Magbayad Ka, Ann Margaret!
MAGBAYAD KA, ANN MARGARET!
"MAG-DATE tayo bukas?" maharot na tanong ni Ann Margaret. Kausap niya sa kabilang linya ang boyfriend niyang si Jerome. Yes, totoong boyfriend na niya. Hindi lang basta niya sa social media niya nakakausap at nakikita. Nahahawakan niya, nakakasama, nabibigyan ng mga regalo nang personal at hindi lang niya basta ipinapadala sa mga courier service.
"Hindi pa 'ko sumusweldo, Ann, alam mo naman," tugon ni Jerome.
Pababa na ngayon ng hagdan si Ann Margaret papunta ng kusina. Nauhaw kasi siya matapos ang matagal na pagbabasa ng e-books na dini-download niya sa mga illegal na site.
"Sabi ko naman sa'yo, 'Señorita' ang itawag mo sa 'kin," nakangusong ingos niya. Kung alam lang ni Jerome kung gaanong kapangit tingnan ng nobya nito habang ngumunguso, tiyak na mawawalan siya ng gana rito. Pero iyon ang gusto ni Ann Margaret, ang tawagin siyang 'señorita' dahil feel na feel niyang siya si Camilla Cabello kahit sobrang layo at sobrang layo rin ni Jerome para maging si Shawn Mendes.
I love it when you call me 'señorita'... Kadiri.
"Hindi pa naman natin monthsary pero bakit naisipan mong mag-date?" sa halip ay tanong ni Jerome.
"Naisipan ko lang. Sunduin mo 'ko rito bukas. Ako nang bahala sa date natin. Sagot ko. 'Di ba, ganito naman tayo palagi? Kung sino ang nagyayaya, siya manlilibre?"
Sa katunayan, mula nang maging sila ni Jerome, ni minsan ay hindi pa siya nito nayayayang mag-date. Bago pa kasi siya nito mayaya ay naunahan na niya ito. Gano'n nga siguro ang mga taong in love.
"Okay. Sige. Ano'ng oras tayo lalabas?"
"Mga 5 PM. Magbu-beauty rest pa kasi ako niyan."
"Sige. Dadaanan kita sa bahay n'yo by 7 or 8 PM. Naalala mo noong may usapan tayo na magkikita by 12 PM pero sinipot mo ako nang 6 PM kahit isang sakay lang naman ang bahay n'yo mula sa mall?"
Ann Margaret giggled in excitement.
"I can't wait for our date tomorrow!"
"Ah, siyangapala, Ann—"
"Call me 'Señorita' kasi!"
"May nag-message kasi sa akin sa WhatsApp. I-remind daw kita sa perang kailangan mong ibalik. Palagi mo na lang daw sinasabi na magpapadala ka pero hindi mo naman tinutupad. Saka huwag mo na raw siyang subukang utakan para lumiit ang perang ibabalik mo kasi pwede raw niyang isaksak sa baga mo ang mga resibo. Considerate pa raw siya sa lagay na 'to kaya hanggang ngayon nakakalaya ka pa rin. Ann, scammer ka ba? Iyon kasi ang lumalabas, e."
"Pwede ba?" napataas ang boses na sabi niya. Alam niya kung sino ang pwedeng magsabi n'on. Siyempre, ang dati niyang business partner na ginastos niya ang investment kasi wala na siyang mapagkukunan ng fund para masustentuhan ang mga luho niya sa araw-araw. Na-terminate kasi siya sa trabaho dahil sa late and absences niya pero pinalabas lang niyang nag-resign na siya para makatutok sa 'business' nilang 'magkakaibigan'. Siya kasi ang pinagkatiwalaan ng mga ito sa paghawak ng finances nila. Siya ang pinakamatanda sa kanila kaya parang siya na ang itinuring na 'ate' ng mga ito. Pero ang totoo, iyon lang ang role niya sa business nila pero hindi pa niya magawa nang tama. Wala naman siyang tiyaga sa pag-e-evaluate at pag-i-edit ng mga manuscript, e. Pinaubaya niya ang trabahong iyon sa iba nilang kasama. Hindi pa nga bayad ang editing fee ng mga ito kasi naubos na niya ang pera. "Hind nga ako scammer kasi hindi ko naman itinakbo ang pera! Hindi ako nagtago. Nandito lang ako sa bahay!"
"Pero 'yong pera ginastos mo nga kahit hindi naman sa'yo?"
Napapadyak siya sa sahig ng sala nila.
"Basta hindi ako scammer! Tuloy ang date natin bukas!"
Naiinis na pinatay na niya ang phone niya na lingid sa kaalaman ng mga dati niyang business partner ay hindi naman ini-snatch ng riding-in-tandem. Nagpalit lang siya ng SIM card. Wala na siyang maisip na ibang paraan para magdahilan kung bakit hindi agad siya makakahulog ng bayad sa printer na gagawa ng ibebenta nilang mga libro. Kapani-paniwala naman iyon, 'di ba? Pero ewan ba niya sa mga iyon at sinasabi ng mga itong nagsisinungaling na naman siya.
Papasok na siya sa kusina nang makita niya ang nakababatang kapatid na si Ashley na biglang lumitaw sa entrada. Napahawak ito sa hamba niyon at mabuway ang tayo. Kapansin-pansin ang pulang kulay na humalo sa puting T-shirt nito.
"Ate..." kasabay ng pagbigkas nito niyon ay ang pagbulwak ng masaganang dugo mula sa bibig nito at tumulo iyon sa damit nito at sa sahig. Bumagsak si Ashley, una ang mukha. Sa likod nito ay nakita niya ang mahabang kutsilyo na nakabaon sa likod nito.
Nabitiwan ni Ann Margaret ang cellphone niya at tumili nang malakas. Patay na ba ang kapatid niya? Pero sino ang pwedeng gumawa nito? Gumapang ang matinding takot sa kanyang mga kalamnan.
Nasagot ang katanungan niya nang biglang lumitaw mula sa kusina ang isang pigurang nakasuot ng itim na sutana at may suot na puting maskara na mukhang sumisigaw na multo. Sa nanginginig na katawan ay nakilala niya ang pamilyar na karakter na iyon—si Ghost Face sa pelikulang Scream!
"Hi, Ann," bati nito sa kanya sa malamig at nakakapanindig na balahibong boses. Huminto ito sa tabi ng bangkay ni Ashley at binunot ang nakabaong kutsilyo sa likod nito.
Napatili si Ann Margaret nang makita ang masaganang dugong umaagos sa kutsilyo papunta sa sahig.
"Laro tayo?"
"Get away from me!"
Tumakbo siya pabalik sa hagdan pero nangangalahati pa lang siya ay nadapa siya at tumama ang may katabaan niyang tuhod sa isang baitang. Napaigik siya sa sakit pero napalitan iyon ng tili nang may humawak sa isang paa niya at hinila siya pababa ng hagdan.
Malakas ang nilikhang tunog na gawa ng pagtama ng ulo niya sa mga baitang ng hagdan at nang maramdaman ng katawan niya ang sahig ay hinang-hina siya at hindi niya maigalaw ang kanyang katawan. Pilit niyang iminulat ang mga matang nanlalabo na.
Nakapa niya ang mainit na likidong dumaloy sa ulo niya. Dugo...
"Kapag sinabi kong maglalaro tayo... maglalaro tayo..."
"A-ano'ng kailangan mo sa 'kin?" tanong niya sa nanghihinang boses.
"Ano ang tawag sa paggastos ng perang hindi naman sa'yo nang walang paalam at pinagtatakapan mo pa gamit ang patong-patong na kasinungalingan?"
"H-hindi ko alam—" Napaigtad siya nang may kung anong matalim na bagay ang bumaon sa tagiliran niya. Pakiramdam ni Ann Margaret ay papanawan siya ng hininga at ulirat.
"Isang maling sagot, isang saksak," nakakalokong wika ni Ghost Face.
"S-sino ka ba?"
Isang saksak uli sa tagiliran ang natamo niya.
"Ako lang ang pwedeng magtanong sa ating dalawa kaya isa pa uling saksak para sa'yo."
Nagsimulang ngumuyngoy si Ann Margaret. Hindi pa siya natakot nang ganoon sa buong buhay niya. At ngayong nanganganib ang buhay niya, kanino siya hihingi ng tulong?
"Tanong uli, Ann..." Lalong lumakas ang pagnguyngoy ni Ann Margaret. "Tinuring mo ba talagang mga kaibigan ang mga taong nagbabayad na ngayon ng utang na ikaw ang may kagagawan? Nakakatulog ka ba sa gabi na alam mong ang pinaghirapang pag-ipunan ng isang ama para sa kanyang anak, ikaw lang ang nakinabang? Natutunawan ka ba sa tuwing kumakain ka na wala kang hirap sa negosyong binuo ninyo pero ikaw lang ang nakinabang? Nakakalunok ka ba tuwing sinasabi mong galit ka sa mga iskamer at hinding-hindi mo magagawang galawin ang perang hindi mo pinaghirapan? Hindi ka ba kinikilabutan?"
Sino ba kasi ito? Bakit ang dami nitong alam? B-in-lock na niya ang mga dati niyang 'kasamahan' para hindi na siya mabahiran ng ka-toxic-an ng mga ito 'tapos ganito?
"Natitingnan mo ba sa mga mata ang mga writer na hindi nabayaran ng royalty nila dahil sa katulad mong sugapa? Ang artist na kinontrata mo pero hind mo na nga mabayaran nang tama, nagkautang ka pa? Ginamit mo pa sa kalokohan mo? Ang perang sobra na hindi mo ibinalik ng mga nagtiwala sa 'yo, ang inutangan mo na ikaw pa ang may ganang magmalaki dahil wala siyang magagawa kung hindi mo talaga kayang magbayad, natitingnan mo ba sila nang deretso sa mata?
"Nakikita mo ba ang kulay ng dugo mo ngayon, ha, Ann? Kulay-itim. Gusto mong malaman kung sino ako?"
Hinawakan ni Ghost Face ang maskara nito. Oo, gustong-gustong malaman ni Ann Margaret ang hayop sa likod ng maskara! Sa dami ng mga taong ginawan niya ng masama, hindi niya alam kung sino ang gustong pumatay sa kanya. Pero biglang humalakhak si Ghost Face.
"Akala mo, magtatanggal ako ng maskara? Surprise, Ann. Ito talaga ang totoo kong mukha!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top