III







"Sa bandang huli, ikakapahamak mo ang magagandang babae." –Vladimir

IKATLONG PAKIKIPAGSAPALARAN

{Usapang Aswang}

x-----o-----x

Nagtataka sila nang magising sapagkat dama nila ang pananakit ng buong katawan.

"Nararamdaman niyo ba ang nararamdaman ko?" Tanong ni Jimmy.

"Oo, nararamdaman ko B2. Nakabalik na tayo sa katawan natin!" Napangisi na lamang sila at nagtawanan. "Tsek, ang galing ko!" Papuri nito sa sarili na kunwari'y naiiyak pa.

"Ang gago mo, Vlad." Nakasimangot na pahayag ni Jimmy.

"Ang gwapo ko? Salamat, Jimmy! Totoo ka talagang kaibigan," anas ni Vlad sabay akbay kay Jimmy.

"Tatahimik kayo, o papasakan ko ng bomba ang mga bunganga niyo?" Reklamo ng kakamulat lang na si Summer.

"Yung libro, Juke!" wika ni Jirou ng mapansin niyang kumikinang ito ng kay itim, kaya naman nabaling doon ang lahat ng atensyon nila.

Kusa itong lumapit kay Juke at may mga letrang unti-unting lumalabas dito. Kulay pilak ang letra kaya naman kahit nag-iitim ang libro ay nababasa iyon.

"Anong sabi?" Hindi nila maintindihan ang mga nakasulat doon.

"Upang makapagsimula na, ang unang destinasyon daw natin ay ang pinagmulan ng lahat," nagtataka si Juke kung papaano niya nabasa ang mga nakasulat doon gayong tanging Engles at Tagalog lamang ang naiintindihan niyang lenggwahe.

"Alam ko na!" Wika ni Vladimir. Kaya naman nabaling ang atensyon ng lahat sa kanya.

"Si Jimmy, ang unang unggoy! Siya ang pinagmulan ng lahat."

"Last mo na iyan," nakasimangot naman na wika ni Jimmy.

Inignora ni Juke ang kalokohan ng mga kaibigan, at nagpatuloy sa paksa nila. "May kakilala akong makakatulong sa atin, at kailangan natin siyang puntahan sa Capiz."

"Hindi ba tirahan iyon ng mga aswang?" Ani Summer habang animo'y nangingilabot sa takot.

"Anong tirahan ng aswang? Walang aswang sa lugar namin, pare," nakangiting wika ni Juke.

"Kaya siguro nakakabasa ka ng impaktong salita."

Kinutusan ni Raphael si Summer dahil sa sinabi nito. "Ang issue mo, p're!"

"Yung ayaw sumama, huwag ng tumuloy," pang-aasar din ni Vladimir.

"Pero kung maiiwan ka, malamang patay ka," ani naman ni Jimmy habang nag-uunat pa at hinaplos-haplos ang batok na nanakit dahil sa ilang ulit na paglagpak ng kanyang katawan.

x-----o-----x

"Malayo pa ba?" Tanong ni Jimmy.

"Kaya nga," pagsang-ayon naman ni Summer.

"Ma at pa," inaantok na wika ni Jirou.

Pagkatungtong na pagkatungtong pa lamang nila sa naturang isla matapos bumaba ng bangka ay humangin na nang kay lakas.

"Mukhang may kakaibang naghihintay sa atin ah," naiiling na wika ni Raphael.

"Nasa teritoryo ko kayo. Akong bahala sa inyo," gusto ni Juke na maging panatag ang mga kasama. Ngayon na lamang siya nakabalik sa lugar na ito sapagkat noong tumungtong siya ng hayskul ay lumipat na sila sa Maynila.

Nagpatuloy na lamang sila sa paglalakad. Mga kalahating oras din ang kanilang inilaan, kaya naman ngawit na ngawit na ang kanilang mga paa.

"May mas ililiblib pa ba ito?"

"Meron pa, pero hanggang dito na lang tayo, Jonas," nakangiting wika ni Juke matapos matanaw ang kanilang kubo na hanggang ngayon ay nakatayo pa rin malapit sa paanan ng bundok. Ang harap naman ng bahay nila ay kagubatan.

"Pwede bang dito na lang ako tumira? P're, ang ganda dito sa inyo!" Manghang-manghang wika ni Vladimir.

"Oo, Vlad para may magbantay sa bahay nila," ani Jonas na agad na sumalangpak. Dama niya ang matinding pagod dahil sa matagal na biyahe't paglalakad.

"Sige ba! Total wala na akong titirhan," nakangiting humiga rin si Vladimir sa papag na kawayan na katabi lamang ng kubo nila Juke.

Takipsilim na rin kase nang makarating sila doon kaya naman hindi na sila nagtagal pa sa labas, at pumasok na sa loob ng bahay upang makapagpahinga.

"Juke, may kakaiba dito sa kubo niyo. At saka bakit parang ang linis?" Si Raphael ay isang sensitibong tao, may mga pagkakataon na kinakapa niya ang bawat sulok ng isang bahay. Kaya naman nagtataka siya ng walang masalat na alikabok.

"May caretaker kase kami kaya laging malinis dito." Tumango na lamang ang bawat-isa, at namili ng pwestong hihigaan.

"Mayaman pala kayo."

"Hindi naman, Vlad, tama lang," mas pinili ni Juke ang katre sapagkat doon siya komportable.

Pagkatapos patayin ang ilaw, ay pabaling-pabaling si Summer at hindi mapakali.

"Grabe 'no? Ang tindi ng pinagdaanan natin? Mantakin mo iyon, hindi pa natin alam kung bakit tayo napunta sa isang laboratoryo ng Lalimbamba. Hindi rin natin alam kung anong susunod na mangyayari sa atin matapos pagbigyang mabuhay pa at hindi matuloy ang underworld field trip natin. Hindi pala, paniguradong panghabangbuhay na pabahay sa impyerno!" tumango-tango si Summer. "Higit sa lahat, natanaw na natin ang langit. Bunos na lang si Mr. R," pinili naman ni Summer ang pwestong malapit sa bintana upang matanaw niya pa rin ang bituin kahit gabi na, at sa tabi iyon ni Juke.

"Isa pa, bakit at paano nagkaroon ng anak si Kamatayan? Ang cool 'di ba?" Katulad ng ibang kaibigan ay hindi pa rin makapaniwala si Jonas na nabuhay pa siya at nabigyan ng pangalawang pagkakataon.

"Oy narinig niyo iyon?" Napatayong bigla si Vladimir matapos marinig ang isang hindi pamilyar na tunog. "Ano iyon?"

"Tiktik, pare, kaya matulog ka na," nagtalukbong na ng kumot si Jirou. May malalim siyang iniisip. Ngunit masaya siya sapagkat ngayon lang muling natikman ang malambot na higaan at matulog mismo sa silong ng isang bahay. Hindi sa kalye. Dito ay dama niya ang katahimikan, ngunit naroon pa rin ang agam-agam na maaring maging kahihinatnan nila isang araw.

"Ano?!" Napabalikwas ng bangon si Vladimir.

"Huwag kang mag-alala, pare, nasa malayo 'yun kase anlakas ng tunog oh? Kaya matulog ka na." Pangungumbinse ni Jimmy.

Hindi nila mapigilang hindi matawa sa inaasta ni Vlad.

"Ganon ba iyon?" Kakamot-kamot nitong wika.

"Bale limang uri ang aswang: Una, ay ang Balbal, safe ka pa dito, kase ang mga binibiktima niya ay buntis. Sabi ng iba, isa daw itong uri ng mangkukulam na namumula ang mata kapag gutom. Pwera na lang kung magbubuntis ka, Vlad, pakiramdam ko ikaw ang unang biktima," ngiseng asong wika ni Raphael.

"Sumunod ay yung wak-wak na kamukha ni, Summer."

"Tangina mo, p're! Sagad!" Natawa na lamang si Juke matapos batuhin ni Summer ng unan.

"Labyu pare, ha-ha pa kiss," dahil katabi lamang niya si Summer ay naisip niyang pagtripan ito.

"Imba, anong itsura niyon?" Dahil mukhang interesado si Vlad ay napilitang tumayo ni Juke sa hinihigaan, at magkwento.

"Wak-wak, isang nilalang na anyong ibon. Minsan ay naiuugnay sa bampira. Mansusopsop; isang masamang espiritu na nambibiktima din ng buntis. Katulad ng tik-tik na nagpupunta sa taas ng bahay, at pinapahaba ang kanyang mala-sinulid na dila hanggang mapatay niya ang sanggol na kanyang biktima. Yung kubot at sigbin, hindi ko na ikikwento total mukhang hindi na naman iyon nag-eexist sa mundo. Kung ayaw mong matulog, Vlad, magpatulog ka," humiga ng muli si Juke, at pinilit dalawin ng antok.

x-----o-----x

"Delikado kapag si Vlad ang nauunang magising," puna ni Jirou.

"Napurga ako sa itlog," reklamo din ni Jimmy habang hinihimas ang tyan.

"Ano iyong niluto niya? Scrambled egg, sunny side up, at bonus yung maalat na itlog!" Nakasimangot naman na wika ni Summer. "Itlog pa rin." Naiiling na wika nito.

"Nak ng tokneneng mga pare! Ako na nga ang nagluto, nagrereklamo pa kayo," hindi na naman maipinta ang mukha ni Vladimir. "Nagkawang-gawa lang mga pre! Hindi niyo ba maramdamnan iyon?"

"Imba na alien, bukas nga egg drop soup naman."

"Ano?!" Halos magkoros sila ng sabihin iyon ni Juke maliban kay Jirou na tahimik lang at hindi masyadong umiimik. Natatawang naglakad si Juke habang sumisipol-sipol pa.

"Subukan mo, Juke, ng makatikim ka sa akin!"

"Kalma lang, hindi ka naman mabiro, Jonas."

Pagkatapos mag-almusal ay nagpahinga silang saglit at natulog muli matapos bumaba ng kinain sapagkat pakiramdam nila'y pagod na pagod sila. Nagising sila ng dapit hapon na, at naisipang pumunta sa bayan upang puntahan ang sadya roon.

"Nakikita niyo ba ang nakikita ko?" Sabay-sabay naman nilang tinignan ang direksyon ng pinakakatitigan ni Jimmy. "Pare! Ang ganda niya."

"P're, sigurado ka ba? Pustahan tayo, mas maganda pa diyan si Jirou kapag nagbihis pambabae—aray naman pare!" Isang batok ang natanggap ni Raphael mula kay Jirou, ngunit tahimik pa rin ito at hindi umiimik upang magsalita. Wala itong ibang sinabi at nagpatuloy sa paglalakad. "Sabi na eh! Sana naging likod na lang siya," dismayadong wika ni Raphael.

Napakamot na lang si Jimmy matapos makita ang itsura ng pinagpantasyahan niya kani-kanina lang.

"Nandito na tayo," ani ni Juke habang tinatanaw ang mataas na tarangkahan. Hindi na siya nagpatumpik-tumpik pa at kumatok na doon. "Tao po? Nariyan ho ba si Lola Tining? Tao po—" Sa muli niyang pagkatok ay may lumabas ng isang babae kaya hindi na naituloy ang sasabihin.

"Wala siya dito, tulog, umalis! Layas!" Pakiramdam nila'y lumabas lahat ng tulili sa kanilang tainga matapos nitong kalampagin ang pinto.

"Salamat ha!" Agad nilang hinila si Vladimir matapos nitong sipa-sipain ang tarangkahan. "Maging alien ka sana. Impakta!"

"Hoy! Awat na!" Wika ni Raphael habang natatawa sa pagkayamot ni Vlad.

"Ano ng gagawin natin?"

"Mag-iisip ng ibang paraan. Tiwala lang. Kung wala na, susuko din iyan at kakausapin tayo," nakangiting wika ni Jonas, at tumalikod na. Agad naman nagsisunod ang mga kaibigan niya.

Habang naglalakad pabalik sa bahay ni Juke ay may panibagong natanaw nanamang muli si Jimmy.

"Pare ang ganda niya," kinalabit-kalabit silang muli ni Jimmy para lumingon.

"Ewan ko sayo, Jimmy! Puro magagandang babae na lang ang inaatupag mo." Wika ni Raphael habang pagod na pagod at inaantok na. Inisip niyang kaya naging masungit ang babae sapagkat gabing-gabi na.

"Parang natatakot siya," pansin nila ang pagkabagabag sa boses ni Jimmy, ngunit nagpatuloy pa rin sila sa paglalakad pauwi sa bahay ni Juke at hindi ito pinansin.

Nag-iisa lang ang bahay ni Juke sa gitna ng kagubatan.

"Puro magagandang babae ang inaatupag. Kaya ka nagkakasala," iiling-iling naman na wika rin ni Juke.

"Sa bandang huli, ikakapahamak mo ang magagandang babae."

"Ayos, Vladimir!" Natatawang binatukan ni Summer si Vladimir dahil sa pangaral nito. "Ay Jimmy, bakit hindi ka na kumibo—Jimmy? Nasaan si Jimmy?" Sabay-sabay silang napalingon sa likuran matapos mawala ang kaibigan nila na kanina ay nakasunod lang.

Naglakad silang muli pabalik upang hanapin ang kaibigan.

"Yung-yung sumbrelo ni Jimmy!"

"Kalma, Summer, kalma."

"Kailangan nating mahanap si Jimmy. Delikado dito."

"Akala ko ba hindi, Juke?"

"Siguro dati, pero hindi na ngayon, Summer. Hindi ko na alam kung sino ang kalaban natin," puno ng kaseryosohan ang mukha ni Juke habang lumilingon-lingon sa paligid upang maghanap ng bakas mula sa pinagdaanan ni Jimmy.

Maraming tanong sa kanyang isipan na hanggang ngayon ay wala pang kasagutan. Ngunit iisa lang ang nasisigurado niya: marami silang pagsubok na kailangang pagdaanan bago makita ang anak ni Kamatayan.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top