Fourteenth Dream
Fourteenth Dream
Nadatnan ko si Nanay na nakaupo sa labas ng operating room.
May hawak-hawak siyang panyo at pinupunasan niya ang mga luhang bumabagsak sa mata niya.
Ipinaliwanag ni Nanay sa akin ang nangyari. Appendicitis ang dahilan kung bakit isinugod si kuya. Buti na lang nadala siya agad dito. Sa ngayon ay ino-operahan na siya pero sabi ng mga doktor eh magiging ayos na ang lagay niya.
Pero kahit sinabi na ng doktor na magiging maayos si Kuya, patuloy pa rin ang pag-iyak ng Nanay. Sunod-sunod na luha ang bumabagsak sa mata niya. At alam ko kung ano ang dahilan. Wala kaming maipapambayad sa ospital.
Hindi ko magawang tingnan si Nanay pero rinig na rinig ko pa rin ang mga hikbi niya. Ang sakit talagang makita at marinig na umiiyak ang nanay mo. Ang sakit makitang nahihirapan siya.
Parang dinudurog ang puso ko. Pakiramdam ko wala akong kwenta. Wala akong magawa. Hindi ko alam ang pwede kong gawin ngayon.
Gusto kong tumakas. Gustong-gusto kong tumakas.
Naalala ko dati nung nanakawan kami. Naalala ko ang tunog ng hagulgol ni Nanay. Ang pagmamakaawa niya sa iba naming mga kamag-anak para pautangin siya. Ang hindi niya pagtatanggol sa sarili niya sa masasakit na salitang binitiwan nila nung nangungutang si Nanay.
Nagpakababa siya noon. Tiniis niya 'yun.
Para lang may perang mapagkuhanan ng pangkain namin.
At ako? Nakatingin lang mula sa malayo. Umiiyak lang. Pero wala rin akong magawa nun.
Wala akong kwenta.
Bigla akong may naalala. Napatingin ako kay Nanay.
"Nay, uuwi lang po muna ako sa atin. Kukuha lang ako ng pera."
Napalingon sa akin si Nanay.
"Anak..." protesta niya.
Nginitian ko siya at hindi ko mapigilan ang pagbagsak ng luha sa mata ko.
"Ngayon, mas mahalaga si Kuya. Magiging okay rin ang lahat."
Tumango si Nanay at kasabay nun at ang paghagulgol niya ng iyak. Pinigilan kong 'wag maiyak. Kailangan kong magpakatatag. Kailangan kong makayanan 'to.
Umuwi agad ako sa amin at dumiretso sa kwarto ko. Binuksan ko ang cabinet namin at sa kaila-ilaliman nun ay may isang maliit na kahon na may lamang pera.
Perang inipon ni Nanay para sana sa college ko. Perang pinaghirapan ko rin at kinita ko sa pagtitinda ng gulay sa palengke.
Alam kong kahit makakuha ako ng scholarship, kailangan pa rin namin ng panggastos para sa college ko. Mahal ang mga kagamitan sa Architecture. Kailangan ng extra money.
Kaya lang...
Mas importante si kuya.
Nanginginig ang kamay ko nang kinukuha ko ang pera sa kahon.
Ba't ba nangyayari sa akin 'to? Ba't nangyayari 'to sa reality ko?
Bakit kung kailan nakikita ko na ang ganda ng reality ko at saka pa kailangang may mangyaring ganito?!
Napahagulgol ako ng iyak. Ipinatong ko ang ulo ko sa mga tuhod ko. Sumigaw ako at pinagsusuntok ang hita ko.
Sa isang araw ang dami nang nangyari.
Si Owen. Si Amanda. Si Kuya.
Si Caleb.
Gusto kong tumakas. Please. Hayaan niyo muna akong tumakas.
Kahit saglit lang.
Kahit ilang minuto lang.
Naramdaman ko ang unti-unting pagbigat ng mata ko.
At bigla na lang akong nakatulog habang umiiyak ako.
~*~
Nasa rooftop ako ng panaginip ko. Tahimik pa rin. Walang tao. Walang makakarinig sa akin.
Sumigaw ako nang sumigaw hanggang sa halos mawala na ang boses ko. Humagulgol ako ng iyak. Pinagsisipa ko ang railings ng rooftop. Nahiga ako sa malamig na semento. At humagulgol ulit ako.
Pero kahit gaano kalakas ang pag-iyak ko, kahit gaano pa ako magsisisigaw, walang lalapit sa akin. Walang makakarinig. Walang magtutuyo ng luha ko.
Mag-isa lang ako dito.
Mag-isa lang na umiiyak.
Walang karamay.
Tumayo ako at unti-unting naglakad papalapit sa railings.
Ano kaya ang pakiramdam ng tumalon diyan? Masasaktan ba ako kahit nasa panaginip ako?
Mararanasan ko bang mamatay kahit sa panaginip lang?
O dapat bang gumising na lang ako at totohanin na 'tong pinaplano ko?
Pagod na kasi ako. Hindi ko na kaya.
Hinawakan ko ng mahigpit ang mga railings.
Gusto kong tumalon. Gusto ko nang maramdaman kung paano unti-unting mawalan ng hininga.
Parang ganito na kasi ang nangyayari sa akin sa reality eh.
Unti-unti na akong pinapatay sa sobrang hirap at sakit.
Pagod na talaga ako.
Pumikit ako.
Ayoko na.
Sasampa na sana ako sa railings nang may dalawang kamay ang yumakap sa bewang ko at hinila ako papalapit sa kanya.
"Angelique, tama na."
Mas lalo akong napahagulgol ng iyak nang marinig ko ang boses ni Caleb.
Hinarap ko siya at nakita ko ang mga mata niya na malungkot at nasasaktan habang nakatingin siya sa akin.
Hinawi niya ang ilang hibla ng buhok ko na tumakip sa mukha ko.
"Nandito na ako. Sorry. Sorry. Sorry talaga."
Bigla ko siyang niyakap ng mahigpit na mahigpit habang umiiyak. At sa pagitan ng pag-iyak ko, ikinuwento ko ang lahat sa kanya.
'Yung kina Owen at kay Amanda. 'Yung nangyari kay kuya. 'Yung pambayad sa ospital.
Malabo na akong makapasok ng college ngayong taon. Paano na ako? Saan na ako pupulutin?
"Ayoko nang gumising, Caleb. Dito na lang ako please? Ayoko na. Sasamahan na lang kita dito. Hindi ko na kayang mabuhay doon. Nahihirapan na ako."
"Angelique," medyo humiwalay si Caleb sa pagkakayakap sa akin at tiningnan niya ako sa mata. "Kailangan mong gumising. Kailangan mong harapin 'yun. Isipin mo ang nanay mo. Ano ang nararamdaman niya ngayon? Paniguradong mas nasasaktan siya kesa sa'yo kasi Angelique, isa siyang magulang. Tingin mo gusto niya ang nangyayari? Tingin mo ayos lang sa kanya na hindi ka makakapasok sa college? Tingin mo hindi siya nasasaktan?!"
"C-Caleb..."
"Wag kang maging makasarili!"
"Wala naman akong magagawa! Wala!"
His eyes softened at hinawakan niya ang kamay ko.
"That's not true, Angelique. Malaking bagay na para sa kanya na nandoon ka sa tabi niya."
Hindi ako umimik. Hinayaan ko lang na tuloy-tuloy na pumatak ang luha sa mata ko.
"Angelique," mas lalong lumapit si Caleb sa akin at pinunasan niya ang luha sa pisngi ko gamit ang daliri niya. "Kailangan mo nang gumising."
"Pagbumalik ako, nandito ka pa ba?"
He gave me a sad smile.
"Hangga't kaya ko pang manatili, maghihintay ako."
"A-anong ibig mong sabihin?"
Caleb leaned forward at hinalikan niya ang pisngi ko.
"Wag kang mag-alala, hindi na ako aalis nang walang pasabi."
"Caleb..."
"Maghihintay ako."
I tried my best para bigyan siya ng ngiti. Tumango ako.
"Babalik ako."
And with that, nagising na ako.
Agad kong idiniretso sa ospital ang pera at nag-impake na rin ako ng ilang damit para sa aming tatlo. Sumobra pa 'yung nadala ko kaya naman sinabi ko kay nanay na bibili muna ako ng pagkain para sa amin.
Nginitian ko si Nanay at sinabihan siya na magiging okay lang ang lahat. Na magiging okay lang kami at si kuya. At nung ngumiti rin si Nanay, parang kahit papaano ay gumaan ang loob ko.
Magiging okay lang kami.
Pababa sana ako sa cafeteria ng ospital nang may makasalubong akong isang babaeng nasa late 30's na may buhat-buhat na dalawang mukhang mabibigat na plastic bags.
Medyo napatingin ako sa kanya.
Parang familiar ang mukha niya. Pakiramdam ko nakita ko na siya eh. Hindi ko lang matandaan kung saan.
"Ay napigtas!"
Nakita kong napayuko ang babae habang isa-isang inilalagay ang mga grocery items na nahulog sa napigtas na plastic bag. Agad ko siyang nilapitan at tinulungan.
"Naku salamat, hija," sabi niya at tiningnan niya ako at saka nginitian.
Napahinto ako. Pati ang pag ngiti niya, pamilyar sa akin. Hindi ko lang matandaan kung saan ko ito nakita.
"Tulungan ko na po kayo."
"Ay naku, salamat. Eh dito na lang hija," binuksan niya ang hospital door na katapat namin.
Nauna siyang pumasok at sumunod ako.
Ilalapag ko na sana sa side table na tabi ng hospital bed ang plastic bag pero hindi na ito umabot doon.
Dahil nabitiwan ko na lang ito bigla.
At gulat na gulat akong nakatingin sa lalaking mahimbing na natutulog sa hospital bed.
"Caleb?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top