Kabanata 12: Lasa ng Kasinungalingan
Kabanata 12: Lasa ng Kasinungalingan
“O baka naman gusto mong makita sa malapitan ang larawan nina Madanihon at Sinogo?” Halos sumayad na sa sahig ang panga ni Magwayen nang sabihin iyon ni Mayor Franko. Nakapaskil pa rin sa mukha nito ang nakapangingilabot na ngiti.
“P-pa’no n’yo po nalaman ang tungkol kina Madanihon at Sinogo? S-sino po ba kayo?” Nagawa niyang itapon ang mga tanong na iyon kahit na nagkaisa ang mga salita sa kaniyang isipan at nanlalambot pa ang magkabila niyang tuhod.
Higit na lumapad ang ngiti ng alkalde. “Nabili ko lang ang painting na ’yon, iha,” paliwanag nito sabay turo sa ipinintang larawan na nasa loob ng silid. “Ang tawag kasi sa painting na ’yon ay ‘Labanan nina Madanihon at Sinogo.’” Habang itinatago ang mga kamay sa magkabilang kilikili, patuloy nito, “Kung gusto mo ’yong pagmasdan sa malapitan, bukas ang pinto ng opisina ko.”
Maya-maya pa, tumunog ang selpon niya, hudyat na may nagpadala sa kaniya ng mensahe. At ang natanggap niya: Matalino ka ba, Goddess of Sea and Underworld? Pwede ka bang magpanggap bilang ako sa araw ng exam namin? Kahit ano pang review ko, full storage na talaga ang aking brain. Huhu.
Napaangat ang kilay niya. Ang sigaw ng kaniyang utak, Luh? Ang dami ko na ngang minus points. Parang anytime susunduin na ’ko ni Sidapa. ’Tapos, dadagdagan mo pa? ’Wag na, uy. Block na kita! Pagkatapos niyon ay mabilis niyang isinilid ang selpon niya sa kaniyang bulsa.
Bumaling siya sa alkalde. Ginawaran niya ito ng maliit na ngiti bago magsabing, “’Wag na po. Nag-message kasi ang mama ko, may lakad daw kami ngayon. Sa susunod na lang po.” Bahagya siyang yumuko, pagkatapos, tuluyan na niya itong tinalikuran.
Pumanaog siya papunta sa unang palapag. Doon ay nahagip ng paningin niya si Gng. Lutgarda na may kausap na delivery man. Kapagkuwa’y inabutan nito ang ginang ng mga pagkaing nakabalot ng plastik.
“Iha, wala ka bang gagawin? Kumain muna tayo. Kararating lang ng pina-deliver kong mga pagkain galing sa Fascient Delivery. Pasensiya na at juice lang ang in-offer ko sa ’yo kanina. Tatawagin ko lang sina Facio at Fradia. Maupo ka—” Hindi na nito naituloy ang dapat na sasabihin nang magsalita si Magwayen.
“Maraming salamat po, Tita. Pero uuwi na po ako. May lakad daw po kasi kami ni Mama.”
“Gano’n ba? Sige, sa susunod na lang. Thank you sa pakikinig, iha. At ’wag mo sanang kalilimutan ’yong sinabi ko sa ’yo.”
Tanging pagtango lamang ang isinukli niya sa ginang bago siya tuluyang lumabas sa mansyon. Nakasabay pa niya ang delivery man. Ilan pang sandali, bigla itong nagsalita, “You’re lying. I tasted it,” dahilan upang mapahinto siya.
Muntik nang magdugtong ang kaniyang mga kilay. Pa’no mo nasabi? ganoon sana ang mga salitang nais niyang bitiwan, ngunit naisip niyang mali kung kaya’t ang sinabi na lamang niya ay: “Ano’ng pinagsasabi mo? Alam mo, kuya, gutom lang ’yan. Nagde-deliver ka ng pagkain para sa ibang tao, pero dapat ’wag mo ring pabayaan ang sarili, okay?”
“No’ng sinabi mong may lakad kayo ng mama mo, may nalasahan akong pait sa dila ko,” giit ng binata. Umangat ang sulok ng mga labi nito at saka nagpatuloy, “It only means one thing: Your statement is a lie.”
Bumagsak ang balikat ni Magwayen kasabay ng pagbuga niya ng hangin. Inaamin niyang nagdadahilan lamang siya upang makauwi, ngunit hindi siya kumbinsido na kaya nitong malasahan ang kasinungalingan. “Ewan ko sa ’yo. Lie mo mukha mo.”
* * * * *
KUMAGAT na ang dilim nang matapos ang klase nila Horrace. Siya ang pinakahuling lumabas sa kanilang silid-aralan. Pumanaog siya papunta sa unang palapag at naghanap ng pinakamalapit na banyo sapagkat naiihi na siya. Maya-maya pa, aktong lalabas ang binata nang sumulpot sa harapan niya ang lalaking nakasuot ng tuxedo at may hawak na malaking lingkaw—ang diyos ng kamatayan.
Walang kagatol-gatol itong nagbitiw ng mga salita: “Nakita mo ako noong isang gabi, hindi ba? Pagkatapos noon, nagkunwari ka na hindi mo ako napansin. Sino ka ba talaga?” Habang sinasabi iyon ay wala itong kaemo-emosyon.
Dagling itinulak ni Horrace ang tulay ng kaniyang salamin sa mata. Mapapansing umalon ang lalamunan niya nang lumunok siya ng laway, at kakikitaan ng pinaghalong gulat at takot ang itsura niya. “A . . . ano kasi . . . I don’t know.” Nagdudumali siyang tumalon papunta sa pintuan at kaagad niya itong isinara. “Gabi-gabi na lang, hindi ako makatulog, at parang kinakausap ako ng buwan. Bago kita makita no’ng gabing ’yon, may nang-snatch ng wallet ko, at bigla akong nagkaroon ng kapangyarihan. Nagawa kong pahintuin ang magnanakaw. Sa tingin ko, dahil ’yon sa tulong ng buwan. Hindi ako sigurado. Hindi ko alam kung ano ako sa past life ko.”
Sumilay ang isang ngisi sa mukha ni Sidapa nang marinig nito ang salaysay ng binata. “Tila sumakit ang iyong ulo noong gabing iyon. Mayroon ka bang nahukay na mga alaala?” muli itong nagsaboy ng kuwestiyon.
Napalakad ang binata sa kaliwa’t kanan, pagkatapos, napatango-tango siya. “May lalaking pinatay ng makapangyarihang nilalang. Tumama sa kaniya ang isang kidlat. Dahan-dahang natunaw ang katawan niya hanggang sa tuluyang naging bilog . . . naging buwan. Right! The man became the moon!” Kapagkuwa’y tumigil siya upang bumaling sa diyos ng kamatayan.
“Batid ko na kung sino ka—kung ano ka noong nakaraang buhay,” si Sidapa iyon na muling nabura ang emosyon sa mukha. “Hindi ka tinulungan ng buwan sapagkat ikaw ay bahagi nito. Ikaw ay sinaunang diyos na nagkatawang-tao. Nagbalik ka upang muling iligtas ang Kamariitan. Ikaw ang diyos ng buwan. Ikaw si . . .”
Napalunok ng laway si Horrace nang bumulusok papasok sa magkabila niyang tainga ang mga sinabi ni Sidapa. Kasunod niyon ang muling pagsakit ng kaniyang ulo. Napasandig siya sa pader, panaka-nakang nagpakawala ng mahinang daing.
“. . . Libulan.”
* * * * *
ILANG araw na ang nakalilipas at hindi pa rin natatanggal ang duda ni Magwayen sa Pamilya Lutgarda. Kasalukuyan siyang nasa loob ng computer lab ng kanilang paaralan; siya lamang ang nandoon. Nakipagtitigan siya sa kompyuter, naghahanap ng mga impormasyon tungkol kay Mayor Franko Lutgarda sa isang pook-sapot. Ang nakuha niya? Nalaman niyang ang mga kalahi ng nasabing alkalde ang namuno sa siyudad noon pa man.
Nagkaisa sa isipan niya ang kaniyang mga nalaman: Malakas ang kutob niyang may alam si Mayor Franko patungkol sa labanan nina Madanihon at ng dating mensahero ni Kaptan, ang magkakambal na sina Facio at Fradia ay may kapangyarihan, at ang mga kadugo nila ang namahala sa La Promesa. Bunga nito, tuluyan siyang lumukso sa isang hinuha na si Mayor Franko at si Sinogo ay iisa lamang.
Makaraan ang ilang minuto, may natanggap siyang mensahe galing kay Basil: Alam ko na ang sikreto mo, Magwayen. Sinabi na sa ’kin ni Kuya Baste ang lahat ng nangyari do’n sa Liyamado. Ikaw ang admin ng Goddess of Sea and Underworld Facebook page. Gusto kitang kausapin. Magkita tayo sa likod ng Education Building.
Halos matutop niya ang kaniyang bibig matapos pasadahan ng tingin ang bawat salita. Nakini-kinita na niyang mangyayari ito, lalo pa’t nakatatandang kapatid ni Basil ang huli niyang tinulungan. Sa puntong iyon ay nagdadalawang-isip siya kung pupunta ba siya roon sa lokasyong sinabi ng binata o hindi; pakiramdam niya ay may nag-aabang sa kaniya na panganib, na tila ba siya na lamang ang hinihintay na gumalaw at magkusang lumapit.
Subalit dahil may sariling desisyon ang kaniyang mga paa, natagpuan na lamang niya ang kaniyang sarili sa likod ng College of Education. Nagpalinga-linga siya sa paligid. Pinalitan na ng buwan ang araw sa kaitaasan, at may kasama rin itong kumukutitap na mga bituin. Malamig din ang simoy ng hangin, kung kaya’t napayakap siya sa kaniyang sarili habang naghihintay kay Basil.
Naghuhuramentado ang puso niya nang tumuloy sa butas ng dalawa niyang tainga ang mga yabag, palapit nang palapit sa kaniyang kinatatayuan.
“Mags, Mags, Mags,” anang isang babae—batay sa tinig nito—na sinabayan ng mahihinang palakpak.
Kaagad na puminta ang sorpresa sa itsura ni Magwayen nang magkaroon siya ng ideya kung sino ang nagmamay-ari ng boses na iyon. Dahil doon, mabilis niyang inisip ang mukha ng kaniyang pinsan, at makalipas ang ilang segundo, kawangis na niya si Dani. (Hangga’t maaari, ayaw niya ng gulo. Si Basil naman talaga ang ipinunta niya roon sa umpisa pa lamang.)
Hinigit nito ang palapulsuhan niya at puwersahan siyang ipinaharap dito. Ngunit nagmistulang isang alon ng pagkadismaya ang marahas na humampas sa pisngi nito nang makita ang kaniyang mukha. “I’m sorry. Akala ko kasi ikaw si Magwayen,” maagap nitong sabi na may kasamang maliit na ngiti.
“No, it’s okay,” ani Magwayen na nasundan ng pag-iling. Nakabalandra sa kaniyang mukha ang pekeng ngiti. “Marami ring nakapagsasabi, kasi same kami ng hair.” Pagkatapos niyon, dahan-dahan niyang inihakbang ang mga paa palayo sa babae habang ibinabaon niya ang ngipin sa ibabang labi.
Pero hindi pa man siya nakalalayo nang walang-kaabug-abog ay hinampas siya nito ng malaking kahoy, dahilan upang matumba siya at pansamantalang tinakasan ng malay. “’Di mo ako maloloko, Magwayen. Do you really think hindi ko alam ang sikreto mo?” walang anumang bahid ng emosyon na wika ni Deshauna. “Dalhin n’yo siya sa abandoned building. Ngayon din.”
Ilang sandali lamang ay lumitaw mula sa kadiliman ang dalawang lalaking nakasuot ng itim na damit. Walang pag-aatubiling sinunod ng mga lalaki ang utos ng dalaga; binuhat ng mga ito si Magwayen upang dalhin sa loob ng abandonadong gusali, pagkatapos, iginapos sa upuang gawa sa kahoy.
Nang magmulat ng mata si Magwayen, walang kagatol-gatol siyang gumalaw at nagpumiglas, dahilan para lumangitngit ang kinauupuan niyang silya dulot ng kalumaan. Hindi naibigan ng kaniyang tainga ang hindi kaaya-ayang tunog, ngunit kailangan niyang makahulagpos sa lalong madaling panahon. (Hindi naman siya makasisigaw sapagkat may nakatakip sa bibig niya.) Malakas ang kutob niya na si Sinogo ang nagpadukot sa kaniya.
Ilan pang sandali, sinalakay ng hapdi ang kaniyang mga mata dahil sa tumutulong pawis, kung kaya’t napakurap-kurap siya. Walang ano-ano’y sumagi sa isipan niya kung bakit siya pumunta roon sa likod ng gusali ng College of Education: para makipagkita kay Basil. ’Di kaya . . . tauhan ni Sinogo si Basil? ang bumulabog sa kaniyang isipan. Nilinlang lamang siya ng binata. Unti-unti na sanang nagkaroon ng linaw ang nararamdaman niya, pero hindi pala totoo ang ipinakikita nito noon. Nakasuot pala ng maskara ang binata, at ngayon ay tuluyang nahubad.
Samantala, makikitang may nagbabantay sa labas ng isa sa mga silid ng abandonadong gusali. Habang naninigarilyo ang dalawang lalaki, nagtatago naman sa lumang banyo ang magkapatid na Lutgarda, naghihintay ng tamang tiyempo para umatake.
“Halika na, Simuran. Ito na ang tamang oras upang sugurin natin sila,” iyon ang wika ni Fradia makaraan ang ilang minuto. “Marahil ay pabalik na rito si Deshauna. Nakatitiyak ako na nagtawag iyon ng kakampi.”
Tumango-tango si Facio. Pagkatapos niyon, kaagad silang lumabas mula sa kanilang pinagtataguan. Dahan-dahang nabanat ang mga bisig ni Fradia hanggang sa mahuli niya ang mga paa ng dalawang lalaki at mabilis na hinatak papalapit sa kaniya. Gamit ang malalaking kamao, dali-daling pinaulanan ng suntok ni Facio ang mga lalaki hanggang sa mawalan ng malay.
Nang masiguro nilang wala nang iba pang nagbabantay sa labas, nag-aapura silang pumasok sa loob. Dumaan sa paligid ng kanilang tainga ang panaka-nakang pagtama ng kahoy sa sahig. Doon ay nahanap ng mga mata nila si Magwayen na kasalukuyang nagpupumiglas. Pinutol kaagad ng dalawa ang distansiya upang tulungan ang dalaga na makawala mula sa pagkakagapos. Tinanggal din nila ang nakatakip sa bibig niya.
Sumibol ang ngiti sa mukha ni Magwayen, at saka nagwikang: “Maraming salamat, Fash, Fraj. Nakita n’yo ba si Deshauna? Napansin n’yo bang may iba pa siyang kasama bukod doon sa dalawa niyang alipores?”
Iniling-iling ni Facio ang ulo bago sumagot, “Si Deshauna at ang mga lalaking nakasuot ng itim na damit lamang ang nakita namin, Magwayen. Ngunit sa aming palagay ay may pinuntahan si Deshauna—maaaring nagtawag siya ng kakampi.”
Sa gayong dahilan, hindi muna nila nilisan ang lumang gusali, sa halip ay nagkubli muna sila sa malalagong halaman. Nais malaman ni Magwayen kung sino ang kasabwat ng dalaga. Sa katunayan, may ideya na siya kung sino, pero gusto niyang makasiguro, gusto niyang makita mismo ng dalawa niyang mata ang katotohanan. Kung kaya’t ganoon na lamang kabilis ang pagkabog ng kaniyang puso habang napalingon-lingon sa paligid.
At hindi nga sila nagkamali. Pagkalipas ng ilang minuto, bumalik sa abandonadong gusali si Deshauna kasama ang binatang walang-humpay sa pangungulit sa kaniya noon, ang binatang gumulo sa buhay niya at pati na rin sa kaniyang isip at damdamin. Walang iba kundi si Basil.
* * * * *
A/N: May pahapyaw sa magiging bida sa second installment. Meet our delivery man main character in Kasakitan Series #2! If nabasa n’yo na ang “Synesthetes’ Game,” alam n’yo na kung sino siya, ehe.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top