v
Hindi ko man maintindihan kung ano ang ibig sabihin ng Tirak. Pero ang katotohanan na mayroon silang endearment sa isat-isa ang bumabasag sa akin.
Wala na akong pakialam kung makita man ako ng iba na umiiyak, kasi sobrang nasasaktan na ako ngayon. Ang sakit-sakit na.
"J-justin. Ikaw nga." Lumuluhang sabi ni ate.
Inihakbang nito ang kanyang paa papalapit kay Justin. Wala akong ibang magawa kundi panoorin lamang sila. Ginusto ko to, ito lang ang tanging paraan para matulungan ko ang taong mahal ko.
Binitiwan ni Justin ang larawan at marahang iniangat ang kamay upang haplusin ang pisngi ni ate Ariana. Napapikit naman si ate Ariana ng haplusin ni Justin ang kanyang pisngi.
Hindi ko alam. Marahil sa lamig na kanyang naramdaman, katulad ng nararamdaman ko kapag magkadikit ang katawan naming dalawa ni Justin.
"Nandito ka nga."
Nakita kong tiningnan ako ni Justin. Tila nag-aalangan ito sa mga susunod nitong gagawin. Nginitian ko lang ito upang iparating na ayos lang, bago iniiwas ang paningin.
"Kaylangan ko na ang katawan mo."
Napapitlag ako ng marinig ko malapit sa aking tainga ang malalim at malambing nitong sinabi.
Nakaawang ang labi ko ng lingunin ko ito. Halos maduling ako sa sobrang lapit ng mukha namin. Naghahalo na rin ang hininga namin sa hangin.
Pinadausdos nito ang kanyang kamay sa aking bewang at ipinagdikit ang aming mga katawan. Ramdam na ramdam ko ang lamig ng buong katawan nito maging ang hininga. Ngunit kabaliktaran noon ang akin. Tila nagbabaga sa init ang aking damdamin.
Wala akong ibang nagawa kundi ang kumapit sa braso nya at ilagay ang isa kong kamay sa may dibdib nya. Nilingon nito ang aking mga kamay, pero wala na akong lakas pa na tanggalin iyon sa pagkakapwesto.
"Please... Tell her." Nagsusumamo ang tinig nito.
Hindi ko na alam kung ano pa ang nararamdaman nito. Kung nawala na ba ang pagmamahal nito sa akin, at nabaling ng muli kay ate Ariana. Hindi ko alam, basta ang alam ko. Nasasaktan ako sa mga ginagawa ko.
Tumango ako dito. Planado na naming lahat bago kami nagtungo papunta rito. At umaayon ang lahat. Simula sa pagsasabi ko sa katotohanan. Ang pagpapatotoo ni Justin na nandito talaga sya. At ang pagsabi kay ate Ariana na sasapian ako ni Justin, na gagawin ko ngayon.
Nilingon ko ang gawi ni ate. Nakatayo pa rin sya doon at nakapikit. Samantalang ang paningin naman ni Justin ay hindi naalis sa akin.
"Okay." Sagot ko pa.
Marahan akong lumayo sa pagkakakapit nito sa akin. Marahan ko rin inalis ang aking mga kamay na nakakapit sa kanya. Samantalang hindi naman mawari ang tinging ipinupukaw sa akin ni Justin.
Nagbaba nalang ako ng tingin at lumapit na kay Ate. Tumayo ako sa gilid nito at pinagmasdan ang puno ng luhang mukha nito. Ngunit kahit ganun, ay tila hindi nabawasan ang gandang taglay nito. Tila nakaramdam ako panliliit sa sarili.
"Ate." Tangi kong nasabi.
Kita kong natigilan ito. Marahan ang naging paglingon nito sa akin. Ang saya ay makikita pa rin sa kanyang mga mata.
"Naniniwala na ako sayo." Nakangiting sabi nito, nauling namuo ang mga luha.
Tumango-tango nalang ako at inipit ang mga labi. "Ang totoo nyan..." Nag-iwas ako ng tingin. "Nandito ako upang tulungan sya sa unfinished business nya." Muli ko itong nilingon.
Biglang nanlaki ang mga mata nito. "Anong unfinished business nya?" Interesadong tanong nito. Humakbang pa ng isang beses.
" Ang makausap ka , at itama ang naging maling takbo ng kapalaran." Makahulugan kong sinabi.
Natuwa pa ako sa sarili ko ng mga panahong iyon. Wala sa plano ang linyang iyon, pero nasabi ko. Piling ko ang galing galing kona.
"Paano mangyayari iyon kung hindi ko sya nakikita?" Naguguluhang tanong nito.
"Sasapian nya ako ngayon. Sa oras na mawalan ako ng malay, at magising muli. Hindi na ako iyon. Kundi si Justin na."
Napatango-tango ito, tila sang-ayon sa mga nangyayari. Hinarap ko namam ang gawi ni Justin, na ngayon ay nakatayo na sa tabi ko.
Nakita ko ang excitement sa mga mata nito. Bumahid ang lungkot sa mukha ko, pero agad ko iyong pinalis ng sumilay ang ngiti nito sa labi. Tumango nalang ako bilang tanda na maari na nya akong saniban.
Maging ang pagsanib na ito ay inensayo pa namin sa bahay. Gusto kasi namin na kapag nandito na kami ay wala ng aberya. Wala ng palpak, dapat tuloy-tuloy na.
Ngunit isang bagay lang ang napansin ko sa kanya nitong mga nakaraang araw. Paunti-unti nagbabago ang kulay nito. Nagliliwanag sya sa hindi ko malamang kadahilanan. Marahil ay iyon ang tanda na nalalapit ng matapos ang misyon nito. Magtatagumpay kaya kami?
Marahan kong ipinikit ang aking mga mata, at tinitigang mabuti ang nakangiti nitong mukha sa akin. Gusto kong maalala iyon. Ayokong mawala sa isip ko iyon.
Ilang sandali kong pinakiramdaman ang aking sarili habang nakapikit. Hanggang sa maramdaman ko ang malamig na hangin na pilit na pumapasok sa akin.
Hanggang sa tuluyan na itong pumasok sa aking buong katawan, at sa huling pagkakataon ay naramdaman ko pa ang pagbagsak ko sa malamig na sahig.
Unti-unti kong naramdaman ang paghiwalay ng aking kaluluwa sa aking katawan. Na kahit anumang pilit ko ang bumalik, ay may naghihila sa akin palabas.
Hanggang sa maaninag ko na lamang ang aking sariling katawan. Nakahiga sa sahig at walang malay. Samantalang ang aking kaluluwa, na humiwalay sa katawan ko. Ay nakaupong umaatras sa sariling katawan nito.
Hindi na dapat pa akong natatakot dito, dahil ilang beses na naming nagawa ito. Perk hindi ko talaga maiwasang kabahan. Dahil ako mismo, nararanasan ko kung ano man yung nararanasan ng mga multo.
Yung walang nakakakita. Hindi ka naririnig. At nakakalusot sa kahit na anong pader.
Bumalik lang ako sa aking ulirat ng marinig ang boses ni ate Ariana. "Karen? Karen ayos ka lang ba?" Inalog-alog pa nito ang braso ko.
Hindi na ako yan. Nandito ako. Gusto ko sanang isatinig iyan, pero alam ko na hindi naman ako maririnig nito.
Pero napaatras si ate Ariana ng makita nyang gumagalaw na ang aking katawan. Marahan ang naging pagtayo nito. Napatakip naman sa kanyang bibig si ate Ariana at pinamuuan pa ng luha sa mga mata.
"I-ikaw na ba yan J-justin?" Nakaluhod at lumuluhang sabi nito.
Pinanood ko kung paanong titigan ni Justin si ate Ariana ng may paghanga. Kita ko sa mga mata nito na tutol ito sa pag-iyak ni ate, pero wala syang ibang ginagawa. Tumitig lang ito sa umiiyak na si ate Ariana.
Hindi ko alam kung bakit ganun, katawan ko yung nasa harapan ko. Pero bakit si Justin ang nakikita ko? Ganun din ba ang nakikita ni ate Ariana, si Justin, at hindi ako?
Marahang iniangat ni ate Ariana ang kanyang kanang kamay upang haplusin ang mukha ni Justin. Umiiyak pa rin ito.
"B-bakit... Si Karen ka kanina. Bakit... Mukha mo na Justin ang nakikita ko?" Naguguluhang tanong nito.
Nakita ko naman ang pagngisi ni Justin dahil sa reaksyon ni ate Ariana. Tila ganoon nalang itong kasaya sa nalaman.
Magsasalita pa sanang muli si ate Ariana, ng higitin bigla ni Justin ang kaniyang kamay papalapit sa kanya at niyakap. Hinaplos-haplos pa nito ang malago at tuwid na buhok ni ate.
Doon ay patuloy na umiyak si ate Ariana sa dibdib ni Justin. Pinanood ko lang silang dalawa kung paanong aluin at patahanin ni Justin si ate Ariana. Wala naman akong magagawa eh. Ginusto ko rin naman to. Desisyon ko to.
"Alam mo bang matagal kong hinintay ang pagkakataon na to? Tapos iiyakan mo lang ako?" Malokong tinig ni Justin.
Tila ngayon ko lang nakita ang ganitong side nya. Oo minsa kapag magkasama kami, nagbibiro sya. Pero hindi yung ganto. Siguro nga yung multong sya lang ang nakilala ko. Hindi yung taong nakasama nila habang buhay pa ito.
Nakita ko pang hinampas ni ate Arianna ang dibdib ni Justin at nilingon ito. "Nakakainis ka naman kasi. Nandito ka pa pala sa lupa, hindi ka manlang nagpaparamdam sa akin." Ngumuso ito.
Napakunot naman ang noo ko. Ganto ba talaga sila mag-usap? Parang mga batang naglalandian lang sa tabi.
Pinunasan na muna ni Justin ang mga luha ni ate Ariana bago ito sumagot.
"Sabi ko naman sayo diba, hinintay ko lang rin ang pagkakataon na ito." Hinaplos nito ang buhok ni ate Ariana. Masyado ng malapit ang mga mukha nila, na isang maling galaw lang ay maari ng magdampi ang kanilang mga labi.
"At ayokong sayangin ang pagkakataon na ito ng hindi tayo nagkakausap. Maaring ito na ang huli, kaya gusto ko lang sanang malaman, kung ano ang nararamdaman mo ng panahong hindi pa ako namamatay. At gusto ko lang din ipaalam sa iyo kung ano ang nararamdaman ko ng mga panahon na iyon." Mahabang paliwanag ni Justin.
Isa ito sa mga napag-usapan namin. Base sa nakita ko sa panaginip ko, pati narin sa mga nakikita kong pangyayari nitong nakaraang araw, maaring ito ang problema.
Dahil natakot silang aminin ang nararamdaman nila sa isat-isa. Nawalan na sila ng pagkakataon pang maamin iyon sa isat-isa dahil sa isang aksidente na naging sanhi ng kamatayan ni Justin.
"Anong ibig mong sabihin? Ito ba ang tinutukoy mong unfinished business mo?" Naguguluhang tanong ni ate Ariana.
Muling hinaplos ni Justin ang kanang pisngi ni ate Ariana, habang ang isang braso nya ay nakayakap sa likod nito.
"Hindi pa ako sigurado." Anong hindi ka pa? Tayo! Hindi pa tayo siguradong dalawa, tayong dalawa ang nagplano nyan Justin. "Kaya susubukan natin, baka sakaling magtagumpay tayong dalawa." Anong kayo? Tayong dalawa yun Justin. Hindi sya kasali, hindi sya kasali sa nagplano. Kaya pano mo nasasabi sa harap ko na baka magtagumpay kayo? Samantalang tayong dalawa ang bumuo ng plano?
"Saan ba dapat mag-umpisa?" Nahihiyang tanong ni ate Ariana.
Nahiya siguro ng maalala ang kakapalan ng mukha nya dati. Gosh! Hindi ko na mapigilan ang init ng ulo ko. Nakakainis pa dahil hindi ko maramdaman ang dating reaksyon ng tibok ng puso ko kapag ganito ang nararamdaman ko.
"Pwede bang mahiga muna tayo? Katulad ng dati?" Nakangiting tanong ni Justin.
Pinamulahan naman ng pisngi si ate Ariana bago tumango.
"Sige."
Naunang mahiga si Justin. Akmang hihiga na rin si ate Ariana at iuunan ang kanyang sariling mga kamay, ng bigla syang higitin ni Justin at ipinaunan sa braso nito.
Nagugulat namang napalingon si ate Ariana kay Justin na ngayon ay nakatitig lamang sa salamin.
Lalong nag-init lamang ang aking paningin, ng makitang humahaplos ang palad ni Justin sa braso ni ate Ariana. Hanggang sa hindi ko namalayang tumutulo na pala ang luha ko.
Nasasaktan ako sa katotohanang ako ang ekstra sa love story nilang dalawa. At sa katotohanang... naging panakip butas lamang ako ni Justin habang hindi pa sila nagkakatagpo ni ate Ariana.
Sa ngayon, nagdududa ako kung totoo ba yung mga sinabi, at emosyong ipinakita sa akin ni Justin noon? Kasi sa nakikita ko ngayon. Tila malabo, parang palabas lang ang lahat.
"Alam mo ba noong pinagtanggol kita doon sa teacher na nagagalit sayo?" Panimula ni Justin. " May gusto na ako sayo noon. Kaya nainis ako kasi nakita kong papaiyak kana. Ang ayoko sa lahat eh yung iiyak yung taong mahal ko-"
"Akala ko ba crush lang? Bakit mahal na agad?" Pagputol ni ate Ariana sa sasabihin pa ni Justin, habang nakanguso.
'Pabebe ka pa. Gusto mo rin naman.'
Humilig ng pagkakahiga si Justin at pinisil ng bahagya ang ilong ni ate Ariana at nginitian ito ng napakalawak. "Syempre dun din naman ang punta nun, in-advance ko nalang." Paliwanag pa ni Justin.
"So ibig sabihin... Mahal mo na talaga ako noon pa?" Hindi makapaniwalang tanong ni ate Ariana.
Tumango naman si Justin, hindi na maalis sa labi nito ang kanyang mga ngiti.
"Akala ko kasi..."
"Akala ko nga din kaibigan lang ang turing mo sa akin. Pero nung nabasa ko yung sulat mo. Alam mo bang sobrang saya ko nun? Kaya nga halos hindi ko na napansin pa yung mga taong nakapaligid sa akin dahil sa sobrang excitement na nararamdaman ko. Pero ganun talaga, nakatadhana na siguro talagang ganun ang mangyari."
Sandali silang natahimik na dalawa. Hindi rin ako gumawa ng ingay. Kahit pag-singhot hindi ko ginawa. Pinunasan ko lang ang mga luha kong hanggang ngayon ay pumapatak parin.
"I'm sorry." Nag-umpisa ng humikbing muli si ate Ariana. "Kung hindi ko sana ginawa yun. Kung hindi sana ako nagpadala ng sulat. Baka hanggang ngayon."
Pinigilan na ni Justin si ate Ariana sa iba pa nitong sasabihin sa pamamagitan ng pagpunas ng mga luha nito. "Shhhh. Tapos na okay? Nangyari na, wala na tayong magagawa. Isa pa, tanggap ko na rin naman na eh." Pag-aalo pa nito.
"Eh kasi, totoo-"
"Ano ka ba, wag mo nang sisihin pa ang sarili mo. Hindi ka magiging masaya kung patuloy mo lang sisisihin ang sarili mo. Kaya nga ako nandito para liwanagin ang lahat.
At isa na dun ang sabihin na mahal na mahal kita. Yan ang tatandaan mo."
Napatango-tango ako sa narinig. Ngayon alam ko na. Hindi na ako aasa pa.
Marahan akong tumayo habang patuloy na tumutulo ang aking mga luha. Sinabi ko naman kasi sayo, panakip butas kalang. Ano bang hindi mo maintindihan dun?
"Mahal din kita." Sagot naman ni ate Ariana.
Marahang naglalapit ang kanilang mga mukha, pero bago pa man tuluyang maglapat ang kanilang mga labi ay tumalikod na ako.
At buong pwersa kong inisip na kaya kong hawakan ang mga bagay. Mabilis ang aking hakbang patungo sa lamesang puno ng kanilang mga larawan.
Sa lahat ng sakit na aking nararamdaman. Malakas ko iyong isinigaw bago hinawi ng aking mga kamay ang bawat frame na nakalagay sa lamesa.
Dahilan ng pagkakahulog at pagkakabasag ng mga ito sa sahig.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top