#LoveTeamMayTadhana
Pakiramdam ko nakababad sa yelo ang mga paa ko. Manhid pero masakit. Lumulutang ako sa kawalan. Hindi ko ma-control kung saan ako dadalin ng hangin.
"Ano'ng ginagawa mo dito?" Isang malamig na boses ang gumising sa diwa ko. Boses ng anghel. "Halika. Kailangan mo nang umuwi."
"H-hindi... hindi pa pwede," sagot ko, pilit na hinahanap kung nasaan ang may-ari ng boses. Pero wala akong makita. Wala akong kasama.
May tumapik sa balikat ko. "Miss? Umaga na."
Idinilat ko ang mga mata ko at kumurap. Panaginip, naisip ko. May nakatayong lalaki sa harap ko. Pumungas-pungas muna ako. Nag-inat. 'Yong may sound. Luminga-linga sa paligid at naghikab.
"Oo nga 'no. Umaga na pala."
"Ba't dito ka natulog?" tanong nong lalaki. "Uhm... wala ka bang mauuwian?"
Sinipat ko ang Vans na sneakers, walking shorts at black na V-neck shirt na suot niya. Kahit na mukhang hindi pinag-isipan ang OOTD ni Kuya, in fairness, lakas ng dating. Tumingala ako, pilit na inaaninag ang mukha niya sa liwanag ng sikat ng araw mula sa pagitan ng mga kurtina.
Napaatras ako nang magtama ang mga mata namin. Kinusot ko ang mata ko, just to make sure na hindi lang ito to-be-continued ng panaginip ko.
In-offer niya sa'kin ang kamay niya. Kinuha ko 'yon. Dahan-dahan akong tumayo. Nakatitig pa rin sa kaniya.
"A-andrei?"
"Ba't para namang nakakita ka ng multo?" Isang maliit ng ngiti ang isinalubong niya sa'kin..
Hindi ako makahinga. "T-teka... Kurutin mo nga'ko."
"H-ha?!"
"Kurutin mo nga ako!"
Mukhang pinipilit niyang hindi ipahalata na naalangan siya. Na-wirdohan siguro. Pero marahan naman niyang kinurot ang braso ko.
"Okay na ba 'yan?" May kaunting bahid ng pag-aalala ang boses niya.
"Ang sakit ah," reklamo ko, sabay takip ng kamay sa mukha ko nong ma-realize kong hindi ako nananaginip. "Shucks!" Nagpapadyak-padyak ako. Gusto kong umiyak habang sinasampal ang sarili ko na ewan.
Omegerd! Omegerd. Omegerd.
Nagpapanic kong inayos ang damit ko, 'yong gulo-gulo kong pony tail. Chineck ko rin kung may muta pa'ko. Jackpot!
Kumalma ka, Leng. Kalma, lang. Huminga ako ng malalim at nag-plaster ng ngiti sa mukha ko bago ko siya hinarap.
"M-miss? Okay ka lang ba?" tanong niya sa'kin. "Gusto mo dalhin kita sa ospital?"
Itinaas ko ang kamay ko, umiiling. Poised. Kahit gusto ko nang lumubog sa kinatatayuan ko. "Okay ako. Okay. Lang. Ako. Porket nakatulog ako dito, feeling mo homeless na'ko?" Ngumuso ako. "Kala ko pa naman hindi ka judgmental."
Napakamot na lang siya ng ulo. "S-sorry... Hindi naman sa gano'n. Nagtataka lang ako kung bakit dito ka natulog."
"Eh kasi—"
Biglang pasok si Direk Rina. Agaw-eksena. Panira ng moment. "Ikaw? Ano pa'ng ginagawa mo dito?"
"Wait lang ha?" sabi ko kay Andrei bago nilapitan si Direk. "E 'di ba sabi niyo po, 'wag pong aalis hangga't hindi ako nakakaisip ng dahilan na magugustuhan niyo? Kaya hindi po ako umalis."
Tiningnan niya ako ng matiim. Parang nanunuri. "Is this a joke?"
"Direk, komedyante lang po ako 'pag may camera."
Natawa siya ng kaunti. "Hindi ka talaga umuwi, ha?"
Tumango ako.
"May naisip ka na?"
Natigilan ako. "W-wala pa po..."
"Wala pala e. Ano pang ginagawa mo rito?"
"Pero Direk, gagalingan ko po. Promise!"
Tinuro niya ang pinto. "Out!"
Lulugo-lugo akong lumabas. Hindi pa rin ako umalis. Naupo lang ako sa sahig. Nakasandal sa pinto. Naghintay na'ko maghapon, magdamag. Ngayon pa ba'ko uuwi?
Napipikit na'ko nang biglang bumukas ang pinto. Napahiga ako, sabay kalabog ng ulo ko sa sahig. May mga kamay na nagtayo sa'kin. Umiikot ang mundo ko. 'Yong mga tuhod ko nanginginig. Bago ako mabuwal ulit, nabungaran ko na lang si Andrei sa harap ko.
Inaalalayan ako ni Andrei Dixon. Hindi ko alam kung hihimatayin ako dahil doon, sa pagkakaumpog o dahil sa gutom.
"Nandito ka pa rin?" ani Direk. "Hindi ka ba talaga aalis sa paningin ko?"
"Hindi po."
"Hanggang kailan mo naman balak mag-squat dito?"
Nakagat ko ang dila ko sa kaba. Mukha kasing kakatayin na'ko ni Direk. "Hanggang may maisip po akong dahilan na magugustuhan niyo."
Namula ang mukha ni Direk sa galit. Pero bago niya ako masampal, bumuntong-hininga siya at pilit na kinalma ang sarili. Nag-iisip.
Si Andrei naman, tila may gustong sabihin. Pero minabuti na lang ding yumuko at tumahimik kesa sumabat.
"P-please, Direk." Sinubukan ko siyang lapitan pero muntik na'kong matumba. Buti na lang ando'n si Andrei para saluhin ako. OMG. Super thank You po. Bukas, pwede Niyo na'kong kunin. Bago pa'ko mawala sa sarili, hinarap ko si Direk. "Sige na naman po. Gagawin ko po lahat ng iuutos niyo sa'kin."
Pumikit na lang si Direk at sinabing, "Sa Saturday."
"P-po?"
Halatang naiirita na naman siya. "Sa Saturday ka na lang bumalik."
"Talaga po?"
Feeling ko, abot tenga ang ngiti ko. Biglang nagliwanag ang mundo. Para akong lumulutang. Pagpikit ko, hindi ko na magawang dumilat sa saya.
Naulinigan ko na lang ang boses ni Toni.
"Leng! Sabi ko naman sa'yo, itigil mo na 'yang kagagahan mo!" iyak niya. Hysterical. "Bakit mo'ko iniwan?! Ang bagets mo pa para mategi, friend."
Pagdilat ko, natagpuan ko na lang ang sarili kong nakahiga sa kama sa isang kwarto. Puti ang mga dingding. Amoy alcohol. May nakakabit na swero sa kaliwang kamay ko.
Si Toni, nakadukdok sa gilid ng kama, ngumangawa pa rin. Kinutusan ko siya.
"Bugak!" sabi ko. "Nasa ospital lang, patay agad? Hindi pwedeng may sakit lang?"
Hinilot niya ang ulo niya at umirap. "Ikaw naman, nagpa-practice lang. Nanakit talaga? T'saka ako yata ang mauuna sa'ting dalawa."
"Bakit?"
Nagtakip siya ng ilong. "Bad breath ka na friend. Bangis."
Inamoy ko ang hininga ko. Pati ako nangiwi e. "Oo nga. Teka, ano'ng oras na ba?"
Hinaplos ni Toni ang buhok ko. "Bestie, the right question is... ano'ng petsa na? Tuesday ka pa umalis ng bahay. Thursday na ngayon. Dalawang araw ka nang hindi nagtu-toothbrush. Abuso na sa kalikasan 'yan."
"Arte ah. May dala ka bang food diyan? Dalawang araw na rin kaya akong hindi kumakain."
"Hmp. Baka isipin ni Fafa Andrei wala tayong units sa personal hygiene."
"S-si... Andrei?"
Parang nangisay siya ng bahagya sa kilig. Tumitirik pa ang mata habang tumatalon sa kinauupuan. "Malaking check!"
Gusto kong maiyak. "Nakakahiya, bes. Unang pagkikita namin ni Andrei after two years tapos hindi pa'ko naligo. O nakapagmumog man lang. Baka tulo-laway pa'ko habang ginigising niya 'ko. Gusto ko na talagang mategi! Chugihin mo na'ko, bes!"
"Gaga!" Sinampal ba naman ako?
"Masakit na 'yon ah!"
"Kasi naman, bestie, OA na! Pero in fairness, ang haba ng hair mo. Taong-grasa na ang peg mo pero si Andrei; may I carry you to the hospital like a knight in shining armor."
"Talaga?"
Pinipigil ni Toni na matawa. "Trulaly!"
Bago kami mag-tili session, bumukas ang pinto. Pumasok si Andrei, itinutupi ang long sleeves ng blue polo niya. Walang kalukot-lukot 'yon. Pati buhok niya ayos na ayos na 'kala mo ilang oras siya sa harap ng salamin. Pati rubber shoes niya, kahit white, 'kala mo hindi siya actually tumatapak sa lupa 'pag naglalakad. Sobrang linis kasi.
Habang mas madalas ko siyang nakikita, parang mas lalo siyang gumuguwapo.
"O, gising ka na pala," aniya, medyo nakangiti kaya lumitaw ang malalim niyang dimples at mapuputi niyang ngipin. May pagka-baby-face pa rin siya pero halata sa mga braso niya na nagwo-workout siya. Tumayo siya sa gilid ng kama ko at yumuko ng kaunti para tingnan ako. "Uhm... Kamusta na ang pakiramdam mo?"
Parang luluwa ang mata ko sa gulat at sa kaba. Bago ko pa maibukas ang bibig ko, kinurot ni Toni ang braso ko sabay pinang-mulagatan.
Ngumiti na lang ako at tumango. Baka mahilo si Andrei 'pag nagsalita ako.
"Okay na raw siya," sagot ni Toni, ngiting-ngiti. "'Yan kasing BFF ko, payatot na nga, nag-hunger strike pa kaya himatay much ang drama. Tatlong balut sa puti lang, babalik na ang kaluluwa niyan sa katawang lupa niya."
"Ah..." Tumango si Andrei. "Buti naman kung gano'n. Kukuha 'ko ng makakain. Pero hindi ako sure kung makakabili ako ng balut ngayon."
Tumayo si Toni, palihim akong kinindatan. "Ako na Fafa Drei. Maiwan ko na muna kayo."
Pagkaalis ni Toni, pinilit kong humarap kay Andrei kaso para 'kong nasisilaw. Hindi ko talaga siya matingnan ng diretso.
"Pasensya ka na sa kaibigan ko. Medyo taklesa lang 'yun pero harmless naman," sabi kong nangingimi. "S-salamat nga pala ha, sa pagdala mo sa'kin dito."
"Wala 'yon," sagot niya. "Kahit naman sino siguro, 'yun din ang gagawin. Basta sa susunod, huwag buwis-buhay, ha?"
Natawa ako. 'Yon din kasi ang sinabi niya sa'kin noong una kaming magkita. Natawa tuloy ako'ng mag-isa. Para 'kong baliw.
"Jelaine?" tawag ni Andrei, bahagyang yumuko para sipatin ang mukha ko. "Uhm... May nasabi ba'ko?"
Jelaine daw. "K-kilala mo'ko?"
"Oo naman," sagot niya. "Nasa LOL ka, 'di ba?"
"Ah..." Tumango-tango ako. Akala ko pa naman naalala niya 'ko from two years ago.
"Dinalaw ko kasi si Tito Vito do'n—siya na kasi ang magha-handle sa'kin. Kaso wala ka naman. Sabi ni Tito Vito, may... 'pinagdaraanan' ka raw? Ito pala 'yon..."
Pa-demure ang tawa ko. Ingat lang kasi baka mabugahan ko siya ng kababalaghan. "Naku, wala lang 'to. Yakang-yaka."
Hindi ko ma-explain pero nagbago 'yong ngiti niya. Malalim. Agad rin 'yon nawala nang naging pormal mas lalong pormal ang mukha niya. "Kahit medyo mahirap pakisamahan si Direk Rina, hindi ka pa rin nag-give-up. Sana ako rin, maging kagaya mo balang araw."
"K-kagaya ko?" gulat kong tanong, hanggang sa natawa na lang ako. "Wala naman kasi akong talent. Kaya 'yon... kapal ng feslak lang talaga ang pwede kong puhunan. Try lang ng try. Kahit hindi mag-succeed, try pa rin."
Pati 'yung tawa niya pormal pa rin. Pigil. 'Kala mo, mabibiyak ang lupa at magugunaw ang mundo 'pag tumigil siya pagiging mahinahon.
Ako naman 'tong si gaga, kahit hindi ko alam kung ano'ng nakakatawa, nakitawa na rin ako. Medyo patagilid lang. Baka kasi maamoy niya. Hehe. Sa susunod magbabaon na talaga ako ng toothbrush at mouthwash.
Mk=<&z'
___________________________________________
Itutuloy...
Promise.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top