LIGHT AND MIRACLES
Hanggang saan ang kaya mong gawin para sa pangarap na matagal mo nang minimithi? Pangarap na sobrang hirap makamit. Pangarap na isang kalabit na lamang ay bibitawan mo na.
Mariin akong napapikit at pinunasan ang butil ng pawis sa noo ko. Kinagat ko ang pang-ibabang labi at tiningnan ang kahong inayos namin kani-kanina lang.
"Alam niyo ba? Totoong mayaman daw si Ma'am Yshey!"
Natigilan ako at mabilis na bumaling sa mga kapwa ko empleyado noong marinig ang pangalan ni Yshey. They're talking about her again! Seriously?
"Halata namang mayaman ang isang iyon! Sa kilos pa lang, sobrang pino!" komento pa ng isa.
"At mukhang mataas ang pinag-aralan! Nakakainggit!"
Napangiwi ako sa mga naririnig at tinapos na ang ginagawa. Walang mangyayari sa akin kung tutulad ako sa kanila. I don't have time for that. I need to work. And work. And work!
"Avon!"
Natigil ako sa pagkuha ng bag ko sa locker noong lumapit sa akin si Adrian, isang selling staff dito sa Magic Shop. Tapos na ang shift ko ngayon kaya naman ay naghahanda na ako sa pag-uwi.
"Uuwi ka na ba?" tanong niya at naglakad na ito patungo sa sariling locker. "Sabay na tayo! Dala ko ngayon ang motor ko! Ihahatid na kita."
Napakunot ang noo ko sa tinuran nito.
Kung sasabay ako sa kanya, makakatipid ako ngayon ng bente pesos sa pamasahe ko. Makakatulong ito sa pag-iipon ko but no thanks, hindi ako komportable sa presensya ni Adrian.
"Pasensya na, Adrian pero may pupuntahan pa akong kaibigan," wika ko at tuluyan nang kinuha ang gamit ko. "Sa susunod na lang siguro," dagdag ko pa at nagpaalam na sa kanya.
Tahimik akong naglakad hanggang sa makarating ako sa selling area. Nagpaalam na rin ako sa iba pang empleyado at lumabas na nang tuluyan sa Magic Shop.
Nasa may pintuan pa lang ako ay may namataan na akong pamilyar na sasakyan. Napakunot ang noo ko at mabilis na humakbang patungo sa nakaparadang sasakyan. Nasa labas ang may-ari nito at prenteng nakasandal dito.
"Anong ginagawa mo dito?" takang tanong ko sa kanya at pinasadahan nang tingin ang kabuuan nito. "Akala ko ba babalik na kayo sa Manila? Wala na si Yshey dito kaya naman bakit narito ka pa?"
"Ang dami mo namang tinanong, Avon. So tell me, alin doon ang uunahin ko?" Nakangising tanong nito sa akin at umalis na sa pagkakasandal sa sasakyan niya.
Pinagtaasan ko ito nang kilay at hindi inalis ang paningin sa kanya.
"I'm still here because I'm not done here," aniya na siyang lalong nagpataas ng kilay ko.
"And?"
"Kumain ka na ba? Nagugutom ako!" Biglang sambit nito na siyang ikinagulat ko. Seriously? This man is so random!
"Uuwi na ako, Jin, at kailangan kong mag-aral. May online examination ako bukas."
"Kumain muna tayo bago umuwi, Avon," pilit niya at hinawakan ako sa kamay ko. Hinila na niya ako at pinagbuksan ng pintuan sa may passenger seat. Nakaawang ang mga labi kong binalingan ito at naiiling na lamang na sumakay sa sasakyan niya.
Mayamaya lang ay nasa may driver seat na rin si Jin. Pakanta-kanta itong pinaandar ang sasakyan at nagsimula na sa pagmamaneho.
"Isang linggo na simula noong umalis si Yshey sa Magic Shop, iyong totoo, bakit nandito ka pa rin sa lugar namin?" tanong ko at hinarap ito. "For sure, sabay na umalis si RM at Yshey, kaya naman ikaw, bakit ka naiwan?"
"Ayaw mo na ba akong makita, Avon?" tanong nito sa akin at madramang hinawakan ang dibdib nito. "You're hurting my feelings, you know."
Napangiwi ako dito at inilingan na lamang.
"Stop it. Nakakasuka," sambit ko at inirapan ito.
"What? Itong pagmumukhang ito? Nakakasuka? Ayos ka lang ba, Avon? May sira na ba mga mata mo?"
"Wala akong sinabi iyang pagmumukha mo ang nakakasuka! Iyang pagdradrama mo ang hindi ko matiis tingnan! Hindi bagay sa'yo!"
Malakas na tumawa si Jin kaya naman ay muli akong umiling. Nababaliw na talaga ang isang ito.
Noong unang beses ko itong makita, alam kong may kakaiba na sa lalaking ito. Kasama niya ang kaibigan niya noong pumunta ito sa Magic Shop kung saan ako nagtratrabaho. They were looking for Yshey that time. Bagong supervisor namin si Yshey at hindi pa namin alam kung sinu-sino ang mga kaibigan nito. Ngunit dahil sa mukhang disente at mayaman ang dalawa, sinabi ng mga kasamahan ko ang tungkol kay Yshey.
I remembered that day, clearly. Noong nilapitan ako nitong si Jin at kinulit tungkol kay Yshey.
"Hindi ka ba naaawa sa kaibigan ko? Palabasin mo na si Yshey, please," pagmamakaawa nito sa akin.
"Busy pa po si Ma'am Yshey. Marami kaming deliveries ngayon dito sa shop," pormal na sambit ko dito at inilagay ang isang stuff toy sa display rack nito.
"Well then, ako na ang gagawa sa mga gawain niya para lumabas na ito sa stock room at makapag-usap na sila ng kaibigan ko!"
Napaawang ang labi ko sa mga narinig mula sa kanya. Is he for real? Gagawin niya talaga iyon para makausap lang si Ma'am Yshey?
"Come on, beautiful, kahit ano gagawin namin, just tell Yshey that we're here!"
"Jin, stop it," pigil ng kaibigan nito at tinapik sa braso. "Let's go. Sa labas na lang tayo maghintay kay Yshey. She's working. I don't want to disturb her."
"What? Ilang oras pa bago ang uwian nila, RM!" angal ng lalaking nagngangalang Jin. "Tumakas na nga tayo sa mga ka-meeting natin para dito tapos maghihintay pa ulit tayo ng ilang oras? No way! Papalabasin natin si Yshey ngayon din! Kailangan niyong mag-usap para matapos na ang problema natin!"
Napangiwi ako sa bilis nang pagsasalita ng lalaki sa harapan ko. He's too loud! Hindi ko kinakaya ang presensya nito!
Inilagay ko ang huling stuff toy sa display rack at iniwan na ang dalawang lalaking kaibigan ni Ma'am Yshey. Bahala sila diyan!
Hindi pa ako tuluyang nakakalayo sa kanilang dalawa noong biglang may humawak sa braso ko. Natigilan ako sa paglalakad at binalingan ang taong pumigil sa akin.
Jin!
"Hindi mo ba talaga tatawagin si Yshey?" tanong niyang muli at ngumiti sa akin.
"No," I coldly answered.
"Unbelievable," aniya at naiiling na lamang.
"Your charm doesn't work for everyone, bro. Stop it already," natatawang sambit ni RM sa likuran ng kaibigan at tinanguhan ako. "We're sorry for bothering you. Sa labas na lang kami maghihintay." Wika pa nito at hinila na ang kaibigan niya palabas ng Magic Shop.
Napapakamot na lamang ako ng ulo ko kapag naaalala ang araw na iyon. Jin was so persistent. At ilang beses pa naulit iyong pangungulit niya sa akin hanggang sa tuluyang umalis na si Yshey sa Magic Shop.
"Magiging maayos kaya si Yshey?" Wala sa sariling tanong ko kay Jin habang ipinapark nito ang sasakyan.
"Of course," sagot niya at mabilis na pinatay ang makina ng sasakyan noong naiparada na niya ito nang maayos. "She's with RM. Kahit anong mangyari, RM will protect her. She's safe and sound with him."
Tumango ako dito at lumabas na sa sasakyan ni Jin.
Sa loob ng isang linggong pangugulit nito sa akin tungkol kay Yshey, naging pamilyar ako sa lalaking ito. Naging kampante rin ako sa presensya niya na siyang pinagtataka ko nang husto. I don't like men, their presence, guts and all. And being with Jin, I don't feel awkward towards him.
Lalaki ba talaga ang isang ito?
Napailing na lamang ako sa mga naiisip. Bahagya akong natawa kaya naman ay mabilis kong inilagay ang kamay ko sa bibig ko.
"Anong mayroon? Bakit tumatawa ka diyan?"
Oh, crap!
"Hoy, Avon! Ano iyon? Ishare mo naman sa akin!"
"Wala!" natatawang tugon ko at nagsimula nang maglakad patungo sa kainang naging paborito na rin ni Jin simula noong samahan niya akong kumain ng hapunan dito.
Panay tanong naman ni Jin sa akin hanggang sa makapasok kami sa loob ng kainan. Mabilis akong naupo na siya ring ginawa ni Jin.
"Huhulaan ko kung anong nasa isip mo, Avon," ani Jin habang abala ako sa kakatingin sa menu book na nasa harapan ko.
"What?" walang ganang tanong ko dito.
"Ako ang nasa isip mo," sambit nito na siyang mabilis na ikinatigil ko. Is he for real? "Bakit ko nasabi na ako? Simple, you're a serious type of a person. Base on my observation lang ito, ah! Tahimik ka sa trabaho at madalang lang magsalita. Pero kung kinukulit kita, nakikipagsagutan ka sa akin. Minsan naman tumatawa ka sa mga banat ko! Now, tell me honestly, ako nasa isip mo kanina kaya ka natawa, ano? Tell me! Anong ginagawa ko sa isipan mo?" Pangungulit nito at tinaas-baba pa ang dalawang kilay nito.
Napangisi na lamang ako at nagpatuloy sa ginagawa. Bahala ka diyan kakaisip, Jin! Wala kang makukuhang sagot sa akin.
Naging matiwasay ang pagkain naming dalawa ni Jin. At kagaya nang palagi nitong ginagawa, siya na ang nagbayad sa mga kinain naming dalawa.
"Thanks for tonight, Avon," ani Jin noong nasa tapat na kami ng bahay namin. "Huwag ka nang magpuyat mamaya. Kayang-kaya mo iyang exam mo bukas!" Nakangiting sambit niya at nagpaalam nang muli sa akin. Mayamaya lang ay pinaandar na nito ang sasakyan niya at tuluyan nang umalis sa harapan ko.
I sighed.
Drive safely, Jin.
Nanatili muna ako ng ilang minuto sa labas ng bahay namin bago pumasok na sa loob. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto at walang ingay na naglakad patungo sa silid ko. Inilapag ko sa kama ang bag ko at mabilis na nagbihis nang damit.
Halos kakaupo ko pa lamang sa kama ko noong makarinig ako nang iilang kalabog mula sa kabilang silid.
Bigla akong kinabahan at mabilis na tumayo mula sa kinauupuan ko. Agad akong lumabas sa silid ko at tinungo ang silid ni mama.
"Ma!" tawag ko dito at natigilan na lamang noong makita itong nakaupo sa gilid ng kama niya at umiiyak. Mabilis akong lumapit dito at hinawakan ito sa magkabilang balikat niya.
"Anong nangyari? Ayos ka lang ba?"
"Hindi ko na kaya, Avon. Ang sakit-sakit na!" wika nito at mas lalong lumakas ang pag-iyak. Napatingin naman ako sa sahig at napahugot na lamang ng isang malalim na hininga noong makita ang isang basag na picture frame.
"Come on, ma. Tahan na," alo ko dito at niyakap ito. Mas lalong umiyak si mama at mahigpit akong niyakap.
Hindi ko alam kung ilang minuto kaming nasa sahig ng aking ina. Hindi ko na namalayan ang oras at hinintay na lamang ang pagkalma.
"Sa kama ka na, ma," maingat kong wika dito noong tumahan na ito kakaiyak. "Stay here at kukuha ako ng tubig." Bilin ko sa kanya at mabilis na lumabas sa silid niya. Agad akong kumuha ng baso ng tubig at bumalik naman agad sa silid ng aking ina.
Pinainom ko muna ito bago inalalayang makahiga. Naupo ako sa gilid ng kama nito at marahang hinaplos ang buhok ng aking ina.
"Magpahinga ka na, ma. I'm here. Hindi po kita iiwan," halos walang tinig na wika ko at pinagpatuloy ang paghaplos ng buhok niya.
Mayamaya lang ay nakatulog na ito. Dahan-dahan akong tumayo mula sa pagkakaupo at pinagmasdan nang mabuti ang aking ina. Malungkot akong napangiti at mabilis na inalis ang nga luhang kanina pa lumalandas sa mukha ko.
Maingat akong kumilos at nilinis ang basag na frame sa sahig. Dahan-dahan kong dinakot ang mga bubog at natigilan na lamang noong mamataan ang litrato ng aking ama.
"Bakit pa kasi sa lahat ng puwedeng mong lukuhin, si mama pa talaga?" mahinang tanong ko sa litrato ng ama. "Alam mong mahina ang puso nito sa ganitong bagay, pa. Bakit siya pa ang sinaktan mo?"
Noong matapos ako sa paglilinis, mabilis akong bumalik sa silid ko at nahiga na sa kama ko.
I'm so tired for today. Pagod sa trabaho. Pagod dito sa bahay at pagod sa pakikipagsagutan kay Jin.
Natigilan ako.
Jin.
Right! I think I need his never ending energy right now! I madly need his presence and help me to survive this night!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top