#Pangarap

2 years later.

"Hoy, bestie!" tawag ni Toni habang hinahanda ang mga gamit ko sa dressing room. Nanatiling nakatuon ang tingin ko sa screen ng laptop ko. "Jelaine Yve Gonzales!"

"Baklang 'to, makatili," sagot ko. "Ba't ba?"

"Talagang pakadiin-diin na bakla ako?" Tinampal ni Toni ang noo niya. "Ta-da! May amnesia, gano'n? Nakalimutan ko? Ano ba kasi 'yang tinitingnan mo diyan? Nagsusulat ka na naman ng fanfic mo?"

Tiningnan ko siya ng matalim. "Binabasa ko 'tong article sa forums ng Boys XD. Matagal na'kong iniimbyerna nitong bruhang blogger na 'to eh. Puro pangba-bash lang naman ang sinusulat dito. Kasira ng umaga!"

"Teka, tingnan ko nga." Ibinaba niya ang hawak na curling iron at pumunta sa likuran ko para makibasa. "Boys XD; disbanded na?"

"Kita mo?!" Muntik ko nang itaob ang lamesa.

"Ops, bestie," marahan niyang sabi. "Inhale... exhale."

Ginawa ko ang sinabi niya at medyo humupa ang init ng ulo ko.

"Comedienne ka 'te. Hindi 'to WWF. Remember: ang image."

"Anong image? E kaya nga'ko napasok sa gag show kasi ganito na talaga ako!" Wait. Pakibasa ulit ng tunog Nora Aunor 'yong huli.

"Teka. Itutuloy ko," sabi niyang ini-scroll down ang article. Matagal siyang tahimik na nagbasa bago lumingon sa akin at umupo sa harapan ko. "Bad news and good news. Halos kalahating taon nang hindi nagpe-perform together ang Boys XD kaya baka daw mag-disband na. Dahil nga naghiwa-hiwalay na sila ng landas kaya mukhang malabo na raw matuloy ang ninth album nila."

Humawak ako ng mahigpit sa gilid ng silya ko. "Hindi pwede, bestie! Hindi pwede! Alam mo namang kaya lang ako nag-artista dahil sa kanila. Dahil kay Andrei. Tapos kung kailan here na me, where na him?"

"Wait!" Itinapal niya sa mukha ko ang palad niya. "There's more. Dahil diyan isang member ang napili ng GGC para sa isang experimental rom-com soap sa prime time."

"GGC? As in... dito? Kasama ko?!"

"Malaking check! Malay mo makabanggaan mo lang siya dito sa station building one of these days. At hulaan mo kung sino."

Nag-isip ako. "Si Gabriel nag-solo na sa kabilang channel. Si Elrik na-involve nga sa scandal sa London kaya baka maglie-low na lang muna 'yon. Tapos si Jaden nagbakasyon sa pamilya niya sa Australia." Nanlaki ang mga mata ko. "Si... ANDREI!!!"

Sabay kaming nagtitili habang patalon-talon paikot sa dressing room. Biglang bumukas ang pinto. Bumungad sa amin ang isang matangkad na lalaki. Kayumanggi. Payat. Mga late 40's na siya pero mababakas mo pa rin sa mukha niya na may dating.

Tumahimik si Toni at umarteng sini-zipper ang bibig niya.

"T-tito Vito," sabi ko sa bagong dating, nakangiti. "Nagkakatuwaan lang po."

Hindi man lang nagbago ang seryosong ekpresyon sa mukha ni Tito Vito. Mahirap tuloy isipin kung paano siya naging isa sa pinakasikat na komedyante sa bansa. Sa galing niya, isa na rin siya sa mga producers ng LOL: ang longest running gag show sa history ng TV.

"Halata nga," sagot ni Tito Vito. Pumasok siya ng dressing room, sumandal sa pinto at pinagkrus ang mga bisig sa harapan niya. "Since ikaw naman ang laging pinakamaagang dumating dito set, uunahin na raw i-shoot 'yong eksena mo. Oo nga pala, Jelaine. Hindi ba wala ka pang manager?"

Tumango ako. "Pipitsuging extra pa lang naman po ako, Tito. Siguro hindi ko pa kailangan ng manager."

"Ako na ang magma-manage sa'yo. Gusto mo ba?"

"T-talaga po?"

Tumango lang siya, sabay tingin sa relo niya. "Pumunta ka sa office ko after the shoot." Ibinaling niya ang tingin kay Toni. "Alone."

Pag-alis ni Tito Vito, pinandilatan ako ng mata ni Toni. "Bestie, kinakabahan yata ako sa decision mo ah. Pabigla-bigla. Hindi ka ba aware sa mga bali-balita? Matinik daw sa mga chicks 'yang si Vito Cruz."

"Bakla naman." Bahagya ko siyang kinurot sa tagiliran. "Masyadong madumi isip. May fiancé na 'yang si Tito Vito."

"At halos ka-age mo lang ha?"

"So? Ito na ang chance ko, bes. This is really is it, is it. Matagal ko na 'tong hinihintay. Marami na 'kong nai-sacrifice para lang makarating dito."

Nagpakawala si Toni ng malalim na buntong hininga. "Alam ko," sabi niya. "Alam ko."

Marami na kaming pinagdaanan ni Toni. Siya ang unang sumuporta sa'kin noong isang araw na lang nagising ako at naisip kong gusto kong maging artista. Kahit parang napakaimposible kasi ako na yata ang reyna ng ka-chakahan. Siya ang nagkakandarapa kakasunod sa'kin tuwing may audition ako. 'Yong iniiyakan ko tuwing hindi ako natatanggap minsan... Well, palagi.

Kasi, tuwing tatanungin ako sa VTRs, "Marunong ka bang kumanta?"

"Marunong. Pero hindi lang gaanong nasa tono," ang sagot ko.

"Sumayaw?"

"Kapag madali lang 'yong steps."

"Umiyak? Marunong ka naman sigurong umiyak?"

"Marunong po... 'Pag may dahilan."

"Eh bakit ka pa nag-artista? Wala ka naman palang talent. Ilusyonadang 'to. Hindi naman kagandahan."

"Wait lang po. Marunong po akong umiyak... S-sampalin niyo muna ako."

Pero kahit nakatatlong sampal na si talent scout at maga na ang pisngi ko, kung bakit naman kasi hindi ako maiyak?

Si Toni ang laging umaamo sa akin. Kasi pag-uwi namin, doon nagsisimulang tumulo ang mga luha ko.

"Ano ba naman kasi, friend?" aniyang sinusuklay ang buhok ko. "Lagi na lang delayed reaction 'yang mga tear glands mo. Maanong kanina mo pinabaha ng luha mo ang audition room. Hindi 'yang ngayon ka super cry. Itigil mo na kaya 'yang kaka-audition mo? Ibang level na talaga 'yang pagka-stalker mo-"

"Sabi nang hindi. Ako. Stalker!" Nagpapanting kasi ang tenga ko tuwing tinatawag niya 'kong stalker. Talagang 'di ko napipigilan na mag-violent reaction.

"E ano? Obsessed? Ba't ba kasi pinaiikot mo na lang kay Andrei ang mundo mo? Gising-gising din, Leng, 'pag may time. Hindi si Andrei ang center ng universe. He's a star. Million lightyears ang layo niya sa'ting mga hamak na tagalupa."

"Hindi ko rin alam!" Lalo tuloy akong napahagulgol. "Kasi... kasi, kung hindi ito, hindi ko alam kung ano pa'ng gagawin ko."

"Leng, ako na ang number one na naawa sa'yo eh. Andiyang ginawa ka nang julalay. Minsan naman, muntik ka pang gawing porno star. At tanda mo pa 'yung isang manyak na scout na gusto kang gawing escabeche? Muntik ng mawala ang dangal mo do'n, bestie. Ta's ngayon, jinumbag ka pa."

Kahit masakit, kahit nakakapagod, umiling ako. "Hindi. Kaya ko pa, bes. Kaya ko."

Para kailan lang-dalawang taon na rin ang nakararaan, bago pa 'ko tamaan ng kidlat kaya naisip kong mag-artista-tuwing tumitingin ako sa salamin, naaawa ako sa sarili ko. Kahit anong sipat ko, wala talagang special sa'kin. Noong high school pa kami, madalas akong mapagkamalang may sakit dahil payat at maputla ako. Hindi ko pa alam noon ang salon. Wala pa sa bokabularyo ko ang rebond kaya naman parang sanga ng punong balete ang buhok ko. Akala ko noon, cool 'yon. Okay lang 'yon. Idol ko naman kasi si Hermione Granger. Hinahayaan ko lang na nakalugay, kasi gusto kong matakpan ang mga taghiyawat ko. Late na kasi akong nagdalaga.

Lagi ngang sinasabi ni Toni sa akin noon, "Sino ba talaga ang beki sa'ting dalawa? Eh ba't ikaw 'yung may dibdib na pang-grade two?"

Kahit lagi niya 'kong nilalait, hindi ako nasasaktan. Kasi totoo naman. Tanggap ko at kuntento na'ko kung ano'ng meron ako. At saka, si Toni na lang ang kaibigan ko, makikipag-away pa ba ako sa kaniya? May pagka-weirdo kasi ako dati. Mas gusto kong mag-isa. Mas gusto ko sa bahay lang dahil takot akong mapahiya at ma-reject ng ibang tao dahil sa hitsura ko.

Noon, pinapanood ko lang 'yong mga tambay sa kanto namin. Kapag may dumadaang magandang babae sa kalsada, sinisipulan nila. Pilit silang nakikipagkilala. Pero kapag ako 'yong dumaraan, para silang sebong natuluan ng isang patak na Joy. Nawawalang parang bula.

Iyon ang trademark na joke ko para kay Toni.

Minsan naman, 'pag umuulan at hindi makatuyo ng labada si Mamu, ngingiti lang ako at sasabihing, "Dito ka na lang magsampay, Mamu. Kaysa naman puro tinga lang ang sumasabit sa sampayan na nakakabit sa ngipin ko."

Braces. Ugh.

Mas madali kasing gawing katatawanan ang kakulangan ko. Kesa naman magmukha akong kawawa.

Sinasabi ko na lang sa sarili ko, "Baka ito lang talaga 'ko. Baka hindi talaga ako nakatadhana para sa mga bagay na mas maganda, mas malaki... mas masaya." Pero mali pala ako. Alam ko na ngayon, I deserve better.

Sabi nga ni Andrei, may ganda rin naman akong taglay. Kailangan ko lang ng kaunting tulong. O marami. Pero hindi 'yon ang point ko. Tama si Andrei. At hindi ko hahayaang sabihin ng iba na mali siya.

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Sa susunod! Magkrus na kaya ang landas nina Andrei at Leng? O quit na siya sa pagiging #AmbisyosangFrog niya? Eh basta. Abangan niyo na lang.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top