Kabanata 11: Kahina-hinalang Pamilya
Kabanata 11: Kahina-hinalang Pamilya
NIYAKAP niya pabalik si Madani o Dani, masasalamin sa mukha na walang pagsidlan ang tuwa niya. Gusto na niyang umuwi sa bahay nila at ipamalita sa kanila na sa wakas ay natagpuan na niya ang pinsan niya—na ang pangalan ay hango mismo sa kanilang kanunu-nunuan.
“Ba’t ngayon ka lang, couz? Sa’n ka na pala nakatira ngayon?” kapagkuwa’y nagsaboy si Magwayen ng tanong sa kaniyang pinsan. Kalalabas lamang nila sa Unibersidad ng La Promesa, at bumili sila ng pagkaing kalye sa tabi ng kalsada. Makikitang panaka-naka silang nagpalinga-linga sa paligid dahil kinuwento na ni Dani ang nangyari dito kanina.
“Nagre-rent ako sa Dichoso Guesthouse sa bayan ng Primero de Julio. I’m so sorry ngayon lang ako nagpakita,” anito, maya’t maya pa ring napalingon-lingon. Matapos nitong ibinabad sa sawsawan ang biniling kwek-kwek ay kumagat ito ng isa.
“Dichoso Guesthouse? What a small world!” sorpresang pagkasambit ni Magwayen. Kumain siya ng isaw bago magpatuloy: “Pagmamay-ari kasi ’yon ng nanay ng kaibigan ko. Sabi pa niya, dito na rin nag-aaral ang pamangkin niyang halos kaedad lang din niya. Anyway, ba’t kayo lumayo ni Tito Danilo?”
“The truth is . . .” Tumikhim si Dani. “. . . may humahabol sa ’min—sa ’kin actually since ako na lang ang kadugo ni Madanihon sa pamilya namin.” Mapapansing pinangingiliran ng luha ang mga mata ng dalaga. “After no’ng nangyari kay Mommy, palipat-lipat kami ni Daddy ng tirahan. Kayo, couz, may gusto bang manakit sa inyo?”
Agarang tumango si Magwayen, at saka bumulong, “Sa katunayan, no’ng nanood kami ng movie ng mga kaibigan ko, may nagtangkang dumukot sa ’kin. ’Buti na lang at tinulungan nila ako. ’Tapos, sh-in-are na rin nina Mama at Kuya Marcel ang tungkol kay Sinogo. Hinahanap tayo ni Sinogo, Dani. Matagal na niyang gustong makuha ang mahiwagang kabibe ni Kaptan. Kaso, ’di namin alam ang plano niya, lalo na’t nasa dugo na natin ang hiwaga ng kabibe.”
Mariing napalunok ng laway si Dani, at napakamot ito sa kaliwang pisngi habang nag-eensayo sa sasabihin kay Magwayen. Ilang sandali pa, ibinuka nito ang bibig, nasa dulo na ng dila ang mga salitang Alam ko, couz. Na-witness ko ang lahat no’ng gabing binawian ng buhay si Mommy, ngunit hindi iyon tuluyang nakawala sapagkat nagsalita ulit si Magwayen.
“May naisip akong paraan,” aniya, ang boses ay halos hindi na marinig. “Hihingi ako ng tulong kay Sidapa. Pupunta ako sa Kasakitan at kakausapin ko ang diyosa ng karagatan at ang namamahala sa Sulad na si Magwayen.”
Muntik nang magtagpo ang mga kilay ni Dani nang dumaan sa paligid ng magkabila nitong tainga ang mga sinabi ni Magwayen. “What? Is it even possible? Kung oo, baka mapahamak ka lang do’n, o baka hindi ka makabalik dito.” Mahihinuhang hindi nito nagustuhan ang balak ni Magwayen. Hindi ito nababahala dahil sa maaaring mangyari sa pinsan nito, kundi dahil puwedeng mawala ang espesyal nitong abilidad.
“Posible ’yon sa tulong ng diyos ng kamatayan,” giit niya. “Makikiusap ako kay Magwayen na kung puwede ay bawiin na niya ang sumpa niya sa pamilya natin. Sa totoo lang, gusto ko naman talaga ’tong special ability natin. Ang problema, kung habang-buhay tayong hahabulin ni Sinogo, mas mabuti pa siguro kung bawiin ito ng sinaunang diyosa.”
Nagngangalit ang bagang ni Dani. Sa halip na sabihin kay Magwayen ang nasaksihan nito noon, napagdesisyunan na lamang ng dalaga na ilibing iyon sa lalamunan. Ang tumatakbo sa isipan nito, I’m sorry, couz, pero hindi ako papayag na mawala itong special ability ko. Kailangan ko ito . . . para mabuhay and at the same time matakasan ang sinasabi mong si Sinogo.
Lumipat patungkol sa pag-aaral ang paksa ng kanilang usapan. Tumigil muna si Dani at kasalukuyan itong nagtatrabaho sa isang convenience store. Habang nagpapalitan ng mga salita, nahagip ng mga mata ni Magwayen ang isang magarang kotse at laking gulat niya nang makitang sabay na pumasok doon sina Basil at Emilienne. Magkakilala sila? Magkaibigan? Mag-jowa? sigaw kaagad ng utak niya. E, ano naman?
Pagkatapos nilang tumambay sa tabi ng kalsada at kumain ng mga pagkaing kalye, dumiretso na sila pauwi sa bahay nila Magwayen. Masayang sinalubong nina Magdalena at Marcel si Dani. Pinaupo nila ang dalaga sa pang-isahang sopa, habang nagtitimpla naman ng dyus si Hilda. Isinalaysay rin ni Dani sa kanila ang ibinahagi nito kay Magwayen kanina.
“Kasama mong nagrerenta sa Primero de Julio si Danilo?” usisa ni Magdalena habang naka-dekuwatro. Walang paglagyan ang kasiyahan nito sapagkat sa wakas ay nakita na nito ang kaisa-isang anak ni Madelina.
Kaagad na iniling-iling ni Dani ang ulo. “Hindi po, Tita. Simula no’ng namatay si Mommy, palipat-lipat na po kami ni Daddy, nagpakalayo-layo. Hanggang sa nagmahal ulit siya at nagkapamilya. After that, naisip kong huminto muna sa pag-aaral. Ayokong maging pabigat kina Daddy, kaya nagtrabaho po muna ako sa convenience store at do’n na ako tumutuloy sa Dichoso Guesthouse.”
“Naku, ’wag mong sabihing pabigat ka, Dani. Mahal na mahal ka kaya ng papa mo,” ani Magdalena, pampalubag-loob. “’Di bale, dumito ka muna sa amin. Kami na rin ang magpapaaral sa ’yo.”
Marahan nitong ipinilig ang ulo. “It’s okay, Tita. Next year na po ako magka-college. Mag-iipon na muna ako sa ngayon.” Nang mapagtanto ng dalaga na kailangan pala nitong mapalapit kay Magwayen upang alamin ang bawat hakbang niya, kaagad nitong binawi ang naunang sinabi. “Um, about sa pagse-stay rito sa bahay n’yo, sige po. Gusto ko rin po kasi kayong makasama.”
Walang ibang isinagot si Magdalena kundi, “Mabuti naman kung gano’n,” habang banat nang kaunti ang mga labi.
Masaya ang unang gabi ni Dani sa bahay ng Pamilya Solon. Marami silang napag-usapan ni Magwayen dahil isang kuwarto lamang naman ang inookupahan nilang dalawa. Kulang na lamang ay ibahagi ni Magwayen ang tungkol sa nararamdaman niya kina Amber at Basil.
* * * * *
MARTES ng gabi, pagkalabas na pagkalabas ni Magwayen sa tarangkahan ng unibersidad, halos mapalundag siya sa gulat nang may kulay-presang kotse na biglang bumusina at huminto sa kaniyang harapan. Unti-unting bumababa ang bintana ng sasakyan, at saka tumambad sa paningin niya ang asawa ng alkalde at ang ina nina Facio at Fradia na si Amethyst Lutgarda. Hinandugan siya nito ng maliit na ngiti at mahihinuhang siya talaga ang sadya ng ginang.
“Ikaw si Magwayen, tama? Puwede ba kitang makausap?” ani Amethyst, na maagap niyang tinanguan, ang boses ay naglalaro sa gitna ng tuwa at pagkabahala. Sinenyasan siya nito na pumasok sa loob ng sasakyan at walang pag-aatubili naman siyang tumalima.
“Ano po ang kailangan n’yo sa ’kin?” Bagaman kinakabahan, nagawa niya itong itago sa likod ng ngiti at matagumpay siyang nagsaboy ng tanong sa ginang nang hindi nauutal.
Tumikhim muna ito bago sumagot, “Nalaman ko kasi na kaibigan ka ng mga anak ko. May gusto lang sana akong itanong sa ’yo. Puwede ba kitang maimbitahan sa bahay namin, iha? Doon na lang natin pag-usapan ang lahat—kung papayag ka.”
Ang nasa isipan niya, Inaatake talaga ako ng kaba sa mga gan’tong bagay. Puwede bang pasabugin na lang agad ang bomba? Huhu. Ngunit ang aktuwal niyang sinabi ay: “Sige po, Tita. Wala naman po akong gagawin, e. Gusto ko rin pong makita sina Fash at Fraj.”
Sumilay ang ngiti sa mukha ng ginang, pagkatapos, muli nitong binuhay ang makina ng sasakyan at saka nagmaneho papunta sa mansyon. Pagkarating nila sa malaking bahay, iginiya siya ni Amethyst papasok sa loob, pinaupo sa malambot na sopa, at inutusan nito ang isang katulong na magtimpla ng dyus para sa kaniya.
“Thank you po,” banat ang mga labi na wika ni Magwayen sa kasambahay matapos niyang tanggapin ang isang baso ng dyus. At kay Amethyst: “Ano po pala ang pag-uusapan natin, Tita?” Isa sa pinakaayaw niya ay iyong mga taong nagpaliguy-ligoy sapagkat para nang sasabog ang kaniyang puso dahil sa antisipasyon.
Umupo na rin ang ginang sa pang-isahang sopa at saka dumekuwatro. Tila inaayos nito ang sasabihin bago magsalita, “A . . . may napapansin lang kasi ako kina Beryl Facio at Sapphire Fradia. Ang laki ng changes nilang dalawa.”
Kahit na alam naman niya ang pagbabago ni Facio dahil nakasama niya ito sa isang misyon, pero nagtapon pa rin siya ng katanungan: “Ano pong mga pagbabago nina Fash at Fraj? Puwede n’yo bang i-explain? Kamakailan lang po kasi kami naging kaibigan.” Isa pa, nais din niyang mabatid kung magtutugma ba ang mga napapansin nila sa kambal.
“I see,” saad ni Amethyst, tumatango-tango. “Nag-iba kasi ang pakikitungo nila sa amin ni Franko, ’yong pananamit nila ’pag lumalabas sila at pati na rin ang pananalita nila. If it’s a good thing or not, I couldn’t distinguish yet.”
So, tama nga ako, isip-isip ni Magwayen. Hindi sila ang totoong Facio at Fradia, kaya meron silang powers. Pero sino sila? Ano naman ang kailangan nila sa ’kin? ’Di kaya may plano talaga silang masama sa ’kin? ’Tapos, kinukuha nila ang loob ko para pagkatiwalaan ko sila?
“Pero masaya ang papa nila ngayon kasi sumusunod na sila sa utos nito,” patuloy ng ginang. “’Di tulad dati, sakit sa ulo namin ’yong anak naming babae.”
“Basta wala po silang ginagawang masama, siguro magandang character development ang nangyari,” pampalubag-loob na sabi ni Magwayen na nasundan ng tipid na ngiti.
Nagulat siya nang lumipat ito sa tabi niya, hinawakan ang kaniyang mga kamay, at saka nagwikang: “Siguro dahil good influence ka sa mga anak ko. Magwayen, puwede ba akong makiusap sa ’yo? Puwede mo bang bantayan ang Facio at Fradia ko?”
Tanging pagtango lamang ang isinukli niya rito. Sa katunayan, iyon naman talaga ang ginagawa niya. Binabantayan niya ang magkapatid na Lutgarda sa dahilang hindi pa rin nabubura ang duda niya sa dalawa na mayroon itong masamang intensyon.
* * * * *
“GINAGAWA ba talaga ninyo ang inuutos ko?” bulyaw ni Mayor Franko sa magkapatid na Lutgarda habang umiigting ang panga. Kasalukuyan silang nasa loob ng maliit nitong opisina sa mansyon. “Ang dali-dali lang ng ipinagagawa ko sa inyo, hindi n’yo pa magawa nang maayos? Mga inutil!”
Bagsak ang tingin sa sahig, sinabi ni Facio, “Patawarin ninyo po kami ni Fradia. Sa susunod, pagbubutihin po namin ang aming tungkulin. Hindi po namin hahayaang mawala sa aming paningin si Magwayen.”
Walang ano-ano’y sinampal ng alkalde ang lamesa, dahilan upang mapapitlag ang kambal. “Aba, dapat lang!” bulalas nito, halos mamula na ang mukha nito dahil sa poot.
“O-opo,” ang tanging naisambit ni Fradia habang hindi nagpupukol ng tingin sa alkalde.
Nang makalabas sila ng opisina, kaagad na dumiretso ang dalawa sa isang kuwarto. Padabog na naglakad at padaskol na isinara ang pinto. Umupo si Facio sa kama, humaba ang nguso, at saka humalukipkip. Habang si Fradia naman ay napalakad sa kaliwa’t kanan, hindi mapirmi sa isang tabi na mistulang sinisilihan ang puwet.
“Paano kung higupin ko ang kaluluwa ng taong iyon?” iyon ang sinabi ni Fradia, pagtukoy kay Mayor Franko Lutgarda.
Ipinilig kaagad ni Facio ang ulo. “Hindi maaari. Huwag na huwag mong gagawin iyon, Siguinarugan. Maghunos-dili ka. Huwag kang magpadala sa agos ng iyong nararamdaman. Kailangan natin ang dalawang tao sa mansyon na ito upang mapadali ang ating gampanin.”
Samantala, matapos ang pag-uusap nina Magwayen at Gng. Lutgarda, nakisuyo siya na kung puwede ay makikigamit muna siya ng banyo bago umuwi sa kanila. Itinuro ni Amethyst ang tamang direksiyon, subalit ibang daan ang tinatahak niya. Pumanhik siya sa ikalawang palapag. Nandoon na siya sa mansyon ng kahina-hinalang pamilya, kung kaya’t hindi siya maaaring umuwi sa bahay nila nang walang nalalaman—isang bagay na nakuha niya sa kanilang ninuno.
Huminto siya sa isang silid na bahagyang nakabukas. Lumapit siya roon nang dahan-dahan, sinisiguradong hindi siya makalilikha ng anumang ingay. Sumilip siya sa loob at kaagad na kumunot ang noo niya nang matanaw ang ipinintang larawan na nakasabit sa pader; makikita sa larawan ang malaking pandagat na ahas na kawangis ng kalabaw at ang kalaban nito ay isang lalaking may pakpak at may hawak na mahabang sibat.
Sa unang tingin ay wala lamang ito, pero nang tumagal ay tila ba tinatawag siya ng ipinintang larawan. Nais sana niyang pumasok sa silid upang pagmasdan nang maayos ang bawat detalye ng larawan, ngunit nagdadalawang-isip siya, baka mayroong tao sa loob.
Ilang sandali lamang ay umarangkada papasok sa magkabila niyang tainga ang mga yabag na sa hinuha niya ay papalapit sa kaniyang kinatatayuan. Magtatago sana siya, pero huli na—may naramdaman na siyang presensiya sa likuran niya. Ipinihit niya ang kaniyang atensyon dito. Kagyat niyang hiniling na sana ay maglaho siya na parang bula o hindi kaya’y mapadpad sa pook na kung saan walang nakaaalam sa kaniyang pagkakakilanlan. Ang nasa harapan niya ay walang iba kundi ang alkalde ng La Promesa.
“Iha, ano’ng ginagawa mo rito?” mabilis siyang binato ng kuwestiyon ni Mayor Franko, isang tanong na mahirap buoin ang kasagutan sa maikling oras lamang. “Kung banyo ang hinahanap mo, nagkakamali ka ng pinuntahan. Nasa baba ang CR.”
Namilog ang mga mata niya. Pagkatapos, nanayo ang mga balahibo niya sa braso. Pakiramdam niya, nababasa nito ang nasa isipan niya. At ang higit na nakatatakot ay ang malawak nitong ngiti na nakapinta sa mga labi. Gusto niyang maglakad palayo, pero mistulang napako ang mga paa niya sa sahig. Nais niyang magsalita, ngunit tila umurong ang kaniyang dila.
At ang huling sinabi nito ay tuluyang nagpalaglag ng kaniyang panga: “O baka naman gusto mong makita sa malapitan ang larawan nina Madanihon at Sinogo?”
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top