CHAPTER 45
CHAPTER 45
LUMAPIT AKO kay Rembrandt at hinarap siya. Sinadya kong talikuran sina Maxwell upang hindi siya tuluyang mapahiya.
"Sorry," mahinang sabi ko. "They're my friends."
Ngumiti si Rembrandt. "It's okay."
Hinarap ko ulit sila, tumabi ako kay Rembrandt. Hindi inaasahang masasalubong ang blangkong tingin ni Maxwell.
"Guys, this is Rembrandt," hinawakan ko ito sa braso saka nilingon. "Rembrandt, meet Keziah and Randall, they're our friends," ngiti ko.
Muli kong nilingon si Maxwell. Kung hindi ako nagkakamali ay nasa kamay kong naroon sa braso ni Rembrandt ang kaniyang paningin. Mula roon ay gumapang pataas ang matalas niyang tingin para salubungin ang mga mata ko.
Napalunok ako ngunit agad din siyang binalewala. Marahan akong bumitaw sa pagkakahawak kay Rembrandt. Hindi dahil ayaw kong isipin ni Maxwell na kami na. Hindi rin dahil ayaw kong isipin ni Rembrandt na ginagamit ko siya pagselosin 'yong isa. Iyon lang ang pakiramdam kong tamang gawin.
"'Day, 'day, 'day," gano'n na lang ang gulat ko nang magkakasunod akong kalabitin ni Katley. "Naa pa ko, 'day."
"OMG," natatawa ko siyang binalingan. "Guys, this is Katley, my best friend."
Si Rembrandt ang unang nakipagkamay at nagpakilala. Sumunod sina Keziah at Randall, si Maxwell ang nahuli ngunit hindi sinabi ang pangalan niya.
"Nice meeting you, Maxwell," kinikilig na ani Katley!
Umangat ang gilig ng labi ni Maxwell, nagyayabang sapagkat umakma ang kilos niya. Hindi niya na kailangang magpakilala dahil sigurado siyang kilala na siya nito.
Pisti! Sinamaan ko ng tingin ang aking kaibigan ngunit nakapako na kay Maxwell ang kanyang paningin.
"Uhm," hindi ko alam kung paanong magpapaliwanag. "Pwedeng next time na lang tayo mag-dinner together? May usapan kasi kami ni Rembrandt."
Nakita ko nang gumuhit ang dila ni Maxwell sa labi saka ngumisi. "Let's go," anyaya niya sa mga kasama saka bahagyang tumango sa 'min. "Nice to see you."
Hindi ko na siya sinagot. Sa halip ay pinanood ko na lang silang umalis. Nag-angat ako ng tingin kay Rembrandt at ngumiti. Habang si Katley naman ay panay ang kutkot sa likuran ko. Paniguradong bubungangaan ako nito dahil inasam niyang makasama sina Maxwell. Pero wala siyang magagawa. Ayaw kong ilagay sa apoy ang sarili ko dahil alam kong mapapahamak lang ako.
"Let's go?" anyaya ko kay Rembrandt. "Katley will join us, okay?"
Akma nang tatanggi si Katley nang hilahin ko siya para wala nang magawa. Sa huli ay napagdesisyunan naming ihatid na lang siya pabalik sa hospital dahil naiwan doon ang sasakyan niya.
"Nice place," ani Katley nang marating namin ang steak restaurant kung saan ako dinala ni Rembrandt noong una.
Ngumiti si Rembrandt. "Glad you liked it." Saka siya sumulyap sa 'kin. "Steak night."
"I'm excited," tugon ko.
Pero pare-pareho kaming nagulat nang makapili ng mesa. Sa katabi niyon ay naroon sina Maxwell, Randall at Keziah. Agad akong pinanawan ng katinuan. Hindi ko pwedeng pagbintangan ang mga itong sinusundan kami dahil nauna sila. Ayokong isipin nilang kami ang sumunod dahil hindi na ito ang unang beses na nagpunta kami ni Rembrandt doon.
"OMG, mabuti na lang pala, sumama ako,"bulong ni Katley. Bahagya ko siyang siniko.
Magsasalita na sana ako nang maangatan ako ng tingin ni Randall. 'Ayun na naman 'yong nakakalokong ngisi niya! "Where do brokenhearts go, D?" kapagkuwa'y tanong niya.
"Heart Center," maangas na tugon ni Maxwell pero nagbibiro.
"Wrong," mayabang na tugon ni Randall saka muling nag-angat ng tingin sa 'kin.
Noon lang din nag-angat ng tingin sina Keziah at Maxwell sa 'kin. Palibhasa'y pabilog ang mesa nila at si Randall ang nakaharap sa gawi namin.
"They come here," dagdag ni Randall saka lalong ngumisi. "Hey there, prettiest babe on earth. Are you following your heart or me?"
Awtomatikong sumama ang mukha ko. "Amaw!"hindi ko napigilang singhalan siya. "Anong ginagawa niyo rito?"
"Obviously," ngisi ni Randall, isinenyas lang ang mesa sa harapan. "Come and join us."
"Your space is small," ngiwi ko saka siniringan siya. Nakita ko nang umawang ang labi ni Randall saka natawa. "It's okay, may table kami," ngiti ko saka nagpaalalay kay Rembrandt na maupo.
Kamalas-malasang ang silyang napili niyang silya ay 'yong isang lingon lang, magtatama ang paningin namin ni Maxwell. Sa isang galaw nga ng mata niya ay pinanood niya akong maupo sa silya. Bago pa magtama ang mga mata namin ay ibinaling ko na kay Katley ang paningin ko.
"Tagal ko nang nakatira rito, hindi pa ako nakapunta dito," sabi niya.
"Kung hindi pa ako dalhin ni Rembrandt dito ay hindi ko rin malalaman ang lugar na 'to," ngiti ko, pilit nilalabanan ang paningin ni Maxwell na hindi ko matukoy kung paano kong nararamdaman.
Lumapit ang staff saka nag-abot ng menu sa 'min isa-isa. Hindi ko na maituon doon ang atensyon sapagkat sa isang dipang agwat namin ay naririnig kong dumadaldal si Randall. Gusto kong mainis bagaman wala akong maintindihan. Pero dahil sa tono ng pananalita niya, nasisiguro kong inaasar nito si Maxwell. Kahit walang kasiguraduhan ay iniisip kong tungkol 'yon sa 'kin. Well, bukod sa hanggang sa sandaling 'yon ay ramdam na ramdam ko ang titig ni Maxwell. Kulang ang salitang pagkailang para maipaliwanag ang sitwasyon ko.
"Do you want us to go somewhere else, Rem?"bigla ay baling ko rito. Nang marinig ko ang magkakasunod niyang buntong-hininga.
"No," nagugulat niyang iling. Ngumiti siya. "It's okay, Yaz."
Nakonsensya ako. "I'm really sorry."
"Saan?" ngumiti siya. Nasuluyapan namin nang sabay si Katley na noo'y tutok sa menu booklet. "Look, we're all here to eat, okay? Don't mind them." Iniakbay niya ang braso sa likuran ng silya ko saka hinagod ang braso ko. "We're fine."
"Okay," pinilit kong ngumiti. Saka ko muling pinigilan ang mga mata kong masulyapan muli si Maxwell.
Maski ang mapapikit sa inis ay iniwasan ko dahil hanggang sa sandaling 'yon ay ramdam ko ang titig ni Maxwell. Paano ko ba nararamdaman 'yon? At bakit kasi nakatingin siya sa 'kin?
Saka ko naisip ang katotohanang natitingnan niya na uli ako. Wala sa sarili kong sinulyapan si Maxwell at gano'n na lang ang dagundong sa dibdib ko nang masalubong nga ang mga mata niya.
Tinitingnan mo na uli ako... May kilabot na dinulot sa 'kin ang naisip ko. 'Ayun na naman 'yong hindi ko maipaliwanag na pakiramdam. Kung hindi pa ako kausapin ni Rembrandt ay malulunod ako sa pag-iisip.
"Medium rare or well done?" tanong niya sa 'kin.
"Medium, please, thanks," sinikap ko ulit pigilan na sulyapan si Maxwell. Batid kong hindi pa rin niya inaalis ang paningin sa 'kin.
Hindi ko maiwasang makonsensya. Ni hindi ako sigurado kung tama bang naroon ako sa sitwasyong 'yon. May kung ano sa 'kin na hindi ko maipaliwanag.
"So, how are you, Katley?" mayamaya ay tanong ni Rembrandt.
"Ayos lang naman," ngiti ng kaibigan ko. "Matagal na rin tayong hindi nagkikita, Rembrandt."
"Yeah, I've been very busy."
"Pero may mga naririnig-rinig naman ako tungkol sa 'yo. 'Yong daddy mo ang isa sa mga abogadong humawak sa kaso ng papa ko at kapartido niya."
"Oh, yeah, alam ko rin ang tungkol do'n. How's your father?"
"'Ayun, nasa bahay na lang siya."
"Anong pinagkakaabalahan niya?"
"Actually, nagda-dialysis siya ngayon."
"What happened?"
Nakangiti kong tinutukan ang usapan nila pero parang nawala bigla ang pandinig ko. Napunta 'yon sa pwesto nina Randall nang marinig kong tumawa si Maxwell. Sinisikap kong bawiin ang atensyon, maging ang pandinig, gusto kong ituon 'yon sa mga kasama ko. Pero nang maulit ang pagtawa niya ay tuluyan niya nang naagaw ang lahat sa 'kin.
Palihim akong sumulyap sa gawi ni Maxwell at napanood ko siyang tumawa. Parang tinunaw ang puso ko. Tama si Katley, sa ganoong oras ng gabi, para siyang kumikinang. Nangingibabaw siya sa buong lugar na 'yon.
Pasimple kong sinuyod ng tingin ang lugar at nasulyapan ang mangilan-ngilang kababaihan na hindi sila maiwasang tingnan. Ang iba nga ay mukhang pinag-uusapan pa sila. Pero hindi kapani-paniwalang ang lalaking 'yon na pinagtitinginan ang lahat ay nawawala lang sa kaibigan ang paningin sa t'wing titingin sa 'kin.
Binawi ko ang paningin ko saka aanga-angang nakitawa sa hindi naman pala nakakatawang usapan nina Katley at Rembrandt.
Tuloy ay pareho silang nagtatakang tumingin sa 'kin. "Naalala ko lang 'yong funny moments noong college tayo ba," ngiwi ko, binibigyang hustisya ang nakakahiyang iniasta ko.
"Alin do'n?" inosenteng tugon ni Katley.
"'Yong ano ba..." wala akong makapang sagot.
"Hahay, wala naman tayong moments together, hahay," ngiwi ni Katley. "Hindi kami close ni Rembrandt noong college. Dahil magkakaiba man tayo ng building, 'day."
Natigilan ako nang ma-realize na tama nga siya. Ni wala akong maalalang sandali na nagkasama-sama kaming tatlo kung hindi pa mangyari ang gabing ito. Kung nagkasama man kami noon, sandali lang. Natatandaan ko rin kasing halos taliwas madalas ang schedule namin ni Katley. Lalo na noong magsimula siyang mag-duty sa hospitals habang ako naman ay sa iba't ibang bansa.
Hindi ko alam kung paano kong natagalang kumain habang nilalabanan ang mga tingin ni Maxwell. Nakatulong marahil ang bahagyang pagharap ko sa gawi ni Rembrandt.
"Punta lang ako sandali sa washroom," paalam ko nang matapos kaming kumain. Isinabit ko ang bag sa balikat saka naglakad papunta roon.
Mula sa salamin ay sinulyapan ko ang sarili. Nanlaki ang mga mata ko nang makita kung gaano kagulo ang buhok ko. Dali-dali akong naghugas ng kamay at habang nagma-mouthwash ay nagsulkay ako.
Natigilan ako nang maalala ang mga titig ni Maxwell. Pasiring kong tinitigan ang sarili sa salamin. Sumama agad ang loob ko nang maalala kung paano niyang iniwasan noon ang tingnan ako. Lalo pang sumama ang loob ko sa katotohanang natagalan niya 'yon. Habang ako ay hirap na hirap ang kalooban, nagmamakaawang masulyapan niya man lang.
Naglagay ako ng liptint saka muling naghugas ng kamay. Nagpapahid ako ng lotion sa kamay nang magulat pagkalabas.
"Maxwell," nasambit ko.
Umangat ang gilid ng labi niya. "Maxwell, huh?"may diin, tila hindi makapaniwalang aniya.
Umangat ang kilay ko. "Oh, e, ano? Laurent?"Nginisihan ko siya.
"That not how you pronounce it."
Lalong sumama ang mukha ko. Batid kong ang tinutukoy niya ay kung paanong bigkasin ang Laurent sa salitang French. Tinaliman ko siya ng tingin saka inirapan.
"Excuse me," nilampasan ko siya.
"We're still talking."
"My date is waiting for me."
"Date?" nakakainsultong aniya. "So, you're dating?"
Inis ko siyang hinarap. "Obviously?"
Nakita ko nang humugot siya ng hininga at magtiim ang bagang. Pero bago pa siya makapagsalita ulit ay tinalikuran ko na siya.
"Ako naman ang pupunta sa washroom. Excuse me," paalam ni Katley nang makabalik ako.
"Okay," sabay naming ngiti ni Rembrandt saka kami nagharap.
Hindi ko man lingunin ay nakita ko nang makabalik si Maxwell sa pwesto. Kung kanina ay ramdam ko ang titig niya, pati ang talim niyon ay ramdam ko na ngayon.
"Nabusog ka ba?" biro ko. "Parang habang nagsasalita ka ay natutunaw ang bawat kinakain mo kanina."
Natawa si Rembrandt saka marahang tumayo para ilapit ang silya sa 'kin. Iniakbay niya uli ang braso sa likuran ng silya ko. Mas hinarap ko siya para mas mapigilan pang sumulyap sa kung saan.
"Ang daldal ng kaibigan mo," aniyang natatawa.
"Sinabi mo pa," buntong-hininga ko. "'Buti nga pinagsasama kami parati sa schedule. Hindi ko alam kung paano akong makaka-survive sa hospital kung wala si Kate."
"Bakit naman?"
Bumuntong-hininga ako. "Well, may times kasi na nakakapagod na talagang magtrabaho. Kapag takbo rito, takbo doon, do'n ako nahihirapan. 'Buti na lang talaga nandiyan si Katley. Mas mabilis siyang kumilos sa 'kin. Mas magaling siyang nurse."
Ngumiti siya lalo. "I admire your humbleness."
"No," tanggi ko. "Totoo 'yong sinabi ko. Ang totoo, candidate siyang maging head nurse. Pioneer siya sa hospital na 'yon ay pinagkakatiwalaan talaga ng mga nasa position."
Hindi ko inaasahang aayusin ni Rembrandt ang ilang hibla ng buhok ko sa likuran ng aking tainga. Sa sandaling 'yon ay naramdaman ko lalo ang diin ng titig niyong isa sa akin.
"Why do I keep on admiring you, Yaz? You always amaze me," malambing na ani Rembrandt. Ngumiti ako. "Akala ko wala na talaga akong pag-asa. Masaya ako no'ng malaman kong nakabalik ka na. Hindi man para sa 'kin pero hindi ko maiwasang isipin na 'yon na 'yong second chance ko."
Natigilan ako. May kung anong bumara sa lalamunan ko nang mahugot ko ang hininga, pinahirapan akong magsalita. Maski ang ngiti ko ay hindi na natural, halatang mapakla o napipilitan.
"At naaasar ako dahil mukhang hindi inaalis ng ex mo ang paningin sa 'yo," malungkot niyang sinabi 'yon ngunit ang pagtitiim ng kaniyang bagang ay hindi nakaligtas sa paningin ko.
Napanood ko siyang sumulyap sa gawi ni Maxwell, pinigilan ko ang sariling gumaya. Nakita ko nang sumeryoso si Rembrandt at bahagyang tumango kay Maxwell. Para maituon muli sa 'kin ang paningin niya ay hinawakan ko si Rembrandt sa pisngi at iniharap ang mukha niya sa 'kin.
"Don't look at him," mahinang sabi ko.
Sa gulat dahil sa ginawa ko ay hindi niya nagawang sumagot agad. Napalunok ako nang hawakan ni Rembrandt ang kamay kong naroon sa pisngi niya. Mas idiniin niya 'yon sa sariling pisngi at nakapikit na dinamdam ang magkalapat naming kamay.
"I missed you much, Yaz," emosyonal niyang sinabi saka kinuha ang isa pang kamay ko.
Binalot ni Rembrandt ng pareho niyang kamay ang mga kamay ko. Saka siya yumuko nang bahagya papalapit sa 'kin nang magpantay ang paningin namin. Halatang pagod siya sa trabaho pero ganoon nga yata ang mga gwapo, kahit daanan ng magdamag ay presko pa ring tingnan.
"I want to marry you, Yaz," mahina at madamdamin niyang sinabi.
Gano'n na lang ang gulat ko at hindi ko 'yon naitago sa kaniya. "Rembrandt..."
"I love you, Yaz. Nang mahalin kita ay alam kong ikaw na ang gusto kong makasama habambuhay."
Umawang ang labi ko sa kawalan ng maisasagot. Ni hindi ko nagawang mag-isip nang tama dahil sa pagkabigla.
Ang natatandaan ko ay nanliligaw pa lang uli siya, ano't...nasa kasalan siya agad? Napuno ng kung ano-anong tanong ang isip ko, pinahihirapan akong makapag-isip ng tama. Apektado ang desisyon ko.
"Can we talk?" mas lalo pa akong natuliro nang mangibabaw ang tinig ni Maxwell sa likuran ko.
Dumeretso ang likod ko pero hindi nagawang lingunin agad siya. Nakita ko nang bumuntong-hininga si Rembrandt. Tiim-bagang siyang nag-angat ng tingin sa likuran ko. Bago pa siya makapagsalita ay hinarap ko na si Maxwell.
Nagbaba ng tingin si Maxwell sa 'kin, gano'n na lang siya kaseryoso. "Let's talk."
Maingat akong lumunok, paulit-ulit para hindi maapektuhan ang pananalita ko. "No," mariing sabi ko.
Nakita ko nang lumambot ang mukha niya, nabasa ko ro'n ang pagtataka. "Let's talk, Yaz."
"No." Mas mariin kong sagot. Nangunot ang noo niya. "Can't you see I'm busy?"
Inis niyang sinulyapan ng tingin si Rembrandt saka muling tumingin sa 'kin. "I want to talk to you."
Sinamaan ko siya ng tingin. "No." Pagtatapos ko saka ako tumayo. Inilahad ko ang aking kamay kay Rembrandt. Nakita ko nang tingnang maigi ni Maxwell ang pagkakahawak ng mga kamay nmain.
"Fuck," dinig kong natatawa at mahinang aniya.
Hinigpitan ko ang pagkakahawak sa kamay ni Rembrandt. "Let's go," hinila ko siya saka ko binitbit ang gamit ni Katley.
"Oh, tara na?" eksaktong pabalik na si Katley. Sinenyasan ko siya saka kami sabay-sabay na umalis.
Tahimik kami sa byahe hanggang sa makabalik sa ospital.
"Thank you, Rembrandt, ah?" ani Katley nang makababa. "Ingat kayo pauwi."
"Bukas ulit," ngiti ni Rembrandt.
"Naku, baka masanay ako! 'Wag na, nasisira ko pa ang date ninyo. Sige na," ngiti niya saka bumaling sa 'kin. "See you tomorrow, guapa!"
Natawa ako. "Drive safely, madam! See you tomorrow!"
Natatawa siyang kumaway saka sumakay sa sasakyan. Nakangiti kong pinanood ang paglayo ni Katley bago tuluyang nawala ang mga ngiting 'yon.
"What is he doing here, Yaz?" hindi ko inaasahang itatanong ni Rembrandt 'yon. Batid kong si Maxwell ang tinutukoy niya, well, wala naman siyang ibang tutukuyin.
"May..." napabuntong-hininga ako. "Believe me, hindi ko alam na pupunta sila dito. May seminar kami sa hospital at sila ang representatives niyon."
Sandaling natahimik si Rembrandt. "I think he's here for you."
"No, of course not. Wala nga siyang idea na dito ako nagtatrabaho."
Natawa siya, sarkastiko. "And you belived him?"
Natigilan ako at napaisip. Sinabi ni Maxwell na wala siyang ideya na dito ako nagtatrabaho. Alam kong nasa kaniya ang lahat ng paraan para malaman kung saang lupalop ng Cebu ako naroon. Hindi mahirap para sa kaniyang alamin ang lahat tungkol sa 'kin. Pero pinaniniwalaan ko lahat ng sinasabi niya. Kaya nang sabihin niyang wala siyang ideya ay alam kong iyon ang totoo.
Pero si Randall ay naghinala, si Katley ay sinabi ring hindi 'yon totoo, ngayon naman ay ganito ang sinabi ni Rembrandt. Lahat sila ay dumaragdag sa pag-iisip kong alam ni Maxwell lahat ng nangyayari ngayon.
"I'll take you home," buntong-hininga ni Rembrandt.
Tahimik muli kaming bumiyahe, parehong lunod sa pag-iisip. Binabagabag ako ng konsensya kahit pa wala naman talaga akong ideya na darating si Maxwell. Natatakot akong magkamali ulit ng desisyon.
"I'll pick you up tomorrow morning," aniya nang makarating kami sa bahay, inihatid ako sa gate.
Tumango ako. "Okay."
"Yaz..." pagtawag niya nang akma na akong tatalikod. Nagsalubong ang mga mata namin. "'Wag mo siyang babalikan."
Naipit ang lalamunan ko sa sinabi niya. Hindi ko alam kung saan kukuha ng isasagot. Naghabulang bigla ang kabog sa dibdib ko.
"You can't give him another chance because you already gave it to me," nakikiusap ang tinig niya. "I'm begging you."
Hindi ako nakapagsalita, lalo na nang lumapit siya at yinakap ako. Hinalikan niya ako sa pisngi.
"I love you, Yaz," bulong niya. "Handa na 'ko sa lahat," mariing aniya. "Handang-handa na 'ko."
Nangilid ang luha ko sa bigat ng mga salitang iniwan niya bago ako tuluyang binitiwan at tinalikuran. Gano'n na lang ang tindi ng pagpipigil kong maiyak nang panoorin ko ang paglayo niya.
Tuluyang nanghina ang mga tuhod ko nang hindi ko na siya matanaw. Sandali pa akong napahawak sa gate bago tuluyang pumasok.
"Jesus!" gano'n na lang ang gulat ko nang mapagbuksan si Maxwell. "What are you doing here?" asik ko.
Gano'n na lang katalim ang tingin niya saka sinulyapan ang daang tinahak ni Rembrandt.
"What are you doing here, Maxwell?" may diing asik ko.
Noon lang uli niya sinalubong ang masamang tingin ko. "I came to see you, obviously," aniyang ginaya ang tono ko nang sabihin ko kanina ang huling salitang sinabi niya.
Hindi ko mahulaan kung paano siyang nakarating nang ganoon kabilis dito. Saka ko lang naalalang walang imposible sa kaniya, well, maliban sa magbigay ng oras sa 'kin.
"It's late," salubong ang kilay kong sinabi.
Pero pinukol niya lang ako nang mariing tingin. Parang napakarami niyang gustong sabihin sa ganoong tingin. Hindi ko siya maintindihan.
"What?" asik ko. "What do you want?"
Hindi pa rin siya nakapagsalita. Sa halip ay humugot siya nang malalim na hininga at inis 'yong pinakawalan.
"Magpapahinga na 'ko, umuwi ka na," tinalikuran ko siya.
"Yaz," nahuli niya ang pulsuhan ko.
Awtomatiko ko 'yong binawi. "Ang tagal kitang hinintay!" gano'n na lang ang pagbugso ng damdamin ko.
Awtomatikong lumambot ang mukha niya. "I'm sorry."
"Sorry, huh?" emosyonal kong sinabi saka nag-iwas ng tingin. "Umalis ka na, Maxwell, please."
"Let's talk."
"About what?"
"About us."
"Anong us? Nakipaghiwalay ka sa 'kin!"
"Iniwan mo 'ko!"
"Dahil tinulak mo 'kong iwan ka!" hindi ko na napigilan ang damdamin ko. "Ilang beses ako dapat magmakaawa sa 'yo, Maxwell? Alam kong nagkamali ako at kulang ang pagso-sorry ko para mabago lahat 'yon. Hindi ko hiniling na baguhin ang lahat, ang hiningi ko ay panibagong pagkakataon, Maxwell. Pero hindi mo ibinigay 'yon. Nasaktan kita...nang paulit-ulit," mariin, nagpapaintindi kong sabi. "Pero kinaya mong..."
Magkakasunod na tumulo ang mga luha ko. "Natagalan mong hindi ako tingnan. Natagalan mong hindi ako makita. Nagawa mo 'kong bale-walain, daan-daanan... Natiis mo 'ko ng ilang buwan."
"Yaz..."
"Sapat nang sagot 'yon para kalimutan kita, Maxwell."
Tumiim ang bagang niya. "Nakalimutan mo na 'ko?" tila hindi makapaniwalang tanong niya.
"Anong inaasahan mo?"
"I don't believe you." Kahit gaano katindi niyang pigilan ang sariling maging emosyonal ay hindi niya 'yon malabanan.
"Naghintay ako sa taong hindi ako sigurado kung pupuntahan pa 'ko," mariing sabi ko, pigil ang mga luha. "Kaso parang ang gusto mo ay bumalik pa ako at muling magmakaawa sa 'yo."
"Hindi gano'n 'yon, Yaz."
Umiling ako nang umiling. "Tama, hindi gano'n 'yon. Kasi kahit kailan hindi ako naging priority sa 'yo. Kasi ang inaasahan mo ay maiintindihan kita, parati! May limitasyon ang pang-intindi ko, Maxwell at naibigay ko nang lahat 'yon sa 'yo. Oras lang ang hinihingi ko pero hanggang sa huling pagkakataon, hindi mo 'yon naibigay."
Hindi siya nakasagot. Ang pagsisisi ay naro'n sa mga mata niya nang hindi magawang salubungin ang mga tingin ko.
"I can't do this anymore, Maxwell. Please go home," tinalikuran ko siya.
"Do you like him?" hindi ko inaasahang magsasalita pa siya.
Inis ko siyang nilingon pero nakababa ang kaniyang tingin. "Ano sa tingin mo?"
Sinalubong niya ang tingin ko. "If you'll ask me, I can see that you still love me. So, I'm asking you."
"You're an asshole!" singhal ko saka sinugod at pinagtutulak siya. "Leave!" Tinulak ko muli siya. "Please, leave me alone!" malakas kong sigaw.
"Yaz, ano ba 'yan?" tinig 'yon ni mommy.
Pero sa halip na lingunin siya ay umiiyak kong sinamaan ng tingin si Maxwell. "I don't want to see you again." Iyon lang at pinagsarhan ko na siya ng gate.
Wala akong nakitang sasakyan sa labas kaya hindi ko alam kung paano siyang nakarating dito. Pero dahil siya si Maxwell Laurent del Valle-Moon, hindi ko na siya dapat pang alalahanin.
"Yaz, hija..." habol-habol ako ni mommy nang makapasok.
Inis ko siyang hinarap. "Pinatuloy niyo siya?"hindi ko napigilang magtaas ng tinig. "Mommy naman!"
"Anak, anong gagawin ko? Pagsarhan siya ng pinto matapos pagbuksan?"
"Sana ay sinabi niyong wala pa ako."
"Sinabi ko 'yon, anak, ngunit iginiit niyang hihintayin ka."
Naihilamos ko ang palad sa mukha. "Pinatuloy niyo si Rembrandt at sinabi sa 'king bigyan siya ng pagkakataon. Ngayon naman ay pinatuloy niyo si Maxwell...mommy, ano ba?" nawawalan ng pag-asang sabi ko.
"I'm so sorry, anak. Sadyang nahirapan lang akong tanggihan sila. Hindi ko rin malaman ang gagawin."
Naiinis akong naupo sa couch at umiyak sa mga palad. Tinabihan ako ni mommy at hinagod sa likuran.
"I'm so sorry, anak."
Umiling ako nang umiling. "This is all my fault. It's all my fault! Ako lagi ang sumisira sa relasyon."Humagulgol ako sa pag-iyak.
Maaga na nang nakatulog ako kaya naman nang magising ay gano'n na lang kapangit ang itsura ko. Para akong maiiyak sa kapipilit na pagmukhaing maganda ang sarili sa salamin. Kung ano-anong cream ang ipinahid ko na para bang matatakpan no'n ang bakas ng matinding pagluha.
Sinadya kong magsalamin nang malaki at itim na itim para maitago kay Rembrandt ang namumugto kong mga mata.
"I'll pick you up later," aniya na hinawakan ang labi ko saka ngumiti.
"I'll wait for you," ngiti ko. "Ingat ka."
"I love you," matamis niyang sabi. Ngiti lang ang naisagot ko.
Lalamya-lamya akong naglakad papasok. At gano'n na lang kabilis ang pagtalikod ko nang matanawan sa harap ng elevator sina Randall, Maxwell at Keziah. Dali-dali akong humalo sa maraming tao saka palihim na pinanood na makaalis sila.
Bumuga ako ng hininga saka nagtatakbo papunta sa elevator. Walang tinginan kong pinindot ang button. Gano'n na lang ang gulat ko nang bumukas ang pinto niyon at si Maxwell na ang nasa harap ko.
Umatras siya at pinatuloy ako. "Good morning,"mahinang aniya.
Hindi ko alam kung anong isasagot. Matapos ang sagutan namin kagabi, hindi ko alam kung tama bang batiin namin nang magandang umaga ang isa't isa. Pero dahil ayaw ko namang ipahiya siya sa mga kasama ay tumugon na lang ako.
"Good morning, doc," mahina kong sinabi.
"Pupuntahan kita mamaya."
Nagugulat akong nag-angat ng tingin sa kaniya pero bago pa ako makapagsalita ay nagbaba na siya ng tingin sa 'kin. Siyang hinto rin ng elevator sa floor at pagbukas ng pinto niyon. Iniharang niya ang kamay sa pinto upang huwag muli iyong sumara.
"This is your floor," ani Maxwell.
Wala sa sarili akong humakbang palabas. Gano'n na lang ang inis ko. Pupuntahan niya 'ko mamaya? Tapos ano? Ano na naman? Sinamaan ko ang tingin ang elevator ngunit nakasara na 'yon. Padabog akong naupo sa station.
"Kuyaw, tag-ulan na, 'day, ang shades mo pang-summer pa," ani Katley.
Inis kong inalis ang shades ko nang makita niya ang itsura ko. Gaya ng inaasahan ko ay nanlaki ang mga mata niya nang makita ang mga mata ko.
"Anong nangyari sa 'yo?" nag-aalalang tanong niya.
Pakiramdam ko ay maiiyak na naman ako kapag nagkwento ako. Kaya gano'n na lang ang pag-iling ko. Naintindihan ako ni Katley. Bagaman panay ang lingon niya sa akin ay hinayaan niya akong tahimik na magtrabaho.
Noon ko lang ipinagpasalamat ang toxic na araw. Dahil sa pagiging abala sa trabaho ay doon natuon ang atensyon ko.
Pero muli akong nilamon ng kaba nang bumukas ang elevator at iluwa na naman ang tatlong magkakaibigan. Wala pa man ay naasar na ako sa nakakalokong ngisi ni Randall.
"Lunch time, prettiest babe on eart—" Hindi natapos ni Randall ang sasabihin nang dakmain ni Maxwell ang balikat niya sa akmang paglapit sa 'kin. "Ouch," angil niya sa kaibigan. "Jealous, huh?"nang-aasar niyang inakbayan si Maxwell at tiningnan ito nang deretso sa mata habang nakangisi.
Siniko siya ni Maxwell saka inayos ang nagulong polo. Saka siya tumingin sa 'kin. "Let's eat outside."
"I can't," tanggi ko saka tinalikuran siya upang ibalik ang charts na hawak ko. "Marami kaming pasyente."
Kinuha ko ang BP apparatus at muling lumabas ng station. Pero bago ko pa man siya malampasan ay inihawak niya na ang kamay sa table ng station, hinaharangan ako. Nang akma akong babaling patalikod ay ginawa niya uli 'yon gamit ang isa pang kamay.
"Let's eat downstairs, then," pangungilit niya.
"Busy pa 'ko."
"I'll wait for you."
"Kumain na kayo. Hindi ako sasabay sa inyo."
"Go ahead and eat wherever you want, Randall, I'll stay with her," sinabi ni Maxwell 'yon nang nasa akin ang paningin.
"Bakit ba ang kulit mo?" pilit kong hinihinaan ang boses ko dahil sa mga kasamahan kong nasa amin na ang paningin kanina pa. "Kumain ka kasama ang girlfriend mo."
"Let's go, then."
Sinamaan ko siya ng tingin. "Si Keziah ang tinutukoy ko," mahinang bulong ko.
Nangunot ang noo niya. "She's not my girlfriend,"mas mahinang bulong niya.
"I heard my name," inis na ani Keziah. Nilingon ko siya ngunit tatawa-tawa na siyang hinila palayo ni Randall.
"Hindi mo rin ako girlfriend," asik ko saka akmang tatanggalin ang kamay niya nang mas diinan niya 'yon.
Tinaliman ko siya ng tingin ngunit inilapit niya ang mukha sa 'kin. "Fifteen minutes," mahinang aniya.
Nahugot ko ang hininga. "I'm busy," mariing sabi ko.
"Ten minutes."
"I said, I am busy."
"Five minutes."
"Hindi ka talaga makaintindi? Kahit isang minuto pa ay hindi na kita bibigyan." Itinulak ko siya. "Leave me alone, Maxwell," mahina kong sabi upang tuluyan siyang hindi maipahiya. Lahat ng paningin ng mga naroon ay nasa amin. Hindi nakaligtas ang pagtawa ni Randall sa pandinig ko.
"Yaz," napapikit ako nang muli siyang humabol.
"Matatanggal ako sa trabaho dahil sa ginagawa mo," gigil kong sabi matapos siyang harapin. At least sa gawing 'yon ay hindi na nila kami makikita bagaman maririnig pa rin. "Hindi mo ospital 'to, kaya 'wag mong gawin dito ang lahat ng gusto mo, Maxwell. Tigilan mo na 'ko."
"Two minutes..." pakiusap niya. "O kahit isang minuto lang...kausapin mo 'ko."
"Ano pa bang sasabihin mo?" mahina man ay may diing singhal ko.
"Na mahal kita," emosyonal niyang sinabi, hindi ko inaasahan. Natitigilan akong napatitig sa kaniya. "Na mahal na mahal pa rin kita."
Gano'n kabilis na nalambot ang mga tuhod ko. Hindi ko maipaliwanag ang kirot na gumuhit sa dibdib ko. Hindi ko hinayaang gumapang 'yon paakyat sa mga mata ko.
"Narinig ko na," matigas kong sinabi, ang paningin ay hindi na maituon sa kaniya. "Pwede ka nang umalis."
Iyon lang at tinalikuran ko na siya. Pumasok ako sa pinakamalapit na pintong nahawakan ko. Tuloy ay gusto kong magsisi nang hindi man lang kumatok. Naabutan kong pinapalitan ng catheter ang lalaking pasyente.
To be continued. . .
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top