CHAPTER 55
CHAPTER WHATEVER
NGUMISI SI Hwang saka sarkastikong sinuyod ng tingin ang kabuuan ni Maxwell. "Kung gayon ay simulan na natin," bago pa niya matapos ang linya ay umatake siya na awtomatikong inabangan ni Maxwell!
Gano'n na lang ang kaba ko nang humigpit ang pagkakahawak niya sa kamay ko at bago ko pa man mapanood si Hwang ay nakatayo na ang isa sa mga tumumbang lalaki at sumugod. Bago pa nito mahawakan ang anumang parte ng katawan ko ay gigil ko iyong tinadyakan! Kabado man at kinikilabutan ay gano'n na lang ang pagkilos ng aking katawan.
Hindi ako makapaniwalang magkatalikod man, pareho man kaming dumedepensa sa alam naming paraan, hindi binitiwan ni Maxwell ang kamay ko. Sa pag-atake niya ay napapasama ako. Tuloy, kahit gusto kong sanggain ang pag-atake ng iba ay napapahabol na lang ang mga 'yon sa t'wing bigla niya akong mahihila.
Hanggang sa marinig ko siyang tamaan.
"Maxwell!" pagtawag ko. Magkadikit ang mga likod namin at kasabay na umiikot ng mga hangal na 'yon.
"Baby, I'm losing my patience," bulong niya.
Hindi pa pala ubos ang pasensya niya? Nakapanlulumo talaga ang ugali nila. Wala na akong magamit na salita para maipaliwanag 'yon. Akong nilalamon na ng kaba ay naiisip na ang aking pamilya. Nakikita ko na sa isip kung ano ang mararamdaman nila, kung gaano katindi ang pag-iyak na gagawin nila kung bawian ako ng buhay sa sandaling ito. Ngunit ang lalaking ito, na siyang mapapang-asawa ko, nauubusan pa lang ng pasensya. At nakuha pang maglambing.
"I don't want you to get hurt, Yaz, please stay close to me," dagdag pa niya.
"Nasaan na ba si Maxpein?" maiiyak nang asik ko.
"Baka maraming flights, hindi pwedeng makipagsabayan ng lipad sa ibang airlines."
Lumaylay ang mga balikat kong handa nang dumepensa sa kung sinumang aatake.
Flights... Airlines...
Nakapanlulumong marinig 'yon sa ganitong sitwasyon. Seryoso siya pero hindi ko matanggap ang kaniyang mga sinabi.
Flights... Airlines... Bahagya akong lumingon sa gawi niya. "You mean, she's in the Philippines?" hindi ako makapaniwala.
"Of course," kaswal lang na tugon niya. "We're one hour ahead there. Maybe she just finished her dinner."
Para akong mahihilo, nasapo ko ang aking noo. Dinner... Iyon ang pinakaimportanteng salita sa kanilang pamilya, dinner.
Gusto ko siyang singhalan, aalamin kung seryoso ba siya o nang-aasar lang. Pero gano'n na lang kabibilis na umatake ang mga rango na 'yon na magkakasunod din naming iniwasan.
Panay man nag pagsangga namin at pagganti sa mga atake, lamang ang pag-atras namin ni Maxwell. Hindi ko na siya masasabayan kailanman, sobrang bilis niyang kumilos! Na tipong sisipa pa lang ako ay nahila niya na ako para masipa rin ang kung sino.
Hindi normal na tao si Hwang at ang grupo nito. Nagagawa nilang lumipad sa ere na para bang normal na nilang ginagawa 'yon. Nakita ko nang gawin ni Maxpein 'yon pero dahil alam ko ang kakayahan niya ay minsan lang akong nagulat.
Sa nakikita ko ngayon ay talaga ngang normal lang yata nilang ginagawa 'yon. Walang kahirap-hirap. Na kahit anong lalaki ng katawan ng ilan sa aming mga kaharap ay madali silang nakakakilos. Mabibilis din, bagaman wala na yatang bibilis pa kina Maxpein at Heurt.
"Napapagod na 'ko, Hwang, ano ba'ng kailangan mo?" hindi ako makapaniwalang itatanong ni Maxwell iyon sa paraan na para bang walang kakaba-kaba sa nangyayari sa harap niya. Iyong siya pa ang galit. Iyong para bang kailangang makonsensya ni Hwang dahil napapagod na siya. Ganoon.
"Ang totoo?" lalo pang ngumisi si Hwang. "Gusto kitang patayin ngayon."
Ngumiwi si Maxwell. "Seriously?"
Gaya ng inaasahan ay hindi nakatugon si Hwang. Humugot nang malalim na hininga si Maxwell, tumingala saka 'yon ibinuga.
"Malakas ang loob mo kasi wala ka nang babalikan sa Emperyo," dagdag ni Maxwell. "Balita ko ay wala na roon ang pamilya mo."
Nakita ko nang magtiim ang bagang ni Hwang. "Napakarami mong nalalaman, Moon."
"Oh..." namangha si Maxwell, gustong-gusto ang ganoong papuri. "Hindi naman, pero..." humalakhak siya, talagang napakayabang. "Parang gano'n na nga."
Ngumisi si Hwang, sabay na umangat ang parehong kilay, natutuwa. "Hindi pa tayo nagsisimula, Moon."
Umawang ang labi ko. Nakita ko rin nang bahagyang mabawasan ang ngisi ni Maxwell.
Hindi pa sila nagsisimula. Alam ko kung paano akong namangha sa mga kilos ng mga rango. Kung hindi pa sila nagsisimula sa lagay na 'yon...paano na?
"Bitiwan mo ang nobya mo nang malaman mo kung ano ang gusto ko,"hamon ni Hwang.
Awtomatikong sumeryoso si Maxwell. "Kahit si Maxpein ay hindi gustong nagagalit ako,"kaswal niya 'yong sinabi sa makahulugang tono.
"May sandali na bang nagalit ka?"
Tumango si Maxwell. "Meron na. Hindi mo nga lang nakita."
"Gusto kong makita," talagang naghahamon si Hwang, hindi man lang kabahan.
Hindi siya takot kay Maxwell. Hindi ko nakikita ang gulat sa kaniya na nakita ko nang si Maxpein ang makita niya. Ayaw ko mang isipin ngunit sa tingin ko ay ganito ang reaksyon niya dahil alam niyang kaya niya si Maxwell.
Gano'n na lang ang paghigpit ng kapit ko sa kamay ni Maxwell nang mula sa likuran ay isa-isang nagsipaghugutan ng kung anong may kahabaang bakal ang mga rango maliban kay Hwang.
Muling umangat ang mukha ni Maxwell. "Fuck," bulong niya.
"Maxwell..." kabado kong pagtawag. "What are we gonna do?"
"They're all good, Yaz," alanganin nang aniya. Hindi niya na kailangang sabihin 'yon dahil nakikita ko na. "I don't wanna let go of your hand but..." nagbaba siya ng tingin sa 'kin. "I will if it's necessary."
Napatitig ako sa kaniya, alalang-alala. Ano ang laban namin sa ganito karaming tao? Bakit sa ganitong sitwasyon, tila nawawala ang mga taong mahihingan ng tulong?
"But I won't let them hurt you, I promise,"dagdag niya.
"Maxwell..." gumuhit ang luha sa mga mata ko.
"Stay close, okay?" hinawakan niya ang pisngi ko saka pinadaanan ng daliri ang aking mata. Napatango ako.
"Haaay..." ani Hwang na animong nanonood ng teleserye. "Naaalala ko pa 'yong ungol mo—"
"Gago!" gilalas ni Maxwell kasabay nang malakas na pagsipa na hindi inaasahan ni Hwang.
Iyon ang naging hudyat ng muling pag-atake nito! Gano'n na lang ang pagmumura ko nang iwasan ang naunang sumugod sa 'kin. Hindi ko akalaing ganoon kabilis na magkakalas ang mga kamay namin ni Maxwell, sabay naming binitiwan ang isa't isa para lang makasangga.
Halos manginig ang buong katawan ko sa kaiiwas! Maging sa pagsipa at tadyak ay tatamaan ako kung hindi ko lalakasan ang loob kong makatama.
Tama si Maxwell dahil sa isang balya ay gano'n kabilis akong tumumba! Panay ang pagmumura ko sa isip dahil sa nakikita ko, talagang wala kaming laban sa mga ito.
Maski anong lakas ng loob ang meron ako ay balewala sa mga ito. Walang awa akong sinusugod ng ilan at kung hindi ako tutulungan ni Maxwell ay wala talaga akong kalaban-laban. Sa kakaunti kong nalalaman at sa kakarampot kong lakas ng loob, panalangin lang ang meron ako.
Maxpein...please...
Napanood ko nang saluhin ni Maxwell ang atake ng isa at basta na lang iyon itulak sa papasugod pa lang. Saka sinalubong ang ikatlo at tinadyakan ang dibdib nito patalon upang sipain ang ikaapat. Ang ikalima ay nagawa siyang sikuhin ngunit nahuli niya ang braso niyon at muling ibinato sa ikaanim. Kahanga-hanga ang mga kilos ni Maxwell pero sa pagtawa ng mga rango na iyon ay mukhang ganoon siya kahina.
"Huwag sanang sasama ang loob mo ngunit mas nalilibang akong kaharap ang pinakamataas na rango," ani Hwang."Naiinip ako sa 'yo."
"Pagpasensyahan mo na't busog ako,"nakangising tugon ni Maxwell.
Mula sa likuran ay sinalo niya ang pag-atake ng isa habang nakatingin kay Hwang. Nakuha niya pang ngumisi nang paikutin ang nasalong braso nito na halos tumalon ito nang ibalibag niya.
"Mahusay, Moon," nakakainsultong pumalakpak ang animal na si Hwang.
Ngunit hindi na nakuhang sumagot ni Maxwell. Sumugod pa ang isa nang may magkakasunod at mabibilis na suntok gamit ang kaliwa't kanang kamao. Na kahanga-hangang nasangga ni Maxwell na tila sinasabayan lamang ang bilis nito ngunit kaya pa iyong higitan. Bago pa niyon maipagpatuloy ang ginagawa ay isang malakas na suntok ang iginawad ni Maxwell. Umarko ang likuran nito sa lakas niyon at napaatras.
Pero gano'n na lang kabilis na bumawi iyon at muling sumugod gamit na ang kaniyang armas na bakal. Awtomatikong yumuko si Maxwell at siniko iyon sa batok. Bago pa iyon tumumba ay nasalo niya na ang bakal na siyang isinangga sa ikatlong sumugod.
"Tama na ang panonood, binibini," anang naroon sa harapan ko. Sinamaan ko ito ng tingin sa kabila nang mas tumitindi ko pang kaba.
Ngumisi iyon. "May ideya ka ba sa mga ginagawa namin?"
"Ang tulad mo ay parausan lang namin,"ngisi ng isa pa.
Sumigaw si Maxwell sa salitang sila lamang ang nakaiintindi. Hindi ko man 'yon naintindihan, sa tono niyang nagbabanta at saka nakaiinsultong tawanan ng mga kaharap ko ay nasiguro kong galit siya.
"Ang sabi niya ay siya na lang at huwag na ikaw ang galawin namin," anang isa."Ang sabi ko, kung ang pinakamataas na rango ay hindi ako mapasunod, sino siya para sundin ko?" ngisi pa nito.
Dinilaan niyon ang labi sa nakadidiring paraan saka sumugod sa 'kin! Napapapikit man ay basta ko na lang iyong sinipa, sa pinakamalakas na magagawa ko. Gano'n na lang ang paghahabol ko ng hininga matapos niyong mapaatras. Nakangisi niyang pinunasan ang pumutok na labing tinamaan ko at saka dumura.
Ngumiwi ito, pinapakitang hindi siya bumilib sa ginawa ko. Saka muling sumugod! Sa ikalawang pagkakataon ay nagawa ko siyang sipain. Muli siyang napaatras at natatawa akong tiningnan. Sa ikatlong pagkakataon ay sumugod siya at muli kong nasipa. Doon ko na hindi naiwasang magtaka. Tila ginagawa niya lang 'yon nang sadya. Nasisiguro kong hinahayaan niya lang akong tamaan siya pero ang totoo ay kayang-kaya niya iyong iwasan, saluhin o tapatan.
Kaya naman hindi na ako nagulat nang mag-usap sila sa lenggwaheng hindi ko maintindihan. Ganoon na lang ang lakas ng tawanan nila matapos ko silang samaan ng tingin. Tawa na kilabot ang dulot sa 'kin, kinukuha ang katiting na lakas ng loob na meron ako.
Pinanood nila ang paghahabol ko ng hininga. "Isang sipa mo pa at kusa kang tutumba," anang isa. Gusto kong kilabutan dahil sa tingin ko ay tama siya.
Kinalmahan ko ang paghahabol ng hininga, ayaw ipahalata sa kanilang ganoon pa lang ang nagagawa ko ay hinihingal na ako.
Minsan pang ngumisi ang isang iyon saka ako pinanlakihan ng mga mata bago sumugod! Sa pagkatuliro ay naisangga ko ang parehong kamay sa kaniya na agad niyang tinamaan! Napasigaw ako at saka siya tinadyakan.
"Maxwell!" gano'n na lang ang pagtili ko nang masalo ng isa pang rango ang parehong kamay ko habang ang isa ay binuhat na ang parehong paa ko.
Ngunit hindi makawala si Maxwell pitong kaharap bukod pa kay Hwang. Gano'n na lang ang lalong pagbilis ng mga kilos niya nang masulyapan akong buhat na ng dalawa. Panay ang pagpadyak ko at gano'n na lang din ang pagkalmot ko sa mukha ng mga ito. Pero para akong laruan na pinapagpag lang sa ere ng dalawang may karga sa 'kin!
Nakaagaw si Maxwell ng armas mula sa isa sa mga 'yon at basta na lang pinaghahampas ang sinumang sumugod sa kaniya. Ngunit hindi sa isa, dalawa o tatlong hampas lang tumutumba ang mga rango na 'yon. Napaluhod si Maxwell nang matyempuhan ng isa ang likuran!
"Maxwell!" muling pagtili ko saka muling nagpapadyak. "Bitiwan mo 'kong animal ka!"mas malakas pang pagsigaw ko saka kinalmot nang todo ang kanyang mata.
Napasigaw iyon at nabitawan ako dahilan para pabaliktad akong mahulog sa lupa! Sapilitan kong ipinadyak nang ipinadyak ang mga paa ko, walang hinto hanggang sa mabitiwan rin ng may hawak sa paanan ko ang mga 'yon. Awtomatikong dumakot ng lupa ang mga kamay ko at isinaboy 'yon sa mukha niyon bago pa ako muling mahawakan.
"Kahanga-hanga!" tumatawang gilalas ni Hwang.
Sa sampung rango pa lang ay pareho na kaming nahihirapan, walang-wala ako kompara kay Maxwell. Habang si Hwang ay prenteng nanonood at itinatayo lang ang napatutumba ni Maxwell.
Mabilis akong umatras nang umatras at bago pa ako makatayo ay may nadampot na akong bakal at basta na lang iyong inihampas sa gumapang na rango sa harap ko. Ngunit gano'n na lang ang gulat ko nang saluhin nito ang hampas ko at pabatong ilayo! Na sa sobrang lakas pati ako ay tumimbawang.
Mabilis akong nagpagulong-gulong sa lupa nang akma iyong iibabaw sa 'kin saka muling dinampot ang bakal. Ngunit sa ikalawang pagkakataon ay nasalo niyon ang hampas ko, hindi pa man tumatama. Talagang kakaiba ang mga ito. Pero pag-asa na lang ang meron ako at hindi pwedeng pati iyon ay mawala pa. Kaya gigil akong nakipag-agawan sa bakal dito at katawa-tawang hinayaan niya lang akong maagaw iyon.
Ngumisi siya sa akin. "Alam mo, maaari kang maging rango," putak nito. "Kung makaliligtas ka rito." Minsan pa niya akong pinandalitan saka muling inatake.
Sa isang malakas na hampas ay tinamaan ko ang mata niya na siyang dahilan ng paghiyaw niya sa sakit! Gano'n na lang ang pag-awang ng bibig ko, natakpan ko 'yon. Hindi ako makapaniwalang nagawa ko 'yon. Takot na takot akong umatras hanggang sa mahinto sa katawang nabangga ko sa likuran!
Nang iyakap niyon ang mga kamay sa 'kin ay marahas ko iyong siniko gamit ang pareho kong braso at saka pinaghahampas ng bakal. Gamit din ang braso ay nasangga nito 'yon dahilan para mas lakasan ko pa ang pagkakahampas gamit ang parehong kamay.
Ngunit sadyang kakaiba sila. Dahil nang muli ko iyong hampasin ay sinalo niyon ang bakal at nakipaglabanan sa 'kin ng lakas habang sinasamaan ako ng tingin.
Pilit ko iyong inagaw ngunit mas malakas ang rango na ito sa harap ko. Wala akong nagawa kundi ang bumitiw at tumakbo palayo.
"Maxwell!" paghingi ko ng tulog.
"Fuck!" gigil na hinampas ni Maxwell sa mukha ang nakaharang na rango sa aming pagitan. Napanood ko kung paanong tumagas ang dugo sa bumukang bibig niyon.
"Maxwell..." lumuluhang pagtawag ko habang umaatras sa kung saan, papalayo sa dalawa pang rango na umaabante papunta sa 'kin.
Patakbong umatake ang isa kaya gano'n na lang ang paghugot ko ng hininga saka siya sinipa nang buong lakas. Napagtagumpayan ko man, maging ako ay tumumba dahil sa nauubos kong lakas. Paatras akong gumapang, ang paningin ay hindi inaalis sa mga naroon sa aking harapan.
"Maxwell!" pagtili ko nang tinuyo ako ng nakakalokong pagsunggab ng mga rango. Dumampot uli ako ng lupa at basta na lang isinaboy roon.
Nang magtagumpay ay gumapang ako paharap. Ngunit bago pa man ako makatayo ay nahila na ng isa ang paa ko. Napatili ako sa pagsaklolo sa humarap at pinagsisipa sa mukha iyon. Ngunit bago pa man iyon makabitiw sa 'kin ay tumaran na sa ulo nito ang bakal! Napatili ako nang tumumba iyon sa harap ko. Gano'n na lang ang pag-iyak ko nang makita si Maxwell na naghahabol ng hininga, siya ang nagbato niyon.
"Kapag nasaktan siya ay hindi lang kayo ang magsisi kung hindi ang bawat myembro ng inyong pamilya, hanggang sa ikatlong henerasyon, Hwang!" pinangingiliran ng luhang gilalas ni Maxwell. Noon ko lang siya narinig na magalit nang gano'n na kahit ako ay natakot.
"Iyon ay kung mahuhuli mo ako, Moon,"paghahamon ni Hwang.
"Sinasabi ko sa 'yo, hindi mo mararanasang magkaapo," gigil na ani Maxwell at walang alinlangang hinampas ang mukha niyong sumugod sa kaniya.
"Binata na ang anak ko, Moon. Magkakaapo ako, sa ayaw mo't sa gusto."
"Hindi na siya aabutan ng bagong taon, kung gano'n," gilalas ni Maxwell saka inatake ang mga kaharap na rango.
Umawang ang labi ko kung paanong dumanak ang dugo ng mga iyon na siya ring tumalsik sa damit ni Maxwell. Sumugod siya nang sumugod, bawat humarang ay walang-awang hinahampas ng bakal upang makalapit sa 'kin.
Ngunit bago pa man siya magtagumpay ay humarang na si Hwang sa aming pagitan. Mas malapit ito sa 'kin kaya naman gano'n na lang din ang aking pag-atras.
Akma na akong babangon patalikod nang sabunutan ako ng isa sa mga rango at sapilitang itayo. Tatlo na lamang ang rango, ikalima si Hwang. Napatumba ko ang isa, pito ang naitumba ni Maxwell. Sa sandaling ito, hindi ko alam kung paano ko pa nakukuhang humanga sa mga kilos niya.
"Ibigay ninyo siya sa 'kin," humahangos na ani Maxwell, ang isang kamay ay may hawak na bakal habang ang isa pa ay nakalahad kay Hwang. "Give her to me!"gilalas niya.
Kunyaring natigilan si Hwang saka tumitig sa kaniya. "Ganito umibig ang isang maji..."nakakaloko siyang tumawa. "Pare-pareho kayong mga Moon, nagmamalinis sa kabila ng hindi mabilang na kasalanan. Hindi pagtulong ninyo sa mga taga-Emperyo ang bubura sa mga katiwaliang ginagawa ninyo, Moon."
Kumibot sa panggigigil ang mga labi ni Maxwell, pailalim niya kung tingnan si Hwang dahil sa paghahabol ng hininga. Ni minsan ay hindi ko inakalang makikita ko siya sa ganitong sitwasyon. Nagsisisi akong naniwala ako sa mga sinabi ni Hwang. Hindi mahina si Maxwell, napakahusay niya. Gusto kong maiyak dahil makikita ang galit sa kaniyang mga mata at desperado akong makuha sa mga rango. Nag-aalala ako na baka gaya ni Maxpein, maparusahan siya sa mga nagawa niya ngayon.
"Pagsisisihan mo 'to, Hwang," galit na ani Maxwell.
"Hayaan mo't sasabayan kitang mahatulan sa Kaechon. Ikaw at ang inyong pamilya," ngisi ni Hwang saka humakbang papalapit kay Maxwell, ang kamay ay parehong nasa likuran. Gano'n na lang ang panlalaki ng mga mata ko nang makita ang armas na hawak niya.
Maxwell... Napatitig ako kay Maxwell. "He has an axe behind him, Maxwell!" pagsigaw ko. Tinakpan ng rango na may hawak sa 'kin ang bibig ko dahilan para magkumawala ako ng pilit. "Bitiwan mo k—"
Hindi ko na natapos ang sasabihin nang suntukin ako sa tiyan ng rango! Na sa sobrang lakas ay napaluhod ako. Ngunit ang walang-awang rango na may hawak sa 'kin ay sapilitan akong itinayo habang sabunot ang buhok ko.
Umiiyak kong tiningnan si Maxwell. Pero gano'n na lang ang pagpikit niya. Nang magmulat siya ay nangingilid na ang kaniyang mga luha at mas masama na ang tingin kay Hwang.
"Gagawin ko rin 'yon sa asawa mo,"mahina man ay dinig kong ani Maxwell. "Lahat ng ginawa ninyo sa amin ngayon ay ibabalik ko sa asawa mo, Hwang."
Humalakhak si Hwang saka tiningnan ang sariling mga kamay. Nang-aasar na kinagat ang sariling kuko sa nakatabingi ang ulong tumitig kay Maxwell.
"May labinlimang rango pang nagtatago sa kakahuyan," aniya. "Pinanonood tayo habang humihipak ng sigarilyo."
Pareho kaming natigilan ni Maxwell. Shit! Katapusan na namin. Wala na kaming magagawa, katapusan na talaga namin ito. Maxpein...please! Ngayon lang ako nagmakaawa nang ganoon sa buong buhay ko. Na kahit ako na lang ang mawala, makaligtas lang ang lalaking minamahal ko.
"Ako na lang," wala sa sariling pakiusap ko. "'Wag niyong saktan si Maxwell!" sigaw ko.
Nagugulat akong nilingon ni Hwang. "Ano namang pakinabang ang mapapala ko sa iyo, wala ka namang kinalaman sa Emperyo?" inosente kunyaring tanong nito. "Aanhin ko ang mga negosyanteng magulang mo at dati mong nobyo na isang hunghang na abogado? Nanghampas na rin lang hindi pa tinuluyan. Mangmang."
Talagang kakaiba sila. Kung gano'n ay hindi lang ang mga Moon ang kilala nila, kundi lahat ng may kinalaman din sa akin.
Muling hinarap ni Hwang si Maxwell. "Nakapagpahinga ka na ba?" nakaiinsultong tanong niya. "Magsisimula na 'ko."
"'Wag mo siyang saktan!" sigaw ko.
Pabuntong-hiningang tumingala sa madilim na langit si Hwang saka muling lumingon sa akin. "Sa kama ka lang masarap pakinggan. Kapag ganitong pag-uusap ay naririndi ako sa 'yo—"
Pare-pareho naming hindi inaasahang hahampasin siyang bigla ni Maxwell sa likuran! Ngunit hindi kapani-paniwalang sa lakas niyon ay bahagya lang na napatango si Hwang.
"Gago!" gigil na singhal ni Maxwell.
Nang akmang uulit si Maxwell ay sinalo ng isang rango ang hawang niyang bakal mula sa likuran. Dahilan upang umikot si Maxwell at ilagan ang pag-atake nito saka ito sinipa sa mismong lalamunan. Bago pa man makasugod ang isa pa ay sinalubong na nito ang bakal na hawak ni Maxwell. Dahilan upang minsan pang tumalsik ang dugo sa kaniya. Halos tumulo ang mga dugo mula sa mukha ni Maxwell galing sa mga rango na naitumba niya.
Hinawakan ni Hwang ang parte ng batok na tinamaan ni Maxwell. Saka niya tatawa-tawang tiningnan ang dugong nakapa mula roon.
"Hinihintay ng Emperyo ang mapapang-asawa ko, Hwang," gigil na ani Maxwell. "Sa ginagawa mo ay binibigyan mo ng mas marami pang taon ng pananatili sa Kaechon ang buo mong pamilya."
Nakita ko nang sumeryoso si Hwang, tila hindi inaasahan ang sinabi ni Maxwell.
Nakita ko nang mangilid ang mga luha ni Maxwell. "Hindi ka makokontento sa paghihiganti mo kahit mapatay mo 'ko."
Humalakhak si Hwang. "Kaya inaasahan mo na lang na pakikinggan kita, ganoon ba? Na aatras ako at hahayaan ka at ang iyong mapapang-asawa?"
Inosenteng ngumiwi si Hwang saka lumingon sa kung saan, kunyaring nag-iisip. Saka muling tumingin kay Maxwell, nakakalokong itinabi-tabingi ang kaniyang ulo.
"Ganoon pa rin ang mangyayari sa 'kin, mabuhay ka man o hindi. Papatayin na lang kita, makukulong pa ako nang masaya,"nakangising dagdag ni Hwang.
"Ibibigay ko ang lahat ng gusto mo,"kapagkuwa'y pagsuko ni Maxwell. "'Wag mo lang siyang sasaktan."
Maxwell... Magkakasunod na pumatak ang mga luha ko saka muling kumawala sa may hawak sa 'kin. Ngunit mas humigpit ang pagkakasabunot niyon sa 'kin. Ang isa naman ay biglang iginapos ang parehong kamay ko.
Lalo pang humalakhak si Hwang saka sumilip sa kung saan-saan sa paligid. "Ang mga tagabantay rito ay pinatay ko,"bumubulong kunyari niyang sinabi kay Maxwell. "Ano sa tingin mo ang magiging dahilan ko para buhayin ang mapapang-asawa mo?"Saka siya lumingon sa akin. "Hindi ba't Yaz ang pangalan mong lintik ka, nahihirapan na 'ko sa kasasabi ng mapapang-asawa. Ang ilan sa inyong mga letra ay hindi nababanggit sa aming bansa."
"Ibibigay ko ang lahat ng gusto mo, Hwang! Pakawalan mo siya," giit ni Maxwell.
"Pati buhay mo ay gusto kong kunin, Moon. Kapag namatay ka, sa tingin mo ba ay bubuhayin ko pa siya?" nakakainsultong ani Hwang.
"Wala akong sinabing patayin mo 'ko, masyado kang abusado, ibibigay ko na nga ang lahat ng gusto mo!" asik ni Maxwell.
Napapikit ako. Gusto kong mahilo. Nakuha niya pang manumbat...abusado... Nanghina lalo ako. Hindi ako makapaniwala. Talagang wala silang pinagkaiba-ibang magkakapatid. Hindi malilimutang gano'n din kung sumagot sa mga Rewis si Maxpein. Ang pagiging pilosopo ay mukhang naroon na sa mga ugat nila sa katawan. Nadadaluyan ng dugo kaya lumalabas sa pananalita.
"Wala ako rito para makipag-areglo, Moon," kapagkuwa'y seryosong ani Hwang. Humakbang siya papalapit saka inilabas ang libreng kamay. "Dahil narito ako..." marahan niyang iginalaw ang kamay na may hawak na palakol. "Upang pumatay!" bigla ay sigaw niya at inatake si Maxwell.
"Maxwell!" pagtili ko!
Umiiyak kong pinanood ang kaliwa't kanang sanggaan nila. Makikita kung paanong pilit na sinasabayan ni Maxwell ang bilis ni Hwang. Ngunit walang-wala siya rito dahil hindi lang kamay ang mabilis dito kung hindi maging mga paa. Na kahit matagumpay niyang masangga ang mga kamay nito ay paulit-ulit siyang nasisipa.
"Maxwell!" muling pagsigaw ko nang makita siyang tamaan sa mismong batok! "Maxwell!" muling pagsigaw ko nang mapanood ko siyang bumagsak sa lupa. "Maxwell..." umiiyak nang pagtawag ko.
Marahan siyang bumangon at nakita kong may tumulong dugo mula sa kaniya. Nasisiguro kong iyon 'yong tinamaan mismo ni Hwang!
Gamit ang bakal, tinulungan ni Maxwell na tumayo ang sarili. Muli akong napasigaw ng pagtawag nang humakbang papalapit si Hwang at akma siyang hahampasin. Gamit ang hindi pa lubusang gumagaling na kamay ay sinalo iyon ni Maxwell.
"Maxwell..." umiiyak kong pagtawag.
"Nasaan ang ipinagmamalaki mong itinuro ng choetjae?" nang-aasar na tanong ni Hwang. "Wala pa akong hinahangaan, anoman sa iyong ipinakita."
"Para ka kasing amo, puro nood lang ang ginawa mo. Saka ka umatake kung kailan pagod na 'ko," reklamo ni Maxwell.
Gusto kong magalit sa isip pero nahigitan ng pag-aalala iyon. Talagang pagod na siya, hindi lang sa mukha kung hindi sa katawan ay makikita.
"Masyado kang mayabang," asik ni Hwang saka walang alinlangang hinampas sa mukha si Maxwell!
Sa sobrang gulat ko ay napasigaw ako nang siyang dahilan para mawala ang pandinig ko. Napanood kong bumagsak si Maxwell. Panay ang pagsigaw ko ng pagtawag sa kaniya pero maski ako ay hindi ko na narinig ang aking sarili.
Maxwell...
Pinuno ng luha ang aking mga mata. At nang makita si Hwang na muli siyang hahampasin ay pilit akong nagkumawala sa mga humahawak sa 'kin. Ngunit halos kargahin nila ako para lang mapigilan. Wala na akong marinig kung hindi ang malakas kong pagsigaw.
Pero bago pa man muling tumama ang kahoy na hawakan ng palakol na gamit ni Hwang, may lumipad nang palaso na tumama sa balikat niya. Sa ganoong tama, bahagya lang na napaatras ang katawan niya.
Pare-pareho kaming napatingin sa pinanggalingan ng panang iyon, gano'n na lang ang lalo pagluha ko nang makita si Maxrill na tumatakbo.
At muli akong napatili sa dalawang putok ng baril malapit sa akin! Bago pa man ako makalingon ay bumagsak na ang mga rango na gumapos sa 'kin. Nanginginig akong lumingon at lalo lang naiyak nang mamataan si Dirk sa tabi ko.
Nagbaba siya ng tingin sa 'kin at kunot-noong sinulyapan si Maxwell. "Maji..." gano'n na lang ang pag-aalala niya at saka tumakbo.
Awtomatikong hinarap ni Hwang si Dirk. Nanginginig, lumuluha akong humanga nang hindi man lang nagbago ang reaksyon sa mukha ng kanang-kamay ni More. Ang misteryosong si Dirk ay kumikilos na para bang gawain sa araw-araw ang makaharap ang ganoong klase ng kalaban.
"Maxwell," pagtawag ni Maxrill dahilan para awtomatiko akong mapatakbo rito. "Hyung!"sigaw niya.
"No, no, no," pinigilan ko siyang alugin ang ulo nito. "Don't touch him," umiiyak ko nang sabi.
Hinawakan ko ang magkabilang sentido ni Maxwell saka inutusan si Maxrill na itihaya ang katawan nito. Pinulsuhan ko si Maxwell at ganoon na lang ang aking paghihisterya sa hina niyon. Pinakinggan ko ang kaniyang paghinga saka natutulirong inutusan si Maxrill na tumawag ng ambulansya.
"Andwae!" gilalas ni Maxrill.
"What?" asik ko.
Nagbaba siya ng tingin. "We can't take him to the hospital. Help me."
"Maxrill, hindi pwede!" umiiyak kong giit. "I can barely feel his pulse!"
"We cannot take him to the hospital!" asik ni Maxrill, gigil na gigil. Saka siya tumayo at tinutukan ng palaso si Hwang. "Move, Dirk."
"Maxrill," nagbabanta ang pagtawag na tugon ni Dirk.
"Move," nagbabanta rin ang tinig ni Maxrill.
"You cannot do this, Maxrill."
"I said, move!"
"You cannot do this!" asik ni Dirk.
"Watch me, then."
"Maxrill!" pigil ko, alam ko na ang binabalak niya.
Pero hindi siya nagpapigil. Umiiyak ko siyang pinanood na asintahin si Hwang, ang mga mata ay puno ng galit.
"Maxrill!" sigaw ni Dirk ngunit huli na, gigil na pinakawalan ni Maxrill ang pana.
Awtomatikong napaharap si Hwang dahilan para tumarak ang palaso sa kaliwang mata niya mismo.
To be continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top