Kabanata 13: Unang Maskarang Nahubad

Kabanata 13: Unang Maskarang Nahubad

TAMA ang hinala ni Magwayen. Sa totoo lamang, habang iniisip niya na maaaring kakampi o tauhan ni Sinogo si Basil, may bahagi pa rin sa kaniya na humihiling na sana ay mali siya. Pero ang binata na mismo ang naghubad ng sarili nitong maskara. Bago pa man makahalata sina Deshauna at Basil na nakatakas siya, minabuti nilang lumisan sa lumang gusali at umuwi sa bahay nila.

Malalim na ang gabi subalit hindi pa rin dinadapuan ng antok si Magwayen. Dinukot siya kanina ni Deshauna at ng mga alipores nito, pagdaragdag ng pampasiklab sa apoy, nadiskubre pa niya na tama ang kaniyang sapantaha na kampon ng dilim si Basil. Kinuha ng binata ang loob niya upang isagawa ang masama nitong balak.

Nagpasalamat siya kanina kina Facio at Fradia bago sila nagkahiwalay ng landas sapagkat niligtas siya ng kambal. Ngunit hindi pa rin niya alam kung sino sila at kung ano ang kanilang pakay, kung kaya’t hindi niya maaaring ibaba ang kaniyang depensa. Nagkaroon siya ng isyu sa pagtitiwala, lalo na’t marami ang humahabol sa kaniya.

* * * * *

NAKIPAGKITA siya kay Imani kinabukasan. Tumambay sila sa labas ng convenience store, ang pinagtatrabahuan ni Dani. Mabilis ang pagtibok ng kaniyang puso habang inaayos ang mga salita sa kaniyang isipan. Ipinihit muna niya ang leeg sa kaliwa’t kanan, sinisigurong walang sinumang makaririnig sa sasabihin niya. Klinaro niya ang kaniyang lalamunan bago magsalita, “Imani, may aaminin ako sa ’yo.”

Halos lumuwa ang mga mata ni Imani at muntik na nitong matutop ang bibig. “OMG! Don’t tell me nakipag-meet ka sa ’kin para mag-confess ka? Sorry, Maggie, pero hindi kita type.”

“Gaga!” bulalas ni Magwayen sabay rolyo ng kaniyang mga mata. “’Di, gusto ko lang aminin sa ’yo ang sikreto ko. Isa ka sa mga pinagkakatiwalaan ko, kaya I’m sure na ’di mo ’to ipagsasabi sa iba.”

“Siyempre naman! Wayen, ako lang ’to, o, ang best friend mo.”

Hininaan niya ang kaniyang boses nang sabihin niyang, “Imani, meron akong special ability. Kaya kong kopyahin ang itsura ng kahit sino. Kamakailan ko lang nadiskubre na kaya ko rin palang gayahin ang lakas ng mga tao.”

Pagkarinig niyon ni Imani, parang wala lamang ito, kung kaya’t puminta ang pagtataka sa mukha ni Magwayen. Wala lang sa kaniya ’yong nalaman niya? isip-isip niya. O baka naman . . .

Humalukipkip si Imani bago magsabing, “Alam ko na ang secret mo, Maggie. No’ng nag-submit ka ng assignment sa Entrep. Kinopya mo pa nga ang face ko, ’di ba? Pero ’wag kang humingi ng sorry sa ’kin. Okay lang ’yon. Ang importante, tinanggap ni Sir Moi ang paper mo.” Sumilay ang isang ngiti sa mga labi ng dalaga. “Thank you sa tiwala. Pinapangako ko, safe sa ’kin ang secret mo.”

“Imani . . .” ani Magwayen habang itinulak pasulong ang mga labi at pinangingiliran ng luha ang mga mata. Kapagkuwa’y niyakap niya nang mahigpit ang kaniyang kaibigan. “Sorry talaga . . . at salamat na rin.”

“Sabing ’wag kang mag-sorry!” Pabirong umirap ang kaniyang kaibigan at saka tumakas sa bibig nito ang mahinang tawa. “Ang OA natin. ’Wag ka nang magkrayola. Anyway, ’yon lang ba ang gusto mong sabihin? Feeling ko kasi, parang mabigat pa ’yang dinadala mo.”

Tuluyang kumalas si Magwayen saka pinahid din niya ang kaniyang mga luha. Inayos niya ang kaniyang sarili, klinaro ang lalamunan, at saka muli siyang nagsalita, “Sa totoo niyan, may isa pa ’kong sasabihin. Na-figure out ko na kasi ang nararamdaman ko. Pareho ko silang gusto—”

Biglang hinampas-hampas ni Imani ang balikat niya habang napatakip ito ng bibig. “OMG ka, Wayen! Bading ka ng taon! Naging ‘sino ang pipiliin ko’ pa ang drama mo sa buhay! Kainis!” Sapagkat nahakot nito ang atensyon ng mga taong dumaraan, huminto ito sa pagsigaw at hininaan ang boses nang sabihin nitong, “So, ano na? Sino’ng mas bet mo? Si Basil or si Amber?”

“’Yon na nga, e. Bad news.”

“Ano’ng bad news pinagsasabi mo?”

“Nalaman kong kalaban pala si Basil ng pamilya namin,” patuloy niya. “Nilapitan lang niya ’ko para makuha ang loob ko. ’Tapos, nag-message siya sa ’kin kagabi. Gusto raw niya ’kong makausap kasi alam na niya ang sikreto ko. Kaso, imbes na siya ang nagpakita sa ’kin, si Deshauna ang dumating. ’Tapos, hinampas ako ng babaeng ’yon at dinala sa lumang gusali. ’Buti na lang at tinulungan ako nina Facio at Fradia. Namataan naming magkasama sina Deshauna at Basil no’ng gabing ’yon.”

“Hala, grabeng plot twist naman ’yan!” reaksyon ni Imani sabay tapon ng isang kamay papunta sa bibig nito. “Ano’ng gagawin mo sa dalawang ’yon? Isusumbong mo ba sila sa mga pulis?”

Iniling-iling ni Magwayen ang kaniyang ulo. “Hindi. Paniguradong walang maniniwala sa ’kin.”

“Kung sabagay, may point ka rin naman.” Makaraan ang ilang segundo, mistulang may bumbilyang nagliwanag ang itaas ng ulo nito at unti-unting nabanat ang mga labi. “Alam ko na! What if komprontahin mo na lang si Basil? Alamin mo ang reasons niya. Baka naman kasi hindi talaga siya kalaban ng pamilya n’yo, gaya ng sabi mo kanina,” may pagkibit-balikat na dagdag ng dalaga.

Napaisip siya sa sinabi ng kaibigan niya. Maaari nga niyang tanungin si Basil nang harap-harapan. Subalit dahil sa isyu ng pagtitiwala, kailangan niya ang tulong ng kambal—alam niyang may kapangyarihan ang mga ito—sa takot na baka maulit ang nangyari kagabi. Hindi siya puwedeng tumunganga lamang at maghintay na may magsubo sa kaniya ng mga impormasyon. Kung kinakailangang siya mismo ang lalapit sa palay, gagawin niya. Gayunpaman, hindi niya maaaring ibaba ang kaniyang depensa.

“Ano’ng pinag-uusapan n’yo?” agarang tanong ni Dani pagkalabas na pagkalabas nito sa convenience store habang nakasuot pa rin ng uniporme. Palibhasa wala pang bumibili, umupo muna ito sa tabi nilang dalawa at humalo sa kanilang usapan.

“Na-mention sa ’kin ni Wayen na roon ka raw nagre-rent dati sa guesthouse na pagmamay-ari ng mama ko. Kumusta na siya? Madalang lang kasi akong nakauuwi roon, e,” iyon ang sabi ni Imani habang nakakubli ang mga kamay sa magkabilang kilikili.

“Okay lang naman siya. Sobrang caring nga niya sa mga tenant. Tell you what, kahit may linya na sa noo niya at maputi na rin ang ilang hibla ng buhok, ang lakas-lakas pa rin niya,” tila namamanghang saad ni Dani, banat nang bahagya ang mga labi.

Hindi lamang doon nagtatapos ang pagpalitan nila ng mga salita, ngunit hindi na iyon nasundan ni Magwayen sa dahilang lumipad ang kaniyang isip. Dahil sa ideyang ibinigay ng kaniyang kaibigan, nag-iisip na siya kaagad kung ano ang gagawin niya mamaya, kung saang lugar sila magkikita ni Basil, at kung paano niya lalapitan sina Facio at Fradia upang humingi ng tulong.

* * * * *

DAHIL parati namang tumatambay si Basil sa itaas ng gusali ng College of Technology, napagpasyahan ni Magwayen na roon na lamang sila mag-uusap. Samantalang kasalukuyang nagkukubli sina Facio at Fradia sa ilalim ng lumang lamesa sa isang sulok, kung sakaling may gawing masama ang binata. (Ngunit lingid sa kaalaman nila, nasa pintuan din si Dani sapagkat narinig nito ang plano ni Magwayen kanina.)

“Magwayen, ano’ng pag-uusapan natin?” maang-maangan ni Basil kahit na nahubad na ang suot nitong maskara.

Napalakad si Magwayen sa kaliwa’t kanan, at nang huminto siya ay dagli siyang nagpukol ng matalim na tingin sa binata. “’Wag kang umarte na wala kang idea kung ba’t gusto kitang makausap, Basil.” Sa kabila ng galit niya sa binatang iyon, mahinahon pa rin ang pagkakasabi niya. “Tapatin mo nga ako. Ano’ng kailangan mo sa ’kin? Sino ka ba talaga?”

“Ako si Basil—”

“’Wag kang sarcastic!” putol niya sa gusto sana nitong sabihin, ang boses ay tuluyang tumaas, parang bulkang sumabog. “Tauhan ka ba ni Sinogo? Kaano-ano mo siya? Ba’t ka nakikipagtulungan sa kaniya? Ano’ng plano n’yong gawin sa ’kin, ha?” Makikitang nakakuyom ang mga palad niya.

Doon ay tuluyang nanlaki ang mga mata ng binata at saka halos sumayad ang panga sa sahig. Saglit na umurong ang dila nito. Wala itong maapuhap na idadahilan, kung kaya’t napabuntonghininga na lamang ito at napasabunot sa sariling buhok. Para itong magnanakaw na nahuli sa akto.

Maya-maya pa, inayos ng binata ang sarili, klinaro ang lalamunan—napagtantong sobra ang naging reaksyon nito—at saka ito nagwikang: “Oo, sinusunod ko ang utos ni Sinogo. Nagawa ko lang ’yon kasi malaki ang utang na loob ng pamilya namin sa taong sinaniban niya. Ayokong patayin niya nang tuluyan si Sir, kaya ginagawa ko ang sinasabi niya. P-pero . . . pero no’ng nalaman namin na ikaw ang kadugo ni Madanihon, ’yon naman ang panahon na nahulog ako sa ’yo. Para akong mandirigmang nagsanay nang ilang buwan, pero nabahag ang buntot sa mismong araw ng digmaan.”

Pinangingiliran ng luha, nagtapon si Magwayen ng isang kamay papunta sa kaniyang bibig. Hindi niya inaasahang magtugma ang kanilang nararamdaman, gayunpaman, hindi nagtugma ang kanilang hangarin—si Magwayen ay gustong tulungan ang mga tao, habang si Basil ay kakampi ng isang gahamang nilalang na nais maangkin ang mahiwagang kabibe ni Kaptan upang sakupin ang buong Kamariitan.

“Mahal mo ’ko? Pero dinakip n’yo ’ko kagabi! ’Yon ba ang depinisyon mo ng pagmamahal?” singhal ni Magwayen. Doon ay tuluyang dumausdos ang kaniyang mga luha patungo sa magkabila niyang pisngi. “Ano’ng gagawin n’yo sa ’kin? Papatayin n’yo ’ko? Kukunin n’yo ang kapangyarihan ko?”

Bumagsak ang tingin ni Basil sa sahig kasabay ng pagtulo ng luha ng binata. “Oo, ako ’yong nag-message sa ’yo, pero ginawa ko lang ’yon para ipakita sa kaniya na sinusunod ko pa rin siya. Sa katunayan, nilapitan ko sina Facio at Fradia pagkatapos n’on, ’tsaka sinabi ko sa kanila na nanganganib ang buhay mo. Alam ko kasi na merong kapangyarihan ang mga kaibigan mo dahil nakita mismo ng dalawa kong mata no’ng nanood tayo ng pelikula.”

“Basil, kung mahal mo ’ko, sabihin mo sa ’kin kung sino si Sinogo o kaninong katauhan at katawan ang tinitirhan niya ngayon,” pirming wika niya, dahilan upang mapabaling muli sa kaniya ang binata.

Napalunok ito ng laway bago sumagot, “Kilala mo siya, Magwayen. ’Lagi mo rin siyang nakikita rito sa paaralan. Walang iba kundi si . . .”

* * * * *

PAGKATAPOS marinig ni Dani ang sinabi ni Basil, kaagad siyang nagtanong-tanong sa mga estudyante. Nang makakuha ng sapat na impormasyon ay dali-dali siyang pumanhik sa gusali ng College of Engineering at hinanap ang opisina. Kumatok siya nang tatlong beses bago pumasok sa loob.

“Ano’ng kailangan mo, iha?” patakang usisa nito sabay tayo. Matatanaw ang isang bagay na nakapatong sa lamesa kung saan nakaukit ang pangalan nito: Mr. Emmanuel Alferez.

“Ikaw si Sinogo, ’di ba? At alam mo na rin na kadugo ni Madanihon si Magwayen?” umpisa ni Dani. Tagaktak ang pawis niya sa noo at maya’t maya siyang bumubuga ng hangin. “Nasa rooftop siya ngayon ng COT Building. Bakit mo ito pinatatagal? Hulihin mo na siya! Alam mo bang gusto niyang puntahan si Magwayen sa Kasakitan? Hihiling siya sa diwata na bawiin ang special ability nila. Kung ayaw mong mangyari ’yon, dakpin mo na siya ngayon!” Upang hindi mabawi ang kakatwa niyang kakayahan, nagawa niyang ipagkanulo ang kaniyang pinsan.

Kumunot ang noo ni Ginoong Alferez habang hinahagod ng tingin ang dalaga. “Bakit ang dami mong nalalaman, iha? Sino ka ba? Pakiramdam ko, ikaw itong takot na takot na mawalan ng espesyal na abilidad.” Walang ano-ano’y sumilay ang isang ngisi sa mukha nito at dahan-dahang humakbang pasulong, dahilan upang mapaatras si Dani dahil sa pangamba. “Kadugo mo rin ba si Madanihon? Paano kung ikaw na lang ang uunahin ko?”

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top