Second Dream
Second Dream
"Angelique, 'yung skirt mo natuluan na ng sauce!" sabi ni Amanda sa akin at napatingin ako sa skirt ko. May mantsa na nga ito ng sauce nitong fishball na kinakain ko.
Mukhang kailangan ko nang ihanda ang tenga ko sa katakot-takot na sermon ni Nanay mamaya sa akin.
Nandito ako ngayon sa may basketball court sa likod ng school namin kasama sina Amanda at Lilian—'yung dalawa kong kaibigan—habang nag me-meryenda ng fishball at juice na nasa plastic.
"Kanina ka pa tulala. May problema ka ba?" tanong naman ni Lilian sa akin.
Napabuntong hininga ako. Kanina pa ako nangangati na ikwento sa kanila ang tungkol sa panaginip ko. Pati na rin 'yung tungkol sa lalaking bigla na lang sumulpot dito.
Paano ba naman, first time na nangyari sa akin 'yun. Kontrolado ko ang panaginip ko. Lahat ng taong nandoon eh ako ang may gawa. Nandoon man sina Lilian, Amanda at Owen, ay dahil 'yun sa kasali sila sa imagination ko.
Pero 'yung lalaking 'yun? Sino o ano ba siya? Paano niya nagawang pumasok sa panaginip ko? At bakit hindi ko siya makontrol?
Mamayang gabi kaya, nandoon ulit siya? Ayoko siyang makita. Mamaya manggulo lang siya sa panaginip ko eh. 'Yun na nga lang ang natatanging magandang nangyayari sa akin, guguluhin pa niya.
"Ayan na naman siya, natutulala," rinig kong bulong ni Lilian kay Amanda.
"Sorry guys, iniisip ko lang kung saan ako papasok ng college," palusot ko sa kanila.
Hindi ko naman kasi talaga pwedeng ikwento sa kanila ang panaginip ko. Hindi rin naman nila ako paniniwalaan kung sasabihin kong lucid dreamer ako. At hindi lang basta-basta lucid dreamer, kaya ko pang i-manipulate ang panaginip ko. Ang hirap paniwalaan ng bagay na 'yun.
Narinig ko ang pagbuntong-hininga ni Amanda. "Buti ka nga Angelique, matalino ka. Pwede kang mag-apply ng scholarship sa college. Paano naman akong pinagkaitan ng utak? Saan na lang ako pupulutin?"
"Hanap tayong boyfriend!" masayang sabi ni Lilian. "Yung mayaman at mapera! Tapos dapat gwapo rin, para buhay prinsesa tayo!"
Tiningnan ko si Lilian at pinanliitan ng mata, "lakas maka-Koreanovela ng hiling mo ah?"
"Bakit ba?! Masama bang mangarap? Ikaw ba, hindi mo pinangarap 'yun?!"
Tinawanan ko na lang siya habang umiiling-iling.
Actually, hindi ako nangangarap Lilian, nananaginip ako, sa isip-isip ko.
"Raver High boys," bulong ni Amanda habang nakatingin sa harapan. Sinundan ko 'yung direksyon tinitingnan niya at nakita ko ang grupo ng mga kalalakihan na naglalakad at nagtatawanan.
Pare-pareho silang mga naka-varsity jacket na kulay asul at may dalang gym bag. Itsura pa lang nila, halata nang mga varsity players sila.
"Ano kaya ang feeling na maging rich kid tulad ng mga 'yan 'no?" tanong ni Lilian.
"Ang sarap siguro ng buhay nila. Pag weekends, nasa bahay lang sila, naka-aircon sa kwarto, naglalaro ng kung anong video games o pwedeng nasa mall at namamasyal. Samantalang tayo, kumakayod," sagot ko naman. Hindi ko maitago ang bitterness sa boses ko.
Kada kasi nakikita ko ang mga estudyante ng Raver High, laging pumapasok sa isip ko na ang unfair ng mundo. Nakakainis.
"Okay lang 'yan, guys. At least naranasan nating maghirap. Sabi nga ni Principal, no pain, no gain. 'Yung mga pinaka naghirap ang pinakaaasenso," sabi naman ni Amanda.
"Eh sila, hindi na nila kailangang umasenso. For sure may mga negosyo ang pamilya nila. May trabaho na agad sila pagka-graduate nila," sagot ko sa kanya.
"I-boyfriend ko kaya ang isa sa kanila? Para 'di na ako maghirap?" nakangiting tanong ni Lilian.
"Gaga nito!" natatawa-tawa namang sagot ni Amanda. "Alam niyo, ang nega niyong dalawa! Hindi niyo naiisip ang mga swerte na dumarating sa inyo. Ikaw Lilian, 'di ba 'yung Tita mo ang magpapaaral sa'yo sa college? Swerte mo dahil may sponsor ka na! At ikaw naman Angelique, 'di ba malaki ang chance mo na makakuha ng scholarship doon sa university kung saan ka nag-exam? Sosyal 'yun, private school! Kaya 'wag nga kayong nega. Think positive, guys!" tumawa ulit si Amanda. "O, lakas maka-rich kid ng English ko 'di ba?" Natawa na lang din kami ni Lilian.
Minsan, hanga ako sa pagiging positive nitong si Amanda. Katulad ko, hirap din naman siya sa buhay pero nakukuha pa rin niyang maging masaya. Bakit kaya ako hindi? Siguro dahil hindi ako kuntento? Pero, sino ba naman ang makukuntento sa ganitong buhay?
Wala akong kinagisnang ama. Ayaw namang banggitin ni Nanay kung sino siya. 'Yung kuya ko, hindi naka-graduate ng college dahil nagbulakbol. Ngayon, construction worker na lang siya. Buti na lang at wala siyang planong mag-asawa. At natitiyak kong hinding-hindi talaga siya aksidenteng makakabuntis ng babae. Paano, lalaki rin ang type niya. 'Wag lang siyang mag-uuwi ng palamunin na lalaki sa amin, kundi ako mismo ang gugulpi sa kanya.
Pero kahit ganun ang ate kuya kong 'yun, mahal ko 'yun. Kita ko rin naman ang hirap niya sa pagtatrabaho para matulungan lang si Nanay sa pag-iipon para sa pang college ko. Kita ko ang hirap nilang dalawa para sa akin.
Kaya siguro hindi ako makuntento dahil nagi-guilty ako. Lalo na nung time na nanakawan pa kami. Nakita ko kung paano nangutang at nagpakababa si Nanay nun may maipang bayad lang sa miscellaneous fee ko sa school.
Ang sakit makita.
Ilang beses ko nang sinabi na hihinto na lang ako at magtatrabaho na lang din pero ayaw naman nilang pumayag. Hindi ko maintindihan. Kahit hirap na sila, patuloy pa rin sila sa pagkayod para sa akin, sa amin. Kahit nagugutom at walang-wala na kami, hindi sila tumitigil.
Ang pait masyado ng reyalidad ko. Kaya nga sa panaginip ko, hindi nila kailangang magtrabaho. Sa panaginip ko, hindi sila napapagod. Marami kaming pera doon. Maraming-marami. Kaya minsan ayoko nang magising para wala nang hirap at sakit akong maramdaman. Sana forever na lang akong nasa panaginip ko. Kaso ang problema, nagkaroon ng epal sa panaginip ko. Sana mamayang gabi wala na 'yung nilalang na 'yun!
Matapos naming magmiryenda, nagpaalam na rin ako kina Amanda at Lilian na uuna na ako ng uwi. Tambak kasi ang assignments na dapat gawin. Syempre hindi ako pwedeng magpabaya. Kailangan kong ma-maintain ang grades ko para naman makakuha pa ako ng scholarship sa college. 'Yung sa FEU kasi, hindi pa sure.
Dumiretso agad ako sa kwarto namin at doon gumawa ng assignment. Oo, iisa lang ang kwarto sa bahay namin. Iisa lang din ang kama namin. Medyo gitgitan kasi ang laking lalaki bakla nitong si kuya.
Pag talaga ako nagkaroon ng magandang trabaho na may malaking sahod, kama ang una kong bibilhin! O bahay na lang kaya?
Kinuha ko ang libro ko sa Foreign Literature at sinimulang basahin 'yung isang short story doon na gagawaan ko ng reaction paper. Next week pa talaga ang pasahan nito pero naisipan ko nang gawin agad para wala na akong iintindihin.
Kaya lang dahil sa pagod, 'di ko namalayan na unti-unti na pala akong nakakatulog.
Langit na puno ng bituin at isang buwan na ubod ng laki. Pakiramdam ko, ang lapit ko sa langit kasi kitang-kita ko ang hugis ng buwan. Kita ko ang laki nito. Pakiramdam ko, kaya ko ring sumungkit ng bituin sa langit.
Pero nagpatuloy ako sa paglalakad dito sa tulay na tinatahak ko. Ilang beses na akong naglalakad sa tulay na ito. Kada nananaginip ako, ito ang daan na tinatahak ko. At sa dulo ng tulay na 'to, nandoon ang mundong binuo ko sa panaginip ko. Malayo pa'y tanaw ko na agad 'to.
Isang malaking school na akala mo eh paaralan ng mayayaman sa ibang bansa. Mukha itong isang malaking glass castle. Parang paaralan ng mga prinsipe at prinsesa. Sa right side ng school na 'to, makikita mo ang hile-hilerang cherry blossom trees. Sa may likod ng cherry blossom tree naman makikita ang mga pine trees na natatabunan ng snow. Sa harap ng school, may isang malaking soccer field. At sa paligid ng soccer field, nandoon ang lanai kung saan tumatambay ang mga estudyante. Sa far left corner ng soccer field ay matatanaw ang isang glass garden. Sa left side naman ng school matatagpuan ang isang magandang park. Sa gitna ng park, makikita mo ang Eiffle tower.
Ang weird tingnan. Parang isa siyang lugar kung saan pinagsama-sama pa tourist spot ng iba't ibang mga lugar. Pero para sa akin, ito ang paradise ko. Ito ang sarili kong mundo na walang ibang taong nakakaalam kundi ako lang.
At yung lalaking bigla na lang sumulpot dito.
Nang makapasok ako sa loob ng school, umakyat agad ako sa rooftop. Isa ito sa pinakafavorite place ko sa panaginip ko kasi bukod sa malamig at masarap ang simoy ng hangin dito, tanaw na tanaw ko ang kabuuan ng panaginip ko.
"Astig ah?"
Halos mapatalon ako sa gulat nang makarinig ako ng lalaking nagsalita. Paglingon ko sa likuran ko, nandoon si Caleb, nakasandal sa railings ng rooftop at kumakain ng sandwich.
"At infairness, masarap ang sandwich dito ah?"
"Ano na naman ang ginagawa mo sa panaginip ko?!"
"Uhmm," itinaas niya ang hawak niya. "Kumakain ng sandwich?"
WOW! Philosopher!
"Astig talaga nitong panaginip mo. Nakakaaliw eh. Cherry blossom ba 'yun?" sabi niya habang itinuturo ang mga cherry blossom trees. "At bakit sa parte lang na 'yun nag-i-snow?" this time, nakaturo naman siya sa mga pine trees na natatabunan ng snow.
"Walang pakialamanan ng panaginip!"
"Bakit? Wala naman akong sinasabi ah! Astig nga eh? Teka, nasaang bansa ba tayo exactly dito sa panaginip mo? Korea? Japan? O Paris? Kasi parang nakakita ako kanina ng Eiffle Tower."
Umiling ako. "Pinas pa rin."
"Pinas?!" gulat na gulat na sabi niya sabay hagalpak ng tawa. Nabilaukan pa siya sa kinakain niyang sandwich. Buti nga.
"Tapos ka na bang tumawa at mabilaukan? Pwede bang lumayas ka na sa panaginip ko?"
"'To naman, 'di mabiro! Na-amuse lang ako. Nasa Pinas tayo pero may cherry blossom tree. Tapos ang lamig pa ng weather. 'Yung setting pa ng school hindi pang Pinas. Astig ng imagination mo. Writer ka ba?"
"Hindi—I mean wala kang paki. Eh ikaw, ano ka ba?"
Ngumisi siya. "Lalaki. Gwapong lalaki."
Napairap ako. "Ang pilosopo mo talaga! Ba't ka ba nandito sa panaginip ko at nanggugulo ha? Sino ka ba?"
"Ito naman. Tumatambay lang ako sa panaginip mo. Masyado kasing solid eh. Masyadong buong-buo. Parang reality na. Ngayon lang ako nakakita ng ganitong panaginip na ang ganda ng pagkakabuo."
Napakunot bigla ang noo ko. "Ibig mong sabihin, bukod sa akin, may iba ka pang panaginip na napuntahan?"
Tumango siya. "Yep. That's what I do."
"Paano? Bakit?"
"Okay, let me introduce myself properly."
Umayos siya ng tayo at inilahad niya ang kamay niya sa harapan ko.
"My name is Caleb and I am a dream traveler."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top