Kabanata 14: Kapag Bumaligtad ang Lamesa

Kabanata 14: Kapag Bumaligtad ang Lamesa

MATAGAL nang nagtatrabaho ang mga magulang ni Basil sa Pamilya Alferez. Baon sila noon sa utang at saka hindi na rin nila nabayaran ang kanilang renta, kung kaya’t pinalayas sila ng may-ari. Mabuti na lamang at naawa sa kanila si Emmanuel Alferez at pinatuloy sila sa mansyon. Pinag-aral din ng naturang ginoo sina Basil at Baste. (Kapalit niyon, ang buo nilang pamilya ay kailangang manilbihan sa mga Alferez.)

Isang araw, matapos magtimpla ng kape, nagdudumaling pumanhik si Basil papunta sa opisina ni Ginoong Alferez. Subalit sa kasamaang-palad, ang katawan ng huli ang napiling sisidlan ng masamang kaluluwa na si Sinogo. Pagkapasok niya sa loob ng silid ay natukoy niya kaagad na hindi na iyon ang kaniyang amo. Noong una, nais niya iyong ipagbigay-alam sa mga pulis, ngunit alam niyang walang maniniwala sa kaniya.

“S-sino ka? A-ano’ng kailangan mo?” Bagaman nangangatal ang mga labi, nagawa niyang ibato ang dalawang tanong na iyon. Nanginginig din ang kaniyang mga kamay, dahilan upang matapon sa sahig ang kaunting kape.

Ang higit na nakababahala ay noong nagkaroon ito ng pakpak at sa isang kisapmata, may hawak na itong mahabang sibat at matalas na espada. “Ako si Sinogo. Kasalukuyan kong pinaghahanap ang mga kadugo ni Madanihon upang iluwa nila ang mga kabibe. Kung nais mong mabuhay ang nagmamay-ari ng katawang ito, sundin mo ang ipagagawa ko,” maawtoridad nitong saad, ang mukha ay hindi kakikitaan ng anumang emosyon.

Wala siyang ibang nagawa kundi ang tumango. Hindi naglaon ay nadiskubre din ni Emilienne na hindi na iyon ang kaniyang ama, kung kaya’t nagtulungan sila ni Basil upang mahanap kaagad ang mga kalahi ni Madanihon, umaasang mababalik sa dati ang lahat at muli nilang makasama ang tunay na Ginoong Alferez kapag napasakamay na ni Sinogo ang gusto nito.

* * * * *

“KADUGO mo rin ba si Madanihon? Paano kung ikaw na lang ang uunahin ko?” Sa isang iglap ay tila tumaob ang lamesa; kung noon ay si Magwayen ang gusto nitong mahuli, ngayon, buhay na ni Dani ang nanganganib. Matapos siya nitong paraanan ng tingin, ito’y nagpatuloy, “Kamukhang-kamukha mo nga iyong huli kong nabiktima—si Madelina.”

Nagtiim ang bagang ni Dani nang marinig ang mga katagang iyon, kaya naman mabilis na dumapo ang kamay niya sa pisngi ni Ginoong Alferez. “Hayop ka!” Panandalian niyang nakalimutan na ang pumatay sa kaniyang ina at ang ikinuwento sa kaniya ni Magwayen na humahabol sa kanila na si Sinogo ay iisa lamang.

Umangat ang kanto ng mga labi nito nang humarap sa kaniya. “Nahihirapan kaming dakpin si Magwayen dahil mayroon siyang tagaprotekta, kaya ikaw na lang ang uunahin ko!” bulalas nito at bahagyang itinaas ang isang kamay.

Puminta ang sorpresa sa mukha niya nang lumitaw ang mahabang sibat ni Sinogo. Dali-dali niyang binuksan ang pinto ng opisina at kumaripas ng takbo, pasan ang matinding pagsisisi sa ginawa niya at natitirang galit na hindi pa niya nailalabas.

Sa kasawiang-palad, pagtapak niya pa lamang sa labas ng unibersidad, may humarang sa kaniya na isang itim na sasakyan. Mabilis pa sa alas-kuwatro na lumabas mula roon ang mga lalaki at puwersahan siyang hinatak patungo sa loob. Walang nagawa ang ibang mag-aaral sapagkat kaagad itong umandar palayo.

Samantala, sa tuktok ng gusali, makikitang hindi makapaniwala si Magwayen sa pangalang pumasok sa tainga niya; halos lumuwa na ang kaniyang mga mata at napatakip siya ng bibig. Sumariwa sa isip niya ang alaala noong minsang tinulungan niya si Ginoong Emmanuel Alferez. Hindi niya sukat akalaing iyon pala ang sinapian ni Sinogo.

Nangingilid ang luha sa mga mata, tuluyang bumagsak ang magkabila niyang tuhod. Halo-halo ang emosyon niya—lungkot, galit, at gulat. Para siyang pinaglaruan sa mga panahong iyon dahil sa kaniyang mga nalaman. Ilang sandali lamang ay nagbatis ang mga mata niya dahil sa luha.

“M-Magwayen,” nauutal na sambit ni Basil, ang mga luha nito ay naglandas na rin sa pisngi, “patawarin mo ako. Wala lang talaga akong choice no’n. Pero ngayon, itatama ko na ang lahat. Kailangang mawala si Sinogo sa mundong ’to.” Nag-akma itong lalapit kay Magwayen, subalit biglang lumabas sina Facio at Fradia sa pinagtataguan nila, ang matatalim na tingin na waring nagbabanta ay sapat na upang masindak ang binata.

Habang mahinahon ang boses ni Facio nang sabihin nitong, “Diyan ka lang, Basil,” salungat naman ang ginawa ni Fradia sapagkat ito’y sumigaw, “Huwag kang lumapit kay Maria Magwayen! Kung hindi, hihigupin ko ang iyong kaluluwa na matagal ko na sanang ginawa!”

Tumigil si Basil nang sabihin iyon ng kambal, pero muli nitong ibinaling ang atensyon kay Magwayen upang magpatuloy: “Papatunayan ko sa ’yo, Magwayen, na kakampi mo na ako simula ngayon. Lahat ng malalaman ko kay Sinogo, sasabihin ko agad sa ’yo. Pero sana’y maintindihan mo na kailangan ko ring magpanggap na nasa side nila ako para hindi niya patayin si Sir Emmanuel.” Pinahid ng binata ang mga luha gamit ang likod ng palad nito bago nilisan ang itaas na bahagi ng gusali.

Isang nakatutulig na katahimikan ang naghari sa tuktok ng gusali nang mawala si Basil. Ilan pang sandali, si Facio ang nangahas na bumasag dito at nagsabing, “Ngayong nabatid mo na kung sino ang sinaniban ni Sinogo, ano ang iyong magiging hakbang?”

“Mananatili ako sa plano: kailangan kong puntahan si Magwayen sa Sulad sa tulong ng diyos ng kamatayan,” ani Magwayen habang maingat na tumayo. Tinulungan niya noon si Sidapa na mahuli ang kalag na nakatakas sa ibabang mundo at idagdag na rin ang Groom Snatcher sa Liyamado, samakatuwid, may utang sa kaniya ang naturang diyos. “Dapat kong ibalik sa diyosa ang special ability namin, nang sa gano’n ay ’di na manggulo rito sa Earth si Sinogo.”

“Subalit paano kung hindi iyan ang mangyayari?” si Fradia iyon na nakakrus ang mga bisig sa harapan ng dibdib. “Ang ibig kong iparating ay paano kung balak talaga ni Sinogo na sakupin ang mundo? Hindi ba dapat mas makabubuti kung mayroon ka pa ring kapangyarihan? Nang sa gayon ay kaya mong iligtas hindi lamang ang siyudad ng La Promesa, kundi pati na rin ang buong mundo. Iyan ay mungkahi ko lamang naman.”

Inaamin ni Magwayen na may punto ang dalaga. Gayunpaman, gagawin pa rin niya ang kaniyang plano. Isa pa, marami rin siyang gustong malaman sa diyosa ng karagatan at Kasakitan.

Laking gulat nila nang biglang dumating si Amber habang habol-habol ang hininga. “Nakasalubong ko si Basil, at sinabi niyang nandito ka. What happened, Magwayen? Are you okay?” Kaagad nitong pinutol ang distansiya sa pagitan nila ni Magwayen, napipinturahan ng pag-aalala ang itsura.

Dagling tumango si Magwayen. “Mahabang istorya. Pero okay na ’ko ngayon, Amber. Salamat sa pag-aalala sa ’kin.” Nang sabihin niya iyon, ginawaran niya ng maliit na ngiti ang dalaga.

“Sino iyang babae?” bulong ni Fradia sa kakambal nito, halos magtagpo na ang mga kilay.

“Sa palagay ko’y may gusto siya kay Maria Magwayen,” may pagkibit-balikat na sagot ni Facio.

“Hindi ba may gusto rin kay Maria Magwayen si Basil? Nakamamanghang may dalawang kasarian na nagmamahal sa kaniya.”

“Sa tingin mo, sino ang pipiliin niya?” kapagkuwa’y tanong ni Facio.

“Si Basil,” agarang sabi ni Fradia. “Ikaw ang pumanig sa babaeng iyan. Kung sino man sa atin ang matalo, babalik na sa Kasakitan—”

“Ano’ng sinabi mo?!” gulat na pagkasabi ni Magwayen. Madalian namang nagtapon ng isang kamay si Fradia papunta sa bibig nito nang mapagtantong para itong pumulot ng bato sa lupa upang ipukpok sa sariling ulo. “Fraj, ulitin mo ’yong sinabi mo. Babalik sa Kasakitan, tama ba ang narinig ko? Sino ba talaga kayo? Sino ang nagpadala sa inyo rito?” nakapamaywang na sambit ni Magwayen, ang pangungunot ng noo ay sumasagisag na nag-aabang siya ng mabilis na kasagutan.

Subalit wala siyang natanggap na sagot sapagkat kumaripas ng takbo ang dalawa at agarang nilisan ang itaas ng gusali.

* * * * *

MAAANINAW sa masukal na bahagi ng gubat ang katawan ni Dani na nakagapos sa isang puno. Lumalalim na ang gabi, at ang tanging liwanag ay nagmumula sa buwan. Nakatayo sa harap ng dalaga ang lalaking mayroong pakpak at armado ng mahabang sibat at matulis na espada.

“Maraming salamat sa iyo, iha, dahil napadali mo ang aming trabaho,” anang dating mensahero ni Kaptan, suot ang ngiting abot-tainga. “Sa katunayan, nahihirapan kami kay Magwayen. Mabuti na lamang at lumapit ang palay sa manok.” Doon ay tuluyang tumakas sa bibig nito ang malakas na halakhak.

Nagpanting ang tainga ni Dani at nanlilisik ang mga matang nakatitig kay Sinogo; kung nakamamatay lamang ang tingin, marahil ay bumulagta na ang kaharap niya. Kanina pa niya pinapaslang si Sinogo sa kaniyang isipan.

Sa di-kalayuan, sa likod ng malusog na puno, pinanonood nina Emilienne at Deshauna kung paano pahirapan ni Sinogo ang isa sa mga kadugo ni Madanihon. Kakikitaan ng pangamba ang itsura ni Deshauna, habang si Emilienne ay walang kaemo-emosyon.

“E-Emy, h-hindi ko na kaya ’to. Naaawa na ako sa babae. I know I’m not a good person, pero hindi ko kayang makipagsabwatan sa isang halimaw,” mangiyak-ngiyak na saad ni Deshauna. “Magwayen needs to know that her cousin is in danger!” dugtong nito sa naunang sinabi sabay takbo nang matulin.

“Shona, wait! Deshauna!” Hindi na niya nahabol ang kaibigan sa dahilang humalo kaagad ito sa dilim. Napapadyak na lamang siya sa lupang nadedekurasyunan ng mga tuyong dahon at mapapayat na sanga, at saka paulit-ulit siyang napamura sa isipan.

“Pakawalan mo ako! Lumaban ka sa ’kin nang patas! ’Wag kang duwag na umaasa lang sa mga tauhan mo!” nagngangalit ang mga ngipin na bulalas ni Dani. Ilang oras na siyang nakatali roon kaya nakaisip siya ng plano: sa oras na pakakawalan siya ni Sinogo, kokopyahin niya ang itsura at abilidad nito. Subalit, mukhang wala itong balak na magsayang ng enerhiya.

Umangat ang sulok ng mga labi ni Sinogo. “Bakit ko gagawin iyon kung puwede naman kitang patayin kaagad? Huwag mo akong gawing hangal!” Muli itong nagpakawala ng nakaririnding tawa.

Walang-kaabug-abog ay itinarak nito ang mahabang sibat sa tiyan ni Dani, dahilan upang umawang ang bibig ng dalaga at sumuka ng kulay-presang likido. Labis ang hinanakit niya sa sarili sapagkat lumapit siya kay Sinogo. Hindi niya nakini-kinita na iyon ang magiging kahihinatnan niya. Kung maaari lamang niyang ibalik ang panahon, sasabihin na niya kay Magwayen ang lahat sa halip na maging makasarili. Tunay ngang nasa huli ang pagsisisi.

I’m so sorry, couz, ang nasa isip ni Dani. Tinraydor kita. Napaka-selfish kong tao. Hindi ko na sana ginawa ’yon. Sorry kung sarili ko lang ang iniisip ko. Sorry kung natakot akong mawala ang special ability ko. Sana, sa susunod na buhay, ikaw pa rin ang pinsan ko. Maya-maya pa, tuluyan siyang nalagutan ng hininga kasabay ng pagtulo ng isang butil ng luha mula sa kaliwang mata.

Binuksan ni Sinogo ang mga kamay niya at itinapat sa bibig ni Dani. Ilan pang sandali, tuluyang nalaglag ang maliit na kabibe sa kaniyang palad—dahilan para kumurba ang mga labi niya—at saka siya nagwikang: “Kaunti na lang, malapit ko nang mabuo ang mahiwagang kabibe ni Kaptan. Mas malaki, mas makapangyarihan . . .”

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top