39: Lilo and Stitch

N A M I

"Surprise!" bati ko kay Denver nang sinalubong ko siya pagkababa niya sa kotse.

"Nami?" kunot ang noo na tanong niya. "What are you doing here? I thought you went home."

"Oo nga! Pero saglit lang naman ang byahe mula sa amin papunta rito."

"How did you even know I was here?" tanong niya bago malakas na isinara ang pinto ng kotse at saka isinuot ang shades niya.

"May tumawag lang sa akin kahapon. Katrabaho yata ng papa mo?"

Napailing siya. "You mean his assistant?"

"Ewan. Tumawag na lang bigla sa akin at sinabi na magse-celebrate nga raw ng birthday mo ngayon. Sinundo nila ako sa bahay kanina."

"And you believed him? Paano kung hindi naman pala talaga assistant ng tatay ko 'yon tapos basta ka na lang sumama?"

Hindi ko alam kung anong problema niya pero mukha siyang iritable at wala sa mood. Ni hindi niya ako binati o niyakap man lang.

"Can you carry her stuff?" tanong niya sa isang lalaki na nakatayo sa gilid niya. "Thanks."

Hindi ko kilala kung sino 'yong lalaki pero agad siyang sumunod sa utos ni Denver kaya inabot ko na lang din sa kaniya ang bag na bitbit ko.

"Oh, hi!" bati naman ng isang sexy na babae na kabababa lang din mula sa isa pang kotse. Kulot ang buhok niya at may pagkakulay pula. Nakasuot siya ng puting beach dress na abot hanggang sa talampakan, at gaya ni Denver ay mayroon din siyang shades. "Nandito na rin pala kayo."

Hinawakan ni Denver ang kamay ko at saka kami naglakad palapit sa babae na sa sobrang nipis ng suot na dress ay halos makita na ang suot na panloob.

"Good morning, Mads," ani Denver bago hinalikan ang babae sa pisngi.

Mads?

Tinanggal ng babae ang shades na nakatakip sa mga mata niya, at napamura na lang ako.

Ano namang ginagawa niya rito?

"Good morning." Ngiti niya kay Denver. "May kausap lang sa phone si Darwin. Patapos na siguro 'yon. Hi, Nami." Humarap siya sa akin at saka ako niyakap na para bang magkaibigan kami kahit alam naman namin pareho na hindi.

"Hello," labas sa ilong na tugon ko. Hindi ko alam na iba na pala ang buhok niya. Bumagay sa kaniya 'yon. Akala ko tuloy kanina ay model siya o kaya ay artista.

Pagkabitaw niya sa akin ay saktong lumapit na rin sa amin ang kuya ni Denver na mula nang naging kami ni Denver ay isang beses ko pa lang nakita. Gaya ni Mads ay puti rin ang polo na suot niya. Bukas ang ilang butones no'n kung kaya't sa unang tingin ay mapapansin kaagad ang maganda niyang pangangatawan.

"Morning," matipid na bati niya sa amin bago ipinatong ang kanang kamay sa kanang balikat ni Mads.

Sila ba?

Nakita ko na silang magkasama sa may sinehan noon, pero hindi naman sila magkahawak-kamay noon kaya inisip ko na magkaibigan lang sila.

Bigla tuloy bumalik sa isip ko ang tungkol sa naging babala sa akin ni Denver na iwasan ko raw si Darwin dahil mahilig itong agawin ang lahat ng mga babae sa buhay niya.

Isa ba si Mads do'n?

Dumating na ang iba pang mga kaanak nila kaya't naputol ang pag-uusap namin. Hindi ko inaasahang lahat ng mga kamag-anak nila ay english-speaking at halatang mayayaman.

Ano kaya ang mga trabaho nila?

"This is my girlfriend, Nami." Iyon ang laging sinasabi ni Denver sa tuwing inihaharap niya ako sa mga tao, pero 'yong tono ng boses niya ay para bang namatayan siya. Pakiramdam ko tuloy ay hindi siya masaya sa katotohanang 'yon at hindi niya naman talaga ako ipinagmamalaki.

Huling dumating ang second-cousin nila na si Felix, kasama ang mapapangasawa nito na si Isobelle. Pagkababa niya pa lang sa sasakyan ay lumapit kaagad siya kay Mads at niyakap ito. Sabi ni Denver sa akin ay isang beses niya lang hinarap si Mads sa pamilya niya noon. Kung gano'n, bakit parang sobrang lapit na ni Mads sa iba niyang kamag-anak?

"Hi!" bati ni Isobelle sa akin nang matapos na siyang batiin si Mads. "You must be Denver's new girl. I'm Isobelle. You can just call me Ate Belle since I'm obviously older than you."

Ate Belle.

Samantalang si Mads ay narinig kong Belle lang ang tawag sa kaniya na tila ba magkalebel sila.

"This is my girlfriend, Nami," mala-robot na pakilala ni Denver sa gilid ko. "How are you, Belle?"

"Oh, I'm great! I'm great! Sobrang busy lang lately. Binagyo kasi 'yong venue namin, 'di ba, so we had to move the wedding and start all over again with the prep."

Oktubre ngayon pero may mangilan-ngilang mga turista na kasama naming naghihintay sa pampang.

May mga bangka na nakadaong do'n kaya't hindi ko alam kung bakit hindi pa kami maunang umalis, nang makarating na kami sa pupuntahan namin.

Laking gulat ko nang makalipas ang ilang minuto ay sunod-sunod na nagdatingan ang anim na malalaki at magagarbong yate na may nakasulat na pangalan ng mga babae sa unahan.

Thalia
Esmeralda
Kassandra
Vienna
Lianna

Lahat sila ay malalawak at siguro ay kasya ang nasa trenta katao sa bawat isa. Ngunit ang pinakamalaki at pinakaenggrande sa lahat ang siyang agad na tumawag sa pansin ko.

Madeline

Doon kami sumakay ni Denver kasama sina Mads, Darwin, Isobelle, Felix, at ang dalawa pa nilang pinsan na sina Acid at Adam, kasama ang nobya nito na si Myst.

"Ang galing! Kapangalan ko siya. Haha!" Tawa ni Mads.

"Syempre, sa iyo ipinangalan," ani Ate Belle.

"Sa akin?"

"Yep! This is Denver's yacht."

Hindi pa kami nakakaalis sa pampang pero naramdaman ko na kaagad ang tensyon nang sabay-sabay na manahimik ang lahat.

Yate 'to ni Denver?

Bakit naman siya magkakaroon ng sarili niyang yate?

"Sa iyo 'to?" mahinang tanong ko sa kaniya.

Nagkibitbalikat siya. "Just my father's birthday present when I turned 21."

Natameme na lang ako. May ilang mga palapag 'yong yate at kumpleto sa kagamitan. May parang sala, may kusina, mayroon pa ngang billiard pool.

Milyones ang presyo nito, sigurado ako ro'n. Hindi ko naman alam na may kaya pala ang pamilya ni Denver dahil hindi naman namin 'yon napag-uusapan.

Nagsimula nang gumalaw 'yong yate at sa sobrang hangin ay nililipad ang buhok ni Mads.

Para siyang cover girl ng isang magazine dahil sa itsura niya. Habang tumatagal tuloy na tinititigan ko siya ay hindi ko maiwasang manliit dahil hindi naman ako tulad niya na marunong magbihis at mag-ayos ng sarili. Magkamukha kami, oo. Pero hindi ko nadadala ang sarili ko gaya ng pagdala ni Mads sa sarili niya.

Hinawakan ni Denver ang tagiliran ko bago ako maingat na hinalikasan sa may bandang sintido. "I'm just not feeling well," bulong niya. "I'll make it up to you when we get there."

Hindi ko alam kung maniniwala ako sa kaniya pero tumango na lang ako.

Nasa gitna na kami ng dagat nang magpaalam si Denver para magbanyo. Nag-usap-usap naman ang mga magpipinsang Darwin, Felix, Adam, at Acid, kaya't naiwan kaming mga babae na magkakasama.

Si Ate Belle ang pinakamatanda sa amin kaya't inaya niya kami na umakyat sa deck lounge ng yate kasama sina Mads at Myst para raw mag-girl talk.

Malaki na ang takot ko sa girl talk na 'yan, pero wala naman akong choice kung hindi sumama sa kanila dahil ayaw kong ma-out-of-place.

"So, since first time niyong tatlo. Ako na ang bahalang mag-facilitate ng orientation niyo," ani Ate Belle.

Akala ko ay nagbibiro lang siya, pero nagsimula na nga siyang magbigay ng mga payo sa amin.

"First tip, if the oldies speak to you in English, you answer in English. Sensitive sila pagdating do'n. Tingin nila bastos ka kapag Tinagalog mo sila. Hindi ko sinasabing tama sila, pero kaunti na lang naman ang nalalabing oras nila sa mundo, so tayo na ang mag-adjust."

"Second, pati helpers nila sa island ay English-speaking. They won't respond kapag tinawag mo silang Manang, Manong, Kuya, Ate, whatsoever. They have uniforms and they have name plates so you must call them by their names kung may iuutos ka or itatanong. Mababait naman sila."

"Third, kapag kumonnect kayo sa WiFi nila ay mate-trace nila ang lahat ng pupuntahan niyong sites. May signal naman ng Globe ro'n, so mag-data na lang kayo."

"Fourth, there are cameras everywhere. Even in the shower. Makikita niyo naman dahil may pulang ilaw, so harangan niyo na lang ng towel or something if maliligo kayo or magse-sex."

Napaubo si Mads.

Gano'n din si Myst.

Dapat ba ay umubo rin ako? Eh, kahit yata tumuwad ako sa harapan ni Denver ay wala siyang balak na galawin ako.

Hindi sa nagrereklamo ako.

"Fifth, never empty your plates. Always make sure na may tira kahit isang kutsara na kanin o isang pirasong karne. Don't worry, ginagawa naman nilang compost 'yong left-overs. Ang importante, hindi tayo magmukhang patay-gutom."

"Sixth. Always look your best. Huwag kayong lalabas na bagong-gising at hindi nakapag-ayos. Sakay no'ng isang yate ang official family photographers at videographers nila. Always make sure that you look presentable."

Umabot sa trese ang tips ni Ate Belle at lahat 'yon ay pinakinggan kong maigi. Hindi ko mawari kung bakit tila sobrang higpit nila, samantalang family outing lang naman ito. May photographers, videographers, at helpers pa.

Nagkukuwento na si Ate Belle tungkol sa unang beses na pagpunta niya sa isla nang biglang umakyat si Darwin na may dalang dalawang inumin. Ang isa ay kulay dilaw, ang isa naman ay pula. Inabot niya ang mga 'yon kanila Mads at Ate Belle na agad naman nilang tinanggap.

"Sorry, I'm not familiar with your drink preference," ani Darwin sa amin ni Myst. "There's a bartender on board. Sangria? Daiquiri? Margarita?"

"Uhm, h-hindi po ako umiinom, Kuya," magalang na sagot ni Myst.

"Ako rin," sagot ko.

Hindi ko mabasa ang naging reaksyon ni Darwin sa sagot ko, pero tumango lang siya sa amin at saka naglakad palapit kay Mads. "Are you okay? Dizzy? Nauseous?"

Umiling si Mads. "Okay lang. Nagkukuwentuhan lang kami."

"Do you want me here or do you need your privacy?"

"Oh, please! Clingy much?" Tawa ni Ate Belle.

Bumusangot ang mukha ni Darwin. "Alright, I'll just be in the cockpit." Yumuko siya at saka mabilis na hinalikan si Mads sa noo bago umalis at bumaba. "We'll be there in ten."

Tiningnan ko si Mads at halos magmukha na siyang kamatis sa labis na pamumula ng kaniyang mukha.

"Kilig?" tanong ni Ate Belle.

Tumango lang si Mads habang nakangiti.

So, sila nga ni Darwin?

Nakahinga ako nang maluwag.

Oo, komplikado ang sitwasyon dahil kasama pa rin namin siya rito. Pero mas lumuwag na ang paghinga ko ngayong nakumpirma ko nang may namamagitan nga sa kanila ni Darwin.

Wala nang dahilan para pagselosan ko pa siya dahil kung ano man ang mayroon sa kanila noon ni Denver ay tapos na.

Gaya ng sinabi ni Darwin, sampung minuto lang ay nakarating na kami sa Isla Romero. Malakas ang alon sa bahaging 'yon ng dagat, pero malayo pa lang ay tanaw na ang puting buhangin ng isla.

Nang makadaong ang yate ay agad kaming sinalubong ng mga naka-unipormeng helper na tinutukoy kanina ni Ate Belle.

Napangiti rin ako nang makita na naghihintay sa amin sa dalampasigan sina Lilo at Stitch.

"I forgot to tell you I brought them," ani Denver sa tabi ko. "Nauna lang sila rito kasi hindi pa sila nakakain kanina."

Madali akong bumaba sa yate at tumakbo palapit sa kanila. Ilang araw pa lang kaming nagkahiwalay pero miss na miss ko na kaagad silang dalawa. Pero isang minuto pa lang kaming nagkakasama ay bigla na lang silang tumakbo palayo.

Sinundan ko sila ng tingin at nagulat na lang ako nang bumaba si Mads sa yate at saka nagtakbuhan palapit sa kaniya 'yong dalawang aso.

"Hey!" Ngiti ni Mads. "Look, they're not barking at me anymore!" Harap niya kay Denver.

Anong ibig niyang sabihin?

Ito pa lang naman ang unang beses na nakita niya sina Lilo at Stitch.

Umupo si Mads sa buhangin at saka siya tinalon ni Lilo habang si Stitch naman ay mabilis na dinilaan ang pisngi niya. Maski si Darwin ay nagtataka sa inaasta ng mga aso.

"I told you they're friendly," sagot ni Denver. "Sa susunod, huwag ka na lang magdala ng pagkain sa condo kapag pupunta ka."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top