Fifth Dream
Fifth Dream
Hindi agad ako nakapag-react nang yakapin ako ni Caleb.
Ang higpit ng yakap niya sa akin na halos hindi ako makahinga.
"C-Caleb..?"
Naramdaman ko ang unti-unting pagluwag ng yakap niya hanggang sa humiwalay siya sa akin. Nginitian niya ako.
"Welcome back! Akala ko itinigil mo na ang pananaginip eh!" masigla niyang bati na para bang wala lang ang pagyakap na 'yun. Na parang normal lang sa kanya ang ginawa niya.
O baka ganoon lang talaga siya?
Naglakad siya patungo sa isa pang puno ng cherry blossom at naupo sa ilalim nito.
"Oh? Tabihan mo naman ako rito. I-enjoy natin ang view! 'Wag mong sabihin na sawa ka na sa view na 'to?"
Naglakad ako palapit sa kanya at tinabihan ko siya.
"Hindi ah! Never akong magsasawa. Pag tinitingnan ko 'to, nagkakaroon ako ng will na mag-aral maigi."
Tiningnan niya ako na takang-taka, "why? May super powers ba ang mga cherry blossom tree at nagagawa nitong maging masipag sa pag-aaral ang isang tao?"
Umiling ako, "hindi 'yun. Nagsisipag akong mag-aral para makakuha ng mataas na grades, maging scholar, makapasok sa magandang university, makapagtapos ng may honor, at magkaroon ng magandang trabaho na may mataas na sweldo. Tapos mag-iipon ako. Tapos pupunta ako sa mga bansang may cherry blossom. Para makakita na ako ng ganyan sa reality. Tapos dadalhin ko sina Nanay at Kuya para makita rin nila."
"Oh. Maganda naman pala ang pangarap mo. Bakit mo pa tinatakasan ang reality mo?"
Napabuntong hininga ako, "kasi hindi madali eh."
"May pangarap ba na madaling abutin?" Bigla akong natigilan sa tanong ni Caleb.
Oo nga naman.
Nakakainis talaga ang isang 'to! Minsan ibang klase ang lumalabas sa bibig niya! Nasa panaginip kami ngayon, pero masyadong totoo ang mga pinagsasasabi niya.
"Teka nga, curious lang ako, kapag hindi ako nananaginip, nandito ka pa rin ba? I mean, nakikita mo rin ba ang panaginip ko, 'yun nga lang, wala ako roon?" pag-iiba ko sa usapan namin. Though, curious talaga ako kung saan siya napupunta kada nagigising ako. Sa itsura kasi niya kanina, parang hinihintay niya ako.
Umiling si Caleb, "pag nagising ang taong nananaginip, kasabay rin niyang nawawala ang panaginip na binuo niya. Nagiging madilim ang kapaligiran. Para akong nasa isang silid na walang ilaw at liwanag. Kaya ang ginagawa ko, lumalabas ako sa silid na 'yun at pumapasok ako sa ibang panaginip."
"Ganun? E di ang dami mo pa ring panaginip na napupuntahan kada gising ako?"
Nilingon ako ni Caleb at ngumiti siya nang malungkot, "pag lumabas ako sa silid na 'yun, mahihirapan na ulit akong hanapin ang daan pabalik. Or worst, may pagkakataong hindi ko na talaga nahahanap ulit ang panaginip na pinasok ko. Dahil gustong-gusto ko ang panaginip mo, naghihintay na lang ako na bumalik ka. Natatakot kasi ako na baka hindi ko na mahanap ang daan pabalik eh."
Natigilan ako sa sinabi niya. Ibig sabihin, ilang gabi na siyang naghihintay sa madilim na silid na 'yun? Kaya ba ganun ang itsura niya nung nakita ko siya kanina?
Hindi ako nanaginip kagabi dahil nagka-insomnia ako. Konting oras lang ang naging tulog ko. Pero hinintay niya ako. Bakit?
"Caleb, anong—"
"Ms. Guevarra!"
Halos mapatalon kami sa gulat ni Caleb nang marinig namin ang sigaw na 'yun.
"Ay, tipaklong!" sabi ko.
"Wait, saan ka natutulog ngayon?!" natatarantang tanong niya.
"S-sa klase!"
"Hala ka! Gumising ka na!" nginitian niya ako. Isang magandang ngiti.
Tinitigan niya ako sa mata. "I'll wait for you."
Pagkasabi niya nun ay bigla na lang akong napadilat.
~*~
Sa harapan ko ay nakapameywang si Ma'am Magpantay at nakataas ang kilay niya.
"You are running for honor tapos tinutulugan mo lang ang klase ko?!"
Napalingon ako sa paligid at lahat ng mga kaklase ko ay nakatingin sa akin.
Uh-oh.
"S-sorry po!"
Napakamot sa ulo si Ma'am Magpantay.
"I will give you an extra homework as a punishment, Angelique! Kailangan mong ipasa sa akin ito bukas ah?"
"O-opo."
"At 'wag na 'wag mo nang tutulugan ang klase ko."
"O-opo."
"Good!"
Buong period ay sinubukan kong imulat ang mata ko. Nawala na rin naman bigla ang antok ko dahil napahiya na ako sa buong klase. Kaya lang, pagdating sa next period, pumipikit-pikit na naman ang mata ko. Syempre nilabanan ko na ang antok ko at baka may magalit na naman sa aking teacher.
Bakit ba kasi ako nagka-insomnia kagabi?! Side effect ba talaga 'yun ng sobrang kakiligan?
Ang hirap naman palang kiligin nang husto.
Pagdating ng lunch break, halos hindi ako makausap nina Amanda at Lilian. Paano kasi, mabilis kong kinain ang baon ko. Pagkatapos nun ay ipinatong ko ang ulo ko sa lamesa ng canteen namin at umidlip. Antok na antok na kasi talaga ako.
'Yun lang, hindi ako nakabalik sa panaginip ko.
Nung uwian, para na akong lantang gulay na naglalakad. Antok na talaga ako. For sure pagdating ko sa bahay, tulog ako nito.
Okay lang din. Gusto kong matulog nang mahaba. 'Yung tipong bukas na ako gigising.
Hindi kasi mawala sa isip ko si Caleb. Naghihintay siya sa madilim na silid na 'yun. Sabi niya, walang ilaw o liwanag sa paligid. Ibig sabihin, wala siyang nakikita?
Nakakatakot. Ang lungkot.
Hanggang kailan kaya niya ito gagawin?
"Hi Angelique!"
Bigla akong napalingon nang marinig ko ang boses na 'yun.
Sa 'di kalayuan ay nakita kong tumatakbo papalapit sa akin si Owen.
Parang biglang lumundag ang puso ko.
"Hi!" nakangiti niyang sabi nang makalapit siya sa akin. "Pauwi ka na?"
"Ah, oo," ngiting-ngiti ko ring sagot.
Napalingon ako sa mga kaibigan ko at kita ko ang gulat sa kanilang mga mata.
"Friends ko pala. Sina Amanda at Lilian!"
"Hi!" sabay na sabi nung dalawa. Kumaway pa si Amanda sa kanya.
"Hi. Nice to meet you!" masigla at nakangiti namang sabi ni Owen sa kanilang dalawa.
Ay tupa! Ang ganda naman ng ngiti na 'yan.
Ibinalik ni Owen ang tingin niya sa akin. Teka, parang matutunaw ako. Parang may kung anong nagwawala sa sikmura ko.
"Nakita kitang palabas ng school mo. Lumapit lang ako para mag-hi," nakangiti pa rin niyang sabi.
"G-ganun ba? E di, uhmm, hi!"
"Sayang nandito na ang sundo ko. Talk to you later!"
"L-later?" ulit ko sa huling sinabi niya.
Itinaas niya ang phone niya at nginitian ako. "Bye," nag-wave siya sa amin.
"Bye!" pahabol ko naman.
Hinila ako nina Amanda at Lilian sa isang sulok.
"Angelique!!! Anong ibig sabihin nun?!" sabik na tanong ni Amanda. "Kailan ka pa nagkaroon ng friend sa Raver High? Ha?"
"Ang pogi niya! Shet! Man of my dreams!" sabi naman ni Lilian.
"Ewan ko sa inyong dalawa," natatawa-tawa kong sabi.
"Hindi mo ba siya type?" tanong ni Amanda.
"H-hindi 'no! K-kaibigan ko lang siya," pagsisinungaling ko naman.
Ayokong magsabi ng mga crush dito sa dalawang 'to. Masyado silang madaldal. Mamaya malaman pa ni Owen eh. Wala na akong mukhang maihaharap sa kanya pag nagkataon.
"E di kung kaibigan mo lang siya, gagawin ko na siyang crush!" sabi ni Lilian.
"Oy ako rin! Crush ko na siya!" dagdag pa ni Amanda.
E di wow! Tatlo na kaming may crush sa kanya. May mga karibal na ako! Pero may number ako ni Owen! Lamang ako sa dalawang 'to!
Pagkauwi ko, naka-receive agad ako ng text message galing kay Owen. Tinatanong niya kung nakauwi na ako. Nireplyan ko naman siya na oo, nakauwi na. At nagulat ako nang bigla siyang tumawag.
Ni hindi na ako nakapagpalit ng uniform. Paano kasi, nakipagkwentuhan na ako kay Owen. At hindi ko rin maalis ang ngiti ko habang nakikipag-usap ako sa kanya.
Kung anu-ano lang ang napag-usapan namin. Random things. Mula sa pagkain, hanggang sa libro.
Masyado siyang maraming kwento. Hindi nga ako halos makasingit. Pero okay lang. Gustong-gusto ko na nakikinig sa kanya. Interesado ako sa bawat kwentong ikinukwento niya sa akin.
Mga bandang alas-singko na ng hapon nang huminto kami sa pag-uusap. Ayoko pa sana pero kailangan ko na talagang magpaalam sa kanya dahil gagawa pa ako ng assignment.
Nang matapos akong gumawa ng assignment, nag-dinner na ako, naghugas ng pinggan, nag-ayos ng gamit, and at last, nahiga sa kama.
Dapat matutulog ako kaninang hapon pag-uwi ko kaya lang hindi ko na nagawa dahil kay Owen eh.
Sana naman 'wag akong tamaan ulit ng insomnia ngayon. Ibang klaseng kilig pa rin kasi ang nararamdaman ko eh.
Naghihintay si Caleb. Kailangan kong matulog.
Ipinikit ko ang mata ko. At dahil siguro kulang ako sa tulog nung isang gabi at pagod din ako ngayon, agad akong nakatulog.
~*~
Nandito ako ngayon sa classroom. Walang tao. Sumilip ako sa labas ng bintana at wala rin akong nakitang estudyante.
"Saan mo dinala ang mga estudyante sa panaginip mo?"
Napalingon ako sa kanan ko at nakita kong katabi ko na si Caleb.
Napakibit balikat ako, "hindi ko rin alam eh. Ayaw gumana ng imagination ko. Parang hindi ko feel na nandito sila ngayon."
Pinindot niya ang pisngi ko, "ikaw ah! Gusto mo akong ma-solo 'no?"
"Oy hindi ah!" tinabig ko ang daliri niya. "Ni hindi pa nga kita kilala masyado eh. Mamaya kung ano ang gawin mo sa akin!"
He chuckled, "ano naman ang masamang pwede kong gawin sa'yo sa panaginip mo? Eh hindi naman totoo ang lahat ng nangyayari rito? Tanging ikaw lang at ako ang totoo rito."
"Ewan ko sa'yo."
Tumayo si Caleb sa kinauupuan niya at inunat niya ang kanyang braso.
"Ay grabe! I'm bored! Ang sakit ng mga buto ko. Halos hindi kasi ako kumikilos!"
Tumingin ako sa labas ng bintana, "may field dito sa panaginip ko. Mag-jogging ka kung bored ka."
"Ayoko! Tamad akong mag-exercise eh!" nakangisi naman niyang sagot. "Ay, alam ko na!"
Nilingon ko siya, "ang alin?"
Lumapit siya sa akin at ipinatong ang dalawang kamay sa desk ko habang tinititigan ako sa mata.
"Do you want to do something fun?"
"A-ano?"
"Gagala tayo!"
"Saan?"
Lumawak ang ngiti niya, "sa panaginip ng ibang tao."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top