94: Time Check


TIME CHECK: 9:55 AM

Ang usapan ay magkikita-kita kami sa entrance gate ng Sierra Grisham Village. Napaaga ang dating ko ng five minutes. Sakto naman ang pagdating nina Mina at Rose. But as usual, sina Kasper at Ara ay late (less than 10 minutes lang naman).


TIME CHECK: 10:10 AM

Pumunta na kami sa address na ibinigay ni Deane: Block 093, Wolfwood Street.


TIME CHECK: 10:15 AM

Isang modern two storey residential house ang bahay ni Deane. May paradahan ng sasakyan, saktong laki ng garden at swimming pool pa. Napasabi na nga lang sila na, "Ang yaman pala ni Deane!"

Si Kasper ang pumindot ng doorbell at ilang sandali pa, isang babaeng nasa mid-twenties ang sumalubong sa amin sa gate. Binati namin siya ng magandang umaga pero poker face lang ito at nagtanong, "Anong maganda sa umaga? May isino-solicit ba kayo? Bawal 'yan dito sa village namin."

"Hindi po—" sagot ni Kasper.

"So grupo kayo ng mga nangangaroling? Malayo pa pasko ah. Tawad!" Saka niya kami pinagsarhan ng gate.

Nagkatinginan kaming lahat. Akala talaga namin, maling address na ang napuntahan namin pero muling bumukas ang gate. Ang laki na ng ngiti 'nung babae at naka-peace sign ito sa amin.

"Joke lang! Kayo na siguro ang mga classmates ng kapatid ko? Ako nga pala ang Ate niya. Pasok na kayo sa mundo namin!"

Nagkatinginan ulit kaming lahat. Hindi naman kami na-inform ni Deane na malaking troll pala ang Ate niya. Pero siya na pala 'yun! Si Ate Jean!


TIME CHECK: 10:20 AM

Nasa living room kami. Ang awkward makatitig ng Ate ni Deane dahil parang pinag-aaralan niya pati mga kaluluwa namin. Nasa kamay pa niya ngayon ang alaga niyang tarantula kaya ang layo ng distanya namin sa kanya.

ATE JEAN: Gusto niyong hawakan si Barf?

KAMING LAHAT: (Humindi)

Nasaan na ba kasi si Deane? Ang tagal niyang bumaba! Alam na kaya niyang nandito na kami?

ATE JEAN: So sino nga pala sa inyo si Kath?

KASPER: Kath?

ATE JEAN: Kathryn? Katherine? Katie? Actually, hindi ko rin sure. Meron bang Kath sa inyo?

ARA: Ara po ang pangalan ko.

MINA: Ako po si Mina.

ROSE: Ako naman po si Rose.

AKO: Stacey.

ATE JEAN: (Napatingin kay Kasper) Don't tell me ikaw...

KASPER: Hindi po! Ako po si Kasper po.

ATE JEAN: Kasper... 'yun lang ang pinaka-malapit sa Kath. Kath-per? Oh my ghad!

Hindi namin alam kung anong trip niya. Mabuti na lang dumating na si Deane pero natulala na lang siya nang makita niyang kausap na namin ang Ate niya.

DEANE: Nandito na pala kayo?

KASPER: Kanina pa.

DEANE: Ate Jean! Sabi mo tatawagin mo ako kapag nandyan na sila!

ATE JEAN: Nandito na sila, Den-den!

KASPER, ARA, MINA, ROSE: Den-den?

AKO: (Deep inside, natatawa)

DEANE: (Nahiya na lang) Guys, ito nga pala si Ate Jean ko. Ate Jean, sila naman—

ATE JEAN: Kilala ko na sila. Pero sabi mo darating si Kath?

DEANE: Kath? Sinong Kath?

ATE JEAN: 'Yung kinukwento mong mahilig sa potato chips!

Pagkasabi niya 'nun, nagkatinginan silang lahat sa akin.

KASPER: Aha! Baka po si Stacey ang tinutukoy niyo. Kapag binaliktad po kasi ang pangalan niya, Yecats! At 'yun ang tawag sa kanya ni Pards.

ATE JEAN: (Tumitig sa akin) Ay ang weird mo ngang talaga! Yecats? So ikaw pala 'yung—

Hindi na natuloy pa ni Ate Jean ang sasabihin niya dahil tinakpan ni Deane ang bibig niya.

DEANE: Ate, hindi ba sabi mo ipapatikim mo sa mga kaibigan ko ang mga luto mo? (Saka siya umakbay sa kapatid at sapilitang isinama sa kusina)

At pagbalik ni Deane, halatang pinagpawisan siya. Inaya na nga niya kami agad sa taas kung saan may malaking study room sila. Nakahanda na doon ang mga libro, notes at reviewers niya.


TIME CHECK: 10:30 AM

Wala nang patumpik-tumpik pa! Nagsimula na kaming mag-aral. Ang bait nga ni Deane dahil 'yung ibang subjects kung saan naghihirapan naman ang iba sa amin, siya ang nagmistulang tutor.


TIME CHECK: 11:55 AM

Sa kalagitnaan ng aming pag-aaral, muling nagpakita si Ate Jean.

ATE JEAN: Guys, tama na muna 'yan. Oras na ng tanghalian!

Halos hindi nga namin namalayan na maga-alas-dose na pala! Pinapunta na niya kami sa baba at pagdating doon, ayos na ang lamesa at nakahanda na rin ang mga pagkain. And no wonder kung bakit aminado si Deane na "Ate's boy" siya. Parang nanay pala talaga kung mag-asikaso ang Ate niya. Pero masaya rin siyang kakwentuhan. Parang ka-edad lang din namin kung mag-isip kaya ang ingay ng usapan. Minsan, ang weird lang talaga ng mga banat niya.

ATE JEAN: Nagustuhan mo ba ang luto ko, Yecats?

DEANE: Ate, 'wag kang makigaya ng tawag ko—

ATE JEAN: (Sinubuan bigla si Deane para manahimik ito) Yecats?

AKO: Masarap po.

ATE JEAN: Hindi ba matabang? Binabawasan ko na kasi ng timpla ang mga niluluto ko dahil bawal ang masyadong maalat kay Den-den.

AKO: Medyo po.

ATE JEAN: So ano ba talaga? Masarap o matabang?

AKO: (Napaisip) Pareho po.

ATE JEAN: (Matagal na tumitig sa akin. Tapos tumingin siya sa mga kasama ko) Ganyan ba talaga siya? Ang tipid magsalita.

KASPER: Ganyan po talaga siya.

ARA: Nasanay na nga lang po kami.

MINA: Actually, mas malala po siya kapag nasa classroom.

ROSE: At isang malaking himala kapag nagsalita siya na umabot ng ten words!

Ay grabe 'tong mga 'to. Feeling ko pinagtutulungan nila ako. No comment na nga lang.

DEANE: Tahimik lang si Yecats sa umpisa. Pero kapag naging close na kayo, madaldal kaya 'yan! Makulit pa!

AKO: Hindi ako makulit ah.

DEANE: Makulit ka! Gusto mong isa-isahin ko 'yung mga pangungulit na ginawa mo?

AKO: Ikaw kaya ang mas maraming pangungulit na ginawa sa akin!

Pagkasabi ko 'nun, iba ang naging tingin nilang lahat sa amin. Tapos si Ate Jean, parang may binibilang sa daliri niya.

ATE JEAN: Oh my ghad! Umabot ng 10 words ang sinabi niya! May himala!

At nagtawanan ulit sila. Putek 'tong mga 'to.


TIME CHECK: 12:30 PM

Matapos ang masarap na tanghalian at wagas na kwentuhan, pinabalik na kami ni Ate Jean sa pag-aaral at siya na raw bahala sa mga hugasan. Nahihiya na kami sa sobrang kabaitan niya.


TIME CHECK: 1:05 PM

Habang nagre-review ulit, tinabihan ako ni Deane.

DEANE: Uy! Okay ka lang?

AKO: (Tumango)

DEANE: Pasensya ka na sa mga banat ni Ate. Ganun lang talaga 'yun kapag gusto niya ang isang tao. Madalas niyang pagtripan. Pero 'wag ka sanang mapikon.

AKO: (Natawa) Hindi naman eh. Napaisip lang ako.

DEANE: Tungkol saan?

AKO: Bakit ako lang ang kilala ng Ate mo noong sinalubong niya kami kanina?

DEANE: (Matagal na hindi nakasagot)

AKO: (Kinurot ko siya sa tagiliran)

DEANE: (Nakiliti)

AKO: Kung anu-ano siguro pinagkukwento mo tungkol sa akin.

DEANE: Hindi naman...

AKO: Weh? (Kinurot ko siya ulit)

DEANE: (Napasigaw na sa dahil sa pagkakiliti)

KASPER: Oy Den-den at Kath! Nagre-review kayo o naghaharutan?

ARA: Isumbong na 'yan kay Ate Jean!


TIME CHECK: 4:00 PM

Merienda time. Inilabas na namin ang mga dala naming baon. May mga sandwiches, chichirya, softdrinks, juice, chocolates at kung anu-ano pang mangangata ang pinagsaluhan namin. Syempre, nag-share din kami kay Ate Jean. Mahilig siya sa sweets.


TIME CHECK: 4:30 PM

Tuloy ulit sa pagre-review.


TIME CHECK: 6:00 PM

Pack-up na. Kailangan nang umuwi para hindi masyadong gabihin sa daan.

MINA: Salamat sa group study na 'to! Ang dami kong natutunan!

ARA: Salamat din po sa lunch at sa pagpapatuloy dito sa bahay niyo.

ATE JEAN: Okay lang! Ingat kayo sa pag-uwi ah! Magkakasabay naman ba kayo?

ROSE: Magkasabay po kami ni Mina.

KASPER: Ako po maghahatid kay Ara?

ATE JEAN: Eh ikaw, Yecats?

AKO: Mabilis lang po byahe ko.

ATE JEAN: Pero ikaw lang mag-isa? Delikado sa daan ah! (Biglang tinulak si Deane) Den-den, ihatid mo siya. (Sabay kindat)

AKO: 'Wag na po. Okay lang—

DEANE: Sige na, Yecats. Tama naman si Ate. Mag-motor na lang din tayo para mabilis.

ATE JEAN: 'Wag ka nang pumalag!

AKO: (Hindi na pumalag) Sige na nga po.

DEANE: Sandali lang din.

Tumakbo pabalik sa second floor si Deane at after 5 minutes, saka lang siya bumaba.

ATE JEAN: Ay! Change outfit ang Den-den ko!

DEANE: Ate!

KASPER: Tsaka bagong hilamos po.

ARA: At nag-toothbrush din.

MINA: Bagong suklay din ang hair.

ROSE: At amoy pabango pa.

DEANE: (Napakamot na lang) Ang dami niyong napapansin! Tara na nga!


TIME CHECK: 6:55 PM

Walang traffic kaya ang bilis din ng byahe at maaga kaming nakarating sa tapat ng bahay namin.

AKO: Salamat sa libreng hatid.

DEANE: Basta ikaw, Yecats! (Nagpa-cute)

AKO: Itigil mo 'yan. Ang sagwa.

DEANE: (Napa-kunot ang noo) Ang sama!

AKO: (Natawa) Um... gusto mong mag-dinner sa amin?

DEANE: Gusto ko sana kaso paniguradong hinihintay na ako ni Ate Jean na makasabay niya maghapunan.

AKO: Okay. Sige, uwi ka na. Ingat ka ha. (Papasok na sana sa loob)

DEANE: (Pinigilan ako) Yecats... ano...

AKO: Ano?

DEANE: Gusto mo bang ituloy natin 'yung naudlot nating lakad sa darating na Friday?

AKO: May exams sa araw na 'yun ah.

DEANE: After ng exams. Kapag uwian na.

AKO: Tayong dalawa pa rin?

DEANE: Oo. Tandaan mo, hindi mo pa ako nababayaran sa utang mo.

AKO: Pag-iisipan ko.

DEANE: (Napasimangot)

AKO: Joke lang. Okay.

DEANE: Okay? Game? Tuloy tayo?

AKO: Oo.

DEANE: Yes!

AKO: Umuwi ka na.

DEANE: Heto na! (Pina-andar na ang ulit ang motor niya)

AKO: Bye! Ingat ka!

DEANE: Ba-bye... I...

Parang may gusto pang sabihin si Deane noon pero napatakip siya bigla ng bibig at umiwas agad ng tingin. Nagmadali na lang siyang magsuot ulit ng helmet at saka lang tumingin ulit sa akin.

DEANE: (Kumaway na lang)

Umalis na siya at naiwan akong nag-iisip. 'I love you' ba ang dapat niyang sasabihin sa akin? Nagsabihan naman na kami ng ganun sa isa't isa ah. Bakit parang nag-hesitate siya ngayon? Normal naman 'yung sa magbi-best friends.


TIME CHECK: 11:00 PM

Pero normal nga ba, journal?

Anong oras na oh?

Kanina pa nangyari 'yun pero hindi ako makatulog ngayon dahil sa pag-iisip.


Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: