23: Ang Champorado ni Claire

D A R W I N

WARNING: Mature scenes ahead. Reader discretion is advised. This chapter contains strong language, violence, abuse, self-harm, or highly explicit and excessive sexual activity that may be potentially offensive or disturbing to some readers. You have been warned!

"Darwin, this is Claire," my father said, pointing to the kind-looking woman standing next to him. "My wife."

"Claire, this is my..." He paused, seemingly unable to come up with the three-letter word that was all I am to him but something he just didn't recognize me as. "My... son."

Claire looked at me with a sweet smile on her face even as her eyes reflected the pain she was trying her best to hide.

Young as I was, I knew my father wasn't supposed to have me. Didn't want me, even. But my mother died and I am still his flesh and blood. So he was left with no other choice but to raise me under his roof and claim me as his own, even if it was seven years late.

"Mahilig ka ba sa Champorado?" tanong ni Claire.

Tumango naman ako.

"Tara, ipagluluto kita. Kagabi ko pa gustong kumain no'n."

Hinawakan niya ang kamay ko at magkasabay kaming naglakad patungo sa kusina habang ang tatay ko ay naiwan sa sala at walang pakialam.

Habang nagluluto ay walang tigil si Claire sa pakikipag-usap sa akin. Kung kailan ang birthday ko, kung nag-aaral ako, at kung ano ang paborito kong laruin at hilig panoorin sa TV.

Kinilala niya ako. Kahit anak ako ng asawa niya sa ibang babae ay hindi niya ipinaramdam sa akin na sabit ako, at dahil do'n ay mabilis na napalagay ang loob ko sa kaniya.

Hindi niya lang ako isang beses na nilutuan ng Champorado kung hindi halos araw-araw. Nalaman ko na lang na may may bata na pala sa sinapupunan niya kung kaya't gano'n na lang ang pagkahilig niya sa ano mang may tsokolate. Naglilihi raw siya sabi ni Manang Esmi.

"Kapag lumabas na ang kapatid mo, magkakaroon ka na ng kalaro," ani Claire. "Gusto mo ba 'yon?"

Tumango ako.

Gusto ko ng kalaro.

━━━━━━━━━━━━━

Ako ang nakakita noon sa katawan ng nanay ko at ako rin ang nag-report sa pulis. Mayro'n kaming telepono sa apartment namin at katabi no'n ay listahan ng mga hotline ng pulis at bumbero. Apat na taon pa lang ako ay tinuro na 'yon sa akin ng nanay ko.

Lunes 'yon nang magising ako at nakitang nakasabit sa kisame ang walang-buhay na katawan ng nanay ko. Mayro'ng lubid na mahigpit ang pagkakatali sa leeg niya at ang mukha niya ay nangingitim na.

Hindi ako umiyak nang makita ko siya pero natakot ako sa itsura niya. Hindi ko inakala na hindi pala magandang tingnan ang mga taong nagpakamatay. Nakalawit ang dila niya kaya nakakatakot talagang tingnan.

Mag-isa akong lumabas ng bahay sa unang pagkakataon at dumiretso sa barangay para humanap ng tanod. Sinubukan ko kasing tawagan 'yong hotline ng mga pulis, pero walang sumasagot.

Dalawang oras matapos nilang ligpitin ang bangkay ng nanay ko ay nagsimula na silang mag-imbestiga sa buong bahay. Nakita kong kinuha ng isang tanod ang mga alahas ni Mama, at 'yong isa naman ay kinuha ang microwave oven namin.

Nag-ma-mahjong ang nanay ko at 'yon ang sinabi nilang dahilan ng pagkitil niya sa sarili niyang buhay.

Nabaon daw sa utang.

Dalawang buwan na akong nananatili sa DSWD bago dumating ang tatay ko at kinuha ako.

Hindi niya binanggit ang pangalan ni Mama. Hindi siya nagtanong at hindi kami nag-usap.

Isa lang ang sinabi niya sa akin.

"I'm giving you my name but if you do one thing to stain it? I will drown you myself in the seas of Sulu."

Akala ko noon ay puno ng pating ang mga dagat kung kaya't takot na takot ako. Hindi rin ako pamilyar kung nasaan ang Sulu.

Isang linggo na akong nakatira sa bahay ni Papa nang makabasag ako ng isang scented candle sa banyo. Tinapon ko 'yon sa basurahan ngunit dahil sa sobrang takot na ipatapon ako ng tatay ko sa dagat na maraming pating ay gabi-gabi akong binangungot.

"Darwin." Nagulat ako isang gabi nang bigla na lang pumasok si Claire sa kwarto ko at tumabi sa akin. "Gusto mo bang matulog sa kwarto namin? Malungkot dito mag-isa."

Niyakap niya ako at pinunasan ang pawisan kong noo.

Niyakap ko siya pabalik at dahil sa liit at kapayatan ko ay nakaya niya akong buhatin palabas ng kwarto ko at papunta sa kwarto nila.

Malaki ang kama nila at nakita kong natutulog na si Papa sa isang sulok.

"Huwag ka lang maingay, ah? Baka magising ang Papa mo," bilin ni Claire at muli ay tumango ako sa kaniya.

Sa loob ng tatlong gabi ay sinusundo niya ako sa kwarto ko kapag nakatulog na si Papa, at hinahatid niya rin ako pabalik bago ito magising.

Isang beses ay muntik na kaming mahuli dahil bigla na lang itong nagising para magbanyo, pero mabuti na lang at maliit ako at nagkasya sa ilalim ng kama nila.

Nang makabalik si Papa mula sa kubeta ay inakala kong matutulog na siya, pero narinig ko nang magsimula silang magtalo ni Claire.

"Delfin, inaantok ako."
"Ayoko."
"Ayoko, sabi. Delfin, ano ba?!"

Narinig kong tumama ang kamay niya sa mukha ni Claire at narinig ko rin nang magsimula itong umiyak.

Bata pa ako no'n para malamang kung ano ang ginawa niya kay Claire pero nang mag-sampung taong gulang ako ay naintindihan ko rin.

Iyon na ang huling beses na natulog ako sa kwarto nila. Kinabukasan ay hindi na bumalik si Claire para sunduin ako, at makalipas ang isang linggo ay hindi na rin ako naghintay pa sa kaniya.

"Okay ka lang ba?" mahina kong tanong isang umaga habang nagluluto si Claire ng Champorado.

"Okay lang." Ngiti niya, habang hinahaplos ang tiyan niya na nagsisimula nang lumaki.

Isang gabi ay narinig ko mula sa kwarto ko ang muling pagtatalo nila ni Papa. Hindi ko matiis ang pag-iyak ni Claire kaya sumugod ako sa kwarto nila upang sagipin siya.

Dahil sa ginawa ko ay ako ang pinagbuntunan ng galit ng tatay ko. Kinabukasan ay halos hindi ako makatayo sa kama sa dami ng pasa ko sa katawan.

Umiiyak si Manang Esmi habang pinapahiran ng yelo ang mukha ko. "Darwin, bata ka," aniyang umiiling. "Huwag ka nang makisali sa away ng mga matatanda. Tuwing gabi, ikandado mo na lang ang pinto ng kwarto mo at pilitin mong matulog."

Hindi ko mabilang kung ilang beses na sinaktan ni Papa si Claire habang umiiyak lang ako na nakikinig sa kabilang kwarto.

Kinabukasan ay wala na si Claire. Sabi ni Manang Esmi ay sinugod daw sa ospital.

Nang bumalik siya nang sumunod na araw ay mugto ang mga mata niya habang kinakausap ako. "Wala na ang kapatid mo," kuwento niya. "Pasensya ka na, Darwin."

Puno ng pasa ang mukha at braso niya. Niyakap ko siya at magkasabay kaming umiyak.

"Ipahid mo lang 'to," payo ni Claire isang umaga. "Matatanggal ang pamumula at pamamaga."

Pinakita niya sa akin kung paano nabura ng cream ang mga bakas sa mukha at braso niya. Parang mahika. Ilang minuto lang ay burado na ang pananakit ng tatay ko. Gano'n ang ginagawa ni Claire sa tuwing may bisita kami. Minsan nga ay tinutulungan ko pa siya.

"Darwin, magkakaroon ka na ulit ng bagong kapatid," kuwento ni Claire isang umaga.

Sa halip na matuwa ay takot ang naramdaman ko. Paano kung saktan ulit ni Papa si Claire? Paano kung saktan niya ang kapatid ko?

Sa sobrang takot ay tumawag ako sa pulis at ni-report lahat ng pananakit niya. Kabisado ko pa rin 'yong hotline at sa pagkakataong ito ay may sumagot na.

Sinabi ko sa kanila kung paano ako sinasaktan ng tatay ko at kung ano ang ginagawa niya kay Claire.

Galak na galak ang puso ko nang makita kong dumating na ang mga pulis sa bahay.

Sasagipin na nila kami.

Pero nang umalis sila makalipas ang kalahating oras na kapwa may mga hawak na sobre na naglalaman ng pera, alam kong wala nang makakapagligtas pa sa amin.

"Putangina ka!" Galit na galit ang tatay ko sa ginawa ko. "Kung hindi lang kita anak, pinapatay na kita!"

"Delfin!" sigaw ni Claire. "Delfin, tumigil ka na!"

Mahigpit ang kapit ng tatay ko sa leeg ko at halos malagutan na ako ng hininga. Binitawan niya ako at bumagsak ako sa sahig bago niya ako sinipa ng tatlong beses at umalis.

Kinaumagahan, si Claire naman ang nagpapahid ng cream sa mukha ko. "Darwin, huwag mo nang gagawin 'yon." Iyak niya. "Ang guwapo, guwapo mo, Anak. Sayang naman kung mapupuno lang ng pasa ang mukha mo."

Pero hindi ako nakinig.

Sa loob ng siyam na buwan hanggang sa manganak si Claire ay ako ang naging punching bag ng tatay ko. Mabuti nang ako kaysa si Claire.

Nang ligtas nang maipanganak si Patrick ay hindi ko maipaliwanag ang saya sa puso ko.

May kapatid na ako.

Kulot ang buhok niya at sobrang puti ng mukha. Umiiyak siya kapag nilalapag siya ni Claire sa kuna, kaya kailangan ay lagi siyang buhat nito.

"Gusto mo ba siyang buhatin?" tanong ni Claire. Siguro ay pagod na siya dahil buong umaga na niya itong karga.

Binigay niya sa akin si Patrick. Hindi siya gaanong mabigat pero mainit siya dahil nakabalot siya sa makapal na tela. Mahimbing lang ang tulog niya kaya tiningnan ko lang ang mamula-mula niyang mukha.

"Claire, may nunal siya sa mata," kuwento ko. Pero pagtingin ko kay Claire ay nakatulog na siya.

Sa tuwing napapagod si Claire ay tinutulungan ko siyang mag-alaga sa kapatid ko. Tinuruan niya akong magtimpla ng gatas at mag-init ng tubig. Tinuruan niya rin ako kung paano magpadighay.

Ni minsan ay hindi ko nakitang binuhat ni Papa si Patrick, liban na lang tuwing Linggo kapag may bisita at kailangan niyang magpakitang-tao.

Iyak nang iyak si Patrick habang buhat ni Papa. Saliwat sa kuwento niya na lagi niya itong pinapatulog.

Kinuha ko si Patrick mula sa kaniya at nang maramdaman ako ay agad itong tumahan.

"Brotherly bond!" Tawa ni Papa sa harap ng mga bisita. "I guess, the Romero Company will be in good hands with these two!"

Trese ako at limang taon na si Patrick nang magpaalam si Claire sa akin.

"Darwin, Anak..." Iyak niya. "Aalis na muna kami ni Patrick, ha? Babalikan kita bukas, okay? Mag-empake ka ng lahat ng gamit mo. Susunduin kita bukas ng alas-onse ng gabi kapag tulog na ang tatay mo. Naiintindihan mo ba?"

Tumango ako.

"Mangako ka, Darwin. Alas-onse," paalala ni Claire. "Susunduin kita sa likod na gate. Okay? Mangako ka."

"Pangako."

Nang makaalis na sila ay nagbalot ako ng mga gamit katulong si Manang Esmi.

"Mag-iingat kayo, Darwin. Alagaan mo si Claire at ang kapatid mo."

"Opo, Manang."

Naghihintay na ako sa pagsundo sa akin ni Claire pero bago pa siya dumating ay hinila na ako ni Papa papasok sa opisina niya at masinsinang kinausap.

"Kung aalis ka, at susunod sa kanila, libre kang lumayas sa pamamahay ko," aniya.

Nagsindi siya ng yosi at saka 'yon hinithit habang nakaupo sa itim na swivel chair na nasa likod ng isang mahabang mesa na gawa sa kahoy.

"Pero maghanda ka nang maglibing pa ng dalawang bangkay kapag ginawa mo 'yon."

Nanlamig ang mga palad ko sa babala ng tatay ko. Iminuwestra niya pa ang pagtali ng lubid sa leeg niya gaya na lang ng pagkamatay ng nanay ko noon.

"Do you really think your mother killed herself?" tanong niya.

Naninigas ang buo kong katawan habang nakatingin sa demonyong nasa harapan ko.

"Come on, Darwin. You are smart. Do you really think your mom would commit suicide?" Tawa niya.

Ngayon ko lang napagdugtong ang lahat. Kung bakit walang sumagot sa hotline ng mga pulis no'ng tumawag ako noon.

Hindi ako sumagot at pinakiramdaman na lang ang unti-unting paglalim ng galit sa puso ko.

"Send my regards to Claire."

Alas-onse ng gabi nang kumatok si Manang Esmi sa kwarto ko pero hindi ko siya pinagbuksan.

"Darwin," tawag niya.

Hindi ako sumagot.

"Darwin, halika na!"

Hindi pa rin ako sumagot.

"Darwin..."

Ipinikit ko ang mga mata ko at sa unang pagkakataon makalipas ang limang taon ay muling umiyak.

Pasado alas-onse nang huminto si Manang Esmi sa pagtawag sa pangalan ko.

Pasado alas-onse nang tumigil siya sa pagkatok sa pinto ng kwarto ko.

Pasado alas-onse nang mapagtanto ko... na bukas ng umaga ay mag-isa na ulit ako.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top