#LoveTeamTheVacay

Bakit pa, kailangan kitang samahan?
Di ba pwedeng hindi nalang sumama?  

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

Hindi pa rin kami nagkikibuan ni Toni hanggang umalis ako nang umagang 'yon. Kasi hangga't hindi namamansin 'yon, walang kahit anong sorry ang uubra. Ang magagawa ko lang din talaga ay maghintay na lumipas ang toyo niya.

May himala. Hindi ako late. Ang usapan alas-kwatro. Nasa café na'ko ng three-thirty. Hindi naman ako excited. Pero mas excited sa'kin si Andrei. Ando'n na siya no'ng dumating ako, taimtim na binabasa ang script niya.

Walang imik akong umupo sa harap niya. Saglit niyang iniangat ang tingin sa'kin, sabay higop ng kape. Ngumiti nang matipid bago ibinaling ang tingin sa binabasa niya.

"Excited much?" tanong ko.

"Ah... Hindi ko kasi gusto na pinaghihintay ang mga kasama ko," sagot niya. Pa-gentleman. O 'di siya na ang mabait na bata. "Saka andami ko pa kasing dapat aralin. Marami pa'kong hindi kabisado. Iniisip ko rin kung pa'no ko ipo-portray si Zeke na hindi cliché."

Kinutusan ko ang sarili ko. "Nahiya naman ako bigla sa'yo. 'Yung sa'kin once ko lang nabasa."

Napakamot siya ng ulo. Isinara ang folder. Na-conscious yata. "Gusto ko kasing ma-perfect 'to bago dumating si Ninang—I mean, si Direk."

"Mag-relax ka naman. Kaya nga out of town, 'di ba? Gusto siguro ni Direk, mag-losen up tayo. Okay lang naman sigurong magkamali paminsan-minsan. Kasi bago pa lang naman tayo sa pag-arte," paliwanag ko.

Biglang nagdilim ang ekspresyon ng mukha niya. Hindi ko mabasa.

"M-may nasabi ba'kong hindi mo nagustuhan?" tanong ko.

"Siguro nga, bago lang tayo. Pero ayaw kong gawing excuse 'yon." Mahina ang boses niya, pero madiin. "Hindi lahat, nabibigyan ng ganitong break. Sa level ko ngayon, wala akong karapatang ituring 'tong parang laru-laro lang. Kaya as much as possible, gusto ko'ng ibigay lahat ng kaya ko."

Hindi ako nakasagot. Feeling ko nasampal ako.

Para bang may boses sa likod ng utak ko na kumakastigo sa'kin. Nakita mo na? Hindi mo alam kung ano'ng mundong pinasok mo. Hindi ka bagay dito.

"Sorry..." sabi niya. "May nasabi yata akong hindi mo nagustuhan."

Malakas ang iling ko. Parang nag-stiff neck tuloy ako. "Hindi. Hindi. Tama ka naman..."

Hindi na rin siya umimik pagkatapos no'n. Binasa ko na lang din ang script ko, pero hindi ako maka-concentrate.

Bago pa man ako makain ng insecurities ko, may humintong SUV sa harap ng building. Bumukas ang bintana at kumaway si Direk mula sa passenger's seat. Nagmamadali kong binitbit ang overnight bag ko, hindi man lang matingnan kung nakasunod na sa'kin si Andrei.

Tumabi ako kay Direk sa likod. Si Andrei naman, sa harap sumakay. Walang imik siyang nagmano kay Direk. Then sa lalaking nasa driver's seat. Siguro kaedaran siya ni Direk. Nakasalamin. Bilugan ang mukha pero hindi naman mataba. Medyo malaki lang ang tiyan. 'Yong bangs niya mukhang nasa 100 strands na lang.

Nginitian niya 'ko. "Double date pala 'to."

Umikot ang mata ni Direk Rina, sabay buntong hininga. "Jelaine, this is Doctor Jervis De Silva; a psychiatrist... and my ex-husband."

"Ops," sabat ni Doc. "Hindi tayo nagpa-annul. So technically, I'm still your husband."

Isang sarcastic na ngiti ang iginanti ni Direk kay Doc. "We're legally separated," paliwanag niya sa'kin. "Bagay na hindi naman na sana kailangan pang mabanggit."

Tatawa-tawa lang si Doc na pinaharurot ang sasakyan sa kalsada. Sumulyap siya sa rearview mirror, ngumiting parang nagso-sorry. Si Andrei, itinuloy lang ang pagbabasa ng script niya. Paminsan-minsan, naririnig ko siyang bumubulong habang nagkakabisa.

"Mauna na kayo sa waiting area," sabi ni Doc. "Ipa-park ko lang 'to."

Isinuot ni Andrei ang hoodie niya, saka nag-shades. Naglagay ng earplugs at naunang bumaba ng sasakyan. Hanggang sa waiting area, script pa rin ang kaharap niya.

"Tahimik ka yata," puna ni Direk.

Hindi ko maiwasang hindi mapatingin kay Andrei na nauna nang maupo sa harap ng boarding area. Nagkibit-balikat lang ako.

Tumaas ang kilay ni Direk. "Parang hindi ako sanay na ganiyan ka. Ano'ng nakain mo?"

"Ah, inaantok lang po."

"Si Andrei?" hula niya. Hindi ko na kailangang sumagot para malaman niyang tama siya. "Si Andrei nga. Parang may sariling mundo, 'no? Ganiyan talaga 'yan 'pag may bagay siyang gustong gawin. Six years old pa lang 'yan, parang forty na kung mag-isip."

"Ang dedicated nga po niya eh," sagot kong nakatutok pa rin ang paningin kay Andrei. "Naisip ko tuloy, parang napakawalang kwenta ko namang artista. Pa'no ako magiging karapat-dapat na katambal niya? Effort pa lang, iwan na iwan na niya 'ko."

"May point ka diyan."

Napasimangot ako. Akala ko pa naman iko-comfort niya 'ko.

"Jelaine, may dahilan kung bakit ikaw ang napili kong i-coach para maging katambal ni Andrei," paliwanag niya. "Sa ngayon, baka hindi mo pa maintindihan. But in due time, you will."

Tumango lang ako. Kahit sa harap lang namin nakaupo si Andrei, kiber lang siya. Lakas kasi no'ng sounds niya.

"Maliit pa 'yang si Andrei, may pagka-perfectionist na 'yan. Alam ko kasi halos kapatid na ang turing ko sa Mama niya."

Ibinaling ko ang atensyon ko kay Direk, eager makinig.

Ngumiti si Direk habang nakatingin sa bintana. Madilim pa, pero pasilip na ang araw sa dulo ng dagat. Pinanood namin ang mga bangka na magpaugoy-ugoy sa mahinang alon.

"Hindi mo na siguro naabutan si Angela Dixon," kwento niya, tila nagmumuni-muni. "Magkasabayan kami noon na sexy starlets, sa maniwala ka't sa hindi." Bahagya siyang natawa.

Muntik na'kong masamid sa iniinom kong kape. "W-weh? 'Di nga?"

Naningkit ang mata ni Direk. "Bakit, tingin mo wala akong K? For your information, Jelaine, 34, 24, 36 ang alindog ko noong araw."

Pinigil ko ang tawa ko. Baka kasi pektusan niya 'ko sa noo.

"Nagpatuloy si Angela sa paggawa ng sexy movies. Ako naman nag-pursue ng drama. Eventually, nawala sa mainstream ang sexy movies. Nabuntis pa siya kaya hindi na siya nakabalik. Kaso, hindi rin sila nagtagal ni Joel."

Tumango ako. 'Yong part na 'yon, alam ko. Sikat na action star ang tatay nila Andrei at Gabriel—si Joel Sevilla. Magkaiba ang ina nilang dalawa. Pero no'ng mamatay ang Mama ni Andrei, ang Mama na ni Gabriel ang nag-alaga sa kaniya. Sa lahat kasi ng naanakan niyang babae, walang pinakasalan si Joel Sevilla. Kaya no'ng naghiwalay sila ng Mama ni Gabriel, iniwan na rin niya si Andrei sa pangangalaga nito.

"Maraming pinagdaanan 'yang batang 'yan," dagdag niya. "Kaya siguro obsessed 'yan na ma-perfect lahat ng ginagawa niya. May gustong patunayan. Hindi 'yan pumapayag sa pwede na. Noong nagsimula nga 'yan sa Boys XD, sintunadong kumanta at saka parehong kaliwa ang paa niyan. Pero laging siyang nagpapaiwan pagkatapos ng rehearsals. Nagpa-practice 'yang mag-isa hanggang makasabay siya sa mga kagrupo niya. Sa kanilang apat, siya ang weakest link, pero siya rin ang pinaka-hard working."

Hindi ko maalis na mamangha kay Andrei. Sa sandaling 'yon naintindihan ko kung bakit gano'n na lang ang reaksyon niya sa mga sinabi ko kanina.

At last, dumating na rin si Doc Jervis. "The boat's here."

Pumalakpak si Direk ng dalawang beses, tumayo sa harap namin ni Andrei. "Okay, kids. From this point on magsa-start na ang immersion niyong dalawa. I hope you read your scripts well. Dahil pagtungtong niyo sa bangkang 'yon"—tinuro niya ang passenger boat na naghihintay sa'min sa labas—"hindi na kayo si Andrei at Jelaine. Kayo na sina Zeke at Bridget. And you will stay in character until the end of the trip or when I say so, whichever comes first. For the next few days, 'yang mga scripts niyo ang buhay niyo. Tuwing maa-out of character kayo, magmumulta kayo ng five hundred pesos for every offense."

"Five hundred po?!" bulalas ko. "Ang mahal naman, Direk. Baka naman pag-uwi natin pati kaluluwa ko naisangla ko na kakamulta."

Nagtaas ng kilay si Direk. "Wala pa nga andami nang angal? Maiwan ka na kaya, Jelaine?"

"Si Direk naman, 'di mabiro. Baka makakalusot lang."

Si Andrei, wala man lang karekla-reklamo. Super confident yata na hindi siya maa-out of character. Habang papunta kami sa boarding area, binuklat ko ang script ko. Cramming. Parang college lang. Basta ang natatandaan ko, si Bridget ay isang rich girl na spoiled brat. Utusera. Feeling sosyal kahit jologs naman. Englishera pero shushunga-shunga. Umeskapo siya on the day of her fixed marriage. Napadpad sa probinsya habang pinagtataguan ang Daddy at fiancé niya.

Pagsampa namin ng bangka, medyo na-out of balance ako. Walang anu-ano, kinuha ni Andrei ang kamay ko at inalalayan ako hanggang sa makaupo kami.

Hindi ako nakaimik. Akala ko ba, bad trip siya sa'kin? Oh, right. Tumirik ang mata ko. Gentleman nga pala ang peg niya.

Ngayon ko lang na-realize na medyo trulali ang mga chismis sa mga blogs at forums. Si Andrei nga 'yung tipong gentleman, hardworking, sensitive. In short, boring. Siguro, consistent na hinahakot niya ang mga ribbon ng Most Kind award mula kinder, kaya pwede na rin.

Nang itutuloy ko na ang pagbabasa ng script, hinablot 'yon bigla ni Direk at inihagis sa tubig.

Nagulat ako. "Hala! Direk naman, ba't niyo tinapon?" Tinawag ko 'yung lalaking nag-aangat ng angkla. "Kuya oh. Littering. 'Di ba bawal magtapon dito?"

Bago ko pa man mapahaba ang litanya ko, may sumulpot na jar mula sa backpack ni Doc Jervis. May label 'yon na Lodge Money. Binuksan niya ang takip at iniabot sa'kin.

"Five hundred," sabi niya, nakangisi. "Pay up. Pambayad natin 'yan ng titirhan natin do'n. Habang may laman yang jar na 'yan, may pambayad tayo. Meaning, makakauwi lang tayo 'pag nawalan ng laman ang jar at wala nang nagkakamali. Gets niyo?"

Aangal pa sana 'ko kaso baka madagdagan pa ang multa. Tama nga ang sabi ni Toni. Weird nga ang teaching methods ni Direk. 'Pag nagtuloy-tuloy pa ang kashungaan ko, mamumulubi na'ko, hindi pa kami makakauwi.

Pinag-krus ni Direk ang mga braso niya. "Mula ngayon, wala nang script. Kasi nga, 'di ba, kayo na si Zeke at Bridget? Hindi kailangang masunod ang flow ng story frame by frame. Basta i-internalize niyo ang mga characters niyo ng mabuti. Before you act, isipin niyo muna kung ano ba ang gagawin ng character ninyo sa gano'ng sitwasyon. Ang kailangan ko lang mula sa inyong dalawa, spontaneity."

"Just pretend as if Rina and I aren't here," dagdag ni Doc. "Observers lang kami. Isipin niyo na lang, kami ang mga camera men niyo. But the whole film is recorded here"—tinuro niya ang ulo niya—"sa halip na sa plaka. We can talk to you every now and then, pero hindi niyo kami pwedeng kausapin. If possible nga, 'wag niyo kaming tingnan. Kunyari na lang, kami ang inyong inner voices. Konsensya. Guardian angels. Watchamacallit."

"Matatapos lang ang immersion na'to 'pag sinabi kong cut. Naiintindihan niyo ba?" tanong ni Direk Rina.

Tumango kaming pareho ni Andrei. Wala man lang bakas ng pangamba sa mukha niya. Ako, sobrang kinakabahan. Ano ba kasi 'tong pinasok ko?

"Okay, good," sabi ni Direk, sinenyasan ang nagda-drive ng boat. As in may manibela kasi. Siguro kaya nito ang more than thirty passengers pero kami lang ang sakay. Umugong ang makina ng bangka, at nang nagsimulang itong umandar, sabi ni Direk, "Action."

~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~

So... strange enough for you? Hmm... Ano sa tingin nyo? Worth continuing ba ang story na 'to? If so, can u guess kung anong susunod na mangyayari? 


Abangan ang susunod na kabanata.



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top