Sixteenth Dream
Sixteenth Dream
Mabubura na ang existence niya.
Dito o sa real world.
Mawawala na si Caleb.
Hindi ko na maririnig ang boses niya, ang masayang tawa niya pati ang mga pang-aasar niya. Hindi ko na makikita ang maganda niyang ngiti, ang maamo niyang mukha. Dito man o sa real world.
Hindi ko na siya makakasama.
Napapikit ako. Nagbabadya ang mga luha sa mata ko.
"Hindi magandang biro 'yan," halos pabulong kong sabi sa kanya.
"I'm sorry."
Umiwas siya ng tingin sa akin. Napatingala siya at makailang beses siyang kumurap.
Siguro para hindi bumagsak ang mga luha sa mata niya. Parang lalong bumigat ang pakiramdam ko.
"Bakit ganun? Panaginip 'to 'di ba? Dapat hindi totoo ang mga nangyayari rito. Pero bakit ganun? Bakit nangyayari sa'yo 'to?!" Hindi ko na napigilan ang pagbagsak ng luha sa mga mata ko.
Hindi 'to pwedeng mangyari. Panaginip lang 'to eh! Pero bakit totoo ang mga nangyayari?!
"Angelique," Caleb gave me a sad smile. "Kasi tunay ako at ito ang kapalit ng pinili kong buhay. Nagkamali ako. Mali ang naging desisyon ko pero wala na akong magagawa. Tanggap ko na."
Umiling ako. "Hindi pwede Caleb! Hindi eh! Ayokong tanggapin! Hindi pwede!" Umiling ako nang umiling nang umiling. Ayoko. Bakit ganun? Bakit ganito ang nangyari? Ang bigat-bigat bigat sa puso.
"Angelique," hinawakan ni Caleb ang mukha ko at nginitian niya ako. "Mali man ang naging desisyon ko, may maganda pa ring nangyari sa akin."
"Anong maganda Caleb? Sabi mo peke ang lahat ng 'to! Iba pa rin ang reality! Anong maganda rito ha?! Ano?! Hindi ko matanggap! Hindi pwede!"
"Pero tunay ka. At ikaw ang magandang nangyari sa akin."
Natigilan ako bigla sa sinabi ni Caleb. Lumapit siya sa akin at pinunasan niya ang mga luha sa pisngi ko.
"Ikaw ang magandang nangyari sa akin, Angelique."
Hinila ako papalapit ni Caleb at niyakap niya ako nang mahigpit na mahigpit. Naramdaman ko ang labi niya na dumikit sa noo ko.
Napapikit ako kasabay ng muling pagbagsak ng luha sa mata ko.
Alam ko na lahat. Ramdam ko na lahat.
Kung bakit ganito ang epekto ng ngiti ni Caleb sa akin, kung bakit hindi ako ganoon nasaktan nung malaman kong sina Owen at Amanda na. Kung bakit ang komportable ng pakiramdam ko pag kasama ko siya o kung bakit siya lang ang kaisa-isang taong may kakayahan na pagaanin at palaksin ang loob ko.
Alam ko na. Naiintindihan ko na. Kung bakit gabi-gabi ay excited akong matulog at managinip. Kung paanong mas gumanda sa paningin ko ang munting paraiso na binuo ko. Ramdam ko na lahat. Tinatanggap ko na lahat. Mahal ko siya. Pero bakit kung kailan ko pa na-realize ang mga bagay na 'to ay saka pa siya mawawala sa akin?
"Hanggang kailan na lang kita pwedeng makasama?" halos pabulong kong tanong sa kanya.
Naramdaman ko ang paghinga ni Caleb nang malalim. "Bukas ang huling araw..."
"Bukas?"
Napatakip ako ng bibig at tuloy-tuloy na naman ang pagbagsak ng mga luha sa mata ko.
Ang sakit, sakit, sakit.
"H-hindi ako aware na ganito na pala ka-ikli ang oras nating dalawa."
Mas lalong napalakas ang paghagulgol ko. Sunod-sunod ang paghikbi na lumalabas sa bibig ko. Ang hirap huminga. Ang sakit sa dibdib.
Hindi nagsalita si Caleb at sa halip ay niyakap niya lang ako nang mahigpit.
"Hindi ba pwedeng humingi ng extension kay Dream Goddess? Kahit isang araw lang?"
Humiwalay si Caleb sa pagkakayakap sa akin at pinunasan niya ang luha sa mata ko. Nakita ko ang lungkot sa mata niya.
Lungkot at panghihinayang.
"Bakit hindi ka tinutulungan ni Dream Goddess?"
Binigyan niya ako ng isang malungkot na ngiti, "Tinulungan niya ako. Ginawa niya rin ang lahat ng makakaya niya. Sadyang wala na talaga siyang magawa."
Hinawakan ko ang pisngi ni Caleb. Tinitigan ko siya sa mata, sa kilay, sa ilong... at sa labi niya.
Kumirot na naman ang puso ko.
Hindi ko matanggap na hindi ko na siya makikita. Ayaw mag-sink in sa akin na hanggang bukas na lang 'to.
Na mawawala na siya.
Ayokong tanggapin.
~*~
"Angelique, okay ka lang ba talaga? Kanina ka pa wala sa sarili," tanong sa akin ni Amanda habang kumakain kami ng lunch sa canteen ng school.
"Ah, wala. May iniisip lang ako," nginitian ko siya. Pero sa pagpipilit kong ngumiti, parang gusto ko na naman maiyak.
"Wait, CR lang."
Agad akong tumayo at dali-dali akong tumakbo papuntang CR. Pagkasara ko ng pinto sa cubicle, tuloy-tuloy na naman ang bagsak ng luha sa mata ko.
Kagabi, ayokong umalis sa panaginip ko. Ayokong gumising at mas lalong ayokong iwan si Caleb doon.
Iyak ako nang iyak. Kaso pilit akong pinapagising ni Caleb. Ramdam ko na rin ang pagyugyog ni nanay sa akin para magising. Nang magising ako, umiiyak din ako. Tinanong ni Nanay ang problema at napayakap na lang ako sa kanya.
Sabi ko, nagkaroon ako nang masamang panaginip. Medyo tinawanan pa nga nina ako ni Kuya. Para raw akong bata.
Isang masamang panaginip.
Pero kung alam lang nila. Panaginip nga iyon pero totoong nangyayari iyon.
Bakit ganun? Sana ang panaginip, manatili na lang na hindi totoo. Bakit kailangan pang maging tunay 'yun?
E di naging peke rin si Caleb.
Napahagulgol ako ng iyak.
Gusto kong makilala si Caleb sa reality. Gusto ko siyang makasama rito. Bakit kailangang mangyari sa kanya ang bagay na 'yun? Bakit kailangan niyang mawala sa akin?
Tuloy-tuloy na naman ang bagsak ng luha sa mata ko. Nag-uunahan. Ayaw magpapigil. Pilit kong pinakalma sarili ko. Hindi nila pwedeng makita na namamaga ang mata ko sa pag-iyak. Ayokong magtanong sila kung ano ang problema ko. Mahihirapan lang akong kumbinsihin sila na wala akong problema.
Hindi ko naman pwedeng sabihin sa kanila ang tungkol kay Caleb. Pero sa totoo lang, gusto ko nang makakausap, kasi ang bigat-bigat na. Hindi ko naman magawang puntahan ang Mama niya. Hindi ko alam kung paano ko sasabihin ang tungkol sa huling napag-usapan namin ni Caleb.
Mawawala na po sa atin si Caleb.
Hindi ko kaya. Mas madudurog ang puso ko sa magiging reaksyon niya. Mas masasaktan ako.
Lumabas ako sa cubicle at tiningnan ang sarili sa salamin.
Magang-maga na ang mata ko.
Ano na ang sasabihin ko sa kanila?
Gusto ko nang umuwi at matulog.
Gusto ko nang balikan si Caleb.
Ito ang huling beses na naghihintay siya sa akin.
"Angelique..."
Napakurap ako bigla.
Pakiramdam ko parang nag-iba ang reflection ko sa salamin. Ba't ganun?
"Angelique..."
Napatingin ako sa kaliwa't-kanan ko nang marinig ko ang boses na tumatawag sa akin.
Biglang umikot ang paligid ko. Mabilis na mabilis. Parang 'yung pag-ikot lang ng kwarto na may iba't-ibang pinto patungo sa panaginip. Nakakahilo.
Nagdilim ang paningin ko.
At tuluyan akong bumagsak sa sahig.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top