Kabanata 16: Ang Dalawang Kuruntang
Kabanata 16: Ang Dalawang Kuruntang
NAGTIPON ang pamilya nila Magwayen at ilan nilang kapitbahay sa tapat ng kanilang tahanan upang mag-alay ng dasal kay Dani. Nakarating din kaagad ang ama nito na si Danilo matapos makontak ni Magdalena. Tumakas sa bibig nila ang sunod-sunod at nagdudumaling hagulgol habang nakatingin kay Dani na nasa loob ng kabaong.
Samantala, kasalukuyan namang nagbibigay si Magwayen ng kape at biskuwit sa mga nakikiramay. Pasimple pa niyang pinahid ang nangingilid na luha. Kasama rin niya sina Amber, Basil, at Imani. Hanggang ngayon ay hindi pa rin niya matanggap na wala na ang kaniyang pinsan. Kung alam lamang niya na mangyayari ito, hindi na sana niya hinangad na bumalik si Dani sa La Promesa.
Nang mahagip ng paningin niya si Sidapa, mabilis pa sa alas-kuwatro na tumakbo siya sa likod ng kanilang bahay. Kung tama ang nasa isip niya, si Dani ang sinusundo nito. “Sidapa, teka lang,” pigil niya rito, dahilan upang ipihit nito ang atensyon sa kaniya. Pagkatapos, dinako niya ang tingin niya sa hawak nitong bilog na bagay kung saan mayroong kulay-abong gumagalaw. “Alam kong nandiyan si Dani. Please, hayaan mo ’kong kausapin siya sa huling pagkakataon.”
“Kung iyan ang kapalit noong pagtulong—” Hindi na nito nakompleto kung anuman sana ang sasabihin nito sapagkat kaagad na nagsalita si Magwayen.
“Hindi. Pero puwede ko naman siyang makausap ngayon, ’di ba?” Kasisilayan ng pagmamakaawa ang kaniyang itsura. Kapagkuwa’y ipinagdaop niya ang kaniyang mga palad.
“Ikinalulungkot kong sabihin, subalit hindi maaari,” walang kaemo-emosyong turan ng diyos ng kamatayan.
Sandaling naitulak ni Magwayen ang ibabang labi pasulong. Hanggang sa bigla na lamang dumalaw sa isipan niya ang kaniyang plano. Dalawang ibon ang maaari niyang masapul gamit ang isang bato: Una, makapupunta siya roon sa Sulad para makausap si Magwayen; at pangalawa, malaki ang posibilidad na makikita niya roon si Dani. Kung kaya’t klinaro niya ang lalamunan bago magsalita, “Tutal, nandito ka rin naman . . . sasabihin ko na sa ’yo kung ano ang gusto ko—ang kapalit ng pagtulong ko sa ’yo no’n.”
“Nakikinig ako. Hinihiling ko na kung maaari ay huwag kang magpaliguy-ligoy.”
“Gusto kong pumunta sa Underworld—sa Kasakitan. Ituro mo sa ’kin ang daan, please,” tahasang aniya na ikinagulat ng diyos ng kamatayan.
“Madali lamang iyang nais mo, Maria Magwayen,” panimula ni Sidapa. “Nais mo bang sumama sa akin ngayon? Ihahatid ko ang kalag ng iyong pinsan sa balangay ng Diyosa ng Karagatan at Kasakitan.”
Madaliang iniling-iling ni Magwayen ang kaniyang ulo. “Hindi . . . hindi ngayon. Bukas . . . bukas na lang.” Bigla niyang naalala ang mga nagpapanggap bilang Facio at Fradia. “May kailangan lang akong gawin. Basta, pagkatapos ng trabaho mo bilang tagasundo, puntahan mo na lang ako. ’Di ko naman kasi alam kong pa’no ka tatawagin.”
Matapos tumango ng diyos ng kamatayan, walang ano-ano’y naglaho ito na parang bula.
* * * * *
PAGSAPIT ng umaga, humingi ng tulong si Magwayen kay Mayor Franko na kung puwede ay papuntahin nito sina Facio at Fradia sa plasa. (Sapagkat kung siya ang magpapadala ng mensahe, nakini-kinita niyang hindi siya papansinin ng mga ito.) Mabuti na lamang at walang alinlangan na pumayag ang alkalde sa kahilingan niya.
Kasalukuyan siyang nagtatago sa isang maputlang estatwa habang hinihintay ang huwad na Facio at Fradia. Hinanda na rin niya ang video na nakuha niya noon kay Imani noong minsang niligtas siya ng dalawa laban sa mga gustong dumukot sa kaniya. Sa oras na magkaharap sila, sisiguraduhin niyang hindi na sila puwedeng tumanggi, makawala, o tumakas.
Saglit niyang iginala ang mga mata sa paligid; makikitang may iilang namamasyal sa plasa. Itinuon niya ulit ang atensyon sa selpon niya na may litrato ni Mang Nero, pagkatapos ng ilang segundo, matagumpay niyang nakopya ang itsura ng drayber ng Pamilya Lutgarda, walang kahirap-hirap, hindi man lamang siya pinagpawisan.
Maya-maya pa, namataan niyang naglalakad palapit sa estatwa ang nagpapanggap na magkakambal, kung kaya’t dali-dali siyang lumabas mula sa kaniyang pinagtataguan, mabilis na ininat ang mga labi. “Sir Facio, Ma’am Fradia . . .”
Puminta ang sorpresa sa mukha ni Fradia nang makita siya, gayundin ang naging reaksyon ng binata. “Mang Nero, hindi ba sinabi namin na manatili ka roon sa loob ng sasakyan?” agarang nagsaboy ng kuwestiyon si Fradia. “Ano ang ginagawa ninyo rito?” Habang ang kakambal naman nito ay tahimik lamang at nakahalukipkip.
“Pasensiya na po, ma’am,” aniya at saka bahagyang yumuko. “May gusto lang po akong ipakita sa inyo.” Pagkatapos niyon, ipinakita niya sa dalawa ang video kung saan mapapanood na unti-unting nabanat ang mga braso ni Fradia at lumaki ang mga kamao ni Facio.
Nang makita iyon ay halos lumuwa na ang mga mata ng huwad na magkapatid, at naghugis-“o” ang kanilang bibig. Dahil doon, napangisi siya. Nang ibaling ng dalawa ang tingin nila sa kaniya, kaagad niyang ibinalik ang orihinal niyang itsura habang nanatiling nakaangat ang sulok ng mga labi.
“Alam kong ’di kayo ang totoong mga anak ng mayor,” panimula niya at pasimpleng isinilid ang selpon sa bulsa habang nakatitig sa dalawa. “Lumapit sa ’kin noon si Mrs. Lutgarda at sinabi niyang nag-iba kayo. Meron kayong powers, kitang-kita sa video. Ngayon, sabihin n’yo sa ’kin kung sino ba talaga kayo! Ano’ng kailangan n’yo sa ’kin? Sino’ng nagpadala sa inyo rito sa Earth?”
Nagpalitan ng tingin ang dalawa at tila ba nag-uusap gamit ang isip, mistulang hindi mahanap ang angkop na sasabihin. Umalon din ang kanilang lalamunan at bahagyang napaurong. Kakikitaan ng kaunting takot ang kanilang itsura; para silang nahuli ng pulis na may ginagawang krimen.
“Ang sabi ko, sino ba talaga kayo?!” Sa puntong iyon, tumaas ang kaniyang boses dulot ng pinaghalong galit at pagkainip. Siguro, kung kaya lamang niyang basahin ang nasa utak ng mga ito, malamang ay kanina pa niya nakuha ang gusto niyang malaman mula sa kanila at hindi na niya kailangang pigain ang katotohanan. Pero, tanging panggagaya lamang ang kaya niyang gawin.
“Sa katunayan,” si Facio iyon na tuluyang ipinihit ang atensyon sa gawi niya, “kami ang dalawang kuruntang sa ilalim na mundo o Kasakitan. Ako si Simuran”—pagkatapos ay itinuro nito ang katabi—“at siya naman si Siguinarugan. Kami ang higanteng itinalaga bilang tagapagbantay sa tarangkahan ng Kanitu-nituhan, isa sa mga kaharian ng ibabang mundo na pinamumunuan ni Sisiburanen. Ipinakakain sa aming dalawa ang mga kalag pagkalipas ng ilang taon ng pamamalagi ng mga ito sa Kanitu-nituhan.”
Matatandaang hinigop nila ang kaluluwa ng mga nagtangkang dumukot kay Magwayen noon. Ilang beses ding gustong kainin ni Fradia o Siguinarugan ang kalag ni Basil noong palagi itong tumatambay at natutulog sa tuktok ng gusali. (Mabuti na lamang at hindi iyon nangyari, salamat sa paalala ni Simuran sa totoo nilang tungkulin.)
“Subalit hindi si Sisiburanen ang nagpadala sa amin dito,” pag-amin ni Fradia, na siyang nangahas na magpatuloy ng kuwento. “Kundi si Magwayen, ang Diyosa ng Karagatan at Kasakitan na kapangalan mo rin. Nakiusap siya sa aming pinuno na kung maaari ay magtungo kami rito sa Kamariitan, o ang tinatawag ninyong Earth, upang tulungan ang kadugo ni Madanihon hangga’t hindi pa natutukoy kung kaninong katawan ang napiling sisidlan ng kaluluwa ni Sinogo.”
“Ang pinagtatakahan namin ay kung bakit ganoon din ang nais mangyari ng pinuno ng siyudad na ito,” iyon naman ay sabi ni Facio o Simuran. “Malamang ay batid mo na kung bakit nais niyang protektahan ka namin laban kay Sinogo noong dumalaw ka sa mansyon.”
“Salamat sa impormasyon. Ngayon, kailangan n’yong sumama sa ’kin,” mariing wika ni Magwayen. “Bumalik na kayo kung saanman kayo nagmula. Kailangan ko ring ibalik dito ang tunay na Facio at Fradia. ’Di kayo puwedeng mamuhay bilang sila kung kailan n’yo gusto.”
Muling nagkatinginan ang dalawa. Walang sabi-sabi ay kumaripas ng takbo ang mga ito. Mabilis ding inihakbang ni Magwayen ang kaniyang mga paa, hanggang sa ang lakad ay unti-unting naging takbo. Ilan pang sandali, ininat ni Siguinarugan ang bisig nito at tinangka siyang hampasin, mabuti na lamang at kaagad siyang nakailag. Nagpatuloy siya sa paghabol sa dalawa. Lumaki rin ang kamao ni Simuran at sinuntok ang lupa, dahilan upang bumuka iyon. Kaagad naman siyang tumalon upang hindi mahulog, pagkatapos, muli siyang nagpatuloy sa pagtakbo.
Kasalukuyan ding nagkagulo ang mga tao at sabay-sabay na napasinghap nang makita sina Simuran at Siguinarugan. Mabilis silang nagtakbuhan palayo para hindi matamaan sa mahabang braso at malaking kamao ng mga ito. Maya-maya pa, napangisi si Magwayen nang pumasok sa isipan niya na kaya rin pala niyang kopyahin ang abilidad at lakas ng ibang tao o nilalang. Ininat niya ang kaniyang mga bisig at laking tuwa niya sapagkat nagawa niya. Lumaki rin ang kaniyang mga kamay upang hulihin ang dalawa.
Nang madakip niya ang mga kuruntang, pinalapit niya ang mga ito sa kinatatayuan niya, subalit sa kasawiang-palad, sinuntok siya ni Simuran, dahilan upang mabitiwan niya ang dalawa at tumilapon siya sa di-kalayuan. Kumawala sa bibig niya ang mahinang daing, pero mabilis siyang nakatayo, naghahabol ng paghinga. Ang kaniyang mga mata ay kasisilayan ng matinding pagnanais—pagnanais na mahuli ang dalawang nilalang na taga-Kasakitan. Hindi siya puwedeng sumuko; tinulungan siya ni Mayor Franko, kung kaya’t gusto niyang makasama ulit ng alkalde ang tunay nitong mga anak.
Muli niyang inihakbang ang mga paa, pabilis nang pabilis. Hanggang sa naisipan niyang suntukin ang lupa gamit ang kaniyang malaking kamao. Pagkatapos niyon ay yumanig ang lupa at natumba ang dalawa. Dali-daling tumindig ang mga ito at aktong tatakbo ulit, pero sa kabutihang-palad, bigla na lamang natigil ang dalawa, waring napako ang mga paa sa kinalulugaran.
Ipinihit ni Magwayen ang atensyon sa lalaking tila kumokontrol kina Simuran at Siguinarugan. Agarang pumaskil ang gulat sa mukha niya nang makilala ito—si Horrace Abrigo! Nakaangat ang kamay nito at nakaharap ang palad sa dalawa. Sigaw ng utak niya, May powers din siya?
Hindi nagtagal ay lumitaw rin si Sidapa sa tabi nina Simuran at Siguinarugan. Ilang sandali lamang ay hinigop ng dala-dala nitong bilog na bagay ang dalawa. Nanlaki ang mga mata ni Magwayen at madaliang naghagis ng isang kamay papunta sa bibig niya. Tinulungan nila ako. Magkakilala ba sila? ang gumugulo sa kaniyang isipan.
Dahan-dahan siyang naglakad patungo kay Horrace. Pagkalapit, sinabi niya rito, “Pa’no ka nagkaro’n ng powers?” Ang pagkunot ng kaniyang noo ay sumisimbolo na gusto niyang makatanggap ng totoo at mabilis na sagot mula sa bibig ng binata.
Nagbitiw ng malalim ng buntonghininga si Horrace bago sumagot, “Mahabang kuwento. Ako si Libulan, ang diyos ng buwan. Basta, masisiguro ko sa ’yo, Magwayen, na hindi ka nag-iisa sa labang ’to. Nakatadhana akong mabuhay ulit para tulungan ka.” Nabanat nang bahagya ang mga labi nito.
Maya-maya pa, lumapit sa kanila ang diyos ng kamatayan. Pasimple nitong isinilid ang bilog na bagay sa bulsa. “Humihingi ako ng paumanhin kung nakaaabala ako sa inyong pag-uusap, ngunit kung ikaw ay handa na, maaari na tayong magtungo sa Kasakitan,” ang sinabi nito kay Magwayen, ang mukha ay hindi kasisilayan ng anumang emosyon.
Higit na bumilis ang pagtibok ng puso niya kaysa sa orihinal nitong ritmo. Napalunok siya nang mariin. Matagal na niya itong gustong gawin, pero ngayon, tila naduwag siya. Kung kaya’t pilit niyang isiniksik sa kaniyang utak na kung nagawa ito ni Madanihon noon, magagawa rin niya ito ngayon, makababalik din siya nang buhay. Tumikhim siya, at saka niya sinabing, “Oo, handa na ’kong humarap kay Magwayen.”
* * * * *
A/N: Magwayen x Horrace (Libulan) x Sidapa, the trio I didn’t expect I needed. Char!
I did my research, at nalaman ko na ang istorya nina Sidapa at Libulan ay isa lang palang fanfiction. Kaya sa kuwentong ’to—kahit “fiction” lang din ’to—wala pong namamagitan kina Sidapa at Horrace (Libulan na nagkatawang-tao).
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top