Kabanata 17: Hiling ni Magwayen kay Magwayen
Kabanata 17: Hiling ni Magwayen kay Magwayen
PUMUNTA sila malapit sa dagat at hiniram ni Sidapa ang kulay-uling na balangay na pagmamay-ari ng diyosa ng karagatan at ng ilalim na mundo. Maingat silang sumakay sa bangka, pagkatapos, minapula iyon ng diyos ng kamatayan. Hindi na sumama sa kanilang paglalakbay tungo sa Kasakitan si Horrace dahil inaalam pa ng binata ang susunod na hakbang ni Sinogo sa Kamariitan.
Maya-maya pa, gumuhit ang gulat sa mukha ni Magwayen nang masaksihan ang tila kulay-abong ulap na umiikot sa gitna ng dagat. Humigpit ang pagkakahawak niya sa balangay nang maramdaman niyang para silang nilalamon. Habang bumibilis ang pagkabog ng kaniyang dibdib, pikit-mata siyang umusal ng madaliang dasal na sana’y magtagumpay sila sa kanilang paglalakbay. Ang nasa isip niya, Para sa pamilya namin.
Tuluyang tumaob ang bangka at sabay na nahulog sina Magwayen at Sidapa sa tila napakalalim na bangin. Ilan pang sandali, bumagsak sila sa tapat mismo ng malaking tarangkahan ng Kanitu-nituhan, isa sa mga kaharian ng ibabang mundo. Mabilis silang bumangon. Pinagpagan ni Magwayen ang kaniyang kasuotan bago ibinaling ang tingin sa tarangkahan na kabubukas lamang.
Doon ay tumambad sa kanilang paningin ang nilalang na nakasuot ng itim na balabal at may hawak-hawak na tungkod na yari sa kahoy. Natatakpan ang mukha nito, kung kaya’t hindi mailarawan ni Magwayen ang itsura ng nilalang. Habang patuloy ito sa paghakbang palapit sa kinatatayuan nila, mauulinigan sa tuwi-tuwina ang ingay ng bakal na tumatama sa mga bato. Umatras nang kaunti si Magwayen at tumabi sa diyos ng kamatayan.
Siya na siguro ’yong namumuno sa Kanitu-nituhan, isip-isip ni Magwayen.
“Maligayang pagdating sa Kanitu-nituhan,” anito sa malalim na boses. “Isasauli na ba ninyo ang aking mga alaga na sina Simuran at Siguinarugan? Hindi naibigan ng aking mga tainga ang paghihinagpis ng mga kalag na hindi na makaaakyat sa kalangitan. Ipakakain ko na sila sa aking mga alaga sa lalong madaling panahon. Umaasa akong may bitbit kayong magandang balita.”
“Tama ka, Sisiburanen,” kapagkuwa’y sambit ng diyos ng kamatayan. Pinaunlakan ito ni Sidapa; pasimple nitong dinukot ang bilog na bagay mula sa bulsa nito, at ilang sandali pa’y tuluyan nitong pinalabas ang mga higanteng alaga ni Sisiburanen. “Narito na sila. Ngayon naman, maaari mo bang pakawalan ang mga taga-Kamariitan?” pakiusap nito, na agarang tinanguan ng pinuno ng kaharian na iyon.
Napalunok ng laway si Magwayen. Batid niyang ang totoong Facio at Fradia ang tinutukoy nito. Ang kailangan na lamang niyang gawin ay hanapin ang kaluluwa ni Dani at kausapin si Magwayen. Kalauna’y dumako ang tingin nila sa mga anak ng alkalde ng La Promesa na kasalukuyang inalalayan ng dalawang nilalang na may itim na balat at may baluktot na mga sungay. Sa isang kisapmata, mabilis na pumasok ang magkapatid na Lutgarda sa bilog na bagay na dala-dala ni Sidapa.
Bumaling sa kaniya ang diyos ng kamatayan sabay sabing, “Magtungo na tayo sa Sulad.”
Sa mga sumunod na minuto, nanatili siyang nakabuntot kay Sidapa. Paminsan-minsan ay napatingin siya sa kaniyang likuran; mahirap na, baka may kakaibang nilalang na susunod sa kaniya. Iginala rin niya ang kaniyang mga mata sa paligid. Bagaman umaga pa roon sa mundong ibabaw, hindi nasisikatan ng araw ang Kasakitan. Naiilawan lamang ang buong lugar ng mga sulo na nakahilera sa daanan. Ang tanging makikita sa itaas ay ang abuhing mga ulap na gumagalaw nang mabilis.
Makalipas ang ilang minutong lakaran, tuluyang narating ng kanilang mga paa ang kahariang pinamamahalaan ni Magwayen, ang Sulad. Kakikitaan ng gulat ang itsura ni Magwayen nang matanaw ang mga kalag na palutang-lutang sa ere. “Ito na. Malapit ko nang makilala ang diyosa kung saan galing ang pangalan ko,” ang naibulong niya sa sarili habang nakapatong ang kanang kamay sa dibdib. Naghuhuramentado ang puso niya at panaka-nakang bumubuga ng hangin dulot ng nerbiyos.
Iginiya siya ni Sidapa papasok sa munting kaharian ng diyosa. Tumuloy siya sa bukas na silid, pagkatapos, inilibot niya ang paningin sa buong kuwarto. Napapalamutian ito ng mga bungo na nakadikit sa pader at nakatayo sa bawat sulok ang mga sulo na may berdeng apoy.
Sa isang iglap ay lumitaw sa harapan niya si Magwayen; sa kauna-unahang pagkakataon ay nagpakita ito sa kaniya. Hinagod niya ito ng tingin, mula ulo hanggang paa. Itim na damit ang kasuotan nito, ang mga bisig ay nadedekurasyunan ng mga patik, at may nakapatong na kulay-uling na korona sa ulo nito na gawa sa itim na buto ng tao.
“Ikinalulugod kong makilala ka, Maria Magwayen,” pambungad na wika ng diyosa. “Maaari ko bang malaman kung ano ang sadya mo sa pagpunta rito sa Kasakitan?” Tumagilid ang ulo nito mula sa orihinal na ayos na animo’y naghihintay ng tapat at mabilis na kasagutan.
“Nandito po ako kasi may gusto po akong malaman”—’Yan! Tama ’yan, Magwayen! ’Wag ka nang magpaliguy-ligoy!—“tungkol sa ’ming special ability.” Nagbitiw muna siya ng malalim na buntonghininga, at saka siya nagpatuloy, “Puwede n’yo bang putulin ang sumpa ng pamilya namin?”
Kagyat na umangat ang sulok ng mga labi ng diyosa sapagkat nakini-kinita niyang iyon ang lalabas sa bibig ni Maria Magwayen. “Ikaw ba ay nababahala sa dahilang masama kang tao? Natatakot ka ba na kukunin ko ang iyong kalag?” Tumakas ang mahinang tawa sa bibig nito. “Maria Magwayen, hindi ako ang kalaban dito. Sa katunayan, matagal ko nang ipinagsawalang-bisa ang sumpa.
“Ang kakayahan mong manggaya ng kung sino-sino ay aking regalo. Hindi ko na babawiin ang mahiwagang kabibe sapagkat nananalaytay na sa inyong dugo ang kapangyarihan niyon. Kung mamamatay kayo, doon ninyo lamang isusuka ang maliit na kabibe.
“Aking napag-alaman mula kay Dalikamata, ang diyosang maraming mata at nakakikita ng hinaharap, na sasakupin ni Sinogo ang Kamariitan o ang tinatawag ninyong Earth. Magiging Bakunawa siya, kakainin ang natitirang buwan, at maghahasik ng lagim. Nasa kamay na niya ang maliliit na kabibe na nakuha niya mula iyong tiyahin at pinsan.”
Halos sumayad na sa sahig ang panga ni Maria Magwayen dahil sa mga salitang pumasok sa magkabila niyang tainga. Wala kaming sumpa? Nais niyang magtatalon sa sobrang tuwa, ngunit iyon ay tila krimen kung gagawin niya sa harap ni Magwayen. “Pero . . . pa’no kung uubusin kami ni Sinogo dahil nasa amin ang hiwaga ng kabibe? Ayoko pong mapahamak ang mga mahal ko sa buhay.”
“Hindi mo dapat hilingin na bawiin kong muli ang inyong kakaibang kakayahan,” anang diyosa. “Kailangan ka ng mundong ibabaw. Ikaw ang tanging makapagliligtas sa mga tao laban sa kasamaan ni Sinogo. Hindi lamang panggagaya ng mukha ang kaya mong gawin, Maria Magwayen. Maaari mo ring gayahin ang lakas o kakayahan ng kahit sino at mag-ibang-anyo ng kahit anong nilalang na nanaisin mo. Pakatandaan mo itong sasabihin ko: Hindi ka pinangalanan ng iyong ina katulad sa akin para sa wala lamang.”
Tama. Narinig ko sa kuwento nila Lola noon na ginagamit ni Magwayen ang ginintuang kabibeng ibinigay sa kaniya ni Kaptan para kalabanin ang mga nanggugulo sa karagatan at dito sa Kasakitan, ang nasa isip ni Maria Magwayen. Umawang ang kaniyang bibig, nasa dulo na ng dila niya ang mga salitang Wala po ba kayong gagawin? subalit muli siyang nag-isip nang ilang segundo bago ito tuluyang mabitiwan. Nang makaipon ng sapat na tapang, ang aktuwal niyang sinabi ay: “Puwede n’yo po ba kaming tulungan laban kay Sinogo?”
Gumuhit ang maliit na ngiti sa mga labi ni Magwayen. “Ikinalulungkot kong sabihin, subalit hindi ako maaaring makialam sa mundong hindi ko nasasakupan,” may pag-iling-iling nitong turan. “Kung kaya ng iyong kanunu-nunuan na si Madanihon, kaya mo rin ang pagsubok na ito, Maria Magwayen. Hahandugan na lamang kita ng makapangyarihang espada na makatutulong sa iyo . . . kung gugustuhin mo.”
Agarang tumango-tango si Maria Magwayen, suot ang malapad na ngiti. “Salamat po. ’Di ko po maipapangako na magtatagumpay rin ako gaya ng ninuno namin”—mariin siyang napalunok ng laway—“pero susubukan ko po.”
Sa isang iglap ay hawak na nito ang espada, dahilan upang muntik nang bumagsak ang panga ni Maria Magwayen. Nang iabot iyon ng diyosa sa kaniya, maingat niya iyong hinawakan. Kasisilayan ng pagkamangha ang kaniyang itsura habang pinapasadahan ng tingin ang espada—iyon ay yari sa ginto at mayroon ding nakalilok sa katawan niyon na hindi niya kayang basahin.
“Hayaan mong ipakita ko sa iyo ang labanan noon nina Madanihon at Sinogo,” anang diyosa sabay talikod sa kaniya. Naglakad ito malapit sa isang kawali na may luntiang tubig, kaya mabilis siyang sumunod dito.
Gamit ang payat na kahoy, hinalo nito ang tubig at sa isang kisapmata’y natunghayan niya ang sagupaan ng ninuno nila at ng dating mensahero ni Kaptan. Sa unang tingin, nagmistulang si Sinogo ang bayani at si Madanihon ang nais sumakop sa mundong ibabaw. (Sapagkat si Sinogo ay may pakpak saka may hawak na espada at sibat, habang nag-anyong Mameleu, pandagat na ahas na kawangis ng kalabaw, naman ang kanilang ninuno.) Sa huli, ipinulupot ni Madanihon ang katawan kay Sinogo, dahilan upang magpakawala ito ng malakas na daing at mabitiwan ang mahabang sibat at espada.
Muling napabitiw ng buntonghininga si Maria Magwayen. Inaamin niya na ang ipinakita ng diyosa ay nakamamangha, ngunit kinakabahan siya sa dahilang pasan niya ang mabigat na responsibilidad. Hindi naman siya ganoon katapang, pero kung para sa pamilya niya, gagawin niya ang lahat upang mailigtas lamang sila.
Bago siya lumabas sa kaharian ni Magwayen, mayroon siyang huling hiling sa diyosa. “Magwayen, meron lang sana akong hiling. Puwede ko po bang makita si Dani—’yong pinsan ko? Gusto ko po siyang makausap kahit sa huling pagkakataon. Ayoko pong tumalon siya sa isang konklusyon na galit ako sa kaniya dahil sa ginawa niya.”
Nabanat nang bahagya ang mga labi ng diyosa. “Tamang-tama. Hindi pa siya nahahatulan at nakaaakyat sa kalangitan. Maaari mo siyang makita sa labas. Subalit, kaunti lamang ang ibibigay kong oras. Hindi kayo maaaring magtagal dito sa lupain ng mga nangamatay, lalo na’t hindi ka naman isang kalag. Kailangan mo nang bumalik sa Kamariitan sa lalong madaling panahon.”
Ipinagdaop niya ang kaniyang mga palad at ginawaran ng taos-pusong pasasalamat ang diyosa bago siya magpaalam dito. Pagkalabas niya, bumungad sa kaniya ang mga kalag na napalilibutan ng kulay-abong usok at nagpalutang-lutang sa ere. Maya-maya pa, tuluyang bumaba ang kaluluwa ni Dani. Itinulak nito ang ibabang labi pasulong at madaliang ibinagsak ang magkabilang tuhod sa lupa, ang mga luha ay nag-uunahang pumatak.
“I-I’m so sorry, couz. S-sana, mapatawad mo ako,” anang pinsan niya habang ipinagdikit nito ang mga palad. “Sobrang selfish ko. Ang iniisip ko lang ay mawawala ang special ability ko na kailangang-kailangan ko para maka-survive sa buhay. Pero . . . heto ako ngayon”—mapait itong ngumiti—“isa na akong kaluluwa. Sana, mapatawad mo ako, couz, dahil sinumbong kita kay Sinogo.”
May namuong luha sa mga mata ni Magwayen, pagkatapos, nilapitan niya ang pinsan niya. “’Di naman ako galit sa ’yo, e. Pero ’di mo na dapat ginawa ’yon, couz. Tingnan mo ang nangyari sa ’yo, ikaw pa ’tong napahamak dahil kay Sinogo. Sana . . . sinabi mo sa ’kin ang lahat. Sana . . . sabay tayong bumuo ng mga plano.”
“I’m very sorry, couz,” muli nitong paghingi ng tawad. Sa puntong iyon, tuluyan itong tumindig, ang mga labi ay dahan-dahang nabanat. “On the bright side, masaya ako ngayon kasi makakasama ko na si Mommy. Pakisabi kay Daddy na alagaan niya ang sarili niya. Ngayong pareho na kaming wala ni Mommy, wala na ring hahabol sa kaniya. I hope maging masaya sila ng bago niyang pamilya.”
Sa huling pagkakataon, ikinulong siya ni Dani gamit ang mga bisig nito. Niyakap din niya pabalik ang kaniyang pinsan. Sabi pa nito, “Kung mabubuhay ulit ako, I wish na maging pinsan ulit tayo.” Pagkasambit niyon, kusang tumulo ang mga luha nito ay maya’t maya ang pagsinghot. Natutuwa ito nang malamang hindi nagtanim ng galit si Magwayen.
Ilang sandali lamang ay walang ano-ano’y sumulpot sa harapan nila ang diyos ng kamatayan. “Maria Magwayen, kailangan na nating bumalik sa Kamariitan,” walang kaemo-emosyong wika ni Sidapa. “Katulad ng sabi ni Magwayen, hindi ka maaaring magtagal dito sapagkat hindi ka pa patay.”
Bumaling siya kay Sidapa para suklian ito ng marahang pagtango, pagkatapos, muli niyang ipinihit ang atensyon sa kaniyang pinsan. “Paalam na, couz. Tatapusin ko lang ang labang ’to. Sisiguraduhin kong mabibigyan ko ng hustisya ang pagkamatay mo,” pirming wika ni Magwayen bago magpakawala ng hangin dulot ng sobrang nerbiyos. Wala nang atrasan ’to, ang isiniksik niya sa kaniyang utak. Kung nagawa ni Madanihon noon, magagawa ko rin ngayon.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top