Madilim na Pasko
DUMILAT ANG MGA mata niya nang marinig niya ang malakas na tunog ng kampana na umalingawngaw sa buong bayan. Nasasabik siyang bumangon, lumabas ng sariling silid, at saka kinatok ang pinto ng katabing kuwarto.
"Ma! Pa! Magpapasko na! Gumising na kayo!"
Hindi nagtagal ay bumukas din ang pintuan at bumungad sa kaniyang paningin ang napakaganda niyang ina at ama niyang kay kisig din. Matamis ang ngiti sa labi nila.
"Tara na!" aya niya at hinila ang kamay ng kaniyang ina palabas ng bahay.
Dinaanan niya rin ang gasera na nakasabit sa tabi ng pinto at binitbit ito. Sa tanglaw na hatid ng munting apoy at ang kalahating buwan ay binaybay nila ang maputik na daan. Balewala ang dulas nito at ang putik na bumabalot sa kaniyang mga paang walang saplot. Tuloy-tuloy lang siya sa paglalakad. Halos takbuhin na rin niya ito. Bumaba sila sa bukid at dinaanan lang ang mga naglalakihang mga puno na natumba at humaharang sa daan.
Makalipas ang ilang minuto na paglalakad ay narating din nila ang sentro ng bayan. Napakadilim ng paligid at napakamaputik pero nagawa pa rin niyang tahakin ang daan patungo sa pinaka-sentro, sa harap ng barangay hall. Iilang bahay rin ang nakita niyang nawasak. Iilang bahay rin ang nawawala. At kilala niya ang lahat ng may-ari nito.
Ngunit hindi nagtagal ay biglang tumunog ang kampana. Napatigil siya at napatingin sa paligid. Doon na nagsidatingan ang mga kababayan niyang may kaniya-kaniyang bitbit na gasera. Ang madilim na paligid ay naliwanagan.
Sumunod din siya sa mga kababayan niya at tinungo nila ang malaking malaking patay na kahoy na kanilang ginawang Christmas Tree. Tumagilid na ito at parang babagsak na rin, pero kumakapit pa rin ang mga ugat nito. Iilang parol na lang din ang naiwang nakasabit sa mga sanga nito na sumasayaw sa bugso ng hangin.
"Maligayang pasko sa lahat!" sigaw niya na umalingawngaw sa paligid at sumasabay sa kampana. Nabaling ang tingin niya sa kaniyang mga magulang.
"Sa kabila ng bagyo ay nagawa pa rin nating magsama-sama, ma...pa," aniya. "Mahal ko kayo."
Nagyakapan sila, kagaya ng kababayan niyang nagpapalitan din ng yakap.
Ngunit isang hakbang lang ay may naapakan siyang madulas. Diretso siyang nawalan ng balanse at bumagsak sa putikan. Napadaing siya. Bigla na lang ding natahimik ang paligid at binalot siya ng hindi mawaring lamig.
Dali-dali niyang tinulungan ang sarili at tumayo. Nagsimula na siyang manginig. Pinulot niya ang gasera na nahagis sa tabi. Tinignan niya kung ano ang naapakan niya. Nanigas na lang siya at tumulo ang luha niya. Kumawala na rin ang kaniyang hikbi.
Napako na lang ang tingin niya sa namumutlang braso at kamay na nakalitaw sa putikang lupa.
Bumuhos ang luha niya at humagulhol. Napaiwas siya ng tingin. Sinuri niya ang paligid. Sa munting tanglaw ng gasera ay nakita niya ang sari-saring mga bangkay na nagkalat sa paligid; ang kalahati ay nakabaon na, ang iilan ay nadaganan ng mga kahoy.
"Ma! Pa!" tawag niya pero hindi niya ito mahagilap. "Ma! Pa!"
Iyak siya nang iyak. Kung saan-saan nabaling ang kaniyang tingin.
Hanggang sa isang nakakasilaw na liwanag ang tumama sa kaniyang mukha.
"May bata rito! May isang survivor dito!"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top