CHAPTER NINE

CHAPTER 9

"ARE YOU okay?" tanong ni Maxwell nang makabalik kami sa unit ko. Natutuliro akong lumingon sa kaniya saka may pilit na ngiting tumango. "Kanina ka pa tahimik sa daan. Hindi ako sanay. You're that tired?"

Napatitig ako sa kaniya. Syempre, hindi ko pwedeng sabihin ang nangyari kanina sa pagitan namin ni Maxrill. At aaminin kong iyon ang gumugulo sa isip ko ngayon. Mali iyon. Iniisip ko pa lang na may gusto sa akin si Maxrill ay kinakabahan na ako. Natatakot ako sa hindi malamang dahilan.

"I'm sorry," nagbaba ako ng tingin sa magkahawak at hindi mapirmi kong mga daliri.

"No," bakas ang pag-aalala sa tinig niya. "Is there something wrong? What's bothering you?" Hinawakan niya ang baba ko at pinagpantay ang mga tingin namin.

"Nothing," agad akong ngumiti upang mawala ang pag-aalala niya.

Tumitig siya sa 'kin na tila inaalam kung totoo ba ang sinabi ko. Lalo pa akong ngumiti. Bumuntong-hininga naman siya at hinaplos ang buhok ko.

"Bakit hindi ka muna magpahinga bukas? Sa susunod na araw ka na lang pumasok sa trabaho."

"What? I'm fine, Maxwell. Excited na akong mag-start, 'wag mo nang i-delay, please?"

"You're not fine."

"I am fine."

"Baka makasama sa 'yo kung pipilitin mo ang katawan mo, Yaz." He's serious.

Lumabi ako, umaarte. "Kaya ko naman, eh. Don't worry."

"So what's bothering you?"

"Nothing," nakangiti akong umiling. "Believe me, I'm fine."

"Are you sure?"

"Of course," lumapit ako at yumakap sa braso niya. "I'm fine." Bumuntong-hininga siya. "Umuwi ka na para makapagpahinga ka na."

"I can stay a little longer. Diyan lang naman sa 'taas ng ospital ang bahay ko," ngiti niya.

Ngumiwi ako. "Gagabihin ka lang kaya huwag na. I know you're tired. Para makapagpahinga ka na."

Hinila niya ako papalapit sa kaniya. "Susunduin kita nang maaga bukas."

"Why?"

"I wanna make sure you're fine."

Ngumiwi ako at nagpigil ng ngiti. "Okay, I'll wait for you."

"Bye for now," yumuko siya at hinalikan ako sa labi.

Napapikit ako. Hanggang sa sandaling iyon, sa dinami-rami nang nangyari sa amin, hindi pa rin ako makapaniwalang ginagawa niya ang lahat ng ito para sa 'kin. Hindi pa rin ako makapaniwalang ganito na kami ni Maxwell ngayon. Pinangarap kong mangyari ang lahat nang ito noon. Hindi ko akalaing posible at magkakatotoo.

Inihatid ko siya sa pinto, hindi mawala ang mata namin sa isa't isa, ang mga ngiti ay naroon sa aming mga labi. Nawala lang iyon sa akin nang isara kong muli ang pinto. Muling pumasok sa isip ko ang ginawa ni Maxrill. Hinawakan ko ang pisngi ko kung saan dumampi ang kaniyang labi. Napapikit ako sa lungkot. Mali iyon. Maling-mali. Sa hindi malamang dahilan ay natakot na naman ako.

This is wrong, Maxrill. Anong nangyari sa 'yo? Ano na lang ang sasabihin sa akin ng pamilya mo kapag nalaman nila iyang nararamdaman mo?

Naihilamos ko ang palad sa mukha ko. Alam kong mali ang isipin iyon, lalo na't sinabi kong obligasyon kong irespeto ang nararamdaman niya. Hindi ko makitaan ng tama ang nararamdaman niya. Para ko na siyang kapatid, itinuring ko talaga siyang nakababatang kapatid. Hindi man ganoon kabata, nakita ko siyang lumaki. Nakita ko ang kahinaan, kakulangan, lakas at abilidad niya sa maraming bagay. At lahat nang iyon ang naging dahilan para ituring ko na siyang pamilya. Ni minsan ay hindi ko naisip na posibleng magkaganito ang nararamdaman niya, sa dinami-rami nang pinagsamahan namin. Pakiramdam ko ay mas imposible pa ito sa kung anumang maitatawag sa relasyon namin ni Maxwell ngayon.

Hindi halos ako nakatulog nang gabing iyon. Pero hindi naging dahilan iyon para hindi ako magising nang maaga. Gaya nang sinabi ni Maxwell ay maaga siyang pumunta sa bahay, may dalang breakfast. Sabay kaming kumain, ino-orient niya ako sa ilang maliliit na bagay.

"Good morning," sabay-sabay kaming binati ng mga nurses nang makapasok sa ospital. Ang paningin ng lahat ay nasa akin, maging iyong mga hindi naman bumati. Hindi nakaligtas sa paningin ko nang tingnan ako mula ulo hanggang paa ng mga babaeng naroon.

Ngumiti ako at tumango sa lahat. Nalingunan ko si Keziah na noon ay nakangiti nang naglalakad papunta sa gawi namin. Inakbayan ako ni Keziah, hindi ko inaasahan, saka ako marahang inagaw kay Maxwell.

"Ako na ang magtu-tour sa kaniya," tumatawa niyang sinabi. Pakiramdam ko bigla ay hindi na ako safe.

"Thank you," ani Maxwell na nasa akin ang paningin. "Keziah will take care of you. I have to go to my office." Tutol ang puso ko sa sinabi niya. Pero hindi gano'n kalakas ang loob ko para tanggihan siya. Nakangiti akong tumango saka tinanaw ang kaniyang paglayo.

Pakiramdam ko ay naiwan ako sa napakaraming estrangherong tao, kahit na ang totoo ay matagal ko nang kilala itong katabi ko, bukod sa pinsan siya ng asawa ng kapatid ko. Gusto kong kumawala sa pagkakaakbay niya, hindi kami gano'n kakomportable sa isa't isa. At hindi gano'n kagaan ang loob ko sa kaniya para magkadikit ang aming mga balat. Pero dahil hindi ko siya pwedeng pagtarayan, at kailangan ko iyong gawin ay hinayaan ko na lang.

Ipinakilala ako ni Keziah sa lahat. Gusto kong humanga sa haba ng pasensya niya dahil sa paulit-ulit na pagsasabi ng aking pangalan. Ang bawat espesyalista ay ipinakilala niya rin sa akin. At sa t'wing may pagkakataon ay ibinubulong niya sa akin kung anong ugali meron ang mga ito. Pinuntahan din namin ang bawat area, naglagi kami sa special areas. Nanakit ang mga binti ko sa kalalakad paroo't parito. Itinuro niya sa akin ang bawat area, at kung may pagkakataon ay ino-orient niya ako sa maraming bagay. Hindi naman na bago sa akin ang karamihan sa mga sinabi niya, pero malaking tulong ang ginawa niya dahil masyadong advanced ang mga gamit sa ospital na iyon. Hinihiling ko lang ay natandaan ko lahat dahil pakiramdam ko ay nahilo ako sa dami ng kaniyang sinabi.

"Mag-lunch na muna tayo?" anyaya niya.

Really? Together? Psh! Labag sa loob kong sabayan siya. I'm so mean. Matapos ang halos apat na oras na paglalakad para mai-tour at ma-orient ako sa maraming bagay, ayaw ko pa rin siyang makasama. "How about Maxwell?"

Nakita ko nang tumaas ang kilay ni Keziah, bahagya siyang humalakhak bago ako tapunan ng tingin. "Hindi siya pababayaan ni Wilma."

Mas mataas ang itinaas ng kilay ko kaysa kaniya. "Who is Wilma?"

"Hindi mo kilala?"

Hindi ko tatanungin kung kilala ko, buang! Ngumiti ako, pigil ang inis. "Hindi, e. Sino ba siya?"

Lalo siyang tumawa, nakakaasar. "Hayaan mong si Maxwell ang magpakilala sa kaniya sa 'yo."

Nanggigil pa lalo ako sa inis pero hindi nagpahalata. "Okay."

Sumama ako kay Keziah sa cafeteria. Nakakabilib naman talagang maging ang mga empleyado doon ay kilala niya. Ipinakilala niya na naman ako sa mga iyon. Gaya ng paulit-ulit niyang sinasabi sa lahat, "This is Zaimin Yaz Marchessa, Dr. Maxwell Laurent's good friend."

Kung alam lang niya... Umikot ang mata ko saka lumapit sa buffet. "Kilalang-kilala ka na ng lahat dito, 'no, dok?" sinikap kong alisin ang sarkasmo sa tinig ko. "Mukhang lahat ay close na close na sa 'yo."

"Of course," kaya niya yatang sabayan ng halakhak ang bawat salitang sasabihin niya. Hindi ko alam kung nang-aasar ba siya o mayabang lang talaga.

Lahat kasi ng ipinakilala niya sa akin ay kakaiba talaga ang respeto sa kaniya. Iyon 'yong respetong hindi lang bilang doktor o katrabaho. Sa tingin ko ay dahil iyon sa katayuan niya sa buhay ni Maxwell. Hindi na ako magtataka kung sa isip ng marami ay may espesyal na relasyon sila.

"Kasama ako ni Maxwell kahit noong nagha-hire pa lang siya," dagdag niya.

"I see," pabuntong-hininga kong isinagot. "'Buti pumayag kang magtrabaho dito, doktora?"

Tinapik niya ang balikat ko, sa isip ko ay itinapik ko rin sa kaniya ang plate na hawak ko. Nakakainis! "Yaz, kapag tayong dalawa lang ang nag-uusap, 'wag mo na akong tawaging doktora. Kapag may kaharap lang na ibang employees, lalo na kung pasyente."

"Fine," sinikap kong huwag magtaray.

"Bakit naman hindi ako papayag? Look at this place," aniya na iginala ang paningin nang may paghanga. "Kahit sino yata ay gugustuhing magtrabaho dito. Ikaw nga ay pumayag din. Posibleng hindi nagkakalayo ang dahilan natin."

"At least ako, sanay nang malayo sa pamilya ko. How about you?"

Nagkibit-balikat siya. "At first nahirapan akong magpaalam sa parents ko, lalo na kay dad. Hindi ako ang worry nila kundi si Kimeniah, of course maiiwan siyang mag-isa. In the end, napapayag ko rin sila. Besides, madalang din naman kaming magkita since they're working outside the country. How about you? 'Buti okay lang sa 'yo na malayo kayong magkapatid sa parents ninyo?"

Sabay kaming naupo sa pandalawahang table. "Hindi rin naging madali. Para kasi kaming mga rebelde na wala namang problema sa pamilya. It's really hard to explain. Actually si Zarnaih ang may lakas ng loob na umalis noon, she really wanted to stay in Laguna. Since hindi naman siya nagpabaya sa studies niya, hinayaan siya ng parents namin."

"And what about you? What made you stay in Laguna?"

Napatitig ako sa kaniya, tinitimbang ang dahilan ng pagtatanong niya. "It's a long story," lang ang isinagot ko saka nagbaba ng tingin sa kinakain.

"Kasisimula palang naman nating kumain, bakit hindi mo ikwento?"

Napatitig uli ako sa kaniya. Wala sa hitsura niyang nag-uusisa siya. Ang totoo ay masyadong kaswal ang paraan ng pagkakatanong niya na para bang gusto lang niyang may mapagkuwentuhan kami. Sadyang hindi lang ako komportableng magkuwento. Hindi sapat ang pundasyon ng pagkakakilala namin para ibahagi ko sa kaniya ang parteng iyon ng buhay ko.

"Of course because of Zarnaih," hindi ko alam kung matatawag bang kasinungalingan iyon. Pero totoong isa 'yon sa dahilan kung bakit ako pumunta sa Laguna noon. "Para mabantantayan ko siya. She's too young to live alone, kahit pa nandoon ang mga Moon para sa kaniya."

Tumango-tango siya. "Yeah, that's right. Pero hindi ba't sa SIS siya unang nag-aral?"

"Bata pa lang kami gusto na ni Zarnaih na sa ibang lugar mag-aral. Gusto niya sa Manila, we live in Cebu kaya hindi siya pinapayagan ng parents namin. Pero masyado siyang matalino. Nag-take siya ng exams sa iba't ibang schools, kung hindi via e-mail ay through letter nang makipag-communicate siya. Nalaman na lang namin when she already passed the exams from three different schools. Sa Manila ang first choice niya pero natakot din siya dahil magulo, so pinili niya sa Laguna."

"Bilib na bilib nga ang parents ni Lee sa talino ni Zarnaih."

"Bata pa lang kami ay gano'n na siya, may silbi ang pagiging madaldal."

"So sa Cebu ka nagtapos ng pag-aaral?"

Pinilit kong ngumiti. Dumarami ang tanong mo, madam. "Yeah, doon din ako nag-OJT."

"You were a flight attendant, right?"

"Yeah," bumuntong-hininga ako. "How about you?" Inunahan ko na siyang magtanong, kailangang mawala sa akin ang conversation. "Kailan mo planong mag-asawa?" Late na nang maisip ko kung tama o mali bang itanong ko iyon. "I mean, do you have any boyfriend? Parang wala kasi akong nababalitaan na may boyfriend ka or dine-date."

Ngumiti siya saka ginalaw ang pagkain. "Alam mo kung sino ang gusto ko."

Napalunok ako. At alam mong hindi pwedeng maging kayo. "Sino?" nagmaang-maangan ako.

Humalakhak na naman siya, tumitig sa akin saka inilapag ang hawak na spoon. Sumandal siya sa kinauupuan at pinagkrus ang mga braso. "What's your relationship with Maxwell by the way?"

Nagulantang ako sa pagiging prangka niya. Hindi ko alam kung paanong sasagot. Pero ayaw ko naman magmukhang nangangapa sa kung ano rin ang relasyon namin ni Maxwell sa isa't isa.

"We're more than friends but less than a couple," nakangiting sagot ko, ginagalaw ang pagkain, hindi siya magawang tingnan.

"And you're fine with that?" nakangiwi ngunit nakangising tanong niya.

Natitigilan akong napatitig sa kaniya. Pinilit kong ngumiti pero lumantad ang pait sa aking labi. "Yeah," hindi ko alam kung pagsisisihan ko bang iyon ang aking isinagot. "I mean, may pagkakaintindihan kami ni Maxwell nang sa 'min lang. Mga bagay na kahit i-explain namin sa iba ay kami lang ang makakaintindi."

Nakangisi siyang umiling. "As in no commitments? Aside from false hopes and promises, you can't have anything without commitment, Yaz. Don't you fear wasting your time?"

Tinitigan ko siya. Gusto kong magtaray. Gustong-gusto kong magtaray. Pero hindi pwede. Syempre, bukod sa super senior ko siya, gagawa ako ng eksena. Hindi maganda para sa magandang tulad ko ang magsimula ng gulo, lalo na nang dahil sa isang lalaki.

Hindi ko matanggap na hindi ako makaalma. Ang kinaya ko lang ay ngumiti nang pagkaganda-ganda. Hindi na ako nagsalita pa. Tahimik naming tinapos ang tanghalian at muling bumalik sa orientation at familiarization sa ospital. Magkasama kami ni Keziah hanggang sa afternoon snack time. Gusto kong madismaya dahil gabi na nang muli kong makita si Maxwell.

"Here's your uniform," inilapag ni Maxwell ang malaking paperbag sa mesa sa kaniyang opisina. Doon kami dumeretso ni Keziah matapos ang maghapong pagsasama.

"Ang bilis naman?" sabi ko saka binuksan iyon. "Thank you."

"You may start tomorrow."

"I'm excited," ngiti ko. "Saang area nga pala ako magsisimula?"

"Sa dental area kita in-assign," si Keziah ang sumagot.

Nagugulat ko siyang nilingon. "Dental?" halos mautal ako. Pinilit kong ngumiti. "Bakit do'n? I mean...wala akong exposure sa dental area, Keziah," halos ibulong ko ang mga huling salita.

"Kaya nga ie-expose kita."

"Bakit ikaw?" hindi ko napigilang itanong 'yon. "I'm sorry," umiling ako, nag-aalalang baka masamain ni Keziah ang tanong ko. Nilingon ko si Maxwell. "Mas na-expose ako sa emergency room, surgical ward at operating room, Maxwell. I'm expecting na doon din ako maa-assign ngayon."

"Rotation naman dito every three months so malilipat ka sa iba't ibang area. Maxwell and I are aware naman kung saan-saang area ka na-rotate before sa BIS Hospital. Nagkataon lang na kailangan ng nurse sa dental area kaya doon ka mapupunta," si Keziah pa rin ang sumagot.

Bigla ay naging mabigat ang loob ko. Nanatili kay Maxwell ang tingin ko bagaman si Keziah ang nagsalita. At batid kong nakita ni Maxwell na sumama ang mukha ko. Kaya naman hindi na ako nagulat nang maupo siya sa harap ko upang pagpantayin ang aming paningin. Hinawakan niya ang kamay ko saka hinaplos ang aking pisngi.

"Don't you like it? Bago lahat ng environment mo. Why don't you take it as a challenge?" ngiti ni Maxwell. Nangungumbinsi ang kaniyang tinig pero umaalalay. Ramdam kong hindi niya ako pababayaan.

Pero mabigat pa rin ang loob ko. Pakiramdam ko ay biglang may nagkulang sa akin. Nawalang bigla ang excitement ko. Imbes na kabahan, imbes na mag-alala ako dahil sa wala akong experience sa area na 'yon ay parang nawalan pa ako ng ganda. Hindi sa minamaliit ko ang area na 'yon. Sadyang wala pa doon ang puso ko. Idagdag pa ang mga sinasabi ni Keziah. Naiinis ako dahil pakiramdam ko ay siya ang nagdedesisyon.

"I know you can do it," dagdag ni Maxwell.

Nilingon ko si Keziah na noon ay wala sa amin ang paningin. "Fine," buntong-hininga ko. "I don't think I have a choice anyway."

"Yaz..." malambing na ani Maxwell, pinisil ang kamay ko.

Ngumiti ako. "I'm fine. It's alright. I'll take it as a challenge just like what you said. No problem, I'm quick to adapt."

"Thank you," muling pinisil ni Maxwell ang kamay ko.

"How about dinner at my place? Wilma cooked dinner," ani Maxwell, nilingon ko agad siya pero nginitian niya lang ako. 'Ayan na naman si Wilma! Kating-kati na akong itanong kung sino ang Wilma na 'yon pero baka pagtawanan lang ako ni Keziah. "Maxrill will be there, too."

"Sure," agad na sagot ni Keziah.

Napalunok ako. Bigla ay gusto kong tumutol. Bukod sa ayaw kong makasama si Keziah, I don't think I'm ready to face Maxrill again. That'd be awkward. But I want to be with Maxwell, I want to eat dinner together with him. I also wanna know who Wilma is.

Dumeretso nga kami sa flat ni Maxwell. Sa labas pa lang ay umaalingasaw na ang mabangong amoy ng niluluto. Biglang nagising ang gutom ko. Nanguna akong pumasok at muling natigilan matapos magtama ng paningin namin ni Maxrill.

Nakasalampak siya sa sofa, basta makapandekwatro at halos yakapin ang tinitipang gitara. Tila nahinto sa pagkanta ang bibig niya pero hindi natigil sa pagkalabit ang mga daliri niya. Bumilis ang tibok ng puso ko nang mapamilyaran ang tinutugtog niya. Napatitig ako sa mga daliri niya, at halos mapaatras ako nang makitang nakatitig naman siya sa akin. Agad akong nag-iwas ng tingin at sumunod kay Maxwell. Wala sa sarili kong hinuli ang braso niya at hindi na iyon binitiwan.

Nagbaba naman ng tingin sa akin si Maxwell, nagtataka. Tiningala ko siya ngunit agad din akong nag-iwas ng tingin. Nagulat na lang ako nang kalasin niya ang kamay ko't iyakap iyon sa likuran niya. Saka niya ako inakbayan papunta sa kusina. Bigla ay parang nawala ang kaba ko.

"Wilma, I'm home," ani Maxwell nang makapasok kami sa dining.

Nakangiting tumango-tango si Maxwell nang mamataan ang handa nang mesa. May samu't saring gulay, mapuputing kanin at sinarsyadong isda. Ang nakaagaw sa atensyon ko ay ang mga nagyeyelong buko na may straw. Nakakatakam! Parang bigla akong nauhaw.

"What's for dinner, Wilma?" ani Keziah na noon ay nakasunod sa amin. Gustong tumaas ng kilay ko dahil sa tono ng pagkakatanong nito ay para bang ganoon na sila ka-close ni Wilma.

Nilingon ko ang babae na noon ay nakatalikod sa gawi namin. Napamaang ako nang makita si Wilma. Morena, may katangkaran at bata pa. Nakasuot siya ng apron at kasalukuyang nakatuwad sa harap ng oven.

"Si Maxrill ay nasaan?" sa halip na sagutin sila ay iyon ang sinabi ni Wilma.

"I'm here." Halos mapatalon ako nang mangibabaw sa likuran ko ang tinig ni Maxrill.

Naramdaman iyon ni Maxwell kaya naman muli siyang nagbaba ng tingin sa 'kin. Naramdaman kong nilingon niya ang kapatid bago muling tumingin sa 'kin. Napapikit ako nang mariin. Hindi pwedeng magtuloy-tuloy ang gano'ng reaksyon ko. Dahil nasisiguro kong mahahalata ako ni Maxwell. Malakas ang pakiramdam ng magkakapatid na 'to.

"Maupo na kayo," ani Wilma. Natigilan siya nang makita ako. Hinubad niya ang oven mitt at inilapag ang pot-holder. Lumapit siya at namaywang sa harap ko. Walang-alinlangan niyang sinuyod ang kabuuan ko. "Ikaw si Zaimin Yaz?" nakataas ang kilay ni Wilma.

Nilingon ko si Maxwell, kalmado ang ngiti niya, saka ko muling tiningnan si Wilma. "Yes po."

Ngumiwi siya saka tumango-tango. "Maupo na kayo." Dinig ko pa siyang bumuntong-hininga bago kami tinalikuran.

Hindi ko alam kung gano'n lang ba si Wilma. Pero may kung ano sa akin na nagsasabing mabigat ang pakiramdam niya sa akin. Siguro ay hindi niya ako gusto. Kung bakit niya naramdaman 'yon ay hindi ko alam.

But what did I do para itrato niya ako ng ganito? Napanguso ako. She's not doing anything bad naman but it's kinda uncomfortable. Napabuntong-hininga ako. May kung anong hiya na nabuhay sa 'kin. Pakiramdam ko ay nakikisawsaw lang ako sa mga narito.

Si Keziah ang naunang naupo sa animan na mesa. Pinangunahan naman ako ni Maxwell at pinaupo sa harap ni Keziah. Naupo si Maxwell sa tabi ko, pareho namin siyang katabi ni Keziah. Saka tinawag ni Wilma si Maxrill na noon ay kabuntot na naman ang aso niya. Hindi ko inaasahang mauupo si Maxrill sa harap ni Maxwell kung saan may isang pagitang silya sa aming dalawa at sa kanilang dalawa ni Keziah.

"Hmm," nilanghap ni Keziah ang amoy ng bagong luto na gulay at seafoods habang pinagkikiskis ang mga palad niya. Saka niya pinanood muli si Wilma na ilapag ang bowl ng kanin. Ang huling inihain sa mesa ni Wilma ay isang tray ng dalawang buong manok.

Naupo si Wilma sa tabi ni Keziah habang matamang nakatingin sa akin. Napapalunok ako sa paraan nang pagkakatitig niya. Inilagay ko ang ilang hibla ng aking buhok sa likuran ng aking tainga saka tipid na ngumiti sa kaniya. Wala akong nakuhang tugon. Basta na lamang kinuha ni Wilma ang bowl ng kanin at iniabot iyon sa akin.

"Doon ka natulog sa exclusive suit ni Maxwell sa hotel, hindi ba?" tanong ni Wilma habang pinagsisilbihan si Maxrill.

Bigla ay kinabahan ako. How did she know? Bakit ngayon niya pa itinanong? "Opo," tipid kong sagot.

Tumango si Wilma saka inihain ang kanin kay Maxrill. "Hindi niya ako hinayaang pumunta sa kaniyang bahay habang naroon ka kaya nalaman ko," sagot niya na para bang nabasa ang laman ng isip ko. "Diyan ka na sa flat mo tumutuloy?"

"Opo," hindi na yata hahaba pa ang sagot ko.

"Mabuti naman." Iyon lang at hindi na nasundan pa ang tanong ni Wilma.

She made me more uncomfortable. Gusto kong tanungin si Maxwell kung ganoon lang ba talaga si Wilma. Pero hindi ko maisatinig iyon. Naisip ko ring kung may masama sa pakikitungo niya sa akin ay nasisiguro kong aalma na si Maxwell, maging si Maxrill.

"Wait," bigla ay nagsalita si Maxrill, nilingon siya ng lahat. "Put the pan back, Maxwell."

"Why?" inosenteng tugon ni Maxwell.

Ngunit hindi sumagot si Maxrill. Napilitang sumunot si Maxwell at inilapag ang roasting pan na kinalalagyan ng mga manok. Kunot na kunot naman ang noo ni Maxrill habang nakatingin sa mga manok. Sumama ang mukha niya at matapos ay binalingan si Wilma.

"Did you just...roast my chicken, Wilma? Is this my chicken?" hindi makapaniwalang asik ni Maxrill habang nakaturo sa mga manok.

Natakpan ko ang aking bibig upang mapigilang tumawa. Tumikhim si Maxwell, nasisiguro kong pinipigilan niya ring matawa, saka sumandal sa kinauupuan at pinaglaro ang mga daliri sa labi habang nakakrus ang isang braso. Si Keziah naman ay nagbaba ng tingin, pinipigilan ang pilit na kumakawalang bungisngis.

Inosenteng tiningnan ni Wilma ang dalawang manok saka nakataas ang kilay na lumingon kay Maxrill. "Oh, e, ano naman ngayon? Anong kakainin mo kung hindi?"

"What?"

Naihilamos ni Maxrill ang mga palad sa mukha saka hindi makapaniwalang tinitigan ang mga manok. Unti-unting binalot ng panlulumo ang hitsura niya. Kung may luha lang na tumulo sa mga pisngi niya ay hindi ko na kailangang basahin ang awa sa kaniyang mga mata.

Gusto kong matawa. Manok niya? Alaga niya ang mga manok na 'yan?

Bigla ay parang nanumbalik sa akin ang isip-batang Maxrill noon. Iyong batang Maxrill na kung papipiliin kung sino ang gusto niyang maging kapatid, iyong mga hayop o sina Maxwell at Maxpein, ay paniguradong iyong mga hayop ang kaniyang pipiliin. Lahat ng uri ng hayop o insekto ay gusto ni Maxrill. Ultimong langgam ay posible niyang alagaan kung gugustuhin niya. Gano'n ang trip ni Maxrill, kakaiba sa dalawa niyang kapatid.

Nabalot nang matinding katahimikan ang mga mesa. Pasimple kong sinulyapan si Maxrill. Hindi na naalis pa sa mga manok ang paningin niya. Ang awa ay nanatili na sa kaniyang mga mata. Hindi ko na talaga mapigilang matawa. Kaya naman pumihit ako sa tabi, sa gawi ni Maxwell at saka doon ngingisi-ngising tumawa.

"I can eat canned tuna, Wilma, you know me," ani Maxrill. "You did not ask for my permission."

"Dahil alam kong hindi ka papayag."

"You should've asked me first," seryoso si Maxrill. Tuloy ay nahinto nang tuluyan ang pagtawa ko.

"Maxrill," maawtoridad ang tinig ni Maxwell. "It's cooked already, and I'm hungry."

"Don't touch my chicken," banta ni Maxrill.

"What are we going to do with it, then? Throw and waste it?"

"I won't eat my pet."

"Then let us eat it."

"What?"

"Maxrill Won?" kunot na ang noo ni Maxwell. "Eat the grass, and the sea creatures" Nahinto siya nang samaan ng tingin ni Maxrill. "Seafoods, I mean."

Bumagsak ang mga balikat ni Maxrill sa panlulumo at masama ang mukha. Panay ang iling niya. Ang kilos niya ay banta na posibleng mag-walkout siya anumang oras. Sinamaan niya ng tingin si Wilma na noon ay hindi naman pasindak. Nginiwian niya lang si Maxrill at siniringan.

Wala nang nagawa si Maxrill nang hiwain ni Maxwell ang dalawa ang mga manok. Ginupit niya ang parte ng mga ito at pinira-piraso. Nakita kong mapangiwi sa panonood si Maxrill, para bang siya ang nasasaktan sa ginagawa ng kaniyang kapatid.

Sa pag-aalala kong umalis siya bigla ay dinampot ko ang pan ng seafoods at iniabot sa kaniya. Natigilan siya at gulat na tumitig sa akin. Saka siya bumuntong-hininga at tinanggap iyon. Halatang masama pa rin ang kaniyang loob habang naglalagay ng pagkain sa extra plate sa kaniyang tabi. Gusto ko namang magulat nang makitang inihiwalay niya ang ulam sa kaniyang kanin. Dati-rati kasi ay halos umapaw ang plato niya sa dami ng pagkain. Laging namumusarga ang pagkain sa plato, lamesita at mukha niya. Madalas ay siya ang nagsisimulang kumain, pero halos kasabay niya lang matapos ang mga kasabay, minsan ay nahuhuli pa rin siya. Gano'n karami siya kung kumain. Pero ngayon ay nakikita kong pili at bilang lang ang piraso na kinukuha niya. Mukhang pati iyon ay bago na ngayon.

Dati ay si Maxwell lang ang magastos sa plato at platito. Ayaw niyang pinaghahalo-halo ang ulam at kanin sa iisang plato. Kailangang lahat ay may kani-kaniyang lalagyan at serving spoon.

Nakakatawa ngang isipin dahil nabanggit sa akin ni Mokz na may kaugalian at kultura silang sinusunod sa pagkain. May mga pagkakataon daw na nilalagyan ng nakatatanda ng lamang karne ang cup of rice ng nakababata. Minsan daw ay ginagawa iyon kapag gusto ng mga nakatatandang batiin ang nakababata. O kaya naman ay gusto ng mga itong mag-aral ng mabuti ang kanilang anak. Marami raw dahilan iyon.

Kaya naman nagtataka ako sa ugali ng tatlong magkakapatid na del Valle. Pare-pareho kasi nilang ayaw na may ibang kubyertos na dumadapo sa mga plato nila. Walang ibang pwedeng gumalaw sa kanilang plato maliban sa kanila. Mga wirdo.

"Do you like the food?" mahinang tanong ni Maxwell, noon ko lang naibaling sa kaniya ang paningin.

"Yes."

"Good."

Panay ang sulyap ko kay Maxrill habang kumakain siya. Hindi talaga siya tumitingin sa gawi namin. Inisip kong ayaw niyang makita kaming pinapapak ang alaga niyang manok. Magana pa rin siyang kumain pero dahil hindi gaya noon na kinakamay niya ang seafoods, maraming natitirang laman sa pinagkainan niya ngayon.

"Thanks po sa dinner, busog na busog ako," nakangiti kong sinabi kay Wilma nang magdesisyon kami ni Keziah na umuwi na.

Inaasahan kong ngingitian ako ni Wilma at sasabihin niyang bumalik ako sa susunod. Pero hindi iyon nangyari. Ni hindi man lang niya ako nginitian. Tango lang ang isinagot niya sa akin. Dahil wala akong karapatang magdamdam ay hinayaan ko na lang.

Inihatid kami ng tatlong lalaki, sina Maxwell, Maxrill at syempre, si Hee Yong nang gabing iyon. Nagulat ako nang malamang doon din pala nakatira si Keziah. Nasa iisang floor kami at halos magkaharap lang. Noon ko lang din naalala na ipinagawa talaga ni Maxwell ang flat na iyon para sa mga magiging empleyado ng Del Valle-Moon Medical Center.

Walang paglagyan ang excitement ko nang pumasok kinabukasan. Syempre, iyon ang first day ko at hindi ako makapaghintay na makapagsimula. Pero pagkapasok pa lang ay parang nalito na ako. Hindi ko alam kung saan ako dapat dumeretso. Kaya naman kahit nag-aalinlangan ay tinawagan ko si Maxwell.

"Hello?" tinig ni Keziah ang nangibabaw sa kabilang linya.

Sandali akong natigilan pero binale-wala na lang iyon. "Good morning, Doc Keziah," magiliw kong bati. "Gusto ko lang itanong kung saan ba ako dapat dumeretso?"

"We've already talked about this last night, right? You're assigned in dental. Nandoon ang chief nurse, si Lizbeth Arandia. She's waiting for you kanina pa. She'll orient and endorse everything to you."

Napalunok ako sa hiya. Alas dies ng umaga hanggang alas sais ng hapon ang oras ng pasok ko, at alas nueve treinta na. "Sige, salamat." Iyon lang at ibinaba ko na ang linya. May pasyente na siguro si Maxwell kaya hindi siya ang sumagot sa tawag ko.

Palibhasa'y malaki ang ospital. May talong entrance at exit iyon, bukod pa sa emergency exits. Nasa ikalawang palapag ang ilan sa mga special areas at ang semi-private wards. Ang private wards ay nandoon sa ikatlong palapag. Sa tuktok ay ang all-glass flat ni Maxwell. Ang nasa ground floor ay ang emergency area, sa bandang kaliwa. Ang sa kanan naman ay ang Out-Patient Department (OPD). May sampung clinic ang OPD kung saan may nagdu-duty na sampung espesyalistang mga doctor. Visiting doctors ang karamihan sa mga iyon sabi ni Keziah. Sa gitna naman ay ang daan kung nasaan ang derma at dental area. May mga espesyalistang doktor din sa mga area na iyon na siyang makakasalamuha ko sa mga susunod pang araw.

Nalingunan ko ang OPD at natanawan kung gaano karami ang pasyente sa araw na iyon. May dalawang nurse sa mesa na nasa harapan ng mga naghihintay na pasyente, isang babae at isang lalaki. Halos pareho ang kanilang ginagawa, magtatawag ng pasyente, kukunin ang timbang, pauupuin upang kunan ng vital signs. Matapos ay lalabas na nurse mula sa mga clinic at magtatawag ng pangalan ng pasyenteng pwede nang makita ng espesyalistang doktor.

Hindi ko naiwasang manghinayang at mainggit. Kung hindi lang dahil kay Keziah ay pinilit ko na si Maxwell na kahit dito na lang ako ilagay sa OPD. Pero dahil ayaw ko namang magpaimportante, hindi ko na lang din ipinilit. Ayaw ko namang isipin nilang pareho na namimili ako ng trabaho.

Dumeretso ako sa dental area. Gumapang ang kaba ko nang makita kung gaano karami na ang pasyenteng naghihintay. All-glass ang dental area. May anim na clinic naman doon at iba't ibang espesyalista rin ang tumitingin sabi ni Keziah.

Tumuloy ako at nabungaran ang matabang chief nurse. "Good morning, ma'am."

"You're late, Zaimin Yaz," ngiti nito.

Nahiya ako. "Sorry, ma'am. Hindi na mauulit." Itinuro niya sa akin kung saan ko pwedeng ilagay ang gamit ko. "Where can I start, ma'am?" magiliw kong tanong, ang kaba ay abot-abot sa lalamunan ko.

"Nakakatuwa ka naman," ngiti muli ni Ma'am Lizbeth. "Hayaan mong ituro ko na muna sa iyo ang mga importante mong malaman. Bukas ay ite-train ka ni Susy sa pagiging dental nurse. Sa ngayon ay mag-observe ka na lang muna sa kaniya."

Pakiramdam ko ay bumalik ako sa pagiging estudyante. Bitbit ang notepad at ballpen ay bumuntot ako kay Ma'am Lizbeth. Akala ko noon ay iisang uri lang ang dentista. Kung meron mang espesyalista, ang kaibahan lang niyon sa pag-aakala ko ay master's degree. Kay Ma'am Lizbeth ko nalaman na iba't iba pala iyon.

"General practitioner doktor ang naka-assign sa clinic na ito," itinuro ni Ma'am Lizbeth iyong unang clinic. "Dito natin ginagawa 'yong cleaning, whitening at pasta."

Kulay berde ang dental chair sa loob ng clinic ng GP. Maraming drawers at mayroong sariling emergency cart o e-cart. Nakakatuwang tingnan na ang lahat ng handle ng drawers ay kakulay ng dental chair.

At nakuha ko ang dahilan niyon nang makita ang ikalawang clinic. Kulay asul naman ang dental chair doon, maging ang mga handle ng lahat ng drawers at e-cart. "Dito naman ang clinic ng Endodontist," ngiti ni Ma'am Lizbeth. "Siya ang espesyalista sa roots at nerves."

Nagpatuloy sa pagtuturo si Ma'am Lizbeth, panay rin ang pakikinig at pagsusulat ko. Ang sumunod na clinic ay kulay pula. Para naman iyon sa Orthodontist na siyang espesyalista jaw at structure ng ngipin, ito ang gumagawa ng braces. Ang ikaapat na clinic ay kulay violet na para sa Periodontist na tumitingin umano sa buto at bagang sa bibig. Ang ikalima ay ang Prosthodontist clinic, kulay itim, na siyang nagre-replace ng missing or natural teeth, nag-i-implant din umano ang mga ito.

Hindi naman ganoon katagal ang pagtuturo na ginawa ni Ma'am Lizbeth pero pakiramdam ko ay napagod ako. Halos isang pahina lang din ang nasulatan ko pero pakiramdam ko ay gamit na gamit ang pandinig at utak ko sa dami ng sinabi niya. At alam kong iyon ay dahil hindi ito ang area ko, wala rito ang puso ko.

Nangyari nga ang sinabi ni Ma'am Lizbeth. Ipinakilala niya ako sa dental nurse na makakasama ko. Mas matanda ng apat na taon sa akin si Susy. Mukha siyang masungit pero pakiramdam ko naman ay mabait. Taga-Davao siya at iyon ang unang pagkakataon na nahiwalay siya sa kaniyang pamilya. Tinanggap niya ang malaki at magandang offer ng DVMMC for self-achievement aniya.

Hindi ko malaman kung ano ang pwede kong gawin. May pagkakataon na haharang-harang ako sa daan ni Susy. Wala pa man akong nagagawa ay may mga pagkakamali na ako. Sumasama ang tingin sa akin ng mga doktor na kasalukuyang nagtatrabaho. Pakiramdam ko ay nade-delay ang trabaho nila sa mga pagkakamali at pagiging mabagal ko. Hindi pa man ako tumatagal sa area na 'yon ay nade-depress na ako.

Kung tutuusin ay madali ang trabaho kompara sa mga area na pinanggalingan ko. Pero sadyang wala akong nalalaman sa mga ito ngayon. Maski noong nag-aaral ako ay wala namang na-tackle tungkol dito. Para akong bumalik sa zero. Gusto kong isipin ang sinabi ni Maxwell pero hindi ako natsa-challenge sa ginagawa ko.

Ang pinanghahawakan ko na lang ay iyong sinabi ni Susy na makukuha ko rin ang mga iyon sa tamang panahon. Basta mag-focus lang ako.

Pabuntong-hininga akong naupo nang makarating kami ni Susy sa cafeteria para sa isang oras na break time. Maski yata ang bumili ng makakain ay hindi ko magawa. Nakapanghihina ang training. Hindi naman ganoon karami ang ginawa ko, walang-wala ang mga ikinilos ko sa dami ng trinabaho ni Susy. Pero pakiramdam ko ay pagod na pagod ako.

"Hindi ba nagalit sa akin ang mga doktor, Susy?" nahihiyang tanong ko matapos naming um-order. "I mean, feeling ko napaka-useless ko kanina."

"Lahat naman ay dumaan doon. Lahat ay walang alam sa simula. Kahit magalit sila ay kailangan ka nilang intindihin. Bago ka palang. Besides, hindi naman itinuro sa nursing ito."

Na-guilty ako. Siguro ay may nagalit nga. "Nurse ka rin?" Tumango siya. "You're from Davao, right? Paano mo nalaman ang vacancies dito?"

"Nag-conduct ng medical mission sina Dr. and Dra. Enrile noon sa lugar namin. Naghanap sila ng applicants, luckily, isa ako sa mga pumasa."

Namamangha akong tumango. "Hindi ko alam ang tungkol diyan."

"You're related to the Dra. Gozon, kaya ka nakapasok dito, 'di ba?"

Natameme ako, tumaas ang aking kilay. Talagang si Keziah ang dahilan, ah? Kailan pa? "Sinong may sabi niyan?"

"Nabanggit lang sa akin ni Ma'am Lizbeth," ngiti niya. "May darating daw na kaibigan ni Dra. Gozon, galing sa pinanggalingan nilang hospital ni Dr. del Valle." Si Maxwell ang tinukoy niya.

Gusto kong sabihin na hindi si Keziah kundi si Maxwell at ang pamilya ni Maxwell ang dahilan kung bakit at paano akong napunta rito. Bigla ay gusto kong ipagmalaki kung anong relasyon ang meron ako kay Maxwell, lumalaki ang ulo ko sa inis. Gusto kong ipagmalaki iyon hindi para talagang ipagmalaki. Kundi para sabihin na hindi si Keziah ang dahilan.

Pero nasisiguro kong may dahilan sila kaya ganoon ang kanilang sinabi. Pwede naman kasing sabihin ni Maxwell iyon kung kinakailangan.

"Yeah," sinakyan ko na lang ang nalalaman niya.

Mukhang seryoso sa buhay itong si Susy, kaya nga mukhang masungit. Hindi siya iyong tipo ng mga nakakasalamuha kong nurse na may itinatagong kalokohan sa katawan. Iyon bang bastos ang mga bibig pero may pinag-aralan. Pero nararamdaman kong meron naman siyang itinatagong bait.

Magkakasunod na dumating ang ilang nurse habang nagkukwentuhan kami ni Susy. Nalaman ko lang kung saan naka-assign ang bawat nurse base sa mga uniporme nila, ipinaliwanag ni Susy. Berde ang scrub suit ng mga E.R. nurse, dilaw ang mga D.R. nurse, nakaasul ang mga O.R. nurse at nakasuot ng lab gown, mga nakaputi ang ward nurses, printed naman ang NICU at pedia nurses. Dilaw naman iyong mga nurse na nasa OPD.

"Pwede palang magsabay-sabay ng break time ang mga nurse?" ngiwi ko. "Ang galing, ah?"

Tumango si Susy. "Ayaw ni Dr. Maxwell na nalilipasan ng gutom ang mga nurse at doctors."

Wow...ang bait talaga ng baby ko! Napangiti ako sa isiping 'yon.

Napasulyap ako sa mga O.R. nurse na naupo sa katabi naming mesa. Gusto kong mainggit sa damit nila. Palibhasa'y kulay grey ang aming suot ni Susy. Naiinggit din ako dahil nasa area nila ang puso ko. Bukod doon ay may hitsura ang karamihan sa mga ito, naggagandahan at nagguguwapuhan. Naisip kong nababagay ang hitsura ko sa kanila, napakasama ng ugali ko.

Naagaw ang atensyon ng lahat nang pumasok ang grupo ng mga doktor at maupo sa bandang unahan. Mayamaya pa ay nasundan iyon nang pagpasok nina Maxwell at Keziah. Nagtatawanan ang dalawa sa pag-uusap. Napangiwi ako at malalim na bumuntong-hininga.

Umugong ang tuksuhan ng ilang nurses, karamihan ay iyong mga taga-E.R. at O.R., tinutukso sina Keziah at Maxwell. Naririnig ko ang ilan sa mga ito na sinasabing bagay na bagay ang dalawa. May mga ilan namang naiinggit sa pagkakapares nila. Habang ako ay nagngingitngit ang kalooban sa kinauupuan.

"Nakakatuwa talaga ang dalawang iyan," hindi ko inaasahang magkokomento si Susy. "Madalas pagkumpulan ng tuksuhan iyan sina Doc Maxwell at Doc Keziah. Bagay na bagay kasi sila."

"Mao ba?" naninigurong tugon ko.

"Parehong mabait kahit medyo mahigpit, bagay na bagay talaga."

Umikot ang mga mata ko sa inis! Hindi ko malaman kung ano ang sasabihin. Ni hindi ko nga maituon ang atensyon ko sa sinasabi ni Susy dahil ang pandinig ko ay nakikiusisa sa mga usapan sa kabilang mesa. Sinasabi kasi ng mga ito kung gaano ka-sweet sina Maxwell at Keziah sa isa't isa habang nagdu-duty.

"Talagang sweet sila kapag nagdu-duty, ah?" tanong ko sa mga nasa kabilang mesa.

Nagugulat akong nilingon ng mga ito saka nagtinginan. Hindi nila alam kung ano ang isasagot sa akin. Hanggang sa maglakas-loob na magsalita ang isa. "Actually, professional naman silang kumilos pareho. Kami lang itong nagbibigay ng meaning sa mga kilos nila kadalasan," ngiti ng babaeng nakaberdeng scrub suit.

"Katuwaan lang, gano'n. Lalo na kapag toxic ang duty, gusto lang naming may mapagkatuwaan," anang bading na nakaasul.

"Pareho naman silang single kaya walang problema," sabi naman ng isa pang nakaasul.

Parehong single... Gusto kong magprotesta pero kulang ako sa karapatan. Karapatan, iyon ang wala sa akin.

"Pero mas bet ko pa rin iyong kapatid ni Doc Maxwell, si accountant. Iyong may kabuntot laging husky?" anang bakla. "Grabe, gusto kong makita 'yon kapag bagong gising! Feeling ko fresh pa rin!"

"Crush ko si Doc Maxwell pero kay Doc Keziah na siya. Kaya doon nalang din ako kay accountant, mukhang single pa," biro ng babae. "Kung iyong aso nga ay kinakantahan niya, ano pa kaya kapag kami na? 'Di ba?" aniya na parang nagde-daydream.

Natawa ako. "Si Maxrill 'yon," sabi ko.

Gulat nila akong nilingon. "Kilala mo si baby?" biro ng babae. Natawa na naman ako saka tumango.

"Hindi ba't ikaw 'yong nurse na ipinasok ni Dra. Keziah?" usisa niyong baklang nurse, sinadya niya siyang lumipat sa mesa namin at tumabi sa akin. Nagsipagsunuran naman iyong dalawa pa niyang kasama kanina.

Bigla ay pareho kaming nailang ni Susy. Pero dahil gusto ko ring mag-usisa ay hinayaan ko sila. "Oo, ako nga." Paninindigan ko na ang pagiging intrimitida ni Keziah.

"Ay, shala!" inilahad ng bakla ang palad sa akin. "I'm Raffy, nice to meet you...?"

"Zaimin Yaz," pakilala ko. Ipinakilala niya ang mga kasama kaya ipinakilala ko rin si Susy.

"Baka naman pwede mong i-refer 'yong jowa kong nurse?" ani Raffy.

"Ang kapal ng mukha mo, bakla," angil ni Mitch, iyong taga-E.R. "Baka gusto mo munang itanong kung paano silang naging friends?"

"Hehe, paano nga ba?" tanong ni Raffy.

"'Yong family and friends ni Doc Keziah ay friends ng sister ko. Medyo mahabang story."

"But you're friends, right?"

"Mm," talagang nag-isip ako. "Yeah, I think we are."

"Bakit parang hindi ka sigurado?"

"Kasi nga iyong kapatid ko talaga ang friends sila."

"Baka naman pwede mong kausapin si doktora, Yaz?" nakalabing pakiusap ng bakla. "Tatanawin ko talagang utang na loob!" biro niya.

Tumaas ang noo ko saka malditang ngumiti. "Ibigay mo sa akin ang resume niya at kakausapin ko si doktora." Plastik ang naging ngiti ko sa huli. Hindi ko na yata talaga magagawang ngumiti nang natural kapag si Keziah ang pag-uusapan. Lalo na sa mga narinig ko ngayon.

Pero anong karapatan mo para makaramdam ng ganiyan, Yaz? Wala naman kayong relasyon ni Maxwell. At saka wala namang masama kung ganoon ang gustong palabasin nina Maxwell, na si Keziah ang nag-offer sa kaniyang magtrabaho dito.

"Grabe, thank you! Thank you!" palahaw ng bakla, naagaw ang atensyon ng ilan.

Nakita kong lumingon ang mga lalaking nurse sa gawi namin. "Raffy, pakilala mo naman kami diyan sa kasama mo," udyok ng isang lalaki.

"Oo nga, 'yong bago," tudyo naman niyong isa pang lalaki.

Umugong ang tuksuhan, binalot ako bigla ng kaba. Dahil do'n ay naagaw namin ang atensyon ng mga doktor na naroon. Hindi na ako nagtaka nang magtama ang paningin namin ni Maxwell. Nakasandal siya sa silya, nakapatong ang isang braso sa mesa at deretsong nakatingin sa akin.

Psh! Tumayo ako at sinulyapan si Susy. "Let's go?" anyaya ko saka bumaling sa mga bagong kakilala. "We have to go na, marami pa kasing pasyente sa dental area."

"Ay, totoo 'yan! Ewan ko ba sa mga taga-rito, mga taong-dagat naman, hindi matitibay ang ngipin!" biro ni Raffy. "Bakla, 'yong favor ko, ah?"

"Napaka-user mo, Raffy!" biro ni Mitch.

"Sige, puntahan mo nalang ako sa area," ngiti ko saka sila kinawayan.

Umugong ang ingay ng mga lalaki nang dumaan kami. Sinadya ko kasing dumaan sa harap ng mesa ng mga ito. May ilan na tinatanong ang pangalan ko pero ni isa ay wala akong nilingon sa mga ito. Ramdam ko sa akin ang paningin ni Maxwell. Tingin na para bang may kakayahang ibalot ang kabuuan ko.

Sa daan pabalik ng dental area ay nasulyapan ko si Maxrill sa lobby. Nakasalampak siya sa isa sa mga sofa at kayakap ang tinitipang gitara. Sa harap niya ay 'ayun si Hee Yong at nakaupo, hinihingal sa tuwa habang nakalabas ang dila.

"Iyan iyong tinutukoy noong mga taga-E.R. at O.R., 'di ba?" usisa ni Susy.

Tumango ako. "Oo, si Maxrill. Ngayon ko lang nalaman na siya pala ang accountant dito," nakangiti kong nilingon si Susy.

Ako ay may lobo

Lumipad sa langit

'Di ko na nakita

Pumutok na pala.

Gusto kong matawa nang marinig ang tinutugtog at kinakanta ni Maxrill! Nahinto ako sa paglalakad at napatitig sa kanila ni Hee Yong. Pero sa halip na matawa ay natuwa akong panoorin sila. Siguro ay dahil sa hitsura ni Hee Yong. Makikita kasi ritong nag-e-enjoy ito sa pakikinig. Nakakatuwa rin ang effort ni Maxrill na tugtugan at awitan ang aso niya. Wala siyang pakialam kung sinong nakakakita, basta maharana ang aso niya.

"Mauna ka na," sabi ko kay Susy. "Promise susunod ako agad."

"Sige," ngiti niya saka ako tinalikuran.

Sayang lang ang pera ko

'Pinambili ng lobo

Kung pagkain sana

Nabusog pa Hee Yong ko

Ngumiti si Maxrill nang matapos ang kanta. Lalapit na sana ako sa kaniya nang may tanawin siya sa malayo. Tumayo siya at inilapag ang gitara. Nilingon ko ang tinatanaw niya, may nakita akong grupo ng lalaki. Pawang mga naka-suit ang mga ito at nakikipag-usap sa front desk.

Muli kong sinulyapan si Maxrill pero papalapit na siya sa mga ito. Wala sa sarili akong sumunod nang mapamilyaran ang isa sa limang lalaki na nakaroon sa information area.

"Good afternoon," bati ni Maxrill nang tuluyang makalapit sa grupo. Nasa likod ang kaniyang mga kamay habang tinitingnang isa-isa ang mga mukhang bisita. Naupo si Hee Yong sa tabi niya.

Sinulyapan nang napapamilyaran kong lalaki si Hee Yong at saka nakangiting bumaling kay Maxrill. "I'm here for Dr. Maxwell Laurent del Valle, I'm Montrell." Hindi ako nagkamali. "Montrell Venturi."

"You're from?"

"The Venturi clan," nagmamalaki ang tinig ni Montrell.

Ngumiwi si Maxrill. "I'm not familiar with your clan, sorry." Bumuntong-hininga siya. "Is he expecting you?"

"No," nakangiting ani Montrell. Ngunit bakas na ang inis sa kaniyang hitsura. "Pero hindi na ito ang unang beses na mag-uusap kami. I just want to talk to him about a few things."

"Like what?"

"Interesado ako sa isla sa Balabac. I want to acquire the entire island," sinabi iyon ni Montrell na para bang nangangarap.

Humalakhak si Maxrill na nagpakunot sa noo ni Montrell. "Are you serious? It's dangerous."

"You mean that island is dangerous?" ngumiwi si Montrell. "Don't get me wrong, I don't plan to live there, instead I'm planning to put up a business. Dadayuhin na iyon ng tao oras na maging pag-aari ko. Maniwala ka sa 'kin. It will not matter anymore if the island is dangerous or not."

Muling humalakhak si Maxrill. Nabakasan na ang inis sa mukha ni Montrell kahit pa anong ngiti nito. "I mean the owner of the island is dangerous."

Kunot-noo, bagaman nakangiting umiling si Montrell. "Maxwell is the owner, am I right?" Inilingan siya ni Maxrill. "Wait, you're confusing me. Bakit ba sa iyo ko sinasabi ito? Nasaan si Maxwell?"

Marahang tiningnan ni Maxrill ang relos at saka nag-angat ng tingin sa kaharap at ngumiwi. "May operation siya mayamaya. You can wait for him here until midnight, or you may set an appointment and come back tomorrow." Tinanguan siya ni Maxrill, nginitian at saka tinalikuran.

"Wait," humalakhak sa pagkainsulto si Montrell. "Who are you?"

Uh-oh...

Natigilan si Maxrill. Nakita ko kung paanong nawala nang unti-unti ang mga ngiti sa kaniyang labi. Nangunot ang kaniyang noo, at mayamaya ay muling ngumiti pero hindi siya natutuwa. Biglang tumalas ang kaniyang paningin at delikado ang pagkakakunot ng kaniyang noo.

That question... Hindi ko makalimutan ang reaksyon ni Maxpein sa t'wing tatanungin siya nang ganoon noon. Seryoso. Na para bang walang sinuman ang may karapatang tanungin siya ng tanong na 'yon.

"Who are you?" pag-uulit ni Montrell nang magkaharap sila.

Malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ni Maxrill. "I am...the third born del Valle," kaswal iyong sinabi ni Maxrill pero ang kapangyarihan at awtoridad ay naroon. Paano ba nilang nagagawa iyon? Ang simpleng linya ay nagtutunog misteryo sa kanila. Mga wirdo talaga. "I am Maxrill Won del Valle-Moon." May kilabot na dulot ang pagpapakilala niya.

Nakita ko kung paanong napalitan ng galit ang kaninang plastik na ngiti ng Montrell Venturi na iyon. At talagang hindi niya tinantanan nang masamang tingin si Maxrill hangga't hindi ito nawawala sa kaniyang paningin. May ibinulong siya sa apat na tauhang kasama bago tuluyang nilisan ang lugar na iyon.

Hindi ko malaman kung bakit bigla akong kinabahan. Gusto kong sundan si Maxrill. Pero may kung anong pumipigil sa 'kin. Alinlangang dahil sa hiya at pag-aalala sa unang araw ko sa trabaho.

~ To be continued. . .~

qao

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top

Tags: #maxinejiji