#TiisGanda
"Pa'no 'yan, bestie?" bungad ni Toni habang nasa taxi kami papuntang workshop studio. "Kahapon ka pa walang imik mula no'ng galing ka sa office ni Sir Vito. Shock ba 'yan, or emotional trauma kasi wit mo na masa-sightsung si Fafa Andrei?"
Kahit kailan talaga basang-basa na ako ni Toni. Sinikap kong ngumiti. "Napagisip-isip ko din, bes, na mas mabuti sigurong hindi muna kami magkaharap. I mean, 'yon naman talaga ang pangarap ko pero..."
"Pero ano?"
"Ewan ko ba," sagot ko'ng umiiling. "Ngayong papalapit na'ko kung nasa'n siya... hindi ko alam ang gagawin ko, ang sasabihin ko 'pag face-to-face na kami. Mas okay na rin siguro 'to. At least 'pag nagkita kami may ipagmamalaki na'ko at pwede ko na siyang pasalamatan sa pag-inspire niya sa'kin."
Umikot na naman ang mata ni Toni. "Hugot much, bestie? Lalim no'n ha. I'm so lunod. Sa'yo na ang Ulirang Fan Award!"
Huminto ang taxi namin sa harap ng isang sikat na tower building. Mula sa bintana, sinilip ko 'yon at huminga ng malalim. "So pa'no? Dito na'ko. Galingan mo sa show mo."
DJ kasi si Toni sa isang late morning show sa FM radio. Siya 'yong taga-solve ng love problems ng mga listeners.
"Ako pa?" sagot niya. "Ako dapat ang nagsasabi sa'yo niyan. Balita ko may pagka-perfectionist 'yang acting coach mo. Kakaiba daw magturo. Iwan mo muna sa labas ng building ang pagka-taklesa mo at baka ma-awardan ka ng bongga, ha?"
"Wow," sarcastic kong sagot, sabay labas ng taxi. "Salamat sa encouragement ha?"
"No problem." Ngumisi siya bago sinenyasan ang driver.
Hinintay ko munang mawala sa paningin ko ang taxi bago ako pumasok ng building. Inilabas ko ang card na binigay ni Tito Vito at dumiretso sa 21st floor. Madali kong nahanap ang room 214 pero matagal muna akong nakatitig sa pinto bago ako pumasok. Kinakabahan kasi ako.
"Ano pang hinihintay mo diyan?" tanong ng isang maliit na babae sa'kin. Mga early 50's na siguro. Sa suot niyang 'Soccer Mom' t-shirt at black jeggings na itinerno sa Taylor Swift edition na blue printed Keds, isama mo pa ang maikli niyang buhok at halos walang make-up na mukha, madaling i-assume na isa siyang low maintenance na tao. "Ikaw 'yong bagong alaga ni Vito, right?"
"M-miss Rina? Good morning po," nauutal kong bati, sabay alok ng kamay ko. "Jelaine po. Jelaine Gonzales."
"Direk," sabi niyang nakatingin lang sa kamay ko.
"P-po?"
"Direk Rina. 'Yon ang itatawag mo sa'kin."
"Ah," sagot kong tatangu-tango. Siya nga naman. Isang batikan at muti-awarded na actress si Miss Rina Cortez bago naging isang director. "Yes po."
Binuksan niya ang pinto at pumasok. Sumunod naman ako. Malaki ang studio. Walang mga upuan. Walang laman bukod sa AV equipment sa isang sulok. Puro salamin din ang mga dingding kaya reflection lang namin ang nakapaligid sa amin.
"Napaaga po yata tayo, Direk," sabi ko. Wala pa kasing tao maliban sa'min.
Hinubad niya ang suot niyang knitted cardigan at inilapag 'yon sa sahig. "Hindi. You're just in time. Wala na tayong hinihintay."
Bumukas ang bibig ko, pero walang salitang lumabas.
"Hindi ba nasabi ni Vito sa'yo? One on one coaching 'to. It will be just you and me for fourteen days," aniyang tila nage-enjoy sa pagkagitla ko. Inikutan niya ako, nag-iinspeksyon ang mga mata. "Na-orient naman na niya sa'kin na wala kang talent kung hindi... mag-drums. Pero pag-aartista ang gusto mong pasukin, hija, hindi rock band. Ewan ko nga ba kung ano'ng nakita niya sa'yo. I guess, I'll just have to find that out for myself."
Wala naman akong claustrophobia pero parang naging masikip ang studio at hindi ako makahinga. Luminga-linga ako, naghahanap ng mapapagpatungan ng bag ko.
"Ilapag mo na lang sa sahig," utos ni Direk. Sinenyasan niya akong tumayo sa harap niya kaya dali-dali akong lumapit. "Ikaw? Ano sa tingin mo ang bagay na meron ka kung bakit karapat-dapat kitang turuan ngayon?"
Hindi ako nakasagot. Bakit nga ba?
"Hmm?" Inilapit niya ang tenga niya sa'kin. "Wala? Isang tanong palang, wala na agad? Mukha yatang nag-aaksaya lang tayo ng panahon dito."
"G-gusto ko po talagang mag-artista!"
"Bakit?"
Nawala na naman ang boses ko. Alam ko naman ang dahilan ko. Pero hindi ko magawang sabihin 'yon. Baka kasi isipin niya na mababaw akong tao at lalo lang siyang magalit.
"Alam ko na," sabi niya habang pinupulot ang cardigan niya sa sahig. Ngumiti siya, nanunuya. "Magko-coffee break muna ako sa baba habang nag-iisip ka. Hintayin mo'ko. Pagbalik ko, dapat may maisagot ka na sa'kin ha?"
"Sandali lang po, Direk!" habol ko. "Hindi niyo man lang ba 'ko paaartehin? Marunong na po akong umiyak!"
Bago niya isinara ang pinto, ibinaling niya ang tingin sa'kin, nakataas ang kilay. "Nga pala... huwag kang lalabas sa kwartong ito. At siguraduhin mo lang na magugustuhan ko ang isasagot mo. Kasi kung hindi, kalimutan mo na itong workshop at ang pag-aartista."
Sumara ang pinto sa mukha ko. Hindi naman 'yon naka-lock kaya naisip ko na lang maghintay habang nag-iisip.
Walang upuan kaya nagpalakad-lakad ako sa loob ng kwarto hanggang sa sumakit ang mga binti ko. Ilang minuto ang lumipas. Hindi bumalik si Direk. Hanggang umabot ng ilang oras.
"Ah! Nagugutom na'ko! Grabe. Ilang gallon na kayang kape ang nalunok ni Direk?"
Inabot ko ang Jurassic Era kong flip-top cell phone-na hindi ko pa rin mapalit-palitan-mula sa loob ng bag ko. Malay mo may trace pa ng DNA ni Andrei na nakadikit do'n. Mag-aalas dos na ng hapon.
Tumawag ako kay Toni.
"O, bestie!" bungad niya. "Gusto sana kitang tawagan kanina pa kaso baka busy ka. Kumusta naman ang workshop mo?"
Halos mangiyak-ngiyak ako habang kinukwento sa kaniya ang nangyari. "Hanggang ngayon, hindi pa bumabalik. Hate niya yata talaga ako bes."
"Shunga!" Muntik nang mabasag ang eardrum ko. "Chumupi na 'yon! Baka kasi pinairal mo na naman 'yang ka-antipatikahan mo kaya naimbyerna."
"Pero sabi niya babalik siya."
"Umalis ka na diyan, 'te. Ano'ng petsa na?"
"Hindi bes. Dito na lang muna ako. Mauna ka nang umuwi."
Narinig ko ang buntong-hininga niya. "As usual, alam ko namang wala na'kong magagawa. Matigas pa sa wrecking ball 'yang ulo mo."
Humiga na lang ako sa sahig at tumitig sa kisame. Hanggang do'n puro salamin pa rin. Malinaw kong nakikta ang repleksyon ko. Dati-rati, naaawa ako sa sarili ko tuwing nakikita ko ang sarili ko sa salamin. Pero ngayon... ngayon na marami nang nagbago sa'kin hindi ko na alam kung ano'ng mararamdaman ko.
Hindi nga ako kagandahan. Pero at least, hindi na'ko pangit. Wala na'kong acne. Hindi na parang pugad ng ibon ang buhok ko. Pantay-pantay na rin ang ngipin ko. 'Pag naka-make-up, pwede-pwede na rin. Although, payatot pa rin ako. Kung tutuosin, ang laki na nga ng improvement ko. At hindi ko pa friend si Vicky Belo niyan.
Ano ba 'to? Tanong ko sa sarili. Ano ba 'tong nararamdaman ko?
Hinanap ko ang picture namin ni Andrei sa cellphone ko. Ang pangit ko pa no'n pero sa isang segundong na-capture ng low-resolution kong camera, parang ang saya-saya ko.
"Kahit ano'ng gawin ko, parang may kulang pa rin," sambit ko.
Dati naman kasi, simple lang ang buhay. Basta pasado lahat ng grades ko, ayos lang naman kay Mamu. Mukha nga kaming tanga; nagse-celebrate kahit puro palakol ang report card ko. Gusto lang naman namin noon, makatapos ako ng Mass Com. Walang masyadong expectations mula sa'kin kaya hindi rin naman ako naghangad ng malaki para sa sarili ko. 'Yon ay hanggang pinakilala sa'kin ni Toni ang Boys XD.
May isang kanta kasi silang talagang tumatak sa'kin. Pinatugtog ko 'yon ng paulit-ulit at pumikit.
Laging nakangiti, laging nakatawa sa harap ng iba
'Pag walang nakakakita, umiiyak ka na
Ba't hindi sabihin, ilahad sa akin ang tunay na nararamdaman
Dadamayan kita, ang iyong kamay ay hindi bibitawan
Hihiga tayo sa mga ulap at sabay tayong mangangarap...
Halos hindi ko na namalayang nakatayo na pala sa ulunan ko si Direk Rina. Nakapameywang. Nakataas ang kilay.
Biglang bangon ko. Tumayo at sinikap ayusin ang sarili. Napasulyap lang ako sa bintana kaya nalaman kong gabi na.
"Ano na?" tanong niya.
Lumunok muna ako bago magsimula, hinihintay ang reaksyon ni Direk sa mga sasabihin ko. "May isang tao pong nagpamulat sa mga mata ko na... kaya ko. Kaya kong lagpasan kung ano man ako ngayon. Kahit mahirap. Kahit parang imposible. Kaya hindi ako susuko."
Tumango siya at hinayaan akong magpatuloy.
"Ang gusto ko lang naman po... Gusto ko talagang mapabilang sa mundong ginagalawan ni Andrei!"
Halos magdikit na ang kilay ni Direk. "Andrei? You mean si Andrei Dixon?"
Parang nangliit ako sa irap na ipinukol niya sa'kin. "Opo..."
"I think... wala na tayong dapat pag-usapan." Tumalikod si Direk. "I'll tell Vito that he made a mistake."
"P-po?"
Lumakad siya papuntang pinto. "You need not come tomorrow. Or the day after that. Actually, ever..."
"Sandali lang po, Direk!" Habol ko. "Gano'n lang po ba 'yon? Hindi niyo man lang ako susbukan? Huwag naman pong ganiyan, please. Naghintay po ako buong araw tapos wala naman po pala kayong balak turuan ako?"
Isang matalim na irap ang nakuha ko. "Ano ba'ng sabi ko?"
Nagbaba ako ng tingin. "Huwag pong aalis hangga't hindi ko naiisip 'yong dahilan na magugustuhan niyo."
Ngumiti siya. Sarcastic. Bago lumabas ng pinto.
Napaupo na lang ako sa isang sulok. Naluluha na'ko. Hindi ko na mapigilan. Niyakap ko na lang ang mga binti ko at itinago ang mukha ko sa mga tuhod ko.
____________________________________________
Oh, wag kang sumimangot. Meron pa :)
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top