre pa sa kaniyang sikreto. Ang huling bagay na nais niyang mangyari ay gamitin ng isang tao ang lihim niya upang manipulahin siya.
“Drop the act already,” agarang angil ng dalaga. Mula sa kilikili, lumipat ang isang kamay nito sa bulsa ng palda. “Kanina pa kita sinusundan. Ikaw lang ang pumasok sa banyo. Ibang mukha ang suot mo no’ng pumasok ka sa loob, ’tapos paglabas mo, ganiyan na ang itsura mo.” Tumaas ang kanto ng mga labi nito, mabagal na humakbang palapit sa kaniya, at saka nagwikang: “You can imitate people’s faces, am I right?”
* * * * *
A/N: Second lead talaga ang unang nakakaalam sa sikreto ng MC—huuuy! ’Di, joke lang (pwede ring reyal).
Ano’ng gusto n’yong mangyari sa mga susunod na kabanata? Options are:
#1. Magiging “alam ko ang sikreto mo kaya kailangan mong sundin ang nais ko” kaya ang drama nila sa buhay?
#2. May mabubuong love triangle?
#3. O gusto n’yo nang makakilala ng panibagong characters?
Thank you for reading this part! See you in the next episode!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top