Prologue
"DELIVERY FOR Ms. Zaimin Yaz Marchessa."
Napasulyap ako sa nurse's station matapos kong marinig ang pangalan ko. Sandali kong inihinto ang pagpeprepara ng gamot upang lumapit.
"Wow! Kanino nanggaling iyan?" agad na usisa ni Katley.
"Ano iyan?" tanong ko na ang paningin ay nasa bouquet na hawak ng delivery man.
"'Uy! May secret admirer ka, ah!" panunukso ni Katley.
Inismiran ko siya. "Sa ganda kong ito, hindi na kataka-taka iyan, 'no," biro ko. "Salamat, kuya," baling ko sa delivery man sabay pirma sa receiver's sheet.
Natuon muli ang paningin ko sa isang bungkos ng mga rosas na nakapatong sa station. Bukod sa bulaklak ay may four cups of Starbucks coffee at box of cake. Kunot-noo kong kinuha ang card na nakadikit sa wrapper ng bulaklak.
From: Mr. Best.
Hindi ko magawang alisin ang paningin ko sa mga bulaklak. Noon lang ako nakatanggap ng mga ganoong "sorpresa" sa trabaho. Wala rin naman akong naririnig na may gustong manligaw sa akin dito sa ospital. May mga nagkakagusto pero walang naglalakas-loob na manligaw. Kaya hindi ko maiwasang magulat at magtaka.
Mr. Best? Psh. Corny. Sino naman kaya ang nagpadala nito? Hawak ang kwintas, hindi ko napansing matagal na pala akong nakatitig sa bulaklak.
"'Uy," nanunuksong kinalabit ako ni Katley. "Ang sweet naman nitong admirer mo, mukhang iniisip din kaming mga kasamahan mo. Buksan ko na 'tong cake, ah? Inumin na rin natin 'tong coffee habang mainit pa." Hinayaan ko na lang siya.
Apat kaming naka-duty. At laking pasalamat namin dahil hindi toxic ang araw na iyon hindi gaya nang nakaraan. Masasabi ko nang pahinga ito dahil kagagaling lang namin ni Katley sa dalawang magkasunod na straight duty.
Hindi ko maintindihan kung bakit nangingiti ako sa pagtitig sa mga bulaklak. Pero bukod doon ay hindi ko maitatanggi ang kaba sa dibdib ko. Siguro ay dahil hindi ko na rin matandaan kung kailan ako huling nakatanggap bulaklak. Hindi ko na rin maalala kung kailan ako huling nasorpresa. Napailing na lang ako sa kaiisip kung sino ang posibleng nagpadala ng mga iyon.
Ayokong umasa... Ako rin ang pumutol sa namumuo kong saya.
"Sino sa tingin mo ang nagpadala?" usisa ni Katley habang naglalakad kami papunta sa parking lot pauwi.
Ang totoo ay hindi na nawaglit ang deliveries sa isip ko. Hanggang sa matapos ang shift ay isip ako nang isip kung sino ang posibleng nagpadala niyon. May sagot sa puso ko, puno iyon ng pag-asa. Pero panay ang pagkontra ng isip ko dahil alam niya kung gaano iyong kaimposibleng mangyari. Gayunman, hindi ko ipinahalatang buong maghapon akong lutang sa kaiisip.
Nagkibit-balikat ako sabay tingin sa hawak kong bulaklak. "Iisa lang naman ang Mr. Best na nasa isip at pangarap ko." Ngumiti ako. Gusto kong pagalitan ang isip ko dahil masiyado akong kinokonsensya niyon dahil sa nararamdaman ko. "Pero imposibleng siya ang nagpadala nito." Hindi ko naitago ang lungkot sa mga ngiti ko.
"Si Maxwell?" nagugulat na tanong niya. Nagbaba lang ako ng tingin. "'Sabagay, imposible nga." Napatitig ako sa kaniya at hindi naitago ang panlulumo. Ibang sagot ang inaasahan ko mula sa kaniya. Gusto kong sabihin niyang posible iyon. Nakakatawa.
Kilala ni Katley si Maxwell Laurent del Valle-Moon. Iyon nga lang, ni minsan ay hindi niya nakita ang hitsura nito. Hindi ko rin alam kung ano ang namumuong imahe nito sa kaniyang imahinasyon habang nagkukwento ako. Halos lahat yata ng tungkol sa lalaking iyon ay naikuwento ko na sa kaniya. Mula sa pinakamaliit na bagay, hanggang sa pinakamalalaking bagay ay sinabi ko kay Katley. Maging ang nalalaman ko tungkol sa mga Moon. Tutal naman, nandito kami sa Cebu, imposibleng makarating pa sa Laguna na itsinismis ko sila.
Alam ni Katley kung gaano ako kabaliw kay Maxwell Laurent del Valle-Moon. Nakakatuwa nga dahil parati siyang interesadong makinig at hindi talaga siya nagsasawa. Parati siyang may tanong, tuloy ay mas ginaganahan akong magkwento. NBSB si Katley kaya naman mas kinikilig pa siya kaysa sa akin. Simpleng kwento ko ay para na siyang maiihi at namumula siya sa katutukso. Wala siyang pakialam kahit na paulit-ulit ako, kahit alam niya na ang sinasabi ko, nakikinig pa rin siya. May mga pagkakataon kasing hindi ko na alam kung alin ang mga naikwento ko na sa kaniya at hindi pa.
Suportado ni Katley ang feelings ko kay Maxwell kaya ayaw niyang may makatuluyan akong iba. Gaya ko, gusto niyang kami ni Maxwell ang humantong sa isa't isa. Minsan nga ay mas kinikilig pa siya. Nakakatuwa talaga.
"But what if sa kaniya nga nanggaling, Yaz?" Bumaling muli sa akin si Katley matapos itanong iyon. Pareho na kaming nasa harap ng kani-kaniyang sasakyan.
Umirap ako. "Duh? Paano mangyayari iyon? Bukod sa napakalayo niya ay wala naman siyang dahilan para padalhan ako ng cake, coffee at lalo na ng bulaklak," mataray kong sabi. Ang panghihinayang ay naro'n sa loob ko. "Hindi ito gagawin sa akin ng isang Maxwell Laurent del Valle-Moon, Katley," sabi ko habang nasa bulaklak ang paningin. Saka ako nag-angat ng tingin sa kaniya at pilit na ngumiti. "Imposible." Ako ang higit na nasaktan sa sinabi ko. Dahil hanggang sa sandaling iyon ay may parte sa kalooban ko ang humihiling na sana ay hindi nalang ganoon kaimposible 'yon.
"Kaya nga, what if?" pinakadiinan niya pa ang huling dalawang salita. "What if siya ang nagpadala ng cake, coffee at nitong flowers?"
God! She's really serious? Hindi ko alam kung bakit bigla ay kinabahan na naman ako. Iyon na 'yong gusto kong marinig mula kay Katley. Nang tanungin niya naman iyon ay para akong nilalamon ng kaba. "Well," hindi ko malaman kung ano ang sasabihin. "I don't really want to assume or expect anything pero kung sa kaniya man nanggaling ito, oh, eh, di..." Muli akong nagbaba ng tingin sa bulaklak at sandaling napatitig doon. "Eh, di thank you, gano'n." Nakamot ko ang noo.
"Thank you lang? Hindi ka man lang kikiligin?"
Napamaang ako. "Hello? That's Maxwell Laurent del Valle-Moon for my beauty's sake, Katley, sino ang hindi kikiligin?"
"Eh, bakit hindi ka naman mukhang kinikilig?"
Nanlumo ako. "Dahil alam ko namang hindi sa kaniya nanggaling ito." Mapait ang naging ngiti ko. At hindi ko na matatagalan pa ang pag-uusap na iyon kaya nagmuwestra na ako pasakay sa sasakyan. "See you tomorrow, Katley. Take care," paalam ko saka siya iniwan.
Hanggang sa pagmamaneho ay naging mapakla ang mga ngiti ko. Hindi ko maiwasang lingunin nang paulit-ulit ang bulaklak na nasa tabi ko.
Imposible. Hindi ito gagawin ni Maxwell. Imposibleng sa kaniya manggaling ito dahil hindi niya naman ako gusto. He doesn't like me, Katley. And he never will.
To Be Continued. . .
©maxinejiji IHGmaxinejiji031717
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top