Nineteenth Dream
Nineteenth Dream
"Angelique, anak?! Angelique!"
Napadilat ako. Mukha agad ni Nanay ang nakita ko. Napatingin ako sa paligid at na-realize kong nasa clinic ako ng school namin.
"Anak ko!" at niyakap ako ni nanay. "Wag mo na akong pakakabahin ng ganun bata ka!"
"Hinimatay ka kanina due to over fatigue," sabi nung nurse sa clinic. "Buti na lang nakita ka agad ng mga kaibigan mo."
Napahawak ako sa noo ko at napapikit ako.
"Caleb..."
"A-ano anak?"
Hindi ko maidilat ang mata ko. Iniisip ko ang mukha ni Caleb. Paulit-ulit kong pine-play sa utak ko ang sinabi niya sa akin.
"Mahal kita, Angelique."
Gusto kong maiyak. Bakit bigla na lang siyang nawala? Ba't hindi ako nabigyan ng pagkakataon na sabihin sa kanya na gusto ko siya.
Pero ayos na siya ngayon, Angelique. Ayos na siya at hindi na siya nasasaktan at hindi ka na rin niya naalala.
~*~
Flashback
"Angelique..."
Napatingin ako sa kaliwa't-kanan ko nang marinig ko ang boses na tumatawag sa akin.
Biglang umikot ang paligid ko. Mabilis na mabilis. Parang 'yung pag-ikot lang ng kwarto na may iba't-ibang pinto patungo sa panaginip. Nakakahilo.
Nagdilim ang paningin ko.
At tuluyan akong bumagsak sa sahig.
"Angelique..."
Napaangat ang tingin ko at nagulat ako nang wala na ako sa school.
Kundi nandito ako sa tulay na nasa gitna ng tubig at napapalibutan ng mga lumulutang na ball of lights. Mga bola ng panaginip.
Sa harap ko ay may nakatayong isang babae na nakasuot ng bestidang kulay puti na abot hanggang talampakan.
Mahaba at itim na itim ang kulay ng buhok niya. May nakapaikot na kumikinang na maliliit na bato dito.
Parang kalangitan na puno ng bituin. Napatingin ako sa tenga niya. Patulis ito. Isa ba siyang elf or faerie? Nakangiti siya sa akin. Ang ganda niya. Ang ganda-ganda niya.
"Dream Goddess?" tanong ko.
Napatango siya, "Ako nga Angelique. Pero pwede mo akong tawaging Celeste."
Napatingin ako sa paligid, "Bakit ako nandito? Bakit mo ako tinatawag?"
Nilapitan niya ako at hinawakan niya ang pisngi ko.
Nagulat ako sa pakiramdam na naidulot nito sa akin. Parang medyo gumaan ang nararamdaman ko. Parang bigla akong na co-comfort.
"Alam kong ayaw mo siyang mawala, Angelique."
Halos mapaiyak ako sa sinabi niya.
"Please... tulungan mo po siya. Please, please..."
"Nakahanap ako ng paraan."
"T-talaga?"
"Pero sa paraan na 'yun, kinakailangan ko ang tulong mo."
"Paano? Kahit ano gagawin ko! Please! Please!"
Sa likod ni Celeste ay biglang may lumabas na pinto na kulay ginto. Sabi niya sa akin ay sumama ako sa kanya papasok dito.
Sinunuod ko siya at pumasok kami pareho sa kulay gintong pintuan.
At nagulat ako sa bumungad sa akin.
Isang kaharian na may lumulutang na mga bituin.
Sa 'di kalayuan ay tanaw ang isang kastilyo na gawa sa glass.
Habang naglalakad kami ni Dream Goddess patungo sa kastilyong 'yun, marami ang bumabati sa kanya.
Mga faeries at elves.
Lahat ay tinatawag siyang prinsesa.
Naalala ko ang kwento ni Caleb tungkol sa kanya at ang responsibilidad niya. Kaya siguro iginagalang siya ng lahat.
"Prinsesa Celeste!"
May lumapit na isang babae sa amin. Tulad ni Dream Goddess, patulis din ang tenga niya. Pero kulay ginto naman ang buhok at mata niya. May hawak din siyang kulay gintong flute.
"Oh, may mortal na naman ang nais manirahan sa ating kaharian?" tanong sa akin nung babae.
"Lyra, siya si Angelique—ang kaibigan ni Caleb."
Napatakip ng bibig si Lyra at nilapitan ako.
"Kay gandang binibini! Pero siya ba–?"
"Siya ang tutulong para maligtas si Caleb."
Napatango lang si Lyra habang nakatingin sa akin.
"Ipapanalangin ko sa mahabaging Tala na nawa'y maging masaya ka sa tanang buhay mo," sabi sa akin ni Lyra at nagulat ako nang bigla niyang hawakan ang tuktok ng ulo ko at may lumabas na ilaw sa kamay niya.
Bigla akong napalayo sa kanya at napatawa siya sa akin ng mahina.
"Wag kang mag-alala, swerte 'yan," at kinindatan niya ako.
Itinuloy na namin ang paglalakad namin ni Prinsesa Celeste hanggang sa makarating kami sa loob ng kastilyo. Hindi ko na nagawa pang pagmasdan ang kabuuan ng kastilyo dahil pumasok agad kami sa isang silid.
Isang silid na walang laman.
Dito ay sinabi sa akin ni Prinsesa Celeste ang lahat. Na dapat ako ang papalit kay Caleb dito para makabalik siya sa reality ngunit hindi ito ginawa ni Caleb dahil hindi niya ako kayang isakripisyo.
Ang gagawin naming ritual ngayon para mailigtas si Caleb. Tatanggalin na ni Prinsesa Celeste ang kakayahan kong mag-lucid dream. Ang kakayahan kong 'yun ay kapalit ng buhay ng lalaking mahal ko.
Napakadali sa akin 'nun. Wala lang ang bagay na 'yun. Aanhin ko pa ang kakayahan kong 'yun kung wala na si Caleb sa panaginip ko?
Isang sumpa ang gagawin ni Prinsesa Celeste. At once na mai-cast niya ang sumpang iyon, wala nang makakapagpabago pa noon.
'Yun lang, may side effect ang sumpang ito.
"...pagdating sa reality, hinding-hindi na magtatagpo ang landas niyo ni Caleb. Kahit hanapin mo siya, hindi mo na siya makikita. Kahit puntahan mo siya, may mangyayari at mangyayari para hindi mo siya makita. At ganun din siya sa iyo. Hindi na magtatagpo ang mga tadhana niyo."
Napaluhod ako.
Wala na bang paraan?
Hindi ko na ba makikita si Caleb?
"Hindi na ba talaga kami pwede? Wala na bang paraan para mawala na ang side effect ng sumpang iyon?"
Napayuko si Dream Goddess, "Mawawala lang iyon pag nawala na ang kapangyarihan ko. At dito sa Tala, mawawala lang ang kapangyarihan ng mga tulad ko kapag ako'y pumanaw na o kapag ipinatapon na ako sa mundo ng mga nilalang na walang kapangyarihan..."
Sa madaling salita....imposibleng mangyari.
Alam kong ilang daang taon silang nabubuhay at alam ko ring hinding-hindi maipapatapon si Dream Goddess sa mundo ng mga walang kapangyarihan.
Napapikit ako at tumango ako.
Ang sakit.
"Pwede mo ba akong burahin sa alaala niya?"
"Angelique..."
"Please? Para hindi na siya masaktan."
Pumunta sa harapan ko si Dream Goddess at hinawakan ang magkabilang pisngi ko.
"Ilang araw bago mangyari ito, hiniling din sa akin ni Caleb ito. Na burahin siya sa alaala mo. Nalulungkot ako...dahil mahal niyo talaga ang isa't-isa.
Napapikit na lang ako at hinayaan ko ang luha na umagos sa mata ko.
"Pero gusto kong makaalala. Gusto ko siyang maalala. Alam kong masakit ang mangyayari pero isa siyang parte ng buhay ko na gusto kong dalhin sa alaala ko hanggang sa mamatay ako."
"Sigurado ka, Angelique? Hindi ko buburahin ang alaala mo? Sigurado kang ayos sa 'yo na gawin ko na ang sumpang ito?"
Tumango ako, "siguradong-sigurado."
"Matutupad ang iyong kahilingan."
At nabalot ng liwanag ang buong paligid.
End of Flashback
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top